PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF OLDER PERSONS
Oktubre 1, 2022
BENEPISYO SA MGA SENIOR CITIZEN!
RESPETO SA MGA MATATANDA!
AMYENDAHAN ANG RA 10868 (CENTENARIAN ACT OF 2016)
NA IMBES EDAD 100 AY IBABA SA EDAD 80!
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng International Day of Older Persons o Pandaigdigang Araw ng mga Matatanda tuwing Oktubre 1 bawat taon.
Noong Disyembre 14, 1990, idineklara ng United Nations General Assembly ang Oktubre 1 bilang International Day of Older People na nakatala sa Resolution 45/106. Ang holiday ay ipinagdiwang sa unang pagkakataon noong Oktubre 1, 1991. Layunin ng araw na ito na mapataas ang kamalayan tungkol sa mga isyu na nakakaapekto sa mga matatanda, tulad ng senescence at pang-aabuso sa nakatatanda. Ito rin ay isang araw upang pahalagahan ang mga ambag na ginawa ng mga matatanda sa lipunan. Ang holiday na ito ay katulad ng National Grandparents Day sa United States at Canada pati na rin ang Double Ninth Festival sa China at Respect for the Aged Day sa Japan. Ang pagdiriwang ay isang pokus ng mga tumatandang organisasyon at ng United Nations Programme on Ageing.
Sa ating bansa, pinahalagahan ang mga senior citizen sa pamamagitan ng 20% diskwento sa mga bilihin at serbisyong nakalaan para sa kanila. Gayunpaman, kaiba sa kultura ng ibang bansa, ang mga matatanda sa Pilipinas ay kabilang pa rin sa pamilya, at hindi natin ipinadadala sa mga Home for the Aged. Kadalasan ay sila ang nag-aalaga sa ating mga anak pag tayo'y nasa trabaho, o kung wala mang regular na trabaho ay nagtitinda ng kung anu-ano para lang mabuhay. Patuloy nating iginagalang ang mga matatanda. Kaya hindi nauso sa atin ang konsepto ng kanluran na Home for the Aged, maliban kung wala nang pamilya ang mga matatandang ito, at kailangan silang dalhin sa Home for the Aged upang mapangalagaan.
Kung ano man ang mga serbisyong nakalaan sa mga edad 60 pataas, sana'y maibigay sa mga senior citizens. Kung sakaling malakas pa ang mga senior citizen at nais pa ring magtrabaho para sa kanilang pamilya, sana'y may batas para sa kanila. Dahil tiyak na nais pa rin nilang makatulong sa pamilya kahit sila'y matanda na ngunit malalakas pa. Pababain ang edad ng Centenarian Gift mula edad 100 ay gawing 80 upang mas ma-enjoy pa ng mga matatanda ang bigay ng pamahalaan. Dahil kung edad 100 ay baka hindi na ito ma-enjoy ng matatanda dahil baka uugod-ugod na sila upang i-enjoy ang gantimpala nilang makakamit, kundi ang makikinabang na lang ay ang mga anak at apo ng edad 100. Ayon sa Republic Act No. 10868 o ang “Centenarians Act of 2016,” lahat ng Pilipino na umabot sa edad na isang daang (100) taong gulang, naninirahan man sa Pilipinas o sa ibang bansa, ay dapat parangalan ng Liham ng Papuri mula sa Pangulo ng Pilipinas na binabati ang matatandang edad 100 para sa kanyang mahabang buhay. Bibigyan sila ng Centenarian Gift sa halagang isandaang libong piso (P100,000.00) mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa mungkahing amyenda ng KPML, paagahin sa edad 80 ang makakatanggap ng kaukulang salapi, na kung sa edad 100 ay P100,000, sa edad 80 ay P80,000. Nang sa gayon, hindi pa uugod-ugod ang matatanda ay mas ma-enjoy pa nila ang salaping inilaan para sa mga matatandang nakaabot ng edad 80.
Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/older-persons-day
https://en.wikipedia.org/wiki/International_Day_of_Older_Persons
https://pvao.gov.ph/home/centenarian-gift/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento