Lunes, Hulyo 25, 2011

KPML Organizational Structure - Istruktura ng KPML

KPML Organizational Structure - Istruktura ng KPML

Sabado, Hulyo 16, 2011

Mensahe ni Ka Sonny Melencio ng PLM sa ika-4 Pambansang Kongreso ng KPML

Sa mga kasama sa KPML,

Ipagpaumanhin ang hindi ko pagkakadalo sa inyong ika-4 na Pambansang Kongreso. Ako po'y nasa ibang bansa dahil sa dagliang pangangailangan, subalit kapiling ninyo sa inyong pagtitipon ngayon.

Binabati ko po kayo sa walang-sawa at malugod ninyong paglilingkod sa mga maralita at abang sektor ng ating lipunan sa iba't ibang dako ng kapuluan ng Pilipinas.

Sa ngalan ng Partido Lakas ng Masa, ipinaaabot namin ang lubos na pagsuporta sa inyong mga proyekto para sa maralita, gaya ng pagtatanggol sa walang pakundangang demolisyon ng maralitang komunidad sa tinatawag na "danger zones". Kagaya ninyo, nananawagan kami ng makatao at abot-kayang pabahay malapit sa lugar ng demolisyon o sa syudad at munisipalidad na kinalalagyan nito. Nagkakampanya din kami sa pabahay sa maralita na segun sa kakayahan nilang hulugan o otomatik na moratoryum sa pagbabayad kung walang sapat na trabaho ang naninirahan.

Ang mga nabanggit ay panimulang panawagan lamang sapagkat sa lipunang nais naming ipalit sa bulok na kaayusan ngayon, ang lahat ay dapat magtamasa ng trabahong may nakabubuhay na sweldo, may disenteng tahanan na ang paghuhulog para maging pag-aari ay hindi tataas sa 10 porsyento ng kita o sweldo ng naninirahan, libreng pagpapagamot at medisina, libreng edukasyon sa lahat, at marami pang iba na para sa kapakanan ng masa.

Magtulung-tulong po tayo na itayo ang lipunang ito na matatawag nating sosyalista -- lipunang ang sosyal na yaman na likha ng sosyal na paggawa ay sosyal na paghahatian ng lahat.

Muli, isang pagbati at mabuhay kayong lahat!

Sa tagumpay ng sosyalismo,

Ka Sonny Melencio
Tagapangulo, PLM

Biyernes, Hulyo 15, 2011

Maso at Panitik's solidarity message to KPML's 4th National Congress

MASO AT PANITIK
http://masoatpanitik.blogspot.com, masoatpanitik@gmail.com

Poetry should also contain steel and poets should know how to attack. ~ Vietnamese revolutionary leader Ho Chi Minh

Kami sa sosyalistang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK ay taas-kamaong nagpupugay sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdaraos nila ng kanilang Ika-4 na Pambansang Kongreso nitong Hulyo 16, 2011 sa KKFI Gymnasium sa P. Paredes St., Sampaloc, Maynila.

Ang MASO AT PANITIK ay samahan ng mga makata’t aktibistang alagad ng panitikan na nagsusulong ng kaisipang Marxismo at Leninismo sa pambansang kamalayan na ang adhikain ay ang pagtatayo ng lipunang sosyalismo. Ang tema ng aming mga sulatin ay hinggil sa pakikibaka ng manggagawa’t maralita, pagwasak sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan, at pagpapalaganap ng diwang sosyalismo. Sa panitikan ngayon, laganap pa rin ang kaisipan ng burgesya, elitista, mayayaman, at uring kapitalista. Sa kabilang banda’y laganap din ang nagsusulong ng kaisipang makabayan at pambansang demokrasya. Habang bihira ang nagtatalakay ng pagbuwag mismo sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon at pakikibaka tungo sa lipunang sosyalismo. Naniniwala kami sa MASO AT PANITIK na dapat gamitin ang literatura para isulong ang kaisipang sosyalismo sa uring manggagawa at masa ng sambayanan. Kaya dapat nating payabungin ang sosyalistang literatura sa ating mga kwento, awit, sanaysay, tula’t dula, di lang sa hanay ng masa, kundi sa hanay din ng akademya, media, atbp.

Napakaraming dukha ang may talento sa pagkatha, ngunit di nabibigyan ng pagkakataong ipakita ang kanilang natatanging galing, kaya narito kami sa MASO AT PANITIK upang tumulong at gumabay sa mga may talentong maralita at kabataang manunulat at makata mula sa komunidad, habang isinusulong ang pakikibaka ng maralita, kasabay ng pagpapalaganap ng diwang sosyalismo. Dapat magparami at mag-organisa ng mga magsusulong ng sosyalistang literatura sa bansa, maralita man sila, manggagawa, estudyante, kabataan, aktibista, atbp.

Payo nga ni Ho Chi Minh, dapat marunong ding umatake ang mga makata. Kaya inaatake namin ang bulok na sistema, mga elitista’t burgesyang naghahari-harian na nagpapanatili sa kabulukan ng lipunan. Kasabay ng pagkatha ang gawaing pagmumulat, pag-oorganisa at pagpopropaganda. Isa sa gabay namin ang prinsipyo ng KPML sa Saligang Batas nito, Artikulo 2, Seksyon 4: “Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.” Kaagapay ng KPML ang MASO AT PANITIK sa pagsusulong ng SOSYALISMO!

KPML, SOSYALISTANG SENTRO NG MARALITA!

PABAHAY, TRABAHO, SERBISYO, IPAGLABAN! MABUHAY ANG KPML!

Huwebes, Hulyo 14, 2011

Solidarity Message mula sa MELF

Solidarity Message mula sa Metro East Labor Federation (MELF)

Ang kasapian at ang pamunuan ng Metro East Labor Federation ay nagpapaabot ng isang mainit na pagbati para sa inyong ika-4 na Pambansang Kongreso sa darating na Hulyo 16. Naniniwala po kami sa Metro East Labor Federation na anumang balakid na ating sinusuong para mapagtagumpayan ang anumang laban ay makakamtan sa pamamagitan ng pagsasama-sama at pagtutulungan ng lahat ng uring pinagsasamantalahan ng lipunang mapanupil. Kaisa niyo kami sa lahat ng inyong mga mithiin at laban. Naniniwala at naninindigan ang MELF na ang ating mga pambansang lider ng KPML ay may tunay na puso at may angking talino upang isulong ang mga mithiin nito para sa lahat ng kasapi.

MABUHAY ANG IKA-4 NA PAMBANSANG KONGRESO NG KPML.

Jhun Colocado
MELF President

Martes, Mayo 3, 2011

Ika-6 na Kongreso ng KPML-NCRR, Matagumpay na Idinaos

BALITA MARALITA

IKA-6 NA KONGRESO NG KPML-NCRR, MATAGUMPAY NA INILUNSAD

Sa temang "Pahigpitin ang Pagkakaisa, Ipagtanggol at Kamtin ang Karapatan sa Paninirahan, Trabaho at Serbisyo Tungo sa Sosyalismo", matagumpay na inilunsad ng KPML-NCRR (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal) ang ika-6 na Pangrehiyong Kongreso nito noong ika-30 ng Abril, 2011 sa basketball court ng KKFI (Kapatiran Kaunlaran Foundation, Inc.), 937 P. Paredes St., Sampaloc, Manila.

Nagbigay naman ng sigla sa kongreso ang pagtatanghal ng Fraction Band, ZOTO Band at Zone One Movers, samahan ng mga kabataan ng KPML at ZOTO na nagko-compose ng sarili nilang awitin hinggil sa mga isyu ng child labor, child's rights, gender equality, karapatan, at pagbabago ng sistema ng lipunan. Umuusok naman ang mga talumpati nina Ka Lito Manalili ng KKFI, Ka Leody De Guzman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Ka Pedring Fadrigon ng KPML-Nasyunal, Ka Sonny Melencio ng Partido Lakas ng Masa (PLM), at Ka Ric Reyes ng Freedom from Debt Coalition (FDC) na karamihan ay nakapokus sa iba't ibang isyung kinakaharap ng maralita, Mayo Uno, at sa temang sosyalismo ng kongreso.

Sa Kongreso, tinalakay ang anim-na-taong ulat, paglalatag ng tatlong taong programa, at pag-apruba ng mga resolusyong inihain, tulad ng pagbubuo ng komiteng pangkultura at sining, social protection, gender equality, pagpapalaya sa mga political detainees, child's rights and women empowerment, paglahok ng KPML-NCRR sa Partido Lakas ng Masa (PLM) bilang electoral socialist party, at iba pa. Tinalakay naman ni Ka Roger Borromeo ang Urban Poor Alternative Agenda.

Nagbigay ng sertipiko (gawad ng pagkilala) ang KPML-NCRR sa iba't ibang mga kasapian nitong malaki ang naiambag sa ikasusulong ng bisyon, misyon at hangarin ng samahan tungo sa pagbabago. Ginawaran din ng pagkilala ang mga yumaong lider ng maralita bilang pagpupugay sa kanilang ambag para sa pagsusulong ng isyu at karapatan ng maralita mula sa kabataan, kababaihan at lider ng masa.

Ang mga bagong nahalal sa pamunuan ng KPML-NCRR para sa taong 2011-2014 ay ang mga sumusunod: Pangulo - Allan Dela Cruz; Ikalawang Pangulo (Panloob) - Orly Gallano; Ikalawang Pangulo (Panlabas) - Ka Roger Borromeo; Pangkalahatang Kalihim - Ka Rey Baltazar; Ikalawang Pangkalahatang Kalihim - Anthony Barnedo; Ingat-Yaman - Lydia Medici; Ikalawang Ingat-Yaman - Lilia Nacario; Tagasuri - Celia Asis; at PRO - Gloria Alcoroque.

Matapos ang halalang isinagawa sa pamamagitan ng viva voce, sila'y pinasumpa ni Ka Lito Manalili, propesor ng Unibersidad ng Pilipinas at kasapi ng Board of Directors ng KKFI. Ang tumayong Comelec ay sina Teody Navea ng BMP at Michael Orcullo ng KKFI.

Bukod sa KKFI, BMP, KPML-Nasyunal, PLM, at FDC, nagbigay din ng mensahe ng pakikiisa para sa Kongreso ng KPML-NCRR ang iba't ibang grupo, tulad ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), Philippine Human Rights Information Center (PhilRights), Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), SANLAKAS, Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Pinagkaisang Lakas ng Kabataan Laban sa Kahirapan (PIGLAS-KABATAAN), at Pagkakaisa ng Kabataang Manggagawa para sa Karapatan (PKMK).

Sabado, Abril 30, 2011

PMCJ Solidarity Message sa 6th KPML-NCRR Congress

PHILIPPINE MOVEMENT FOR CLIMATE JUSTICE

April 30, 2011

Ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ay nagbibigay ng isang mapagpalayang pagbati para sa isang matagumpay na kongreso ng KPML!

Una sa lahat, nagbibigay pagpupugay ang mga miyembro ng PMCJ sa KPML para sa masigasig na partisipasyon at pakikibaka sa laban ng mga iba't ibang sektor para sa hustiya lalo na sa krisis sa Klima. Mula sa mga unang araw ng PMCJ, kasama na ang KPML sa pagsagawa ng kampanya at kilos protesta para kamtin ang hustisya sa krisis sa klima. At mula dito taos-pusong nagpupugay ang PMCJ sa ambag na ibinigay ng KPML at mga maralita upang isulong ang ating kilusan at patanyagin ang ating panawagang hustisya sa gitna ng krisis sa klima.

Importanteng mabanggit na ang maralita ay isa sa mga pinaka-bulnerableng sector ng lipunan pagdating sa pagbabago ng klima. Mula sa tag-init, hagupit ng bagyong tulad ng Ondoy at iba pang sakuna, ang maralita parati ang pinaka-unang napipinsala. Higit pa dito, ang gobyerno natin ay itinuturing ang maralita na pangunahing sanhi ng mga baha sa ating ciudad. Isang halimbawa nito ang patakaran ni GMA na paalisin lahat ng maralita sa mga kanal at danger zone pagkatapos ng pinsalang ibinigay ng bagyong Ondoy. Ito ay isang kawalan ng katarungan bulag sa hirap na nadama ng mga napinsalang maralita sa Ondoy.

Mula sa ganitong pagdurusa at kawalan ng hustisya, nakikisama ang PMCJ sa pagtupad ng mga alituntunin sa pag-angat ng kabuhayan, pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan, at pagkakaroon ng pang-ekonomiyang kaunlaran na may pagsasaalang-alang, at pagkapantay-pantay ng kasarian. Dito namin nakikita ang natural nating pagsasama sa pagtutulak ng hustisya sa gitna ng krisis sa klima.

Isang interpretasyon ng hustisya sa gitna ng krisis sa klima ay ang pagkamit ng mga panawagan at pangangailangan ng mga bulnerableng sector tulad ng katutubo, manggagawa, kababaihan, mangingisda, magsasaka at maralita. Ito ang nawawala sa usaping pagbabago sa klima at kailangan natin maipahiwatig na ang hustisya sa gitna ng krisis sa klima ang paraan upang mabigyan lunas sa kalamidad ang ating bayan na angkop sa panawagan at pangangailangan ng mga bulnerableng sector lalong-lalo na ang mga maralita.

Ituloy natin ang laban para sa kaligtasan, kabuhayan at para sa hustisya!

Hustisya! Ngayon Na!


Khevin Yu
Tagapag-ugnay
Philippine Movement for Climate Justice

TFDP Solidarity Message sa 6th KPML-NCRR Congress

MENSAHE NG PAGPUPUGAY MULA SA TFDP
SA IKA-6 na KONGRESO ng KPML NCRR

Nakilala natin ang KPML sa paggigiit para sa proteksiyon at kasiguruhan ng karapatan ng mamamayan lalo na ng maralita para sa sapat, maayos at may dignidad na pamumuhay bilang obligasyon ng pamahalaan. Sa mahabang kasaysayan ng pakikibakang ito, isa ang KPML sa mga nangunang organisasyon ng mamamayan na nagtanggol sa karapatan at dignidad ng mga maralita.

Ang pagtatanggol at paggigiit para sa karapatang mamuhay ng may dignidad na kinabibilangan ng karapatan sa maayos na tirahan, sapat na pagkain, serbisyong pampubliko, pangkalusugan, hanapbuhay at tamang pasahod ay nasa dugo at pawis na ng magigiting na organisador, kasapi at mga lider ng KPML.

Nagpupugay po ang Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) sa patuloy, walang humpay at buong tapang na pagsuong ng KPML sa anumang labang hinaharap at haharapin pa ng mamamayang maralita. Nagpupugay po ang TFDP sa masikhay na pagkilos ng KPML bilang samahan ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao lalo na ng sektor ng maralita.

Lalagi po tayong magkakasama sa adhikaing ito. Sa inyong ika-anim na Kongreso Mabuhay ang mga Tagapagtanggol ng Karapatang Pantao! Mabuhay ang KPML!

TASK FORCE DETAINEES OF THE PHILIPPINES (TFDP)
April 29, 2011

Alternatibong Adyenda ng Maralitang Lungsod

ALTERNATIBONG ADYENDA NG MARALITANG LUNGSOD
Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod
National Capital Region and Rizal (KPML-NCRR)

I. Paunawa

Ang papel na ito ay isang pagsisikap na malinaw at maipaintindi ang usaping bumabalot sa kontrobersyal na pagsilang sa tinaguriang mga iskwater sa sariling bayan.

Ang balangkas ay sinipi mula sa mga pag-aaral at mga masinop na pagsusuri sa umiiral sa sitwasyon ng panahon ng lipunan at uri’t katangian ng pamamahala.

Ang adyenda ay buod ng mga usaping kinahaharap ng maralita sa araw-araw na kailangang pag-usapan at ipaglaban, dala ito ng sala-salabat na mga problemang masaklaw na may aspeto ng sosyal, kultura, ekonomya, at pulitika.

Binubuo ito ng mga panawagan na nagtatalakay sa bisyon at adhikain ng maralita, detalyado sa mga programa at direksyon ng pagkilos, nagsisilbi itong pundasyon ng paninindigan sa samu't saring pakikibaka ng maralita hinalaw mula sa tunay at buhay na mga karanasan, mga pagsusuri at pagsusuma ng mga gawain, pag-oorganisa, mga pag-aaral at pagsasanay at mga kampanyang pagkilos at ang patuloy na pagsubaybay sa iba't ibang panahon ng panguluhan at pamamahala na sumasalamin kung ano at paano naiintindihan ang tunay na kalagayan at pangangailangan ng maralita.

Ang adyenda’y isang paraan para maabot at hinangin ang lakas ng pagkakaisa ng maralita para hawanin ang landas tungo sa pagsusulong ng makabuluhang pagbabago para sa pagkakamit ng isang lipunang walang pagdarahop, kagutuman at kaapihan, bagkus ay maunlad at may dignidad na pamumuhay, hindi “iskwater” sa sariling bayan.

II. Pagsusuri sa mga programa, mga proyekto, mga batas at mga patakaran sa pabahay 1938-2011.

Ang mabilis na paglobo ng bilang ng mga “iskwater” (30.1 M- mula sa 92.680M kabuuang populasyon) ang patuloy na pagdami at paglawak ng dahop (bleight) na mga pamayanan (1, 268) na sumasalamin sa kabiguan ng pamahalaan na lutasin ang tumitinding suliranin ng maralita, ang kabiguan ay tanda ng maling pag-unawa at pag-intindi sa tunay na kalagayan at pangangailangan ng maralita.

Ito’y sa kabila ng mahabang panahong iniukol at pinaglaanan ng limpak-limpak na salaping nawaldas lamang, pagpapairal ng mga batas, mga patakaran kadalasan ay kontra maralita, pagtatayo ng iba't ibang ahensya na mas antagonistiko ang trato sa maralita, at mga kung anu-anong klaseng proyektong pabahay tulad ng Project 1, 2, 3, 4, 6, 7, 8, Bagong Bantay sa Q.C, Bagong Buhay sa Maynila, Bagong Barrio sa Kalookan, mga tenement bldg. sa Vitas Tondo, Punta, Mla at Taguig, Rawis Tondo, GSIS, at mga SSS Village, mga MRB’s- Malaria, Camarin, mga Bless Project, mga relocation at resettlement project, mga row housing, site and services, iba't ibang programa ng NHA tulad ng ZIP, SIR, GLAD, CMP at Pag-Ibig (low cost) pagtatayo ng mga ahensiya - NHC PHC (National Housing Commission-Phil. Housing Cooperative), PHHC (Peoples Homesite and Housing Corporation), NHA (Nat’l Housing Authority), MHS (Ministry of Human Settlement), HUDCC (Housing ang Urban Development Coordinating Council) , HLURB (Housing and Land Use Regulatory Board), HGC (Housing Guarantee Corporation), PCUP (Presidential Commission for the Urban Poor), at ang “sanitasyon sa maralita”, urban poor, informal sector, gayon ang generic nito’y walang iba kundi iskwater sa sariling bayan.

Subalit sa kabila ng paulit-ulit na kabiguan ay hindi nagawang baguhin o ituwid ang mga kamalian bagkus patuloy ang corporate na oryentasyon na negosyong Real Estate, at ang adiksyon sa tubo. Kita ito sa mga polisiyang Cost Recovery, Gross Subsidy, Escalating Scheme ng amortization, and mortgage system (SPAV) pati inflation rate at exchange rate ay kasama sa pagkukwenta sa ROI= Return Of Investment at ang pinakamalupit ay ang klasikong pagtrato sa maralita sa patakarang DEMOLISYON AT RELOKASYON para tugunan ang mga kapritso ng pribadong negosyo tulad ng mga Mega Shopping Complex, high rise condo, mga town houses, mga park at sport complex .

III. Ang tensyonadong kalagayan ng maralita sa programang PPP ni P-Noy (Pahirap, Parusa sa Pilipino)

Mahigit na sa 556.526 na pamilya sa NCR ang nanganganib sa demolisyon at pagpapalayas patungo sa mga mistulang Death Zone na malalayong relokasyon na ni katiting na pag-asa ay wala.

Table 1

PRIORITY Tipo ng Komunidad Blg. Ng naninirahan 10% sa POP Proyekto
1. Danger Zone
Mga ilog creek
Powerline
watermain 102, 406 18.4% Flood control,
Drainage Easement 3 M., pumping station, dredging
2. infra proj. roads, highway easment, sidewalk water main. 15, 081 2.71% C-5 NLEX/ C-4, C-3 R10, Aqua Duct, LRT, MRT
3. Private land 190, 376 34.21% Commercialization, condo, townhouse, park, shopping, complex
4. Govt owned land, DSWD/NHA
UP/DENR/DOH 228.142 40% CBDS, commercialization, multi complex, condo, townhouses,
5. APDS 20.54 3.69% CMPS/ Townhouse

Sa kasalukuyan ang Q, C ang may pinakamalaking bilang ng maralitang pamilya (40% o 222, 744 pamilya), sinundan ito ng Manila-18.8% o 104, 643 pamilya.

Table 2
Hinggil sa Danger Zone (102, 406 pamilya)

Tipo Blg. Ng Pamilya % Proyekto
ilog creek
Estero
Coastal share 62, 590 pamilya 61.12 Demolisyon at relokasyon
Kalsada, Hi-ways, sidewalk, alleys easment 11, 130 pamilya N. D. A. Demolisyon at relokasyon
total 73, 720 pamilya

Note: ang datos ay ang kagyatang plano / clearing o paglilinis karamihan ay sa water ways at kalsada infra, hindi kasama ang mga naninirahan sa Powerline ng Meralco/ NAPOCOR at tubo ng NAWASA.

Table3
Krisis: sa kakulangan sa pabahay sa NCR.

Blg. ng iskwater na pamilya Blg. ng housing
(available) Shortage sa kasalukuyan Target na pabahay
2016 Shortfall kakulangan
556, 526 32, 762 523, 100 332, 000 191, 764

Paunawa: sa kasalukuyan ayon sa mga developer ay lumalaki ng 7% taon-taon ang halaga ng isang yunit (bahay), lupa, konstrakyon / labor ay umaabot sa pinakamurang halaga 330, 000.00.

IV. Ugat ng kahirapan, bakit may maralita?

Patuloy na iniluluwa ang maralitang lunsod ng kawalan ng trabaho, ng barat na sahod, maliit na kita katapat ng pataas na pataas na pesyo ng bilihin at serbisyo.

Araw-araw ay nadaragdagan ang bilang ng mga maralita mula sa mga magsasakang nilisan ang kanayunan sanhi ng kawalan ng sariling lupang sakahan, barat na presyo ng ani, mataas na presyo ng mga abono, pestisidyo, kapos o tuwirang walang mga posibilidad, irigasyon at mga ayuda, parang tsunami ang bilang ng nawalan ng trabaho, araw-araw nagsasara ang mga pabrika at mga bahay kalakal, na nilumpo ng salot na globalisasyon, parami ng parami ang nag-uuwiang mga OFW, mga sigalot at trahedya sa iba't ibang panig ng daigdig epekto ng Climate Change, parami at palawak ang mga dahop na komunidad na tirahan ng mga “iskwater” nagsisiksikan sa mga giray-giray na mga barong-barong na tigib ng hapis at tuyot sa pag-asa, nagugutom, may mga sakit, bawal magpahinga, kalunos-lunos na buhay na nilikha ng umiiral na sistema ng lipunan.

V. Ano ang Problema, Sino ang Problema?

Sa pananaw ng iilan, ang maralita ng lungsod ay problemang panlipunan, mga manggugulo, mga tamad, hindi mapagkakatiwalaan, mga magnanakaw, mga kriminal. Ganito ang turing sa aming mga maralita.

"Itinakda ng kapalaran. Kagustuhan ng Diyos." Ganito madalas ang sinasabi ng iba't ibang sekta, ng simbahan. Sabi nila, "Mapapalad kayong mga maralita dahil malapit kayo sa kaharian ng Diyos." Pampalubag ng loob para tanggapin ng maralita ang kahirapan.

Sa pagsusuri ng maralita at batay sa buhay na karanasan, ang lipunan ang problema. Ang uri ng lipunan at ng mga namumuno rito ang ugat ng problema. Ang mga maralita ang output ng bulok na sistema na umiiral sa ating lipunan sa mahabang panahong pinamumunuan ng elitistang uri.

Sa ilalim ng iskemang pribadong pag-aari kung saan ang lahat ng bagay, produkto, serbisyo at gamit sa produksyon sa produksyon ay kalakal kasama ang mga maralita at manggagawa na tinatratong puhunan at dapat pagtubuan. Sa pamamagitan nito ay patuloy ang walang pagkasaid na akumulasyon ng yaman at kapangyarihan ng iilang elitistang nasa poder ng kapangyarihan.

Ang gobyerno ang kanilang gamit. Mula sa ehekutibo, lehislatura hanggang hudikadura, pulis at militar ang kanilang kagamitan sa sinumang tututol sa kanilang mga batas at patakaran ay hinuhuli at ikinukulong para maalis sa landas. Sa esensya ay hawak at kontrolado nila ang buhay at kung paano nabubuhay ang mga maralita. Ito ang totoong problema - ang gobyerno at ang sistemang bulok. Ito ang lumilikha ng krimen at ng mga kriminal.

VI. Ugat ng Kahirapan, Bakit may Maralitang Lungsod?

Patuloy na iniluwal ang maralitang lungsod sa pamamagitan ng kawalan ng trabaho, ng barat na sahod, maliit na kita at mataas na presyo ng bilihin at kawalan ng batayang serbisyo.
Araw-araw ay nadaragdagan ang bilang ng maralitang lungsod. Mula sa mga magsasakang nilisan ang kanayunan para makipagsapalaran sa kalunsuran. Sanhi ito ng matinding problema ng kawalan ng lupang sakahan, barat na presyo ng ani, tuwirang walang batayang serbisyo at ang matinding militarisasyon. Parang daluyong ng Tsunami ang pagdami ng milyon-milyong nawawalan ng trabaho, pagsasara ng mga pabrika at negosyo na nilulumpo ng delubyong globalisasyon. Patuloy ang pagdami ng nagdarahop na komunidad na siyang tirahan ng mga maralitang lungsod - na ang bulto ay mga magsasaka at manggagawa. Nagsisiksikan sa mga barung-barong na tigib ng hapis at tuyot na pag-asa. Para sa kanila ang mabuhay ng isang araw ay tagumpay na. Bawal ang magkasakit, bawal ang magpahinga. Ang kalagayan ng mga maralitang lungsod ay laban ng mahirap at mayaman, laban ng masama at mabuti.

VII. Ano ang mga batayang problema ng maralitang lungsod?

Tatlo ang pangunahing problema at suliranin ng maralitang lungsod - ang kahirapan, ang kawalan ng katiyakan ng tirahan at batayang serbisyo, at ang kawalan ng demokratikong karapatan ng paglahok.

1. Matinding kahirapan - ito ang pangunahing problema at suliranin ng maralitang lungsod ang kawalan o kakulangan ng trabaho o pagkakakitaan, ang may trabaho ay sobrang barat ang sahod, kung may pinagkakakitaan ay maliit at hindi sapat para maabot ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, konsumo at serbisyo.

2. Pabahay/ Tirahan at kakulangan o tuwirang walang mga batayang serbisyong panlipunan - ang usapin sa pabahay ang pinakalitaw at mainit sa problema ng maralita, tampok dito ang karahasan ng demolisyon at sapilitang relokasyon sa malalayong lugar na kapus sa serbisyo at higit sa lahat tuyot sa kabuhayan.

3. Kawalan ng Demokrakikong Karapatan - ang patuloy na pag-iral ng mga batas at mga patakarang kadalasan ay pahirap at kontra maralita, walang tigil na kampanyang demolisyon para sapilitang itaboy ang mga maralita palabas sa kalunsuran sa malayong relokasyon, bagamat may mga probisyon ng karapatang pantao sa kasalukuyang Saligang Batas, gayon din sa iba't ibang pandaigdigang kasunduan, gaya ng UDHR, mga covenant, civil and political rights (CPR), economic, social and cultural rights (ESCR). Ang karapatan at tungkuling ito ay hindi binibigay at hindi ginagawa bagkus ay pakunwari. Maging sa iba't ibang antas ng hukuman ay kita ang “Double Standard” ng hustisya kung saan ang mga bulwagan ng hukuman ay di naiiba sa palengke ng Divisoria, kung saan ang paborableng desisyon ay nabibili ng highest bidder. Ito ang isang dahilan kung bakit patuloy ang impunity o paglabag sa pantaong karapatan ng maralita, hinuhuli, kinukulong o pinapatay, hindi sinasangguni sa anumang isinasagawang mga proyekto gayong sila ang tunay na nakakaalam ng kanilang kalagayan, pangangailangan at kakayahan.

VIII. Balangkas ng Mithiin at Paninindigan ng Maralitang Lungsod

Mithiin ng maralita ang isang lipunan na walang kahirapan, hindi iskwater sa sariling bayan, sa kalunsuran man o kanayunan, isang lipunang masagana, maunlad at may dignidad ang pamumuhay, nagtatamasa ng maayos at sapat na paninirahan, may tiyak na batayang serbisyo, ligtas na komunidad, may trabaho, sapat na sahod at kita, tuwiran ang pagsangkot sa lahat ng aspeto sa kanilang buhay mula sa pagpaplano, pagpapasya hanggang sa pagsasakatuparan, payak at simpleng mga pangangailangan ng maralita, ang magkaroon ng kapanatagan ng buhay. Ito ay ang katiyakan sa paninirahan, hindi titulo ng lupa ang kahulugan nito, kundi ang katiyakan na hindi sila MAPAPALAYAS sa kanilang tirahan nang sa gayun ay magkaroon ng pagkakataon na mapaunlad ang kanilang kabuhayan ng tuloy-tuloy, walang banta ng panganib ng DEMOLISYON.

Simple ang pangangailangan ng maralitang iskwater, ang magkaroon ng tunay na katiyakan sa paninirahan. Hindi titulo ng lupa ang kahulugan nito kundi katiyakan na hindi na sila mapapalayas sa kanilang tirahan at ng sa gayon ay mabigyan ng pagkakataon na mapaunlad ang kanilang kabuhayan ng tuluy-tuloy na walang banta ng panganib ng demolisyon.

Ang kaunlaran ay hindi lamang ang paggawa ng magandang plano, ang tama at dapat ay pagtitiyak na angkop at wasto na magagawa ang mga ito, dapat itong sukatin, ang kaunlaran para kanino at ano ang pakinabang, hindi monopolyo ng iilan. Dapat itong sukatin sa kaunlarang para kanino at sino ang makikinabang. Ang kaunlaran ay hindi lamang monopoly ng iilan. Hindi dapat na ialay ang maralita sa altar ng progreso at kapritso ng iilan.

Walang ibang higit na maghahangad ng kaunlaran, ng pagbabago sa buhay kundi ang mga kapuspalad na maralita. Ang bawat yugto ng aming buhay ang siyang ugat at puso ng pagkilos at pakikibaka upang magkaroon ng kaunlaran sa buhay, ang makaalis sa kahirapan at sa pagsasamantala, at magkaroon ng tiyak at maayos na tirahan, may makakain, damit at gamot pag nagkasakit, may serbisyong kailangan at malaya, at tuwirang paglahok sa mga paggawa ng batas at patakarang nakakaapekto sa aming buhay.

Bahagi sa aming pakikibaka ang ekolohiya't kalikasan sa layunin ng tunay at ganap na pagbabago ng lipunan, nang di mawalang saysay ang pakikibaka para sa kabuhayan, paninirahan, mga serbisyo, at karapatan. Kung ang ekolohiya at kalikasan ay salanta at wasak na, hindi na ito mapapakinabangan ng tao.

IX. Ang Alternatibong Adyenda ng Maralitang Lungsod Kaugnay sa Kaunlaran

Matiwasay at ganap na pag-unlad ng tao bilang tao. Ito ang tanging hangad at layunin ng maralita ng lungsod, makakamit lamang ito kapag napawi ang batayan ng pagkakaiba ng babae at lalaki, ng bata at matanda, ang pagkakamit sa pantay na karapatan sa lahat ng likas at likha.

Magaganap ito kung pantay ang katayuan ng mamamayan anuman ang kasarian, lahi, kulay ng balat, at paniniwala, at pinahahalagahan ang kalikasan at kilalanin ang karapatan ng tao para sa sapat na serbisyo.

Mangyayari ito saanmang sulok ng bansa at lupalop. Kung angkop, balansyado, koordinado at integrado at higit sa lahat ay makatao at makakalikasan ang pag-unlad, makakamit ito sa isang alternatibong lipunan, kung saan ang bawat tao ay pantay ang karapatan, walang pang-aapi at pagsasamantala, isang lipunang makatao.

Ang salalayan ng lipunang ito ay ang panlipunang paglikha, pangkonsumo, pag-aari ng gamit at pamamahagi ng produkto, pagpapasaya ng mamamayan, pagsanib ng produktibo at reproduktibong karapatan. Maisasabuhay ang tunay na halaga ng pagkatao ng walang pangamba, walang pagmamaliit o pananakit.

X. Hinggil sa Paninirahan, Pabahay at Serbisyo sa Alternatibong Lipunan (Kagyat na Reporma)

Hinggil sa kahirapan
1. Trabaho sa maralita at sapat na sahod.
2. Proteksyon sa mga pinagkakakitaan ng maralita, bilang mga Vendor, Driver at Domestic Helper.
3. Ibaba ang presyo ng mga bilihin, at mga serbisyo, tiyakin ito sa mga komunidad at relokasyon.
4. Subsidyo sa edukasyon para sa mga kabataan.
5. Proyekto ng pangkabuhayan at pondo para sa mga kabataan at kababaihan
6. Subsidyo para sa mga serbisyong pangkalusugan.

Hinggil sa paninirahan
1. Wakasan ang demolisyon
2. Moratorium sa mga bayarin sa iba't ibang mga proyektong pabahay sa maralita.
3. Reoryentasyon sa mga programa, proyekto at mga patakaran hinggil sa pabahay ng maralita.
4. Ipawalang bisa ang mga batas at kontra maralitang patakaran
5. Irebisa ang mga imprastrakturang proyekto na umapekto sa tirahan ng maralita at tiyaking garantisado ang “social cost” di lang project cost
6. Buwagin ang mga corporate at profit oriented na ahensiya sa pabahay.
7. Itayo ang Department of Public Housing para sa pagpapatupad ng public housing, bilang serbisyo sa pabahay.
8. Ipatupad ang onsite at incity na paninirahan para sa maralita at manggagawa.
9. Ipatupad ang urban land reform and housing.
10. I-channel ang 10% ng pambayad utang bilang pondo sa programang pabahay ng maralita.

Hinggil sa demokratikong karapatan ng paglahok
1. Igalang at kilalanin ang karapatan ng maralita sa lahat ng antas ng mga proyekto at programa na tuwirang umaapekto sa kanila.
2. Parusahan ang mga tauhan ng pamahalaan na sangkot sa paglabag sa karapatan ng maralita.
3. Tiyakin ang proteksyon sa mga kababaihan at kabataan.
4. Magkaroon ng mga programa at proyekto para sa pagtataas at pagpapaunlad ng kaisipan at kaalaman ng mga maralita.

XI. Paano Makakamit ang Alternatibong Adyenda ng Maralitang Lungsod

Hindi sa magdamag, hindi sa isang bigwas, daraan ito sa maraming proseso at hakbang, magsisimula ito sa maingat at masinop na pagsusuri sa kalagayan ng maralita. Malalim na pag-ugat sa usapin at mga kontradiksyon. Masinop na pagpaplano ng mga gawain, sa pag-oorganisa, pagmumulat at pagsasanay, sa pakikipagkapitbisig sa ibang sektor at pagpapalakas ng adbokasya sa hanay ng panggitnang pwersa at mahigpit na pagsubaybay sa pagpapatupad ng plano ng gawain.

Rekisitos dito ay ang sumusunod:
1. Pagtatayo ng malalakas na samahang maralita sa iba't ibang pormasyon upang bigkisin ang pagkakaisa at lakas ng kapangyarihang pampulitika.
2. Pagpapanday sa kakayahan at kasanayan ng mga maralita para sa pagpapasulpot ng mga tunay na mga lider maralita.
3. Itaas ang makauring kaisipan at pampulitikang kamalayan ng mga lider maralita
4. Tuloy-tuloy na pagkilos sa lahat ng usaping umaapekto sa maralita.
5. Palakasin, paunlarin ang pampinansya at lohistikang pangangailangan para sa pagsusulong ng iba't ibang gawain sa pag-oorganisa, pagmumulat at pagpapakilos.

Mula sa ganito ay mahihinang ang mahigpit na pagkakaisa at lakas ng maralita tungo sa pagkamit ng mapagpasyang kapangyarihan na lilikha ng pagbabago para sa pagkakamit ng alternatibong lipunan na walang mahirap, walang inaapi at walang pinagsasamantalahan.

Abril 30, 2011
Sa ika-6 na pang-rehiyong kongreso ng KPML

Biyernes, Abril 29, 2011

polyeto para sa Mayo Uno

P-NOY, KONTRA MANGGAGAWA!
TUTA NG KAPITALISTA!

Noong inagurasyon ni P-Noy, sinabi niya "pwede na muling mangarap" sa pamamagitan ng "tuwid na daan" ng kanyang administrasyon. Pero makalipas ang sampung buwan, kabaligtaran ang ginagawa niya.

Deklarasyon ng gera sa manggagawang Pilipino ang order ni P-Noy na legal at management prerogative nga ang spin-off sa PAL. Ang sabwatan nina P-Noy at Lucio Tan ay magtatanggal sa 2,600 na manggagawa sa PAL.

Ang desisyong ito ni P-Noy ay nagbigay ng lisensya sa lahat ng kapitalista na magtanggal ng manggagawa nang walang due process of law. Kahit mabuti kang manggagawa at walang kaso, kapag naisipan ng management na tanggalin ka, pwede na. Iyan ang bisa ng desisyon ni P-Noy. Tahasang nilabag ni P-Noy ang Saligang Batas na naggagarantiya sa karapatan sa seguridad sa trabaho.

Ito ang patunay na hindi tayong manggagawa ang boss ni P-Noy kundi si Lucio Tan at iba pang kapitalista. Ito ang patunay na ang uring kapitalista ang uring kinakatawan ng rehimeng Aquino.

Paso na ang moratorium na ibinigay ni P-Noy sa demolisyon ng bahay ng maralita. Kabi-kabila na ang demolisyon sa pamamagitan ng pagsunog sa mga komunidad ng maralitang manggagawa. Ang mga lupang gubyerno sa Quezon City na tinitirikan ng mga bahay ng maralitang manggagawa na ibinenta kina Lucio Tan, Augusto Ayala Zobel at iba pang mga lupa sa Metro Manila na binili ng mga kapitalista para sa ekspansyon ng kanilang naglalakihang negosyo ay sinusunog para mabilis at matipid na mapaalis ang mga nakatira. Wala silang pakialam kung saan titira ang mga makakaligtas sa sunog. Wala silang pakialam kung saan kukuha ng ikabubuhay ang mga nasunugan.

Ito ang patunay na hindi tayong mga maralita ang boss ni P-Noy kundi ang mga mayayamang gaya nina Henry Sy, Lucio Tan at Augusto Ayala Zobel.

Ang Philippines Development Plan (PDP) na nakabatay sa Public Private Partnership (PPP) ay kopya lamang sa programa ng nagdaang gubyerno na makakapitalista at makadayuhan - liberalisasyon ng kalakalan, deregulasyon ng merkado, pribatisasyon ng ari-ariang publiko at pleksibilisasyon ng paggawa na magpapalala ng kontraktwalisasyon na mag-aalis sa karapatang maregular sa trabaho, makapagtayo ng unyon at CBA at laganap na pagbaba ng sweldo. Wala na rin kontrol sa presyo ng mga batayang pangangailangan sa pamilihan dahil sa deregulasyon ng merkado.

Walang puknat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Maya't maya ang pagtaas ng presyo ng petrolyo. Mula Enero hanggang kasalukuyan, tumaas ang gasolina ng P13.50 per liter, ang krudo P12.50 per liter, at ang LPG ay P15.45 per kilo. Sumabay na rin ang bayarin sa serbisyo tulad ng tubig at kuryente maging ang pamasahe sa bus, taxi, jeep at toll fee at susunod na ang MRT at LRT.

Hinahayaan na lang ni P-Noy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at petrolyo. Nagsisilbi pang tagapagtanggol ng mga dambuhalang kumpanya ng langis ang kanyang hepe sa Dept. of Energy.

Ito ang patunay na hindi tayong mamamayang Pilipino ang boss ni P-Noy kundi ang mga dambuhalang kapitalistang dayuhan.

Noong taong 2010, ayon mismo sa gubyerno, ang isang pamilya na may limang myembro ay nangangailangan ng P983.00 kada araw para lamang mabuhay. Ngayon, tinatayang aabutin na ito ng mahigit P1,000.00 kada araw. Subalit ang kasalukuyang sweldo ay nakapako na sa P404.00 kada araw sa NCR at mas mababa pa sa ibang rehiyon. Malayong-malayo para mabuhay ng disente ang manggagawa. Kumonti ang mabibili ng piso. Ayon din sa gubyerno, noong taong 2000, ang piso ay P1.00. Ngunit ngayong 2011, ang piso ay nagkakahalaga na lamang ng P0.60 sentimos.

Habang kapos ang sweldo ng mga manggagawa at bagsak ang kakayahang bumili nito, lumalangoy naman sa dagat ng tubo (profit) ang mga kapitalistang boss ni P-Noy. Ayon sa Forbes Magazine, ang top 1,000 corporation sa ating bansa ay lumobo ang tubo mula P116.4 bilyon noong 2001 tungo sa P416.7 bilyon noong 2008. Nagkamal ng malaking tubo ang uring kapitalista sa paghuthot nito sa lakas-paggawa ng manggagawang Pilipino.

Ngayong Mayo Uno, nagtatalo-talo pa ang mga boss ni P-Noy kasama ang Malakanyang kung magkano ang ibibigay na mumo o mismis sa nagpapakahirap nating manggagawa para sila magkamal ng super-yaman. Wala sa kanilang usapan kung paano mabibigyan ng sweldong makabubuhay ng pamilya ang manggagawang Pilipino ayon sa nakasulat sa Saligang Batas ng Pilipinas.

Muli, ito ang patunay na ang boss ni P-Noy ay hindi tayo kundi ang mga kapitalistang kauri niya.

Bola lang ang sinabi noon ni P-Noy na "pwede na muling mangarap". Isa itong mumurahing gimik sa halalan. Kahit hindi sabihin ni P-Noy, ang bawat isa sa atin ay may pangarap - disente't regular na trabaho, sapat na sweldo, disenteng tahanan, mapag-aral ang mga anak, may gagastusin sa oras na magkasakit at konting ipon kapag nagretiro na hindi umaasa sa limos ng gubyerno. Simpleng pangarap na imposibleng mangyari sa maka-kapitalistang administrasyon ni P-Noy.

Dahil sa mga patakaran at ginagawa ni P-Noy, ang ating simpleng pangarap ay mauuwi sa bangungot. Sapagkat ang mga akto at patakaran ni P-Noy ay ang tuwid na daan patungong impyerno.

Kamanggagawa at kababayan, iwaksi na ang ilusyong ang gubyernong maka-kapitalista ay kusang magbibigay ng ginhawa sa atin. Namnamin nating mabuti ang katotohanan na ang interes ng manggagawa ay salungat sa interes ng kapitalista. Ang pagbaba ng sweldo ay paglaki ng tubo ng kapitalista. Ang pagbaba ng badyet sa serbisyo sosyal ay paglaki ng pera at tubo para sa kapitalista. Ang pagbibigay ng lupang matitirahan ng maralita ay kabawasan sa ekspansyon ng negosyo at tubo ng kapitalista, ang pagtaas ng presyo at buwis ay pagbawi sa kakarampot na kinita ng manggagawa at paglaki ng tubo ng mga kapitalista. Ang sistemang kapitalismo ay walang puso. Hangad lang nito ang papalaki at papalaking tubo. Hindi para sa kabutihan ng manggagawa at mamamayan. At ang tagapagpatupad nito ay ang pangulo ng bansa.

Hanggang kailan tayo magtitiis sa ganitong papalalang kalagayan?

Tayo mismo anhg makapagbabago sa ating abang kalagayan, wala nang iba. Sa unang Mayo Uno ng rehimeng Aquino, salubungin natin siya ng malaki at pambansang kilos protesta. Kumilos tayo para sa pagbabago, para sa ating pangarap. Hindi natin papayagan ang ganitong kalagayan at hindi tayo dapat mag-ilusyon na kusang ipagkakaloob ang ating nga kahilingan. Kailangan nating kumilos, lumaban, palawakin ang pagkakaisa at paigtingin ang mga pakikibaka.

Halina't sama-sama nating gawing realidad ang ating mga pangarap.

BMP - PLM - PMT - SUPER - MELF - KPML - ZOTO
AMA - MP - MMVA - PK - KALAYAAN - SANLAKAS

Huwebes, Abril 28, 2011

Kapitalista ang Boss ni P-Noy, Di Tayong Maralita

KAPITALISTA ANG BOSS NI P-NOY
DI TAYONG MARALITA

Maraming sinabi si P-Noy sa kanyang inaugural speech. Ayon sa kanya, “Alam nating lahat ang pakiramdam na magkaroon ng pamahalaang bulag at bingi. Alam natin ang pakiramdam na mapagkaitan ng hustisya, na mabalewala ng mga taong pinagkatiwalaan at inatasan nating maging ating tagapagtanggol.” At itinanong pa niya, “Saan ba nakasulat na kailangang puro pagtitiis ang tadhana ng Pilipino?” Magagandang pananalita mula sa isang kapitalista-asenderong uri, na di nakaranas ng demolisyon o ng anumang paghihirap ng dukha.

Nakalimutan na niya ang kanyang pangakong “tirahan sa loob ng mga ligtas na komunidad”. Sinabi pa niyang “Papaigtingin namin ang proseso ng konsultasyon at pag-uulat sa taumbayan” ngunit nasaan na ang mga prosesong ito? Sunud-sunod ang demolisyon, sinunog ang bahay ng mga maralita, at di na pinayagang makabalik ang mga maralita sa lugar kung saan sila nasunugan. Nagkaroon nga ng moratoryum pero tatlong buwan lamang, di sapat para sa maralitang nais mabuhay ng marangal. Para matiyak ang paglawak ng negosyo ng mga hinayupak na kapitalista, sinusunog ang bahay ng mga maralita para mapabilis na mapalayas ang mga maralita sa matipid na paraan. Wala silang pakialam sa buhay at kung saan tutuloy ang mga maralitang nasunugan.

Sabi pa ni P-Noy sa kanyang inaugural speech, “Hindi kami magiging sanhi ng inyong pasakit at perwisyo.” Kung ganuon pala, bakit patuloy ang pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin, tulad ng bigas, isda, karne at gulay? Maya't maya ang pagtaas ng presyo ng petrolyo. Mula Enero hanggang kasalukuyan, tumaas ang gasolina ng P13.50 per liter, ang krudo P12.50 per liter, at ang LPG ay P15.45 per kilo. Nagmahal na rin ang pamasahe sa jeep, bus at taxi, pati na presyo ng kuryente at tubig. Noong ngang 2010, nasa P983.00 na ang living wage bawat araw para mabuhay ang isang pamilyang may limang myembro. Pero ngayon, tinatayang higit na itong P1,000 bawat araw.

Ngunit ang matindi sa kanyang sinabi, “Gagawin nating kaaya-aya sa negosyante ang ating bansa.” Kaya pala nang kanyang sinabing “Kayo ang boss ko, kaya’t hindi maaaring hindi ako makinig sa mga utos ninyo”, sinasabihan pala niya’y sina Lucio Tan, Henry Sy, mga Zobel, Ayala, Lopezes, at iba pang kapitalista. Kaya pala ang kanyang programa ay Public Private Partnership (PPP) na sa tunay na kahulugan ay Pagpapaalipin ng Pilipino sa mga Pusakal na kapitalista.

Walang gulugod si P-Noy. Sa isang balita nga sa GMA News ay ganito ang pamagat, “Aquino admits he can't act on wage hike.” Wala siyang magawa upang mapataas ang sahod ng manggagawa, tiyak ayaw ng mga boss niyang kapitalista. Hindi lang sa sahod, pati sa iba pang isyu’y wala siyang magawa. Wala siyang magawa sa pagtaas ng presyo ng petrolyo, at mga pangunahing bilihin, anong gagawin sa mga dinemolis, nasunugan, laganap na kagutuman, kawalan ng trabaho, salot na kontraktwalisasyon, sa pagpapayaman ng mga heneral, sa balasubas na Ombudsman, at marami pang iba. Wala siyang magawa kundi tumingala sa langit at magbilang ng bituin.

Kaya mga kapwa maralita, wala tayong maaasahan kay Pangulong Aquino. Tulad ng kanyang pagtingala sa langit sa tuwina upang kunsultahin ang mga bituin, wala tayong aasahan sa isang pangulong walang gulugod para sa maralita. Etsapwera tayong maralita sa pangulong maka-kapitalista. Ang kanyang “tayo na sa tuwid na landas” ay tuwid na landas patungong impyerno, ang tuwid na landas ng imperyo ng kapitalismo. Ang dapat sa kanya’y palitan na ng tuluyan!

Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML)
Zone One Tondo Organization (ZOTO)
Piglas-Kabataan (PK)
May 1, 2011

Miyerkules, Abril 20, 2011

PR - Kilos-Protesta sa Balintawak Market

PRESS RELEASE
Abril 19, 2011

Kilos Protesta ng Maralita sa Balintawak Market

PROTESTA LABAN SA PAGTAAS NG PRESYO
NG PANGUNAHING MGA BILIHIN,
ISINAGAWA NG MGA MARALITA

Nagsagawa kaninang umaga (7am-9am) ng kilos-protesta sa Balintawak Market ang mga kasapi ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) upang tuligsain ang pamahalaang Aquino dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng bigas, pagkain, pamasahe, langis, at iba pa, na hindi magawan ng agarang solusyong maibaba ng pamahalaan ang presyo. Sa pamamagitan ng pabitin, isinabit ng mga maralita ang iba't ibang uri ng pangangailangan na pilit inaabot ng maralita ngunit hindi nila maabot dahil sa taas ng presyo nito. May nakamaskara naman ng mukha ng Pangulo na may nakasulat sa ibaba nito, “Kapitalista ang BOSS ko!” Tinapos ng mga maralita ang kanilang kilos-protesta sa pamamagitan ng paghiga sa kalsada bilang tanda ng kanilang pagkadismaya sa pamahalaang Aquino.

Noong Miyerkules, sa pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga reporter sa panayam sa Department of Budget and Management, sinabi niyang inaatasan na niya ang kanyang gabinete na pag-aralan ang pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin upang agarang malutas ang problemang ito. Ayon pa sa pangulo, lahat naman ay napapag-aralan, tulad ng pagtaas ng sahod, pagkontrol sa presyo at pagbawas sa value added tax. Ngunit sa kasamaang palad, inamin din ni P-Noy sa ibang panayam sa telebisyon na wala siyang magagawa sa pagtaas ng sahod dahil bahala ang batas ng merkado dito.

Dito pa lang ay nakita na ng maralita na hindi lang sa sahod, kundi sa marami pang bagay na wala siyang magawa – pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing mga bilihin tulad ng bigas, karne at gulay, ang isyu ng pagsunog sa mga komunidad ng maralitang may banta ng demolisyon, ang mga pabaon ng mga heneral na nagreretiro, ang korupsyon, ang salot na kontraktwaslisasyon, ang kawalan ng trabaho, at marami pang iba. Nais na lang niyang tumingala sa langit at magbilang ng bituin kaysa resolbahin ang kahirapan.

Ayon kay Allan Dela Cruz, pangkalahatang kalihim ng KPML, "Nais ng Pangulong tumungo sa tuwid na daan, ngunit ang tinutungo niya'y tuwid na daan patungong impyerno. Ang nangyayaring krisis ngayon ay dagdag na dagok sa dati nang kinakawawang maralita. Patunay lamang na ang gobyerno ni P-Noy ay hindi para sa taumbayan, kundi para sa kanyang tunay na BOSS – ang mga kapitalista."

Idinagdag naman ni Kokoy Gan, PRO ng KPML, "Kung ang mga maralita nga ang tunay na BOSS ni P-Noy, at hindi BUSABOS, inaatasan ng mga maralita ang pangulo na magbigay ng trabaho para sa lahat ng maralita, maayos na pabahay, ibasura ang oil deregulation law, tanggalin ang salot na iskemang kontraktwalisasyon, libreng edukasyon para sa lahat ng kabataan, pawiin ang child labor, ibaba ang presyo ng pangunahing mga bilihin at itaas ang sahod ng mga manggagawa."

Sa pagtatapos ng pagkilos sa araw na ito, nagkaisa ang mga kasapian ng KPML na sa Mayo Uno, sasama sila sa paglabas sa lansangan ng mga manggagawa bilang pakikiisa sa kanilang kauri sa paggunita nito sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Miyerkules, Abril 6, 2011

10M Lagda laban sa Pagmimina sa Palawan


KPML, NAKIBAHAGI SA 10M SIGNATURE CAMPAIGN LABAN SA PAGMIMINA SA PALAWAN

Nakiisa ang KPML, ZOTO at PK, sa malawakang 10M signature campaign laban sa pagmimina sa Palawan. Inimbitahan sila ng Alyansa Tigil Mina (ATM), isang malaking pederasyon ng mga makakalikasang samahan, upang makibahagi sa panawagan ng ABS-CBN Foundation, Inc. (AFI) para sa anti-mining campaign nito sa Palawan. Ang nagtulak sa kampanyang ito ay ang pagkapaslang sa broadcaster na si Gerry Ortega na kilalang anti-mining campaigner sa Palawan at kaibigan ni Gina Lopez ng AFI.

Ang Palawan ay may 17 key biodiversity sites, na ibig sabihin, bahagi ito ng 70% biodiversity sites sa mundo na mahalaga para manatiling buhay ang ating daigdig. Narito rin sa Palawan ang 2 UNESCO World Heritage Sites (ang Puerto Princesa Subterranean River Natural Park at angTubbataha National Marine Park) at may 8 lugar na idineklarang protected sites. Ayon kay Mayor Hagedorn, ang Palawan ay makitid at manipis na ang lupang pang-ibabaw kaya madali na itong gumuho. Ikalawa, meron ding batas na nagpoprotekta sa Palawan, ito ang Republic Act (RA) No. 7611 o ang "Strategic Environmental Plan (SEP) for Palawan Act".

Idinedeklara ng batas na ito na polisiya ng estado na protektahan, paunlarin at pangalagaan ang likas na yaman ng bansa sa pamamagitan ng pagsuporta sa pagpapatupad ng mga plano, programa at proyektong binalangkas upang mapanatili at mapaganda ang kapaligiran habang itaguyod ang sosyo-ekonomikong layunin. Ipinatutupad nito ang isang graded system ng pagprotekta at pangangasiwa sa pagsulong ng lalawigan ng Palawan. Pangunahin na rito ang mga lupang katutubo, kagubatan, minagan, sakahan, maliliit na pulo, bakawan, bahura (coral reefs), seagrass beds, at karagatan.

Napakalayo ng Palawan sa mga maralita dito sa Metro Manila, ngunit nauugnay pa rin tayo rito, dahil sa Palawan nanggagaling ang halos 50% ng mga pagkaing binibili natin sa palengke. Ang ating partisipasyon upang matigil ang pagmimina at pakikiisa sa signature campaign ay pakikiisa natin upang maghilom ang sugat ng kalikasan dulot ng walang habas na pagmimina sa lugar, pagkat di naman umunlad o naging bahagi ng progreso ang mga katutubong naninirahan sa mga lugar na ito.

Huwebes, Pebrero 24, 2011

Mag-People Power Laban sa Bulok na Sistema

MAG-PEOPLE POWER LABAN
SA BULOK NA SISTEMA!

Lumaganap na ang people power sa iba't ibang bansa. Nakilala na ng masa na kung magsasama-sama lamang silang kikilos ay kaya nilang magpabagsak ng isang pangulo nang mapayapa. Naging halimbawa sa mamamayan ng daigdig ang Edsa 1 Revolution sa Pilipinas (1986) na nagpatalsik kay Marcos. Nasundan ito ng Singing Revolution sa Estonia, Latvia at Lithuania (1988), Velvet Revolution sa Czechoslovakia (1989), Bulldozer Revolution sa Yugoslavia (2000), Edsa 2 Revolution sa Pilipinas (2001), Rose Revolution sa Georgia (2003), Orange Revolution sa Ukraine (2004), Cedar Revolution sa Lebanon (2005), Tulip Revolution sa Kyrgystan (2005), Jasmine Revolution sa Tunisia (2011), at Day of Anger Revolution sa Egypt (2011).

Ngunit may mga pagkatalo rin, tulad ng 8888 Uprising sa Burma (1988), Tiananmen Students Protest sa Tsina (1989), Edsa 3 Urban Poor Revolution sa Pilipinas (2001), at Saffron Revolution sa Burma (2007).

Nagtagumpay ang mga mamamayan na mapatalsik ang kani-kanilang pangulo, ngunit karamihan sa kanila, inagaw pa rin ng naghaharing uri ang pamumuno. Dahil lahat ng ito’y pag-aalsa ng mamamayan, hindi pag-aalsa ng isang uri laban sa katunggaliang uri, hindi pag-aalsa ng uring manggagawa laban sa burgesya. Walang kapangyarihan ang masa. Wala ang uring manggagawang namumuno para sa pagbabago ng sistema. Dahil hindi lang relyebo ng pangulo ang kasagutan.

Sa ngayon, matapos mapatalsik ng mamamayan ng Egypt ang kanilang pangulo, pumutok na rin ang pag-aalsa ng mga mamamayan sa mga bansang Bahrain, Yemen at Libya. Nanalo nga ang mamamayan ng Egypt na mapatalsik ang pangulo nilang si Mubarak, ngunit dahil walang namumunong grupo o partido na gumagabay sa pag-aalsa, napunta sa kamay ng militar ang kapangyarihan, imbes na sa kamay ng mamamayang nagsakripisyo para mabago ang pamahalaan.

Ano ang kulang? Bakit sa Pilipinas na tatlong beses nang nag-Edsa, wala pa ring naramdamang pagbabago, kaya nanlalamig na ang karamihan sa people power? Naganap ang Edsa 1 at 2, napatalsik ang pangulo ngunit napalitan lang ng kauri nilang elitista. Si Marcos ay napalitan ni Cory. Si Erap ay napalitan ni Gloria. Walang lider-manggagawa, walang lider-maralita, walang lider-kababaihan, walang lider-magsasakang napunta sa poder. Wala ang isyu ng masa, wala ang isyu ng kahirapan, wala ang isyu ng trabaho, wala ang isyu ng pabahay, wala ang isyu ng salot na kontraktwalisasyon. Hindi umangat ang pakikibaka ng sambayanan sa tunggalian ng uri sa lipunan.

Dahil hindi sapat na ang layunin lang ng people power ay ang pagpapalit ng pangulo. Dapat itong itaas sa pagbabago ng sistema. Hindi sapat na demokrasya lang ang kasagutan. Dapat ipakita na may tunggalian ng uri sa lipunan, at ang pagpawi sa mga uri ang siyang kasagutan. Dapat ipakitang ang mga manggagawa’y hindi lang tahimik na masang nagtatrabaho, kundi isang malakas at pangunahing pwersa sa pagbabago.

Ano ang dapat gawin? Dalhin natin sa masa ang isyu ng kahirapan bilang pangunahing panawagan sa people power. Ipakita natin sa masa ang tunggalian ng uri. Ikampanya natin sa lahat ng pabrika’t komunidad, sa lahat ng lungsod at kanayunan, sa mga pahayagan, radio at telebisyon, sa internet, ang pagkasalot ng kapitalismo sa buhay ng mamamayan. Pag-aralan natin ang lipunan at iangat ang kamalayan ng masa tungo sa pagwawakas sa kapitalistang sistemang dahilan ng kanilang pagdurusa’t kahirapan.

Paputukin natin ang isyu ng pabahay, tulad ng ginawang pagkubkob ng mga maralitang lungsod sa Libya sa mga pabahay ng kanilang gobyerno nitong Enero 2011. Paputukin natin ang isyu ng kontraktwalisasyon bilang panawagan sa people power na pangungunahan ng uring manggagawa. Paputukin natin ang iba pang makauring isyu na maaaring magpabagsak sa mga elitista sa lipunan.

Panahon na para manawagan ng people power laban sa bulok na sistema, laban sa kapitalismo. Dapat mag-people power ang uring api laban sa uring mapagsamantala’t naghahari-harian sa lipunan!

Uring manggagawa, magkaisa! Ipakita ang inyong mapagpalayang papel para sa pagbabago ng lipunan! Mag-people power laban sa bulok na sistema!

Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) * Partido Lakas ng Masa (PLM) * Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) * Pagkakaisa ng Manggagawa sa Trasportasyon (PMT) * Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura * Makabayan-Pilipinas* Sanlakas * Kalayaan! * Zone One Tondo Organization (ZOTO) * Piglas-Kabataan (PK) * Metro Manila Vendors Alliance (MMVA)

Martes, Pebrero 22, 2011

Bukas na Liham sa Kapwa Maralita sa Agham Rd

ISANG BUKAS NA LIHAM


PARA SA:
Mga kapwa maralita ng Agham Road, Botanical Garden komunidad na apektado ng proyektong QC Central Business District (QC-CBD Project)


Mahal na mga kasamang kapwa maralita,

Una ang aming matapat na pakikipagkaisa, damang-dama namin ang hirap at bigat ng inyong pinagdaraanan ngayon sanhi ng mapaminsalang sunog, sadyang makirot sa dibdib, ang bilis ng mga pangyayari, nabago ang takbo ng buhay. Ang dating maalwan at masiglang buhay ngayon ay hirap, hikahos, parang abnormal, ni’sa hinagap di inaasahan, sa loob ng siyam na oras tinupok ang lahat-lahat ng naipundar at pinuhunan ng hirap at pagod.

Ang bilis ng dating ng mga “fire truck” ng kiyusi, kaso walang lamang tubig at parang sinasadyang bumalagbag sa kalye kung kaya’t ang mga sumunod na fire truck ay malayo sa sentro ng apoy kaya’t siyam (9) na oras bago na “fire out”. Sunod-sunod ang mga naganap na sunog sa mga tirahan ng mga tinaguriang iskwater sa sariling bayan, sa San Roque, North Triangle, sa Sitio Palanas ng Brgy. Vashra, nauna rito’y sa NIA site. Ganito rin ang karanasan sa Damayan Lagi at kamakailan lang sa Brgy. BAHAY TORO, naranasan din ito ng mga taga West Sipac Navotas. Parang naging isang kalakaran (TREND) ang panununog ng mga iskwaters erya, kaysa idemolis minus gastos nga naman, at epektibong pamamaraan ng pagpapalayas sa ating mga “iskwater sa sariling bayan”. May kaibahan ang kaso ng Agham/Botanical Garden, Palanas, San Roque, at NIA site. Ang mga komunidad na ito ay bahagi ng 250 ektaryang lupaing saklaw ng proyektong QC-CBD na iniluwal ng E.O. 680-A na nilagdaan ni GMA noong 2007, at ngayon nga’y pinaghatian ng dalawang (2) “buwitreng” developer - ang pamilyang Ayala at Lucio“fer” Tan, isang intsik at isang kastila, kasabwat ang mga tauhan ng NHA at ang local na pamahalaan ng kiyusi. Daang-daang milyong piso ang komisyong kikitain ng mga magkakasabwat. Kung kaya’t kahit katiting na pagmamalasakit sa atin ay wala.

Nakakangitngit ng kalooban, sa halip na tulungang makabangon sa pagkakalugmok ang mga biktima ng sunog ay mahigpit na pinagbabawalan na mag-ayos ng kahit pansamantalang masisilungan at mahigpit ang bantang kumpiskasyon ng anumang gagamiting materyales at pang-aaresto sa mga lumabag. Parang mga sundalong sakang ang mga tauhan ng DPOS at armadong PNP ng Kiyusi ay paikot-ikot sa lugar nang mga nasunugan.

Hilo, litong-lito pa ang mga tao’y sinasamantala naman ng NHA ang taktikang panawagang “boluntarismo”, nilalakipan ng kampanyang demoralisasyon, at pang-eenganyo. “Maganda ang lugar mauubusan na kayo.” Pwede pang magreserve mukhang big time ang bonus sa mga taga-NHA kaya ganoon na lang kaagresibo at determinado ang mga sukab at kurap, at may pananakot pa ng pwersahan at marahas na demolisyon sa mga nakaligtas sa sunog. Grabeng psywar tactics at dala ng kawalang malay halos nagpapanic ang mga biktima para sa pag-site visit sa tatlong malalayong relocation site at hindi pa handa para panirahan. Sa Gaya-gaya, San Jose Del Monte ay poso ang tubig na hindi pwedeng inumin, 6pm to 6am ang malamlam na ilaw mula sa generator, amoy-amoy ang malaking piggery. Samantalang sa Towerville at San Isidro, Montalban ay walang lababo, pintuan at inidoro. Ang pangunahin pang problema sa mga lugar na relokasyon ay walang anumang kabuhayan o mapagkakakitaan.

Mga kasamang kapwa maralita, wala pa naman dapat ikatakot para magparelocate, walang batayan para magmadali sa paglikas. Dapat kumalma muna tayo kahit saglit para makapag-isip-isip kung relokasyon nga ba ang solusyon sa ating problema. Ano ba ang pamumuhay ng mga pamilyang nasa relokasyon? Masaya at maunlad ba ang kanilang pamumuhay?

Gutom…napakahirap na buhay at grabeng hirap ang dinaranas, sanhi ng pagkakawasak at pagkawalay sa mga pinagkakakitaan, at sa mga serbisyo. Sa tutuo lang marami ang iniiwan ang mga yunit at muling bumabalik sa kalunsuran, ang iba wala ng mabalikan ay sa mga bangketa na lang natutulog, ang iba sa mga kariton, o di kaya’y sa ilalim ng mga tulay o kung saan pa pwedeng muling makapag-iskwat.

Alam nyo ba na kailanman ay hindi solusyon ang demolisyon at sapilitang relokasyon? Grabeng kahirapan ang dulot nito. Sa totoo lang bigo at patuloy na mabibigo ang lahat ng mga programa’t mga proyekto na ginagawa at gagawin pa ng gobyerno. Ang patuloy na pagdami at paglawak ng maraming komunidad maralita, at ang paglobo ng bilang ng pamilyang maralita (28.5 milyon) ang patunay ng kabiguan ng pamahalaan sa paglutas ng suliranin ng maralita sa kabila ng mahabang panahong iginugol at bilyung-bilyong halagang nawaldas lamang. Bunga ito ng maling pag-unawa at pag-intindi sa tunay na kalagayan at pangangailangan ng mga tinaguriang “iskwater sa sariling bayan” pero sa kabila nito’y patuloy pa rin ang mga maling programa, polisiya at mga proyektong relokasyon.

Tulad ng kaso ng taga-Agham/Botanical Garden na mistulang sinasakripisyong tupa o sacrificial lamb na iniaalay sa altar ng progreso ng negosyo ni Ayala at Lucio“fer” Tan…Tama ba ito? Payag ba kayo?

Mga kasama, hindi lang bahay ang ating problema, tatlo (3) ang ating pangunahing suliranin. Una sa lahat ay ang kahirapan ng buhay sanhi ng kawalan ng sapat na kita at trabaho katapat ng mataas na presyo ng mga bilihin at mga serbisyo. Ang ikalawa at pinakadikit sa sikmura ay ang ating kawalan ng katiyakan ng paninirahan, at palagiang banta ng demolisyon at sapilitang relokasyon, kapos o tuwirang walang mga batayang serbisyo, at ang ikatlo ay ang kawalan ng ating demokratikong partisipasyon sa pagpaplano at pagpapasya sa lahat ng mga usapin o proyekto na tuwirang umaapekto sa atin.

Mga kasama, mas tingnan natin ang ating kapakanan sa halip na magboluntaryo at pa-relocate. Kailangan nating magkaisa at manindigan na manatili sa lugar, gawin natin ito. Tayo muna bago sila Ayala at Lucio“fer” Tan. Ipaglaban at kamtin ang karapatan ng maayos at ligtas na paninirahan, mismo sa lugar na ating kinalalagyan dito sa Agham/Botanical.


I-REPEAL ang E.O. 680–A ni GMA!
IBASURA at LABANAN ang SALOT na QC-CBD!

Mula sa: KPML - ZOTO - SANLAKAS - BMP - PLM

Linggo, Pebrero 6, 2011

Press Statement - on Ka Popoy's 10th death anniversary


KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD (KPML)

Press Statement
Pebrero 6, 2011

HUSTISYA KAY KA POPOY!
HUSTISYA SA URING MANGGAGAWA!

Ang isang kapitalista, lalo na yaong nagpahirap sa mga manggagawa, pag namatay ay tulad lamang ng gaan ng isang kilong bulak. Ngunit ang kamatayan ng isang kasamang matagal na nagsilbi sa uri at sa bayan, at itinuturing na bayani tulad ni Ka Popoy Lagman, ay simbigat ng isang bundok. Hanggang ngayon, isang dekada na ang nakararaan nang siya'y paslangin, nagdurugo pa rin ang puso ng maralita at nanggagalaiti sa galit dahil sa pagpaslang ng estado sa isang magiting na lider ng uri, si Ka Popoy Lagman. Namatay man ang kanyang katawan, ngunit ang kanyang adhikain para sa mga susunod na henerasyon ay mananatili. Nawala man siya ngunit naiwan sa mga lider-maralita ang asim ng kanyang pananalita laban sa mga naghaharing uri at tamis ng kanyang pangungumbinsi sa mga dukha't api.

Marami kaming natutunan kay Ka Popoy. Pangunahin dito ang landas ng uri, ang landas na dapat tahakin ng mga inaapi't pinagsasamantalahan ng sistemang ito, ng ganid na lipunang ito. Natutunan namin na dapat pawiin ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon pagkat ito ang ugat ng ating mga pagdurusa't kahirapan. Natutunan namin na may kapalit pa ang sistemang kapitalismong patuloy na yumuyurak sa ating dangal at lumulupig sa ating pagkatao. Natutunan naming dapat ipaglaban ang sosyalismo! Tangan ang gabay ng Marxismo-Leninismo, patuloy kaming magmumulat at makikibaka para sa katarungan, kalayaan at sosyalismo!

Sampung taon na mula nang siya'y paslangin, ngunit ang mga pumaslang sa kanya'y di pa nadadala sa pedestal ng katarungan! Ngayong Pebrero 6 habang ginugunita natin ang ika-10 anibersaryo ng kamatayan ng ating dakilang lider na si Ka Popoy Lagman ay muling nating isumpa na patuloy tayong kikilos para sa pagbabago ng lipunan, at itutuloy natin ang laban ni Ka Popoy, isang magiting na lider, matapang na kasama, at magaling na guro ng uring manggagawa. Walang bibitiw sa laban. Ipapanalo natin ang adhikain ng maralita’t uring manggagawa para sa pagbabago hanggang sa pagtatayo ng sistemang sosyalismo.

Kaya kaming mga maralita sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), kasama ang Zone One Tondo Organization (ZOTO) at Piglas-Kabataan (PK), ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng manggagawang nakikibaka upang palitan ang kapitalista't elitistang sistema. Ipakita natin sa buong sambayanan na sa paggunita natin sa ating dakilang lider, tayo'y kapitbisig na nagkakaisa laban sa bulok na sistema, sama-sama nating papatirin ang tanikala ng kahirapan at pagsasamantala, at handa nating itayo ang isang lipunang sosyalismo!

Ituloy ang laban ni Ka Popoy Lagman! Halina’t kumilos para sa tagumpay ng sosyalismo!

Hustisya kay Ka Popoy! Hustisya sa Uring Manggagawa!

Linggo, Enero 30, 2011

Modyul - Karapatan sa Pabahay

KARAPATAN SA PABAHAY
Inihanda ni Greg Bituin Jr., ng KPML-BMP-Sanlakas

Napakahalaga para sa bawat tao o bawat pamilya na magkaroon ng sapat na paninirahan. Paninirahang hindi siya maiirita, kundi tahanang siya o sila'y masaya. Ngunit sa maralita, lalo na sa mga lugar ng iskwater, maraming demolisyon ang nagaganap; maraming maralita ang nawawalan ng tahanan. Ngunit kasalanan ba ng mga maralita na tumira sila sa barung-barong, gayong dahil sa kahirapan ay yaon lamang ang kanilang kaya?

Marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Ngunit ano ba ang batayan natin para masabi nating sapat na ang pabahay at ito'y ating karapatan? May mga pandaigdigang kasunduan na nagsasabing karapatan natin ang pabahay.

Nahahati sa dalawa ang talakayang ito – ang pandaigdigang pagkilala sa karapatan sa pabahay at ang pambansa.

International Year of Shelter for the Homeless (1987) - pagpapaangat ng pampublikong kamalayan hinggil sa pabahay at mga kaugnay pang problema nito na nararanasan sa iba't ibang panig ng mundo. Sinundan ito ng:

Global Strategy for Shelter to the Year 2000, kung saan, ayon dito:
"Ang karapatan para sa sapat na pabahay ay daigdigang kinikilala ng pamayanan ng mga bansa... Ang lahat ng bansa, ng walang eksempsyon, ay may iba't ibang anyo ng obligasyon sa sektor ng pabahay, na inihahalimbawa nito ay ang paglikha nila ng mga ministry o ahensya sa pabahay, sa paglalaan nila ng pondo sa sektor ng pabahay, at sa kanilang mga polisiya, programa at proyekto... Lahat ng mamamayan ng lahat ng Estado, gaano man sila kahirap, ay may karapatang asahan ang kanilang pamahalaan na may pakialam sa kanilang pangangailangan sa pabahay, at tanggapin ang batayang tungkuling protektahan at paunlarin ang mga kabahayan at pagkkapitbahayan, imbes na pagsira o pagwasak dito."

May 12 batayang pandaigdigang kasunduan na nababanggit ang ating karapatan sa pabahay

1. Universal Declaration of Human Rights (1948) - Artikulo 25.1
- Sinuman ay may karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa kalusugan at kagalingan ng tao at ng kanyang pamilya, kasama ang pagkain, pananamit, tirahan at pangangalagang medikal at kinakailangang serbisyong panlipunan, at ng karapatan sa seguridad kung mangyari ang pagkawala ng trabaho, pagkakasakit, kawalang-kakayahan, pagkabalo, pagtanda o iba pang kakulangan sa kabuhayan sa isang pagkakataong di niya matanganan.

2. Convention Relating to the Status of Refugees (1951) - Artikulo 21
- Hinggil sa pabahay, ang Magkakontratang Partido, hangga't ang mga bagay-bagay ay nareregulahan ng mga batas o regulasyon o nasasaklaw ng kontrol ng awtoridad ng bayan, ay dapat maglaan sa mga nanganganlong (refugee) ng naaayon sa batas na naninirahan sa kanilang teritoryo ng mabuting pagtrato hangga't posible, at sa anumang pangyayaring di naman gaanong paborable kaysa inilalaan sa mga taga-ibang bansa (alien) na nasa kaparehong kalagayan sa pangkalahatan.

3. Declaration of the Rights of the Child (1959) - Prinsipyo 4
- Ang bawat bata ay dapat magtamasa ng benepisyo ng panlipunang seguridad. Dapat bigyan siya ng karapatang lumago at umunlad ang kalusugan; dahil dito'y dapat ilaan sa kanya ang isang espesyal na pangangalaga at mabigyan siya at ang kanyang ina ng proteksyon, tulad ng sapat na pangangalaga bago at pagkatapos ng pagbubuntis. Ang bata ay may karapatan sa sapat na nutrisyon, pabahay, paglalaro at serbisyong medikal.

4. International Labor Organization (ILO) Recommendation No. 115 on Worker's Housing (1961) - Prinsipyo 2
- Dapat na maging layunin ng isang pambansang patakaran sa pabahay na isulong, sa loob ng balangkas ng pangkalahatang patakaran sa pabahay, ang pagtatayo ng pabahay at kaugnay na pasilidad ng komunidad na may pananaw na matiyak na ang sapat at disenteng pabahay at magandang kapaligiran ng pamumuhay ay mailaan sa mga manggagawa at sa kanilang pamilya. Ang antas ng prayoridad ay dapat ilaan sa mga mas nangangailangan.

5. International Convention on the Elimination of All Forms of Racial Discrimination (1965) - Artikulo 5
- Bilang pagtalima sa mga batayang tungkuling nakasaad sa artikulo 2 ng Kapulungang ito, dapat isagawa ng mga Kapartidong Estado na ipagbawal at tanggalin ang diskriminasyon sa kulay ng balat sa lahat ng anyo nito at tiyakin ang karapatan ng sinuman, nang walang pagtatangi sa balat, kulay, o pambansa o etnikong pinagmulan, na may pagkakapantay sa batas, lalo na sa kaligayahang malasap ang mga sumusunod na karapatan:... (e) sa partikular ay karapatan sa Pangkabuhayan, Panlipunan at Pangkalinangan (ESCR):... (iii) Ang karapatan sa pabahay.

6. International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (1966) - Artikulo 11.1
- Kinikilala ng mga Kapartidong Estado sa kasalukuyang Kasunduan ang karapatan ng sinuman para sa sapat na pamantayan ng pamumuhay para sa kanya at sa kanyang pamilya, kasama ang sapat na pagkain, pananamit at tirahan, at sa patuloy na pag-unlad ng kalagayan ng pamumuhay. Magsasagawa ng kaukulang hakbang ang mga Kapartidong Estado upang tiyakin ang pagkilala sa karapatang ito, sa bisa nito'y pagkilala sa kahalagahan ng pandaigdigang kooperasyon batay sa malayang pagsang-ayon.

7. Declaration on Social Progress and Development (1969) - Bahagi II, Artikulo 10, f
- Ang probisyon para sa lahat, partikular sa mga taong mababa ang kinikita at sa mga malalaking pamilya, hinggil sa sapat na pabahay at serbisyo sa komunidad.

8. Vancouver Declaration on Human Settlements (1976) - Seksyon III (8) at Kabanata II (A.3)
- Ang sapat na pabahay at serbisyo ay batayang karapatang pantao na nagpapataw ng tungkulin sa mga gobyerno na tiyakin na makamit ito ng lahat ng mamamayan, umpisa sa direktang tulong sa pinakamahihirap sa pamamagitan ng mga gabay na programa ng pansariling-tulong (self-help) at aksyon ng komunidad. Dapat magpursigi ang mga gobyerno na tanggalin ang lahat ng sasagka sa pagkakamit ng layuning ito. Espesyal na pagpapahalaga ang pagpawi sa pagkakahati sa lipunan at kulay ng balat, kasama ang iba pa, sa pamamagitan ng paglikha ng mas mabuting balansyadong pamayanan, na sama-sama na ang iba't ibang grupo, trabaho, pabahay at kaginhawahan.

- Ang ideyolohiya ng Estado ay sumasalamin sa kanilang patakaran sa pananahanan ng tao (human settlement). Ang mga ito bilang makapangyarihang instrumento ng pagbabago, ay di dapat magamit upang tanggalin ang mga tao sa kanilang tirahan o lupa o manghimasok sa pribilehiyo at magsamantala. Ang mga patakaran sa pananahanan ng tao ay dapat naaayons sa mga deklarasyon ng prinsipyo at sa Pandaigdigang Pahayag ng Karapatang Pantao (UDHR).

9. Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women (1979) - Artikulo 14.2
- Dapat isagawa ng mga Kapartidong Estado ang lahat ng nararapat na batas upang mapawi ang diskriminasyon sa kababaihan sa mga kanayunan upang matiyak, sa batayan ng pagkakapantay ng lalaki at babae, na sila'y lumahok at makinabang sa pag-unlad ng kanayunan, at sa partikular, ay matiyak sa kababaihan ang karapatan:... (h) Ang masiyahan sa sapat na kalagayan ng pamumuhay, lalo na kaugnay ng pabahay, sanitasyon, suplay ng elektrisidad at tubig, transportasyon at komunikasyon.

10. Declaration on the Right to Development (1986) - Artikulo 8.1
- Dapat isagawa ng mga Estado, sa pambansang antas, ang lahat ng kinakailangang panuntunan para maisakatuparan ang karapatan sa pag-unlad at pagtiyak, kasama ang iba pa, ng pagkakapantay ng oportunidad para sa lahat sa kanilang pagkakamit ng batayang rekurso, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, pagkain, pabahay, trabaho at pantay na pamamahagi ng kita. Dapat isagawa ang mga epektibong panuntunan upang matiyak na ang mga kababaihan ay may aktibong papel sa proseso ng kaunlaran. Dapat maisagawa ang mga karampatang repormang pang-ekonomya at panlipunan na may pananaw ng pagpawi sa lahat ng panlipunang inhustisya.

11. Convention on the Rights of the Child (1989) - Artikulo 27.3
- Ang mga Kapartidong Estado, alinsunod sa pambansang kalagayan at sa kanilang kakayanan, ay dapat magsagawa ng kaukulang batas na tutulong sa mga magulang at iba pang responsable sa bata na maisakatuparan ang karapatang ito at kung sakaling kailanganin ay magbigay ng materyal na tulong at suportang programa, lalo na kaugnay sa nutrisyon, pananamit at pabahay.

12. International Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of their Families (1990) - Artikulo 43.1
- Ang mga migranteng manggagawa ay dapat magtamasa ng pagkakapantay sa pagtrato kasama ng mamamayan ng Estadong kanilang pinagtatrabahuhan kaugnay ng:... (d) access sa pabahay, kasama ang iskema ng panlipunang pabahay, at proteksyon laban sa pagsasamantala kaugnay sa renta.

* Sa ilalim ng ICESCR, may APAT NA OBLIGASYON ang bawat gobyerno hinggil sa karapatan para sa sapat na pabahay:
1. To recognize - PAGKILALA - obligasyon ng Estado na kilalanin ang karapatan sa pabahay ng sinuman at tiyaking walang anumang batas o patakarang sasagka sa karapatang ito
2. To respect - PAGGALANG - tungkulin ng Estado na igalang ang karapatan sa sapat na pabahay, kaya dapat nitong iwasan ang pagsasagawa o pananawagan ng sapilitang pagpapaalis o pagtanggal ng mga tao sa kanilang mga tinitirhan
3. To protect - PAGPROTEKTA - tungkulin ng Estado na protektahan ang karapatan sa pabahay ng buong populasyon, kaya dapat nitong tiyakin na anumang posibleng paglabag sa mga karapatang ito na gagawin ng ikatlong partido (third party) tulad ng mga landlord at developer ay maiiwasan
4. To fulfill - PAGGAMPAN - ang obligasyon ng Estado na magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ay positibo at may pakikialam, kaya pumapasok dito ang tungkulin ng Estado hinggil sa isyu ng pampublikong gastusin (public expenditure), regulasyon ng gobyerno sa ekonomya at pamilihan sa lupa (land market), mga probisyon sa pampublikong serbisyo at kaugnay na imprastruktura, paggamit ng lahat ng available resources, at iba pang positibong obligasyong lilitaw para positibong magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ng lahat

ANG PITONG SANGKAP SA SAPAT NA PABAHAY

May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights. Unahin muna natin ang GC4, na tumatalakay sa pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) - isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad;

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure) - madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan (emergency services);

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) - hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit;

4. Bahay na matitirahan (habitable housing) - ang bahay ay may sapat na espasyo. maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit;

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing) - madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa;

6. Lokasyon (location) - ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa;

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing) - ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano.

Ayon naman sa Seksyon 10 ng General Comment No. 7, hinggil sa forced eviction: "Ang mga kababaihan, kabataan, matatanda, lumad, at iba pang indibidwal o grupo ay nagdurusa sa mga gawaing pwersahang ebiksyon. Pangunahing tinatamaan ang kababaihan sa lahat ng grupo at nakakaranas sila ng iba't ibang uri ng diskriminasyon, at sila'y bulnerable sa karahasan at abusong sekswal kung sila'y nawawalan ng tahanan."

Sa Seksyon 15 ng GC7 ay binabanggit ang ilang gabay para matiyak na hindi nasasagkaan ang karapatang pantao sakaling may forced eviction:

1. Oportunidad na magkaroon ng tunay na konsultasyon sa mga apektado;
2. Sapat at makatwirang abiso sa lahat ng mga tao hinggil sa petsa ng ebiksyon;
3. Impormasyon hinggil sa ebiksyon, at kung saan gagamitin ang lupa o bahay na tatanggalin, na dapat na malaman ng mga apektado sa sapat na panahon;
4. Dapat na may opisyal o kinatawan ng gobyerno na naroroon mismo sa panahon ng ebiksyon;
5. Lahat ng mga taong magsasagawa ng ebiksyon ay dapat na sapat ang pagkakakilanlan;
6. Hindi dapat isagawa ang ebiksyon kapag masama ang lagay ng panahon o sa gabi, maliban na lamang kung umaayon ang mga apektado;
7. Pagkakaroon ng mga legal na remedyo;
8. Kung posible, pagbibigay ng tulong legal sa mga taong nangangailangan nito at naghahanap ng tulong mula sa korte.

Dapat na makatao ang mga nagdedemolis o mismong oryentasyon ng gobyerno hinggil sa demolisyon at ebiksyon. Dahil ang mga maralita ay tao din, at hindi hayop na basta na lamang tatanggalan ng tirahan.

Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas [1987]
Artikulo XIII - Reporma sa Lupang Urban at sa Pabahay

SEKSYON 9. Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas at para sa kabutihan ng lahat, sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor, ng patuluyang programa sa reporma sa lupang urban at sa pabahay na magbibigay ng makakayanang disenteng pabahay at mga pangunahing paglilingkod sa mga mamamayang dukha at walang tahanan sa mga sentrong urban at mga panahanang pook. Dapat ding itaguyod nito ang sapat na mga pagkakataon sa hanapbuhay sa mga mamamayang iyon. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng mga may-ari ng maliliit na ari-arian sa implementasyon ng programang iyon.

SEKSYON 10. Hindi dapat paalisin ni gibain ang kanilang mga tirahan ng nagsisipanirahan na mga dukhang urban or rural maliban kung naaayon sa batas at sa paraang makatarungan at makatao. Hindi dapat ilipat ng tirahan ang nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural nang walang sapat na pakikipagsanggunian sa kanila at sa mga pamayanang paglilipatan sa kanila.

Urban Development Housing Act of 1992
(Ang UDHA, Republic Act 7279 at Lina Law ay iisa lang)
Ang Batas na ito na pinagsanib na HB 34310 at SB 234 ay pinal na pinagtibay ng Kapulungan ng mga Kinatawan at ng Senado ngayong ika-3 ng Pebrero, 1992. Ito'y nilagdaan ni dating Pangulong Corazon Aquino noong Marso 24, 1992.

* Mga artikulo sa UDHA na pwedeng magamit sa pagkakamit ng karapatan sa pabahay:

Sec. 2, b - b) Magkakaloob ng makatwirang paggamit at pagpapaunlad ng mga lupaing lunsod upang malikha ang mga sumusunod... (5) (5) Paglalaan ng lupain at pabahay para sa mga kapuspalad at walang tahanang mamamayan.

ARTIKULO IV: Public Domain:
Seksyon 7 : Paggamit, inbentaryo, pagkakamit at pamimigay ng lupa.
Seksyon 9 : Mga prioridad sa pagkakamit ng lupa.

CMP:
Seksyon 10 : Paraan sa pagkakamit ng lupa.
Seksyon 18 : Balanseng pagpapaunlad ng programang pabahay.

Seksyon 15. Patakaran. - Ang pampamayanang pabahay, ayon sa kahulugan sa Seksiyon 3 nito, ay magiging pangunahing pamamaraan sa pagkakaloob ng tirahan sa mga kapuspalad at walang tahanan.

Seksyon 21 : Mga serbisyo.
Seksyon 23 : Pakikilahok ng mga benipisyaryo.
Seksyon 28 : Ebiksyon at Demolisyon.

ANG MARALITA SA PILIPINAS
NCR - 4.2 Milyong Maralita, mula sa QC, Manila, Malabon, Navotas, Caloocan, Valenzuela, Mandaluyong,, Marikina, Pateros, San Juan, Parañaque, Pasig, Pasay, Las Piñas, Muntinlupa
Pambansa – 22 Milyong Maralita sa lalawigan ng Rizal, Cavite, Laguna, Pampanga, Bulacan, Bacolod, Cebu, Iloilo, Davao, atbp.

MGA ISYU
- Marahas na demolisyon
- Kanselasyon ng Rights
- Ebiksyon
- Kakulangan ng panlipunang serbisyo (tubig, kuryente, kalusugan, atbp.)
- RA 9507 - condonation and restructuring
- Kakulangan ng kabuhayan
- Irregular / pabagu-bagong pagkukunan ng kita
- Mababang kita
- Isyu ng kababaihan
- Mataas na halaga ng pangunahing bilihin

PAMBANSANG PANUKAT SA PABAHAY (National Housing Indicators)
- Bilang ng tao sa bawat silid-tulugan
- Kakayahang makakuha agad ng ligtas na tubig (assess to safe water)
- Maayos na sanitasyon
- Ginamit na bubong at dingding na materyales
- Istatus sa tagal ng bahay / pag-aari
- Pagkakaroon ng kuryente
- Pagtambad sa polusyon sa hangin at tubig dala ng industriya
- Porsyento ng pamamahay na meron o walang akses sa sanitary toilet at ligtas na inuming tubig

MGA PILING PANUKAT (Selected Indicators)

A. AFFORDABILITY (Kakayahang Matamo)
- Ang gastusin sa pabahay ay di dapat lumampas sa 20% ng makabubuhay na sahod (living wage) o ng aktwal na kita ng pamilya
- Pagkakaroon ng iskema sa pinansya sa pabahay (home financing scheme) kasama ang subsidy
- Kakayahang makabili at madaling puntahang pasilidad sa pabahay hinggil sa nakalaang gugulin (housing credit facility)
- Pagkakaroon ng iskemang paupa tungo sa pag-angkin (rent-to-own schemes)
- Pagkakaroon ng epektibong mekanismo sa pamamahala ng upa (rent control mechanism)

B. ACCESSIBILITY (Kakayahang Maabot)
- Direktang paglalaan ng gobyerno ng mga yunit ng pabahay nang may partisipasyon ang mga tao sa paglalaan nito
- Mas inuuna ng pamahalaan sa programa sa pabahay ang mga bulnerableng grupo tulad ng mga walang tirahan (homelss), may kapansanan (disabled), at mga nanganganlong mula sa ibang bansa (refugee)
- Sapat na mga nakahandang pabahay o silungan para sa mga internal refugees at mga biktima ng kalamidad
- Patakaran ng pamahalaan sa abot-kayang pabahay at presyo
- Priyoridad sa pabahay na on-site

C. SECURITY OF TENURE (Seguridad sa Paninirahan)
- Kawalan ng marahas na ebiksyon
- Mekanismo sa bayad-pinsala at kumpensasyon para sa lahat ng biktima ng mararahas na demolisyon

D. HABITABILITY (Maayos na Natitirahan)
- Floor area (laki at lawak ng sahig) – 60-72 metro kwadrado
- Sapat na bilang ng bintana para sa pagpasok ng sariwang hangin (bentilasyon)
- Pagtakas sa sunog (fire escape) para sa mga gusaling residensyal
- Kahit papaano’y may 3 silid (isa sa magulang at 2 sa mga bata)
- May palikuran at kusina
- Sapat na kapal ng dingding para sa duplex, hilera ng mga bahay (row houses) at mga gusaling residensyal
- Sapat na layo sa mga kapitbahay (para sa mga single-detach na yunit)
- May sapat na ilaw, ligtas na kuryente
- Itinayo ng malayo sa mga tambakan ng basura (dump sites)
- Malayo sa mga mapanganib na lugar (danger zones)
- Dapat na matibay ang bahay para maprotektahan ang mga nakatira mula sa panganib tulad ng lindol, baha, atbp.

E. AVAILABILITY OF SERVICES, MATERIALS, FACILITIES AND INFRASTRUCTURE (May serbisyo, materyales, pasilidad at imprastruktura)
- Pagkakaroon ng plano sa paggamit ng lupa (land use plan) na inuuna ang kinakailangang pabahay ng maralita
- Pagkakaroon ng abot-kaya at episyenteng sistema sa transportasyon
- May pasilidad ng umaagos na tubig (running water facility) na halagang P50-100 kada buwan o malalim na balon na may maksimum na distansyang 10 metro
- Abot-kaya at madaling makuhang koneksyon sa kuryente sa halagang P50-100 kada buwan
- Madaling makuha at mapuntahang daanan at malawak na eskinita, at mga daanang mula sa bukid tungo sa pamilihan (farm-to-market roads) sa mga kanayunan
- Regular na koleksyon ng basura at pagpapatupad ng programa sa pamamahala ng basura (waste management)
- Epektibo at abot-kayang paraan sa komunikasyon tulad ng linya ng telepono, hand held radios at mga cellphone
- Agaran at episyenteng tugon ng mga yunit emerhensya tulad ng fire trucks, ambulansya, atbp

F. LOCATION PROVIDING ACCESS TO ECONOMIC AND SOCIAL OPPORTUNITIES (Lokasyon na nagkakaloob ng oportunidad na pang-ekonomya at panlipunan)
- Pagkakaroon ng eskwelahan, alternatibong pagkukunan ng ikabubuhay, ospital, at mga lugar ng libangan
- Ang mga proyektong pabahay ay dapat nasa lokasyon ng may minimum na layo ng sakay (minimum commuting distance) na 5 km o malapit na paglalakbay tungo sa pamilihan
- May pinagsanayang programang pangkabuhayan (skills-based livelihood program) kasama ang mga pagsasanay, kagamitan, at pangunang puhunan sa pamamagitan ng pasilidad sa laang gugulin (credit facility)

G. ACCESS TO CLEAN, HEALTHY, SAFE AND SUSTAINABLE ENVIRONMENT (Pagkakaroon ng malinis, malusog, ligtas at sustenableng kapaligiran)
- Ang 20% ng subdibisyon o lugar ng tirahan (residential areas) ay dapat ilaan sa mga liwasan, isports at lugar ng libangan, at ang mga lokal na pamahalaan ay maglaan ng pondo para sa pagtatayo ng mga ito
- Nararapat na plano sa sona (zoning plan) na naghihiwalay sa mga pabrika at mga istrukturang nakakaapekto sa kalusugan mula sa mga lugar ng tirahan, at magtalaga ng lugar para sa mga alagaing hayop
- Pagtalaga ng espasyo para sa pagbabaunan at pagtatapunan ng basura na malayo sa tirahan ng tao
- Malinis at maayos na palikuran sa mga pampublikong lugar
- Pagpapatupad ng plano sa pamamahala ng basura tulad ng pagreresiklo, segregasyon at pagbabaunan ng basura
- Epektibo at komprehensibong pagbibigay ng impormasyon hinggil sa pamamahala ng basura
- Dapat turuan ang mga nasa kanayunan hinggil sa ligtas, maayos at minimal na paggamit ng kemikal sa agrikultura o mas mabuti ay ang organikong pagsasaka (organic farming)
- Maayos na pamamahala ng paghahayupan lalo na sa mga kanayunan

H. PEOPLE’S PARTICIPATION IN MAKING HOUSING POLICIES AND DECISIONS (Paglahok ng mamamayan sa paggawa ng mga polisiya at desisyon sa pabahay)
- Kalinawan ng pamahalaan (government transparency) hinggil sa mga patakaran sa pabahay, mga programa, proyekto at pwedeng kuning rekurso
- Epektibong representasyon sa mga organisasyon mula sa pamayanan (community-based organizations) sa mga lokal na konseho ng pagsulong (local development councils) mula sa barangay hanggang pambansang antas
- Aktibong paglahok ng mamamayan sa pagpaplano ng paggamit ng lupa (land use plan), sona (zoning) at pagsasagawa ng plano ng pag-unlad ng komunidad
- Pagsuporta ng gobyerno sa mga organisasyon sa komunidad
- Palagiang paglulunsad ng konsultasyon sa mga organisasyong bayan (people’s organization), NGOs at mga samahang magkakapitbahay

MGA AHENSYA SA PABAHAY

- Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) - nilikha sa pamamagitan ng EO 82 (Dec. 8, 1986, ito ang direktang ugnay ng pamahalaan sa maralita at tagasubaybay hinggil sa mga polisiya at programa ng gobyerno sa pabahay, dating clearing house sa demolisyon (EO 152), at naipasa ang kapangyarihang ito sa LGU (EO 708)

- Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) – pinakamataas na konseho sa pabahay na gumagawa at nagpapasya sa patakan, at nagbibigay ng pangkalahatang direksyon para sa pagsulong ng disente at abot-kayang pabahay sa mga pamilyang mahihirap

Sa ilalim ng HUDCC ay ang mga sumusunod:
1. National Housing Authority (NHA) – ahensyang namamahala sa programa sa pabahay lalo na sa walang-bahay na pamilya na mababa ang kita na may kakayahang makuha ang kinakailangang serbisyong panlipunan at pang-ekonomiyang oportunidad at mag-ambag sa pagtiyak ng pagtaas ng kalidad ng buhay ng mga benepisyaryo
2. Home Guaranty Corporation (HGC) – naggagarantiya ng pagbabayad sa anuman at lahat ng anyo ng pagsasangla, pautang at iba pang anyo ng credit facilities para sa usapin ng pabahay, matulungan ang mga pribadong debeloper na magsagawa ng sosyalisado at mababang halagang proyektong pangmasang pabahay
3. Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) – kambal na ginagampanan nito ang pagpapahusay at pagpapalakas sa rasyunal na pabahay at serbisyong real estate sa pamamagitan ng tatlong estratehiya: patakaran, pagpaplano at regulasyon, tulad ng isinasaad sa mga Dekretong Pampaunguluhan (PD), Presidential Decrees (PD), Letters of Instruction (LOI), Republic Acts (RA), Executive Orders (EO), Office of the President Memorandum Circulars (OP-MC) at Batas Pambansa (BP)
4. National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) – mayor na institusyon ng pamahalaan hinggil sa sanglaan (mortage) ng pabahay, at pamamahala sa pinanggalingan ng pangmatagalang pondo lalung-lalo na mua sa Social Security System, ang Government Service Insurance System, at ang Home Development Mutual Fund
5. Home Development Mutual Fund (HDMF) – popular na tinatawag na PAG-IBIG, ito ang ahensya sa pabahay na ang tungkulin ay magpondo ng pabahay at paunlarin ang kalidad ng buhay ng mga myembro nito
6. Social Housing and Finance Corporation (SHFC) – isang institusyong pinansyal na tungkuling maglaan ng pabahay sa mga kapuspalad na mamamayan sa pamamagitan ng paglalaan ng abot-kayang pinansya sa pabahay, at makipagtulungan sa mga multisektoral na stakeholders para para sa pagbuo at pagpapatupad ng makabago at sustenableng programa sa panlipunang pabahay

MGA DOKUMENTONG MAGAGAMIT SA LEGAL NA PARAAN:
1. Sinumpaang salaysay
2. TRO – Temporary Restraining Order
3. OCT – Original Certificate of Title
4. TCT – Transfer Certificate of Title
5. Certificate of census
6. Barangay Permit

MGA BATAS NA KARANIWANG GINAGAMIT SA DEMOLISYON:
1. Building Permit (City Ordinance)
2. Court Order
3. E.O. – Executive Order (sa lupang gobyerno na may proyekto)

MGA DAPAT GAWIN NG MARALITA
1. Pagsusuri sa kalagayan
2. Pagkakaisa
3. Pagtutulungan
4. Pag-oorganisa
5. Negosasyon

MGA REMEDYO SA USAPIN NG PAGTATANGGOL SA KARAPATANG PANTAO:

1. LEGAL – Umaasa sa nakasaad lamang sa batas at ang tanging remedyong alam ay nakukuha lamang sa korte.

2. METALEGAL – Di masyadong umaasa sa sinasaad ng batas, pero di rin ipinagbabawal ng batas.
(Hal. Welga, rally, petisyon signing, dialogue, piket at iba pa)

3. EXTRA LEGAL – Labag sa sinasaad ng batas at marahas (Hal. Armadong pakikibaka)

*Dapat kabisado ng maralita ang kanyang mga karapatan sa pabahay upang maipagtanggol niya ang kanyang sarili, pamilya, organisasyon ng maralita, at kanilang komunidad laban sa anumang suliraning dumating, tulad ng ebiksyon at demolisyon. Dapat ding mapag-aralan ng maralita kung anong klase ng sistema ng lipunan ngayon kaya di malubos-lubos ang karapatang pantao, at kung bakit marami ang naghihirap at kakarampot ang yumayaman.