PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR THE ELIMINATION OF VIOLENCE AGAINST WOMEN
Nobyembre 25, 2022
Tema ngayong taon: UNiTE! Activism
to End Violence against Women & Girls!
MAGKAISA! AKTIBISMO UPANG WAKASAN
ANG KARAHASAN SA KABABAIHAN!
STOP VIOLENCE AGAINST WOMEN NOW!
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa International Day for the Elimination of Violence Against Women o Pandaigdigang Araw Upang Mapawi ang Karahasan sa Kababaihan na inaalala tuwing ika-25 ng Nobyembre.
Ayon sa United Nations, ang tema ngayong taon ay: "UNiTE! Activism to End Violence against Women & Girls!" (o MAGKAISA! Aktibismo upang Wakasan ang Karahasan sa Kababaihan at Batang Babae!). May pagkilala sa aktibismo!
Kinikilala sa buong daigdig, lalo na ng United Nations (UN) ang kahalagahan ng aktibismo upang tapusin na ang karahasan! Tama ang sinasabi ng ilang kasama: "Hindi mali ang maging aktibista! Kaya may aktibista ay dahil may mali!" Napakalinaw! Karapatan natin ang magpahayag, magtipon, mag-organisa, magtayo ng unyon at samahang maralita, at marami pang karapatang nakasaad sa Universal Declaration of Human Rights at sa Bill of Rights ng ating Konstitusyong 1987. Sa madaling salita: Activism is NOT a crime! Ito'y ating karapatan!
Ang araw na ito rin ang simula ng sinasabing 16 na araw ng aktibismo, mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.
Ang kababaihan ang kalahati ng mundo! Tayong lahat ng nabubuhay ngayon ay nanggaling sa kanilang sinapupunan, at hindi sa tadyang! Inalagaan tayo ng ating mga ina ng siyam na buwan sa kanilang tiyan. Mabuhay ang mga ina! Mabuhay ang mga kababaihan!
Kaya sa araw na ito ng paggunita sa International Day for the Elimination of Violence Against Women, ating panindigan at isigaw: Wakasan na ang lahat ng uri ng karahasan sa kababaihan! Magkaisa at gamitin ang aktibismo upang wakasan na ang karahasan sa kababaihan!
Mabuhay ang mga kababaihan!