PAHAYAG NG KPML SA IKASIYAM NA ANIBERSARYO NG BAGYONG YOLANDA
Nobyembre 8, 2022
CLIMATE JUSTICE NOW! CLIMATE EMERGENCY, IDEKLARA NA!
SA COP 27, HUWAG NANG PAABUTIN SA 1.5 DEGREE
ANG PAG-IINIT NG MUNDO!
WALANG KINABUKASAN KUNG WALANG HUSTISYA SA KLIMA NGAYON!
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa ikasiyam na anibersaryo ng pananalasa ng bagyong Yolanda na kumitil ng libo-libong katao.
Noong Nobyembre 8, 2013, ang Bagyong Yolanda (kilala rin bilang Typhoon Haiyan) ay nanalasa sa Tacloban at karatig lalawigan at ito na ang pinakanakamamatay na bagyo sa kasaysayan ng bansa. Mahigit anim na libong tao ang nasawi at mahigit 1 milyong tahanan ng mga tao ang nasira, at mahigit 600,000 katao ang nawalan ng tirahan. Nagdulot ito ng storm surge – isang pader ng tubig – na may taas na 25 talampakan sa ilang lugar, kabilang ang bayan ng Tacloban.
Isiniwalat ng naganap na Yolanda ang hindi magandang katangian ng hindi handang gobyerno na pamahalaan at bawasan ang mga pagkawasak na dulot ng pag-iinit ng mundo o global warming. Ibinunyag din nito ang lubos na kabiguan ng pamahalaan at ng mga ahensya nito na lubos na maunawaan ang implikasyon ng mga ganitong kalamidad sa mga tao at kapaligiran.
Ayon sa Philippine Movement for Climate Justice, alalahanin natin ang Nobyembre 8 na dinanas ng ating bansa ang mapangwasak na epekto ng bagyong Yolanda habang ang buong mundo'y nasaksihan ito. Tinangay ng bagyo ang mga tahanan, kabuhayan, at buhay ng ating mga kapatid. Ngunit ang hindi tinangay ng bagyo ay ang kakayahan nating makita sa pamamagitan ng hamon ang pagkakataong tumulong at suportahan ang mga nangangailangan at ang dignidad na tumayo at humingi ng pananagutan sa mga nag-ambag sa ganitong sukat ng pagkawasak.
Nananawagan tayo sa pamahalaan na magdeklara na ng climate emergency lalo na't tumitindi na ang mga epekto ng krisis sa klima.
Sa parating na COP 27 o ang 27th United Nations Climate Change Conference na gaganapin mula 6 Nobyembre hanggang 18 Nobyembre 2022 sa Sharm El Sheikh, Egypt, nananawagan tayo sa lahat ng bansa rito na huwag nang palalain pa ang klima, kundi ay magkaisa na upang hindi abutin ng daigdig ang 1.5 degree celsius na pag-iinit pang lalo ng daigdig, dahil pag nangyari ito, lulubog ang maraming isla, at baka sa 2030 ay magtungo na tayo sa "point of no return." Huwag nating hayaang mangyari ito!
Pinaghalawan:
https://give2asia.org/looking-back-typhoon-yolanda/
https://www.coolgeography.co.uk/gcsen/NH_Typhoon_Haiyan.php
http://www.europe-solidaire.org/spip.php?article30501
https://www.facebook.com/ClimateJusticePH/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento