PAHAYAG NG KPML SA INILUNSAD NA CLIMATE STRIKE
Nobyembre 16, 2022
No more empty talks. We demand reparation for
Climate Debt and Loss and Damage!
No Tomorrow Without Climate Justice Today!
Fossil-Fuel Free Before 2050! Climate Justice Now!
Iyan ang mga nakasulat sa plakard ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) bilang pakikiisa sa inilunsad na Climate Strike ngayong araw, kung saan lumahok ang KPML sa Quezon City Memorial Circle, at iba pang lugar.
Dapat umaksyon na ang mga pamahalaan, lalo na yaong mga mayayamang bansa, upang hindi na lumala pa ang pag-iinit ng ating mundo. Ayon sa siyensya, kung wala umanong agarang pagbabawas sa emisyon sa mga susunod na taon, hindi na maiiwasan pa ang lalong pag-iinit ng daigdig, at sa 2030 ay baka sapitin na ng mundo ang 'point of no return' o hindi na mare-reverse o mapipigilan pa ang paglala ng climate change. Kung walang aksyon ang mga mayayamang bansa na siyang may sala ng krisis pangklimang ito, patuloy na daranas ang mga bulnerableng bansa ng matitinding epekto ng malalakas na bagyo, agarang pagbaha, tagtuyot, pagkawasak ng kalikasan, at iba pa.
Dapat mabago na ang kaugaliang pulos tubo ang nasa isip, magkamal ng malaking salapi sa pagmimina at pagkakalbo ng mga bundok at kagubatan. Idagdag pa ang matitinding pagkabaon sa utang ng mahihirap na bansa, na imbes na pautang na makakatulong sa bansa ay nakakawasak pa ng kapaligiran. Tax the rich, not the poor. Ipatupad ng wealth tax!
Ang nasabing pagkilos ay kasabay rin ng isinasagawang Conference of Parties (COP) 27 o ika-27 United Nations Climate Change Conference or Conference of the Parties of the UNFCCC na ginaganap sa Sharm El Sheikh, Egypt. Kasalukuyan ding nagaganap ang pulong ng mga bansang kasapi ng G20 sa Indonesia.
Ang nasabing Climate Strike, na tinatawag ding Asian Day of Action for Climate and Economic Justice ay inilunsad din sa kapwa natin mahihirap na bansa, tulad ng Indonesia, India, Pakistan, Thailand, Bangladesh at Nepal. Sa ating bansa, ito'y isinagawa rin sa Luzon, Visayas at Mindanao. Sa Luzon ay inilunsad din ang pagkilos sa Calamba, Laguna; Batangas City; Sual, Pangasinan; Candelaria, Zambales; Atimonan, Quezon; Luna, La Union. Sa Visayas ay sa: Cebu City, Mandaue City, Lapu-Lapu City; Talisay City; Naga City; Tacloban City; Bacolod City; Carlota, City; Kabankalan City; Escalante. At sa Mindanao ay sa: misamis Occidental; Ozamis; Tangub; Clarin; Cagayan de Oro; Davao City; Malita, Davao Occidental; Butuan; Koronadal; Zamboanga City.
Nais nating patuloy na umasa na may kahihinatnan ang mga pag-uusap na ito. Dahil pag-asa na lang ang natitira upang patuloy tayong makibaka at kumilos para sa ating kinabukasan at kamtin ang hinahangad na Climate at Economic Justice.
Kaya kami sa KPML ay mahigpit na lumalahok at nakikiisa sa lahat ng mga paraan at pagkilos upang masawata ang pag-iinit pang lalo ng ating daigdig. Nais nating mapigilan na hindi na umabot pa sa 1.5 degree Celsius ang pag-iinit pa ng mundo.
Mabuhay ang lahat ng mga lumahok sa Climate Strike dahil buhay at kinabukasan ng daigdig ang nakasalalay!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento