Linggo, Nobyembre 20, 2022

Pahayag ng KPML sa World Children's Day


PAHAYAG NG KPML SA WORLD CHILDREN'S DAY
Nobyembre 19, 2022

KATARUNGAN SA MGA BATANG BIKTIMA NG STRAY BULLET!
KILALANIN ANG TAGUMPAY NG MGA BATANG ATLETA!

Trahedya at tagumpay! Kalungkutan at pagdiriwang! Paghahanap ng katarungan at mga batang inspirasyon sa palakasan!

Ito ang magkasalungat na larawan ng World Children's Day sa Pilipinas. Sa kabila nito, mahigpit pa ring nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa World Children's Day o Pandaigdigang Araw ng mga Bata!

Trahedya, kalungkutan at paghahanap ng katarungan sapagkat maraming bata na ang natamaan ng ligaw na bala. Una, sa pagdiriwang ng Bagong Taon, at ikalawa, bilang collateral damage sa War on Drugs. 

Dalawang bata ang nabiktima ng ligaw na bala ng Bagong Taon 2014. Si Vhon Alexander Llagas ang tatlong buwang sanggol na namatay habang natutulog nang matamaan ng ligaw na bala nitong Bagong Taon 2014. Si Rhanz Angelo Corpuz, 2, ay natamaan ng stray bullet sa Brgy. 3, Lusong area, San Nicolas, Ilocos Norte.ng Brgy. Lusong, San Nicolas, Ilocos Norte.

Dalawang bata naman ang nabiktima ng ligaw na bala ng Bagong Taon 2013. Si Ranjelo Nimer, 4, residente ng Welfareville Compound, Barangay Addition Hills, Mandaluyong, na nabaril ng sumpak. Nahuli naman ang suspek. At si Stephanie Nicole Ella, 7, ng Caloocan, na tumumba na lang sa ligaw na bala at namatay ng nagpuputukan na sa Bagong Taon. 

Sa mga ligaw na bala sa War on Drugs, na sinasabing collateral damage lang, ayon sa pamahalaan, ang mga namatay ay sina Myca Ulpina, 3, Rodriguez, Rizal, June 29, 2019; Althea Barbon, 4, Negros oriental, Sept 1, 2016; Danica Mae Garcia, 5, Dagupan City, Aug 23, 2016; Francis Mañosca, 5, Pasay City, Dec 11, 2016; San Niño Batucan, 7, Consolacion, Cebu, Dec 3, 2016; at marami pang iba.

Gayunpaman, sa paggunita natin sa World Children's Day ay binabati naman ng KPML ang mga batang atletang sina Bince Rafael Operiano, na Busac, Oas, Albay, na nakakuha ng gintong medalya sa Boys Under 9 category sa Eastern Asia Youth Chess Championship sa Bangkok, Thailand, at si Aleia Aguilar na nasungkit ang ginto medalya sa kids 1-Under 16 kg sa 2022 Abu Dhabi World Jiu-Jitsu Championships sa United Arab Emirates (UAE).

Ang kamatayan ng mga batang biktima ng stray bullet o ligaw na bala ay dapat nating gunitain upang mabigyan ng katarungan, habang binibigyang pugay natin ang mga mahuhusay na batang atleta na sana'y magtagumpay pa sila sa hinaharap sa kanilang napiling sports.

Sa ganito inaalala ng KPML ang World Children's Day!

Walang komento: