Lunes, Nobyembre 14, 2022

Pahayag ng KPML sa International Street Vendors Day

PAHAYAG NG KPML SA UNANG DEKADA NG INTERNATIONAL STREET VENDORS DAY
Nobyembre 14, 2022

PAGPUPUGAY SA LAHAT NG NAGLALAKO SA LANSANGAN!
ANG MGA VENDOR AY NABUBUHAY NG MARANGAL!
KABUHAYAN AT KARAPATAN NG MGA VENDOR, IPAGLABAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng International Street Vendors Day o Pandaigdigang Araw ng mga Naglalako sa Lansangan.

Ang mga vendor ay namumuhay ng marangal. Gayunpaman, dahil sa minsan ay walang mapwestuhan dahil sa taas ng upa sa palengke, at kulang pa ang kanilang kita kaysa kapital, napipilitan silang ilako ang kanilang paninda at pumwesto sa mga mataong lugar, tulad ng bangketa. Sariling diskarte upang mapakain ang pamilya. Nakakatulong din sila sa ekonomya ng bansa. May pandaigdigang pagkilala sa kanila sa ibang bansa.

Sa ating bansa, hindi pa naisasabatas ang International Street Vendors Day tuwing Nobyembre 14. Subalit sa ibang bansa ay idineklara at inaalala na nila ang araw na ito. Ayon sa pananaliksik, ang International Street Vendor' Day ay sinimulan noong 2012 ng StreetNet International na sumusuporta sa pag-oorganisa sa mga street vendor sa buong mundo upang tugunan ang kanilang mga karaniwang pangangailangan. Napakahalaga nito dahil malaking porsyento ng mga naglalako sa kalye at palengke ay patuloy na nahaharap sa panliligalig at karahasan sa kanilang mga lugar ng pagtatrabaho araw-araw.

Kung ating matatandaan, dalawang dekada na ang nakararaan, nang manalasa ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pamumuno noon ni Bayani Fernando, kung saan ang mga vendor ay hinahabol ng MMDA upang sunugin ang kanilang mga paninda. Dahil dito, noong Agosto 30, 2002 ay naorganisa ang grupo ng mga vendor na tinawag na Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan bilang manininda at bilang tao. Nagdiwang sila ng kanilang ikalawang dekada ng pag-iral ngayong 2022.

Noong panahong iyon, nakapaglabas pa nga ng privilege speech ang dalawang kongresista noong panahong iyon - ang "Fuel for the Fire: Kerosene for a Filipino Holocaust" na talumpati ni Rep. Augusto "Boboy" Syjuco ng 2nd District, Iloilo, noong Agosto 21, 2002, at ang talumpati ni Sanlakas partylist representative JV Bautista, na pinamagatang "Maliliit na Manininda ng Kamaynilaan: Dapat bang Kamuhian o Dapat Tulungan?" noong Oktubre 8, 2003.

Pawang mahahalagang talumpati at dokumento na pagpapatunay na ang mga vendor ay tao rin na hindi dapat kamuhian, kundi bahagi sila ng ating lipunan at may mga karapatang dapat ding igalang.

Sa ngayon, makikita nating maraming maralita ang nabubuhay sa paglalako ng paninda sa kalsada. May mga nakasakay sa bisikletang may sidecar, o kaya'y kariton kung saan naroon ang kanilang mga paninda. Nariyang buhat ng magtataho ang dalawang lalagyan ng taho upang ilibot sa mga komunidad. May mga karitong tulak ng baka. May mga nagtitinda ng sorbetes. Pawang mga naglalako ng paninda nila upang mabuhay ng marangal. Pagpupugay sa kanila ang araw na ito.

Mabuhay ang lahat ng mga street vendor! Mabuhay ang lahat ng mga naglalako sa kalsada! Mabuhay ang Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) at iba pang samahan ng mga vendor sa iba't ibang panig ng bansa.

Ngayong International Street Vendors Day, atin silang pagpugayan, dahil nabubuhay sila ng marangal at binubuhay nila ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng sakripisyo, pag-iipon, at pagsisikap.

Mga pinaghalawan:
https://cambodia.oxfam.org/latest/press-release/press-release-9th-international-street-vendors-day-celebration
https://metromanilavendorsalliance.blogspot.com/
https://turnstiletours.com/happy-international-street-vendors-day/

Walang komento: