Sabado, Nobyembre 19, 2022

Pahayag ng KPML sa International Men's Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL MEN'S DAY
Nobyembre 19, 2022

KARAPATAN NG KALALAKIHAN, 
AT PAGKAKAPANTAY NG KASARIAN, 
KILALANIN, IGALANG AT ITAGUYOD!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng International Men's Day o Pandaigdigang Araw ng Kalalakihan!

Madalas na isinasalin natin ang man o men bilang tao, at hindi bilang lalaki. Tulad ng sinulat ni Thomas Jefferson noong 1776 na "all men are created equal" na bahagi ng pangungusap sa U.S. Declaration of Independence, na isinasalin natin ng "lahat ng tao'y nilikhang pantay" at hindi "lahat ng lalaki'y nilikhang pantay. Kahit ang Declaration of the Rights of the Man and of the Citizen of 1789, na mula sa Pranses, ay isinasalin natin ng "Deklarasyon ng Mga Karapatan ng Tao at ng Mamamayan ng 1789", at HINDI "Deklarasyon ng Mga Karapatan ng Kalalakihan at ng Mamamayan ng 1789". 

Pag naghanap tayo sa internet ng Rights of Man o Rights of Men, laging ito'y nakapatungkol sa Karapatan ng Tao, hindi pa Karapatan lang ng Kalalakihan! Subalit dahil may International Women's Day, isinalin natin ang International Men's Day ng Pandaigdigang Araw ng Kalalakihan, hindi Pandaigdigang Araw ng Tao!

Kaya ano ang International Men's Day? 

Ayon sa pananaliksik, ang International Men's Day ay isang pandaigdigang araw taun-taon tuwing ika-19 ng Nobyembre upang kilalanin at ipagdiwang ang mga tagumpay sa kultura, pulitika, at sosyoekonomiko ng mga kalalakihan. Araw ito  upang ipagdiwang ang kanilang mga tagumpay at kontribusyon sa bansa, unyon, lipunan, komunidad, pamilya, kasal, at pangangalaga sa bata. Higit sa lahat ay upang itaguyod ang pangunahing kamalayan sa mga isyu ng kalalakihan.

Ngayong taon, ang tema para sa International Men's Day ay 'Helping Men and Boys'. Ito ay isang magandang pagkakataon upang kilalanin ang kanilang mga sakripisyo at pahalagahan ang kanilang mga kontribusyon sa ating lipunan. Ilan sa pangunahing layunin ang International Men’s Day. Ito'y ang mga sumusunod:

• Upang ipagdiwang ang mga kontribusyon ng kalalakihan sa mga pamilya, lipunan, komunidad, at kapaligiran
• Upang lumikha ng kamalayan tungkol sa kalusugan ng kalalakihan (pisikal at mental) at kagalingan
• Upang pagtuunang pansin ang diskriminasyon laban sa mga kalalakihan sa panlipunang mga saloobin, inaasahan, at batas
• Upang mapahusay ang pagkakapantay-pantay ng kasarian
• Upang bumuo ng isang ligtas na mundo kung saan ang mga tao ay maaaring makaramdam ng ligtas at makamit ang kanilang tunay na potensyal

Kaya kami sa KPML ay mahigpit na nakikiisa, hindi lang sa kalalakihan, kundi sa lahat ng tao sa pagkilala, paggalang, pagdiriwang at pagtataguyod ng International Men's Day!

Pinaghalawan:
https://www.cnbctv18.com/world/international-mens-day-wishes-messages-and-quotes-to-honour-all-the-males-in-your-life-15204531.htm
https://economictimes.indiatimes.com/news/international/us/international-mens-day-2022-aim-objectives-and-all-you-need-to-know/articleshow/95624943.cms
https://en.wikipedia.org/wiki/International_Men%27s_Day

Walang komento: