PAHAYAG NG KPML PARA SA MGA KUMUKUHA NG BAR EXAMINATIONS 2022
Nobyembre 10, 2022
SA MGA PAPASA SA BAR, UNAHIN ANG HUSTISYA!
PANGIBABAWIN ANG KARAPATANG PANTAO NG LAHAT!
IPAGTANGGOL ANG MGA API'T NAPAGSASAMANTALAHAN!
PAGLINGKURAN ANG MASA, HINDI ANG KAPITALISTA!
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mga kukuha ng pagsusulit sa abugasya ngayong 2022.
Ayon sa mga ulat, ang 2022 Bar Examinations ay magaganap sa Nobyembre 9, 13, 16, at 20, kaya maraming lugar ang hindi madadaanan dahil tiyak na magkakatrapik.
Gayunpaman, inaasahan namin na lahat ng makapapasa sa 2022 Bar Examinations ay magiging tapat sa kanilang napiling propsesyon at unahin ang kapakanan ng mahihirap kaysa taginting ng salapi ng mayayaman.
Maraming hinggil sa batas ang naging memorable sa atin, tulad ng sinabi noon ni Mayor Alfredo Lim ng Maynila: "The Law Applies to All, Otherwise None at All." [Ang Batas ay Nalalapat sa Lahat, Kung hindi'y Wala na Lahat - malayang salin ng KPML]
Napakarami nang naganap na hindi pa nakakamit ng mga biktima ang katarungan. Tulad na lang ng maraming napaslang nang walang due process dahil sa tokhang. Pati na mga batang namatay sa tokhang ay wala pang nakakamit na katarungan, tulad nina Myca Ulpina, 3; Althea Berbon, 4; Danica Mae Garcia, 5; at Stephanie Nicole Ella, 7, na namatay sa ligaw na bala noong Bagong Taon 2013. Nawa'y kamtin pa nila ang hustisya! Kung nagnanais tayo ng kapayapaan, tulad ng marami, ang kapayapaan ay dapat hindi kagaya ng katahimikan ng sementeryo, kundi kapayapaang may hustisyang panlipunan.
Nawa'y makapasa kayong lahat sa bar, mabuhay kayo! Congrats! Nadagdag na kayo sa napakarami nang abogado sa bansa. Subalit ang tanging pakiusap namin sa inyo, mas paglingkuran ninyo ang maliliit, ang mga api at napagsasamantalahan, kaysa mga malalaking kumpanyang bundat na ang mga tiyan.
Unahin ang katarungan at karapatang pantao, kaysa pagkita ng salapi. Ipagtanggol ang mga api't napagsasamantalahan! Kampihan ang masa, hindi ang mga kapitalista! Paglingkuran ang bayan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento