Lunes, Nobyembre 7, 2022

Pahayag ng KPML

PAHAYAG NG KPML
Nobyembre 7, 2022

Ang KPML ay isang pambansang kompederasyon ng mga maralitang lungsod na ang layunin ay mabigyang solusyon ang problema sa katiyakan sa paninirahan. Sa katunayan, isa ang KPML sa nagtulak upang maitayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), hanggang nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino ang Executive Order 82 na lumikha nito noong Disyembre 8, 1986, upang magkaroon ng balanseng pamantayan sa pagkakaroon ng sariling lupa ang mga maralita, at/o proseso ng demolisyon, nang ang unang pangulo pa ng KPML ay Eduardo "Tatay Eddie" Guazon.

Isa sa mga nagtayo at ngayon ay matagal nang kasapi ng KPML ang Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO) na isang pederasyon ng mga maralita na nagsimula sa National Capital Region (NCR), lumawak, hanggang sa magkaroon ng mga tsapter sa lalawigan ng Bulacan, Pampanga, at Cavite. Nitong mga nakaraang buwan ay may sumulpot na balita na ang ZOTO ay sumuko na raw sa pamahalaan bilang mga kasapi diumano ng CPP-NPA. Kung may sumuko mang ZOTO, hindi ito ang kasaping SM-ZOTO ng aming samahan. Dahil ang KPML at SM-ZOTO ay hindi mga front na organisasyon ng CPP-NPA.

Ang SM-ZOTO ay itinayo ng mga maralita sa gitna ng kawalan ng maayos na paninirahan para sa mga maralita, noong 1970. Gayundin ang KPML, na naitayo noong 1986. Dahil sa kanilang sama-samang pagkilos para sa karapatan sa paninirahan at pangarap na pagbabago tungo sa lipunang makatao, may ginhawa at kaunlaran, ay itinatag nila ang mga nasabing samahan. Kaya hindi CPP-NPA ang nasa likod ng pagtatayo ng mga ito.

Karapatan ng mamamayan na magtayo ng samahan. Ginagawa ng KPML ang mga natutuhan sa karapatang pantao, na ginagarantiyahan ng mga isinasaad sa Universal Declaration of Human Rights, International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR) na nakatutok sa limang isyu ng Housing, Food, Health, Jobs at Education, at sa Bill of Rights ng Konstitusyong 1987, na nagsasabing karapatan natin ang mag-organisa, magbuo ng mga samahan para sa kagalingan ng mamamayan, malayang magtipon upang ipahayag ang mga hinaing at saloobin ng mamamayan, sama-samang pagkilos upang makamit ang inaasam na layunin at asam na hustista, at marami pang karapatan.

Sumasama ang KPML sa mga rali o kilos-protesta, dahil karapatan ng mamamayan ang kumilos at magprotesta, at hindi maging tuod sa nararanasang kahirapan. Lalo na sa maraming isyu tulad ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, tulad ng pamasahe, tubig, kuryente, at gas, na nagpapahrap sa hirap nang maralita, pagyurak sa karapatang pantao at dignidad, kawalan ng hustisyang panlipunan, na maraming isyu ang dapat pang ipaglaban upang agarang umaksyon ang pamahalaan.

Muli, ipinapahayag namin na ang KPML at SM-ZOTO ay hindi front ng anumang armadong rebeldeng grupo, tulad ng CPP-NPA, kundi kumikilos kami para sa aming karapatan sa paninirahan.

Walang komento: