PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL STUDENTS' DAY
Nobyembre 17, 2022
KARAHASAN SA MGA ESTUDYANTE, TIGILAN!
HUSTISYA'T KARAPATAN SA MGA PAARALAN, IPAGLABAN!
PAGPUPUGAY SA MGA ESTUDYANTENG NAKIKIBAKA!
ALALAHANIN ANG MGA ESTUDYANTENG NAGBUWIS
NG BUHAY NOONG PANAHON NG BATAS-MILITAR!
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mga estudyante at samahang gumugunita sa International Students' Day o Pandaigdigang Araw ng mga Mag-aaral!
Trahedya ang kasaysayan ng araw na ito. Ayon sa pananaliksik, ginugunita sa petsang ito ang anibersaryo ng pagkubkob ng mga Nazi noong 1939 ng Unibersidad ng Prague pagkatapos ng mga demonstrasyon laban sa pananakop ng Aleman sa Czechoslovakia at ang mga pagpatay kina Jan Opletal at manggagawang si Václav Sedláček. Kinulong ng mga Nazi ang mga estudyante, pinatay ang siyam na lider-estudyante at ipinadala ang mahigit 1,200 estudyante sa mga kampong piitan, pangunahin ang Sachsenhausen. Pagkatapos ay isinara nila ang lahat ng mga unibersidad at kolehiyo sa Czech. Sa panahong ito ay wala na ang Czechoslovakia, dahil nahahati na ito sa Protektorat ng Bohemia at Moravia at ang Republika ng Slovak sa ilalim ng isang pasistang papet na pamahalaan. Ang International Students’ Day ay pinangunahan ng International Students’ Council noong 1941 upang gunitain ang pagbitay sa siyam na estudyanteng Czechoslovakian na lumaban sa pananakop ng Nazi.
Sa ating bansa, idineklara ni Pangulong Rodrigo R. Duterte noong 2019 ang Nobyembre 17 ng bawat taon bilang National Students’ Day (Republic Act 11369) upang kilalanin ang kontribusyon ng aktibismo ng estudyante sa demokrasya ng Pilipinas. Ayon sa nasabing batas, “the state recognizes the value of inculcating love of country and social responsibility among the youth and supports the observance of International Students’ Day.”
Gayundin naman, maraming estudyante rin sa ating bansa ang nagsakripisyo, namatay at nawala. Nariyan ang istorya nina Liliosa Hilao, Archimedes Trajano, Jessica Sales, Albert Enriquez, at marami pang iba, na nabiktima noong panahon ng batas militar. Karamihan ng kanilang kwento'y nakaukit sa Bantayog ng mga Bayani. Katarungan sa lahat ng estudyanteng nagbuwis ng buhay, tahimik man ang buhay nila noon o so;a'y nagsilahok sa pakikibaka para sa hustisyang panlipunan!
Sa mga estudyante sa kasalukuyan, gunitain natin ang International Students' Day upang alalahanin ang iba pang estudyante sa ibang parte ng mundo, palakasin natin ang determinasyon na protektahan ang mga karapatan ng ating mga estudyante at suportahan sila, at ang National Students' Day sa ating bansa.
Mga pinaghalawan:
https://en.wikipedia.org/wiki/International_Students%27_Day
https://nationaltoday.com/international-students-day/
https://www.pna.gov.ph/articles/1077731
https://depeddasma.edu.ph/dm-no-314-s-2022-2022-national-students-day-virtual-celebration/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento