PAHAYAG NG KPML SA TAGUMPAY NG DALAWANG BATANG PINOY SA PANDAIGDIGANG LARANGAN NG CHESS AT JIU-JITSU
Nobyembre 15, 2022
TAOSPUSONG PAGBATI KINA
BINCE RAFAEL OPERIANO, 9, CHESS GOLD MEDALIST SA THAILAND
AT ALEIA AGUILAR, 5, YOUNGEST WORLD YOUTH JIU-JITSU CHAMPION
Maalab na pagbati ang ipinaabot ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) kina Bince Rafael Operiano, siyam na taong gulang, na nanalo ng gold medal sa Eastern Youth Asia Chess Championship sa Thailand, at Aleia Aguilar, limang taong gulang, na nagwagi sa 2022 Abu Dhabi World Youth Jiu-jitsu Championship.
Hindi na hinintay ng KPML na batiin sila sa Nobyembre 20 - World Children's Day, dahil ngayon pa lang ay ikinagagalak natin ang kanilang tagumpay sa kanilang sport na napili, at naging kinatawan ng Pilipinas sa ibang bansa.
Nakuha ni Bince Rafael Operiano, na Busac, Oas, Albay, ang gintong medalya sa Boys Under 9 category sa Eastern Asia Youth Chess Championship sa Bangkok, Thailand. Siya ang naging kinatawan ng bansa matapos niyang manalo sa National Youth and Schools Chess Championships Grand Finals Boys Under 9 Category, noong Setyembre 16 hanggang 23 na ginanap sa Dapitan City Cultural Sports Complex, Zamboanga Del Norte. Si Operiano ay tinaguriang susunod na Eugene Torre, ang Asia's First Grandmaster ng Pilipinas. Ayon sa National Chess Federation of the Philippines (NCFP), pagkakalooban si Operiano ng status bilang National Master (NM) pagsapit niya ng 10 taong gulang.
Nasungkit ni Aleia Aguilar ang ginto medalya sa kids 1-Under 16 kg sa 2022 Abu Dhabi World Jiu-Jitsu Championships nang matalo niya si Gabriela Vercosa ng Brazil sa huling laban noong weekend sa Jiu-jitsu Arena, Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE). Si Aleia ang bunsong anak nina Alvin Aguilar, na itinuturing na haligi sa mixed martial arts community sa bansa, at dating jiu-jitsu champion na si Maybelline Masuda.
Pinatutunayan ng kanilang pagkapanalo na kung may buong suporta ang kanilang magulang at sport officials ng bansa at dahil sa kanilang pagsisikap at determinasyong manalo sa kanilang sports ay nakamtan nila ang inaasam na kampyonato.
Kaya kami sa KPML ay nananawagan sa ating pamahalaan na bigyan ng buong suporta ang ating mga kabataan, lalo na sa larangan ng palakasan, paligsahan, at patalasan ng isipan upang sa maagang edad pa lamang ay kamtin nila ang tagumpay. Lalo na ang mga batang maralita na nangangarap ring makasali sa mga ganitong larangan.
Mabuhay kayo, Aleia at Bince! Taospusong pagbati!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento