Biyernes, Nobyembre 11, 2022

KPML joins launching of Buhat Mo, Buhat Ko at CHR







KPML joins launching of Buhat Mo, Buhat Ko at CHR

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paglulunsad ng Buhat Mo, Bukat Ko campaign ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) nitong Nobyembre 11, 2022 sa Liwasang Diokno sa Commission on Human Rights (CHR). Naganap ang programa sa ganap na alauna hanggang ikalima ng hapon.

Isa itong magandang pagkakataon upang magbayanihan tayo para sa karapatang pantao.

Kilala ang bayanihan sa ating kasaysayan sa sama-samang nagbubuhat noon ng ating mga kababayan ng bahay upang ilipat sa isang lugar. Subalit bihira na ngayon dahil sa mga kongkreto nang bahay at mabibigat na materyales na ang ginagamit. Gayunman, napakahalaga ng diwang ito ng bayanihan na hanggang ngayon ay nagagawa pa rin natin. 

Sa panahon ngayon, makikita natin ang bayanihan sa loob ng dyip at fx-taxi. Ang hindi magkakakilalang pasahero ay nag-aabutan ng bayad at sukli mula sa pasahero tungo sa tsuper at tsuper mula sa pasahero. May katapatan sa bayad-sukli dahil ibinabalik sa kapwa pasahero ang sukli ng hindi iyon ninanakaw o kinukuha ng iba. Bayanihan sa loob ng sasakyan.

Maraming nagsalita roon at tumugtog. Isa na sa mga naging tagapagsalita si Patreng Non ng kilalang Maginhawa community pantry na nagbigay ng inspirasyon sa marami.

Tumugtog din doon ang 4Gs, Kulay, Zone One, Musicians for Peace, Soulful Band at iba pa.

Napakaganda ng konsepto ng Buhat Mo, Buhat Ko. Nawa'y makasali pa rito ang mas marami pang organisasyon at indibidwal. Mabuhay kayo, mga kapatid at kasama!

Walang komento: