Linggo, Disyembre 27, 2020

Pahayag ng KPML sa International Day of Epidemic Preparedness

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF EPIDEMIC PREPAREDNESS
Disyembre 27, 2020

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nakikiisa sa mamamayan ng buog daigdig sa pagdiriwang ng kauna-unahang International Day of Epidemic Preparedness (Pandaigdigang Araw ng Paghahanda sa Epidemya) ngayong Disyembre 27, 2020. Sadyang napapanahon ang ganitong mga araw lalo na’t nasa panahon tayo ng pandemya o yaong pananalasa ng coronavirus na mas kilala sa COVID-19. Halina’t ating itaguyod ang kahalagahan ng kalusugan ng bawat mamamayan, maging sila man ay mahihirap at kalunos-lunos ang kalagayan, laban sa mga epidemya.

Kasabay nito, magsanay na tayo sa pang-araw-araw na aksyon na pag-iwas upang makatulong na maiwasan ang pagkalat ng virus: Maghinaw ng kamay nang madalas sa sabon at tubig nang hindi bababa sa 20 segundo. Kung hindi magagamit ang sabon at tubig, gumamit ng sanitizer ng kamay na nakabatay sa alkohol. Iwasan ang hawakan ang iyong mga mata, ilong, at bibig. Iwasan ang malapit na pakikipag-ugnay sa mga taong maysakit. Laging magsuot ng face mask at face shield.

Mahalagang palakasin ang pag-iwas sa epidemya sa pamamagitan ng paglalapat ng mga natutunan natin sa panahong ito ng COVID-19, kung paano maiiwasan ang pagtigil ng mga pangunahing serbisyo, at itaas ang antas ng kahandaan upang magkaroon ng pinakamaaga at sapat na tugon sa anumang epidemyang maaaring lumitaw.

Tingin din namin sa KPML na kinakailangan na ng isang bagong sistema, di lang sa usaping kalusugan, kundi sa lipunan sa pangkalahatan, na magtataguyod ng kapakanan ng tao para sa kapwa tao, at sistemang hindi na kailangan ang pagsasamantala ng tao sa tao.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, pahina 7.

Lunes, Disyembre 21, 2020

Pahayag ng KPML sa pagpaslang ng isang pulis sa mag-inang Gregorio

PAHAYAG NG KPML SA PAGPASLANG NG ISANG PULIS SA MAG-INANG GREGORIO
Disyembre 21, 2020

HUSTISYA SA MAG-INANG SONYA AT FRANK GREGORIO!
HUSTISYA SA MGA PINASLANG NG PULIS NA TARANTADO!

Mahigpit na kino-kondena ng buong Kongreso ng Pagka-kaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang pagpatay sa sibilyan at walang armas na mag-inang Sonya, 52, at Frank Gregorio, 25, nii Police   Senior   Master  

Sargeant Jonel Nuezca sa Purok 2, Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac noong Disyembre 20, 2020.

Isang video mula sa mobile phone ang nag-viral na nagpakita kay Nuezca sa harap mismo ng kanyang anak na babae ang pagbaril niya sa pamilya Gregorio.

Ayon sa panayam ng DZBB kay Police Lieutenant Colonel Noriel Rombaoa, "Pumunta doon para i-confront sila then naungkat na ang usapin sa right of way, hanggang napunta sa insidente na iyon. Parang na-trigger ang galit ng suspek nang magkasagutan iyong anak niya at ang biktimang matanda". Ang usapin ng right of way ay isa sa mga isyu ng KPML, lalo na sa usapin ng pakikibaka para sa karapatan sa pabahay. 

Kaya sa  pagpaslang sa mag-inang Gregorio, dapat tugunan din ng pamahalaan ang katiyakan sa right of way para sa mga naninirahan doon upang maging ganap na maayos at napapakinabangan ng masa.

Dalawa lamang ang mag-inang Gregorio sa libo-libong buhay na nawala dahil sa tokhang, dahil sa tindig at patakaran ng rehimeng Duterte mula nang ito’y umupo sa pwesto noong 2016. Dapat na tuligsain natin, kung hindi man mapigilan natin, ang walanghiya at walang katuturang kultura ng karahasang ipinamamana ng rehimeng Duterte sa sambayanan. Huwag nating hayaang makawala at makatakas sa pananagutang ito, hindi lang ang pulis na pumaslang, kundi ang nagpasimuno ng ganitong kutura ng karahasan. 

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2020, pahina 16.

Linggo, Disyembre 20, 2020

Pahayag ng KPML sa International Human Solidarity Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL HUMAN SOLIDARITY DAY
Disyembre 20, 2020

MAKAURING PAGKAKAISA AT KAMALAYANG MAKAURI

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taas-kamaong nakikiisa sa mga maralita at manggagawa sa lahat ng bansa sa paggunita sa International Human Solidarity Day (Pandaigdigang Araw ng Pagkakaisa ng mga Tao). 

Ang mga manggagawa’t maralita, kasama ang iba pang mga aping sektor ng lipunan, ay dapat magkapitbisig, magtulungan, at magkaisa, upang labanan ang kahirapan, at itayo ang isang lipunang makatao na walang pagsasamantala ng tao sa tao. Ito’y sa pamamagitan ng makauring pagkakaisa at kamalayang makauri.

Dapat palawakin at palalimin ang ating makauring pagkakaisa kasama ng masang manggagawa. Kung mulat tayo sa layuning ito, sa bawat sandali ng ating pagkilos, di mangyayaring maiimbudo ang pag-oorganisa sa kaparaanan ng pag-uunyon, at siguradong ikokombina ito sa iba pang paraan. 

Hangga’t hindi umaabot ang kamalayan ng mga maralita sa kanilang pag-iral sa kapitalistang lipunan bilang kapatid-sa-uri ng uring mangaggawa, imposible ang kanilang malawak at matatag na pagkakaisa at pagkakaorganisa bilang isa sa pangunahing pwersa ng pagbabagong panlipunan. Kaya ang KPML ay nagsisikap upang maabot ng kasapian nito at ng iba pang maralita sa komunidad ang makauring pagkakaisa at pagkakaroon ng kamalayang makauri.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2020, pahina 6.

Biyernes, Disyembre 18, 2020

Pagpupugay at pagbati ng BMP sa ika-34 anibersaryo ng KPML

(Ang pahayag at ang litrato sa ibaba ay mula sa BMP page sa facebook.)

Bukluran ng Manggagawang Pilipino
December 18, 2020 at 11:18 AM

Pagpupugay at pagbati sa ika-34 anibersaryo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Ang sektor ng maralitang lungsod ay kapatid-sa-uri ng mga manggagawa.

Komon ang ating kalagayan sa panahon ng pandemya, resesyon at kalamidad. Binabatbat ng mga krisis sa kalusugan, kabuhayan, at klima. Parehong walang pag-aari kundi ang sipag at tiyaga, bisig at isip, talino at diskarte. Ipinagsasakripisyo ngayong panahon ng krisis kahit hindi nabiyayaan sa dating pagsigla ng ekonomiya. Ipinagkakait ang pinakabatayang mga karapatan ng napakareaksyonaryong rehimeng nagpapanggap na maka-mahirap at para sa pagbabago. 

Iisa ang ating laban. Singilin ang bulok at palpak na gobyerno sa kabiguan nitong  proteksyunan ang taumbayan mula sa mga krisis. Ibagsak ang kapitalismo at ipundar ang lipunang tunay na makatao at makamanggagawa.



Sabado, Disyembre 12, 2020

Pahayag ng KPML sa International Universal Health Coverage Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL UNIVERSAL HEALTH COVERAGE DAY 
Disyembre 12, 2020

Ngayong panahon ng pananalasa ng COVID-19 sa iba’t ibang panig ng daigdig, kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit at taos-pusong nakikiisa sa pagdiriwang ng International Universal Health Coverage Day tuwing Disyembre 12. Nakakatuwa, internasyunal na, unibersal pa, subalit ganito inilarawan ito sa internet.

Noong Disyembre 12, 2012, ang United Nations General Assembly ay nag-endorso ng isang resolusyon na hinihimok ang mga bansa na mapabilis ang pag-unlad patungo sa universal health coverage (UHC) - ang ideya na ang bawat isa, saanman naroon ay dapat may akses sa kalidad at abot-kayang pangangalagang pangkalusugan - bilang priyoridad para sa pag-unlad sa internasyonal. Noong Disyembre 12, 2017, ipinahayag ng United Nations ang Disyembre 12 bilang International Universal Health Coverage Day (UHC Day) sa pamamagitan ng resolusyon 72/138. Nilalayon ng International Universal Health Coverage Day na itaas ang kamalayan sa pangangailangan para sa malakas na sistemang pangkalusugan at unibersal na saklaw ng kalusugan. Ang taon 2020 ay isang mahabang sandali ng pagtutuos para sa mga sistemang pangkalusugan sa buong mundo. Habang pinagninilayan ang panahon ng pananalasa ng COVID-19 sa daigdig, ipinakikita ang pang-araw-araw na katotohanang laksa-laksang kaso ng pandemya ang umuutas sa maraming buhay. Mas maraming mga nam
umuno kaysa dati ang nagbibigay ng pansin, at mas maraming tao kaysa dati na ang humihiling ng pagbabago. 

Sa ating bansa, naisabatas na ang R.A. 11223 o ang Universal Health Care Act noong Pebrero 20, 2019. Subalit paano ito magagamit ng mga mahihirap. Kaya sa isyembre 12, hilingin natin ang agarang aksyong pangkalusugan. Nakasalalay dito ang ating buhay, kabuhayan at kinabukasan.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 9.

Pahayag ng KPML sa International Year of Plant Health (IYPH)

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL YEAR OF PLANT HEALTH (IYPH)
Disyembre 12, 2020

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taospusong nakikiisa sa pagdiriwang ng International Year of Plant Health) ngayong 2020. Isang malaking bagay na mayroon nang ganitong pagdiriwang lalo na ngayong nananalasa ang pandemya at kailangan ng mga mamamayang nawalan ng trabaho ang magtanim na ng kanilang mga kakainin upang makaligtas sa nakaambang gutom dulot ng pandemya.

Noong Disyembre 2018, pinagtibay ng Pangkalahatang Asembliya ng United Nations ang Resolusyong nagdeklara ng 2020 bilang International Year of Plant Health. Ang layunin ng IYPH ay upang taasan ang pandaigdigang kamalayan sa kung paano ang pagprotekta sa kalusugan ng halaman ay makakatulong na wakasan ang gutom, mabawasan ang kahirapan, maprotektahan ang kapaligiran, at mapalakas pag-unlad ng ekonomiya.

At dahil idineklara ng United Nations ang 2020 bilang International Year of Plant Health (IYPH), ito’y isang beses lang sa buong buhay na binigyang pagkakataon upang itaas ang pandaigdigang kamalayan sa kung paano makakatulong sa pagprotekta sa kalusugan ang mga halaman na wakasan ang gutom, bawasan ang kahirapan, protektahan ang kapaligiran, at palakasin ang pag-unlad ng ekonomiya.
 
* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 8.

Huwebes, Disyembre 10, 2020

Pahayag ng KPML sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao


PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL HUMAN RIGHTS DAY (PANDAIGDIGANG ARAW NG KARAPATANG PANTAO)
Disyembre 10, 2020

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao. Sa temang “Karapatan, Kagalingan, at Kaligtasan, Itaguyod! Wakasan ang Kahirapan, Panunupil at Inhustisya!”, kami sa KPML ay nagkakaisang itaguyod at ipagpatuloy ang laban ng mga maralita tungo sa pagtatayo ng isang lipunang makatao na walang pagsasamantala ng tao sa tao, pagpawi ng pribadong pag-aari bilang ugat ng kahirapan, at pagwawakas sa lipunang pinaghaharian ng iilan.

Sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, singilin natin ang lahat ng may kagagawan ng mga mapanligalig na mga pangyayaring unti-unting kumikitil sa ating dignidad bilang tao. Dapat tayong kumilos na tangan sa dibdib at puso ang adhika ng pagbabago, pagkakapantay-pantay, pagkakapatiran, karapatang pantao, sosyalismo!

Sa kabila ng pandemya kung saan pinagsusuot tayo ng face mask at face shield, dapat mag-social distancing ng isang metro ang pagitan, mag-alkohol, patuloy pa rin tayong nakikibaka upang maibsan ang gutom at kahirapan at maipagpatuloy ang ating layunin at adhikain para sa sambayanan. Hindi tayo titigil hangga't di naipagwawagi ang isang lipunan at sistemang makatao, kung saan pangunahin ang kapakanan ng kapwa tao at hindi ng tubo. Patuloy tayong makibaka hanggang sa tagumpay!

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 7.

Miyerkules, Disyembre 9, 2020

Balita Maralita: HLURB at NHA, niralihan ng maralita

BALITA MARALITA

HLURB AT NHA, NIRALIHAN NG MARALITA

Nagkakaisang kumilos ang mga maralita mula sa iba’t ibang samahan sa harapan ng mga ahensya ng pabahay ng Disyembre 9, 2020, isang araw bago ang Daigdigang Araw ng Karapatang Pantao.

Pinuntahan nila ang tanggapan ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road, at sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) sa Kalayaan Ave., sa Lungsod Quezon. Hapon naman ay nagtungo sila sa Senado. Ipinahayag nila ang mga isyu ng bayarin sa mga relokasyon, ang RA 9507 hinggil sa resruktura at kondonasyon, ang mga bantang demolisyon sa Manila Bay, ang mga isyu ng pribadong lupa, ang kawalan ng pagkakitaan dulot ng pandemya, ang manggagawa nawalan ng tahanan dahil nawalan ng trabaho dahil wala nang pang-upa, ang kalagayan sa relokasyon sa isyu ng pagsapribado ng tubig, atbp.

Lumahok sa aktibidad na ito ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Sanlakas, Zone One Tondo Organization (ZOTO), Piglas Maralita, ALMA - QC, Koalisyon Pabahay ng Pilipinas (KPP), at ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na nagsasabing ibatay din sa kalagayan ng klima ang mga batas at patakaran hinggil sa pabahay. Inihalimbawa nila ang relokasyon sa Kasiglahan Village sa Montalban, Rizal na binaha dahil sa bagyo.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 12-13.

Pahayag ng KPML - Pagpapakawala ng Tubig sa Magat Dam; Pagbaha sa Cagayan at Isabela

PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA PAGPAPAKAWALA NG TUBIG SA MAGAT DAM KAYA LUMUBOG ANG CAGAYAN AT ISABELA 
Disyembre 9, 2020

Ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay lubos na nababahala sa nangyaring pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam kasunod ng pananalasa ng bagyong Ulysses na nagdulot naman ng malawakang pagbaha. Ano ba ang protocol sa pagpapakawala ng tubig sa dam? Nakita natin sa telebisyon ang pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam na sumalanta at nagpalubog sa rehiyon ng Cagayan Valley at Isabela. Libo-libong pamilya ang apektado at inilubog sa tubig ang kanilang mga bahay. Ang mga pag-ulang dinulot ng bagyong Ulysses ay nakatulong sa pagtaas ng tubig ng Magat Dam ngunit tumaas ang antas nito, na nagtulak sa dam upang palabasin ang labis na tubig. Ayon sa mga eksperto, ang labis na paglabas ng tubig ay nag-ambag sa pagbaha sa Rehiyon II. 

Ayon sa mga ulat, sinabi ng National Irrigation Administration (NIA) na sinunod nito ang protocol sa pagpapalabas ng tubig sa Magat Dam. Ayon naman sa PAGASA, naglabas sila ng mga babala sa pagbaha sa National Irrigation Administration ilang araw bago tumama ang Ulysses.

Dapat suriin ang kapasidad na nagdadala ng tubig ng mga dam at kundisyon sa naturang mga pasilidad sa mga lugar tulad niyon dahil malamang na nagbago ito sa mga nagdaang panahon. Nagbabago na ang klima, na kahit noong kasagsagan ng bagyong Rolly ay naulit ang pananalasa ng bagyong Ondoy ng Setyembre 26, 2009.

May climate emergency na dapat tugunan. Ayusin ang protokol hinggil sa pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam, lalo na’t may mga nananalasang matitinding bagyo. Itigil na ang pagpapakawala ng usok at maruruming enerhiya mula sa mga coal fired power plants, na nagdulot ng matitinding epekto sa klima, na siyang dahilan ng matitinding bagyo. Nawa’y makinig ang mga kinauukulan sa panawagang ito ng KPML.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 6.

Sabado, Disyembre 5, 2020

Pahayag ng KPML sa World Soil Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD SOIL DAY
Disyembre 5, 2020

Sa panahon nitong pandemya, marami na sa atin ang natuto nang magtanim. Kinilala na rin natin ang kahalagahan ng mga magsasaka. Ika nga, hindi natin kailangan ng mga doktor o abugado araw-araw, subalit kailangan natin ang magsasaka tatlong beses sa isang araw.

Kaya ngayong World Soil Day (Pandaigdigang Araw ng Lupa), kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay lubos na nakikiisa sa pagdiriwang ng araw na ito. Kaisa kami ng mga magsasaka sa pangangalaga ng ating mga lupang pinagtataniman ng mga gulay, palay, kawayan, puno, halaman, at iba pa, na dahilan upang tayo’y mabuhay ng malusog, di nagugutom, at may payapang puso’t isipan.

Saan ba nagsimula ang World Soil Day (WSD)? Ipinagdiriwang ang WSD taun-taon tuwing Disyembre 5 bilang paraan upang ituon ang pansin sa kahalagahan ng malusog na lupa at upang itaguyod para sa napapanatiling pamamahala ng mga mapagkukunan ng lupa. Ang araw a ito’y inirekomenda ng International Union of Soil Science (IUSS) noong 2002. Sa ilalim ng pamumuno ng Kaharian ng Thailand at sa loob ng balangkas ng Global Soil Partnership, suportado ng Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations) ang pormal na pagtatatag ng WSD bilang pandaigdigang plataporma ng pagpapalawak ng kamalayan tungkol sa lupa. Nagkaisa sa FAO Conference na iendorso ang World Soil Day noong Hunyo 2013 at hiniling ang opisyal na pagpapatibay nito sa 68th UN General Assembly. Noong Disyembre 2013, tumugon ang UN General Assembly sa pamamagitan ng pagtatalaga ng Disyembre 5, 2014 bilang unang opisyal na World Soil Day.

Ang petsang Disyembre 5 ay bilang pagpupugay sa kaarawan ng yumaong H.M. Si Haring Bhumibol Adulyadej, Hari ng Thailand, na isa sa pangunahing tagapagtaguyod ng inisyatibang ito.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 5.

Lunes, Nobyembre 30, 2020

Pahayag ng KPML sa ika-157 Kaarawan ni Gat Andres Bonifacio

PAHAYAG NG KPML SA IKA-157 KAARAWAN NI GAT ANDRES BONIFACIO
Nobyembre 30, 2020

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng ika-157 kaarawan ng ating bayaning si Gat Andres Bonifacio, habang sa panahong ito ng pandemya dulot ng COVID-19 at sunud-sunod na matitinding bagyo, nababahala ang mga maralita dahil sa libu-libong apektado ng kalamidad, na nagdulot ng pagkawala ng maraming gamit at buhay, at pagkawasak ng tahanan dahil sa bagyo’t baha.

Gayundin naman, sinasamantala ng mga employer ang kasalukuyang krisis sa pamamagitan ng pagwawakas ng kanilang regular na mga manggagawa at unyonista at pinapalitan ito ng mga kontraktwal na manggagawa. Ang mga manggagawa naman ay nahaharap sa krisis na nagbabanta sa kalusugan, trabaho at kabuhayan, mga karapatan at kalayaan, at mismong buhay ng ating mga pamilya. Habang nananalasa rin ang pasistang pag-atake laban sa mga unyon ng manggagawa at karapatang pantao. 

Kaya ipinaglalaban ng KPML ang isang komprehensibong pagsusuri at pagsasaayos ng mga patakaran ng estado at mga batas upang mapangalagaan ang karapatan, kagalingan, at kapakanan ng mga maralita, manggagawa at ng kanilang pamilya.

Ngayong Araw ni Bonfacio, patuloy ang pakikibaka para sa kagalingan at karapatan ng ating kapwa maralita tungo sa tunay na pagbabago ng sistema. Sugod, mga kapatid! Tuloy ang laban!

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 6.

Miyerkules, Nobyembre 25, 2020

Pahayag ng KPML sa International Day for the Elimination of Violence Against Women

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR THE ELIMINATION OF VIOLENCE AGAINST WOMEN
Nobyembre 25, 2020

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa International Day for the Elimination of Violence Against Women. Ang kababaihan ang kalahati ng populasyon ng daigdig. Kung wala sila, wala rin tayo sa mundong ito. Kaya ang karahasan sa kababaihan ay dapat pigilan.

Ginugunita ng mga aktibista ng karapatang pambabae ang Nobyembre 25 bilang araw laban sa karahasan batay sa kasarian mula pa noong 1981. Napili ang petsang ito upang gunitain ang tatlong magkakapatid na Mirabal mula sa Dominican Republic na brutal na pinatay noong 1960 na tanging krimen ay ipinaglaban ang kanilang mga karapatan laban sa diktador na si Rafael Trujillo. 

Mahalagang mawakasan ang karahasan laban sa kababaihan tungo sa pagkamit ng pag-unlad at mas mapayapang lipunan. Hindi lamang sa karahasan sa tahanan kundi pati na rin sa panggagahasa, karahasang sekswal, sapilitang pag-aasawa, at iba pang uri ng karahasan sa kababaihan.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 5.

Sabado, Nobyembre 21, 2020

Pahayag ng KPML hinggil sa isyung maralita ang dahilan ng deforestation

PAHAYAG NG KPML
Nobyembre 21, 2020

Pinasaringan na naman ni Pangulong Duterte ang mga mahihirap, lalo na sa pagdating sa pagtatayo ng bahay. Maralita raw ang dahilan ng pagputol ng mga puno upang gamiting materyales sa paggawa ng bahay. Natural, lalo na’t nilimas ng bagyo ang inyong bahay at kabuhayan. 

Saan ka naman kukuha ng pampatayo ng mansion kung mahirap ka? Madalas mula sa tagpi-tagping basurang pinatungan ng bato, o kaya’y mga napulot na anuman gaya na lamang ng tarpaulin o malalaking plastik basta’t masisilungan ng pamilya.

Alam po ninyo, pangulo, hindi mapipigilan ang mga maralitang magtayo ng kanilang masisilungan. Subalit ang sisihin ang mga maralita na siyang dahilan ng deforestation, iyon ay hindi katanggap-tanggap. Sinisisi mo ang mga maralita subalit ang mga malalaking illegal logger na nagpapayaman sa pagputol ng mga puno, hindi mo man lamang nabanggit. Totoo marahil na iyan lang ang kaya ng mahihirap na Pinoy, subalit kung may maayos kaming regular na trabaho, hindi kontraktwal, at sumasahod batay sa aming totoong presyo ng lakas-paggawa, hindi po kami titira sa barungbarong o sa mga ipinatayong bahay ng NHA na napakanipis ng mga dingding na sa kaunting lindol ay baka magiba.

Kaming mga maralita ay patuloy sa aming kalunos-lunos mang kalagayan subalit hindi kami namamalimos sa pamahalaan. Nagsisikap kami at nabubuhay ng marangal. Ika nga ni Freddie Aguilar sa isa niyang awitin: Ako'y anak ng mahirap, Ngunit hindi ako nahihiya, Pagka't ako'y mayroon pang dangal, Di katulad mong mang-aapi.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 10.

Biyernes, Nobyembre 20, 2020

Pahayag ng KPML sa World Children's Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD CHILDREN’S DAY
Nobyembre 20, 2020

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagririwang ng World Children’s Day o Pandaigdigang Araw ng mga Bata. Bilang organisasyong nangangalaga sa karapatan ng mga bata, dapat nating tiyaking nakapag-aaral at natututo ang mga bata sa kanilang edukasyon.

Dapat matiyak sa kanila ang mga serbisyong pangkalusugan at nutrisyon, at gawing abot-kaya ang mga bakuna sa bawat bata. At wakasan ang pang-aabuso, karahasang batay sa kasarian, at kapabayaan sa pagkabata. Tiyakin ang malinis na tubig, at tugunan ang pagkasira ng kapaligiran at pagbabago ng klima.

Doblehin ang pagsisikap na protektahan at suportahan ang mga bata at pamilya nila tungo sa isang kinabukasang malusog, at nabubuhay silang marangal ang pagkatao sa kanilang paglaki.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 5.

Sabado, Nobyembre 14, 2020

Pahayag ng KPML sa International Street Vendors Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL STREET VENDORS DAY
(Pandaigdigang Araw ng Maglalako sa Lansangan)
Nobyembre 14, 2020

Ang ika-14 ng Nobyembre ang araw kung saan ipinagdiriwang ng mga naglalako sa kalsada mula sa iba’t ibang panig ng daigdig mundo ang kanilang pakikibaka at lakas. Dito sa Pilipinas ay naitatag noong Agosto 30, 2002 ang Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) upang labanan ang pagpapalayas sa kanila ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Ang unang pangulo ng MMVA ay ang namayapa nang si Ka Pedring Fadrigon na dating pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Kaya mahigpit na nakikiisa ang KPML sa lahat ng mga naglalako sa kalsada, lalo na yaong walang pwesto o nakikipwesto subalit hahabulin ng mga pulis pag nakita.

Sa ngayon, dapat magkaisa ang lahat ng mga vendor, hindi lamang sa Metro Manila, kundi sa iba’t ibang panig ng mundo, upang igiit at mapagtibay ang ILO convention 190 on the Elimination of Violence and Harassment in the World of Work.

Mahalaga ito para sa mga impormal na manggagawa sa ekonomiya sa buong mundo, dahil ang isang malaking porsyento ng mga nagtitinda sa lansangan at merkado ay patuloy na nakaharap sa lahat ng uri ng panliligalig at karahasan sa kanilang pagtatrabaho araw-araw.

Hinihiling namin ang agarang paghinto ng mga kalupitan at karahasan ng pulisya na ginagawa ng Estado araw-araw laban sa mga vendor, dahil hindi kriminal, kundi marangal na trabaho ang pagtitinda.

* Ang pahayag na ito ay unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2020, pahina 7.

Martes, Oktubre 20, 2020

Pahayag ng KPML sa ika-50 anibersaryo ng ZOTO

PAHAYAG NG KPML SA IKA-50 ANIBERSARYO NG ZOTO
Oktubre 20, 2020

Taas-kamaong pagpupugay sa ikalimampung anibersaryo ng Zone One Tondo Organization (ZOTO)! Mabuhay kayo, mga kasama! Dumatal na kayo sa inyong kalahating siglong pag-iral.

Ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taospusong nakikiisa sa inyong pagdiriwang, kasabay ng taas-noong pakikibaka para sa ating mga karapatan para sa paninirahan at makataong pamumuhay.

Isa kayo sa mga pundadores o tagapagtatag ng ating KPML. 

Tulad kayo ng isang tala sa kalangitan na biglang sumulpot sa kasagsagan ng kahirapan at pagsasamantalang nagluwal ng batas militar upang tulungang lumaban ang mga maralitang nakikibaka para sa kanilang kagalingan.

Tulad kayo ng bakal na hindi masira-sira ng kalawang pagkat hanggang ngayon ay nakatindig pa rin at naglilingkod sa mga dukha.

Tulad kayo ng kalabaw na patuloy ang kayod upang matiyak na nalilinang ang mga bukiring pinagtatamnan at pinagkukunan ng pagkain.

Kami'y malugod na bumabati! Mabuhay kayo, mga kasama!

Sabado, Oktubre 17, 2020

Pahayag ng KPML sa International Day for the Eradication of Poverty

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR THE ERADICATION OF POVERTY
Oktubre 17, 2020

Bakit may kahirapan? Dahil ginawang sagrado ng estado ang pribadong pag-aari ng iilan sa mga kagamitan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika at mga lupain. Ito ang pagtingin ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). 

Halimbawa na lang, isang asendero ang nagmamay-ari ng isang libong ektarya ng lupain. Aanhin niya iyon kundi gamitin sa negosyo’t magpayaman para sa pamilya, habang libu-libong magsasaka ang walang lupa dahil wala silang titulo sa lupang sinasaka. Ayon sa datos ng United Nations, 736 milyong tao ang nabubuhay sa “below the poverty line” at kumikita ng US $ 1.90 sa isang araw noong 2015. Noong 2018, halos 8 porsyento ng manggagawa sa buong mundo at kanilang pamilya ang nanirahan sa mas mababa sa US $ 1.90 bawat tao kada araw.

Tuwing Oktubre 17 ay International Day for the Eradication of Poverty o Pandaigdigang Araw Upang Pawiin ang Kahirapan, na idineklara ng United Nations noong 1992. Subalit pawang pantapal lang ang ginagawang solusyon ng maraming pamahalaan sa kahirapan. Magbibigay ng limos sa mga mahihirap. 

Ano naman ang aasahan natin sa lipunang kapitalismo na hindi kayang buwagin ang pribilehiyo ng pribadong pag-aari upang wala nang magdanas ng kahirapan?

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 9.

Biyernes, Oktubre 16, 2020

Pahayag ng KPML sa World Food Day 2020

PAHAYAG NG KPML SA WORLD FOOD DAY (PANDAIGDIGANG ARAW NG PAGKAIN)
Oktubre 16, 2020

Sa panahon ng pandemya, mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga nawalan ng trabahong manggagawa na nagdulot ng kakapusan at kawalan ng sahod, na hindi na sila makabili ng pagkain, na umaasa na rin lang sa ayuda. Milyun-milyong Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay, dahilan ng pagkagutom ng marami. Ang iba'y pinalayas na sa kanilang mga inuupahan dahil wala nang pambayad sa upa, kaya nakatira na lamang sila sa lansangan.

Sa panahong ganito natin naiisip ang kahalagahan ng mga magsasakang lumilikha ng ating pagkain. Ika nga nila, hindi natin laging kailangan ng abugado at manggagamot subalit tatlong beses isang araw ay kailangan natin ang mga magsasaka.

Ngayong taon 2020 ay ipinagdiriwang natin ang World Food Day kasabay ng ika-75 Anibersaryo ng pagkakatatag ng Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations, na may hangaring tumingin sa hinaharap na kailangan nating buuin nang magkasama at may temang “Grow, nourish, sustain. Together. Our actions are our future.” (Lumago, alagaan, panatilihin. Sama-sama. Ang ating mga ginagawa ang ating kinabukasan.) Sa petsang Oktubre 16 na pagkakatatag ng FAO itinalaga ng UN ang World Food Day.

Ang pandaigdigang krisis sa kalusugan dahil sa COVID-19  ay naging panahon upang pagnilayan ang mga bagay na dapat nating  pinahahalagahan. Ang pagkain ang ating buhay at ang batayan ng ating mga kultura at pamayanan. Ang pagpapanatili ng pagkakaroon ng ligtas at masustansyang pagkain ay nagpapatuloy na isang mahalagang bahagi ng tugon sa pandemyang dulot ng COVID-19, lalo na para sa mga mahihirap at bulnerableng pamayanan.

Hindi sapat ang ayudang ibinibigay ng pamahalaan, na kung minsan ay wala pa. Kaya sa mga maralitang lungsod upang mabuhay sa gitna ng pandemya ay dapat gumawa ng paraan upang makakain, upang mabigyan ng masustansyang pagkain ang mga anak, na hindi na dapat noodles at tuyo, kundi mga gulay na pampalakas. Isa sa pamamaraan ang urban farming o pagtatanim ng gulay sa mga paso upang kahit paano ay maibsan ang kagutuman habang ipinaglalaban na maitayo ang isang maunlad at pantay-pantay na lipunang makatao para sa lahat.

Sabado, Oktubre 10, 2020

Pahayag ng KPML sa World Day Against Death Penalty


Pahayag ng KPML sa World Day Against Death Penalty
Oktubre 10, 2020

Sa paggunita ngayong araw ng ikalabingwalong anibersaryo ng World Day Against Death Penalty, mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagpigil sa anumang banta ng pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa, at saanmang panig ng daigdig. 

Ayon sa datos ng grupong World Coalition Against Death Penalty, na nasa kawing na:
http://www.worldcoalition.org/worldday.html
The Death Penalty in Practice
• 106 countries abolished the death penalty for all crimes
• 8 countries abolished the death penalty for ordinary crimes only
• 28 countries are abolitionist in practice
• 56 countries are retentionist
• In 2019, the 5 countries that carried out most executions were China, Iran, Saudi Arabia, Iraq, and Egypt.

Marami nang bansa ang nagtanggal na ng parusang bitay. Subalit sa ating bansa, nahaharap na naman tayo sa panibagong banta nang binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na dapat muling isabatas ang death penalty o parusang kamatayan sa pama-magitan ng lethal injection.

Subalit pawang mahihirap lang naman ang tiyak na tatamaan ng death penalty. Parang inilagay lang sa batas ang nakamumuhing tokhang na pumaslang ng libu-libong mahihirap, kabilang ang napabalitang umano'y 122 bata. Hindi na iginalang ang due process of law. Maraming ina ang lumuha at naghihimagsik ang kalooban.

Suriin natin ang parehong kasong panggagahasa ng menor-de-edad ang isang mahirap at isang mayaman - sina Leo Echegaray at dating Congressman Romeo Jalosjos. Nabitay ang mahirap na si Echegaray. Hindi nabitay ang mayamang si Jalosjos, at nang makalaya ay muling naging kongresista. Noong panahon ni dating pangulong GMA nang ibinasura ang death penalty, na isang tagumpay ng taumbayan. Subalit nais ibalik ng pangulong ang nasa utak lagi ay pagpaslang. Imbes na tutukan ang usapin ng pagresolba sa pandemya ay inuna pa ang ganitong balak.

Kung patuloy na walang akses ang mga mahihirap sa mabisang ligal na representasyon sa panahon ng pag-aresto, pagpigil, paglilitis at post-trial, hindi matitiyak ang due process, lalo na't kalaban ng maralita ay mga maypera o mayayaamn. Nasa pagitan ng buhay at kamatayan pag ang nagkaroon ng kaso'y ang maralita sa isang mabigat na kaso.

Tinanggal na noon ang parusang kamatayan. Bakit nais nilang muling ibalik ang death penalty? Ang kailangan natin ay katarungang panlipunan, ang magkaroon ng restorative justice, kung saan naniniwala tayong maaari pang magbago at makalaya ng sinumang nagkasala.

Mga maralita, patuloy tayong magkaisa laban sa panibagong banta sa buhay at karapatan ng mga mamamayan! Harangin ang anumang balaking ibalik ang parusang kamatayan. 

Restorative justice, hindi punitive!

#NoToDeathPenalty

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2020, pahina 7-8.

Pahayag ng KPML sa World Homeless Day

Pahayag ng KPML sa World Homeless Day
Oktubre 10, 2020

Karapatan ang pabahay. Subalit kayrami nang nawalan ng tahanan dulot ng maraming kadahilanan. Ang mas matindi pa, nagkaroon ng demolisyon sa gitna ng pandemya. Naganap iyon sa Lungsod ng Ozamis sa Mindanao. May banta pang demolisyon sa Barangay 463 sa Intramuros, Maynila. Sa mga lungsod, maraming manggagawa ang napalayas sa kanilang tinutuluyang bahay dahil wala nang pang-upa pagkat nawalan na rin ng trabaho dahil sa pandemya. 

Idagdag pa natin ang mga nawalan ng tahanan dulot ng pagbabago sa klima, kaya dapat silipin din kung kumusta na ba ang paninirahan ng mga kababayan nating nasira ang kanilang tahanan nang manalasa ang bagyong Yolanda sa kanilang lugar. Nariyan din ang mga dukhang nakatira lang sa kariton.

Isang paalala sa atin ang awiting Bahay ni Gary Granada kung ano ba talaga ang bahay. Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato? Mga tabla't karton ang dingding? May mga nakatira pa sa ilalim ng tulay, na pag malakas ang ulan ay maaari silang tangayin lalo't lumaki ang tubig.

Marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Ngunit ano ba ang batayan natin para masabi nating sapat na ang pabahay?

May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights. Ayon sa Universal Declaration of Human Rights (1948) - Artikulo 25.1 "- Sinuman ay may karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa kalusugan at kagalingan ng tao at ng kanyang pamilya, kasama ang pagkain, pananamit, tirahan at pangangalagang medikal at kinakailangang serbisyong panlipunan, at ng karapatan sa seguridad kung mangyari ang pagkawala ng trabaho, pagkakasakit, kawalang-kakayahan, pagkabalo, pagtanda o iba pang kakulangan sa kabuhayan sa isang pagkakataong di niya matanganan."

Kaya ngayong ikasampung anibersaryo ng World Homelessness Day ay taas-kamao at taospusong nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mga walang tahanan at nawalan ng tahanan. Dapat nating patuloy na ipaglaban ang karapatan ng mamamayan sa sapat na pabahay, at ang polisiya ng pampublikong pabahay ay dapat maisabatas.

Ang pabahay ay batayang karapatang pantao ng bawat isa. Dapat malutas ng pamahalaan, bilang siyang pangunahing sandigan ng bayan kaya sila ibinoboto tuwing ikaanim na taon, ang problemang ito ng kawalan ng tahanan.

Sa ngayong nananalasa ang pandemya, dapat hindi "business-as-usual" na basta na lang aalisin ang mga tao sa kanilang mga tahanan dahil sinabi ng korte, o basta sila idemolis nang walang maayos na relokasyong may serbisyong panlipunan.

Sa ganitong kalagayan, aming ipinapanawagan: 
Karapatan sa Pabahay, Ipaglaban! 
Walang Demolisyon Kung Walang Maayos na Relokasyon!
Walang Demolisyon Hangga't May Pandemya!

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2020, pahina 5-6.

Martes, Oktubre 6, 2020

Sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Ka Pedring Fadrigon

nabigla kami sa biglaan mong pagpanaw noon
dahil ama ka ng maralita't ng asosasyon
unang anibersaryo ng kamatayan mo ngayon
at ginugunita ka, pangulong Pedring Fadrigon

sa mga lider-maralita, pangalan mo'y sambit
mga tulong sa kapwa dukha'y di ipinagkait
lider na kaysipag hanggang kamataya'y sumapit
ang batikang Ka Kokoy Gan ang sa iyo'y pumalit

kayhusay sa pagkilos at tunay kang nagpapagal
pagkat ipinaglaban ang maralita't ang dangal
ang pagiging lider mo'y ipinakita sa asal
kaya dapat isulat yaong naiwan mong aral

buhay na buhay nga ang kolum mong Tinig ng Dukha
sa ating pahayagang Taliba ng Maralita
na sadyang pumukaw sa puso't diwa ng dalita
habang iyong tangan ang ating prinsipyo't adhika

sa aming paggunita sa unang anibersaryo
ng iyong pagkamatay, K.P.M.L. ay narito
O, Ka Pedring Fadrigon, kami sa iyo'y saludo
maraming salamat sa mga payo't pangaral mo

- gregoriovbituinjr.
10.06.2020

Miyerkules, Setyembre 30, 2020

Pahayag ng Taliba ng Maralita sa International Translation Day

Pahayag ng Taliba ng Maralita sa International Translation Day
Setyembre 30, 2020

Mahigpit na nakikiisa ang pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), sa pagdiriwang ng International Translation Day o Pandaigdigang Araw ng Pagsasalin, sa buong daigdig.

Ang International Translation Day ay isang pagkakataon upang magbigay pugay sa gawain ng mga propesyonal sa wika, na may mahalagang papel sa pagsasalin ng mga dokumento sa iba’t ibang wika, pagsasama-sama ng mga bansa, pagpapadali ng dayalogo, pag-unawa at kooperasyon, na nag-aambag sa kaunlaran at pagpapatibay ng kapayapaan at seguridad sa buong mundo.

Ang pagsasalin ng isang akdang pampanitikan o pang-agham, kabilang ang gawaing panteknikal, mula sa isang wika patungo sa ibang wika, kabilang ang wastong pagsasalin, interpretasyon at terminolohiya, ay kinakailangan upang mapanatili ang kalinawan, isang positibong klima at pagiging produktibo sa internasyonal na pampublikong diskurso at komunikasyon sa interpersonal. Kaya noong 24 Mayo 2017, pinagtibay ng Pangkalahatang Asamblea ng United Nations ang resolusyon 71/288 tungkol sa papel na ginagampanan ng mga propesyonal sa wika sa pagkonekta sa mga bansa at pagyaman sa kapayapaan, pag-unawa at kaunlaran, at idineklara ang ika-30 Setyembre bilang Pandaigdigang Araw ng Pagsasalin.

* Ang pahayag na ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 16-30, 2020, pahina 9

Lunes, Setyembre 21, 2020

Pahayag ng KPML sa International Day of Peace

Pahayag ng KPML sa International Day of Peace
Setyembre 21, 2020

Kasabay ng anibersaryo ng karumal-dumal na batas-militar sa ating bansa ang paggunita naman ng buong daigdig sa International Day of Peace o Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan. Kami, sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ay taas-kamao at taospusong nakikiisa sa lahat ng naghahangad ng kapayapaan. 

Subalit para sa aming mga maralita, ang hinahangad namin ay isang tunay na kapayapaang nakabatay sa panlipunang hustisya, hindi sa katahimikang katulad ng sementeryo. Upang magkaroon ng lubusang kapayapaan sa puso’t isipan ng mamamayan, dapat pawiin ang isang sistemang nagdudulot ng pagsasamantala ng tao sa tao, at kaapihan dulot ng bulok na sistemang may mahirap at mayaman.

* Ang pahayag na ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 16-30, 2020, pahina 9

Biyernes, Setyembre 18, 2020

Pahayag ng KPML sa International Equal Pay Day

Pahayag ng KPML sa International Equal Pay Day 
Setyembre 18, 2020

Sa kauna-unahang pagkakataon, ipinagdiriwang ngayong taon ang International Equal Pay Day. Kasabay ng anibersaryo ng KPML noong Disyembre 18, 2019, pinagtibay ng United Nations General Assembly ang Resolusyon Blg. 74/142 hinggil sa International Equal Pay Day o Pandaigdigang Araw ng Pantay na Sahod. Kaya kami, sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng mga manggagawa sa buong daigdig na nagnanasang dapat magkaroon ng pantay na sahod ang lahat ng manggagawa.

Sa ngayon kasi’y iba ang sahod ng kalalakihan sa kababaihan. Iba ang sahod o yaong minimum wage ng National Capital Region (NCR) na nasa P532 kaysa mga manggagawang sumasahod ng P350 sa Calabarzon. Maganda ring pag-aralan at pagtuunan ng pansin ang tinatawag na universal basic income (UBI).

Napapanahon ang pagkilalang ito upang tugunan pa ng pamahalaan at ng mga kumpanya ang tamang pasahod para sa lahat. Kaisa kami sa mga nananawagang tanggalin na ang mga regional wage board at magkaroon na ng pantay na sahod para sa mga manggagawa. 

Pantay na sahod, ipaglaban!

Pinaghalawan: https://www.un.org/en/observances/equal-pay-day#:~:text=International%20Equal%20Pay%20Day%2C%20celebrated,for%20work%20of%20equal%20value.


Huwebes, Setyembre 17, 2020

Pahayag ng KPML sa World Patient Safety Day [WHO]

Pahayag ng KPML sa World Patient Safety Day [WHO]
Setyembre 17, 2020

Patuloy na narara-nasan ng mga mara-lita samutsaring ang mga diskriminasyon bunsod ng COVID-19. Itinuturing kaming pasaway kahit ang gusto lang namin ay maghanap ng aming makakain, na kung hindi kami lalabas ng bahay ay baka mamatay kami sa gutom. Hindi pasaway ang mga maralitang naghahanap lamang ng pagkain para sa kanilang pamilya, lalo na sa maliliit pa nilang mga anak.

Kaya ngayong World Patient Safety Day, wala man kami sa mga ospital, subalit dahil sa coronavirus at patakarang kwarantina, animo’y nararanasan din namin ang karanasan ng mga maysakit doon sa mga ospital. Nakikiisa kami sa mga maysakit na hindi agad magamot dahil sa kakapusan ng salapi. Nakikiisa kami at nagpapasalamang sa lahat ng medical frontliners dahil sa kanilang mga ginagawa upang makaiwas at mabawasan ang mga kaso ng COVID-19. Bagamat alam nating marami na ang namatay sa sakit na ito, na sa tuwina’y ibinabalita ng Department of Health (DOH) sa kanilang account sa facebook.

Subalit kayrami palang nakawan sa PhilHealth. Maraming nawawalang pondo. Kawawa ang mga pasyenteng hindi nabibigyan ng maayos nap ag-aasikaso ng kanilang kalusugan dahil sa mga kalokohang ito. Nawa’y managot at makulong ang mga sangkot sa pagkawala ng malaking ponding kontribusyon ng mga kasapi ng PhilHealth.

Ngayong World Patient Safety Day 2020, ang KPML ay nakikiisa:

Theme:

Health Worker Safety: A Priority for Patient Safety

Slogan:

Safe health workers, Safe patients

Call for action:

Speak up for health worker safety!

Biyernes, Setyembre 11, 2020

Pahayag ng KPML laban sa panukalang Marcos Day

PAHAYAG NG KPML LABAN SA PANUKALANG MARCOS DAY
Setyembre 11, 2020

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na tumututol sa panukalang batas sa Kongreso na italaga at gawing holiday ang Setyembre 11 ng bawat taon bilang Ferdinand Marcos Day. 

Tutol kami sa pagpasa sa Kamara ng House Bill 7137, na binibigyang pugay ang dating diktador kung ito’y tuluyang maisasabatas. 

Nitong Setyembre 2, 2020, lumusot sa third and final reading ang "Marcos Holiday Bill," na dinedeklra ang ika-11 ng Setyembre bilang non-working holiday kasabay ng kapanganakan ni Ferdinand Marcos sa Ilocos Norte. Ayon sa balita, umabot sa 198 ang mambabatas na pumabor sa panukala habang walong mambabatas lamang ang tumutol. Hindi tayo papayag na baguhin nila ang ating kasaysayan. Pinatalsik ng taumbayan ang diktador noong Unang Pag-aalsang Edsa. Nitong panahon ni Duterte ay tinutulan din natin ang paglilibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, dahil hindi bayani ang diktador.

Patuloy na kikilos ang KPML upang labanan ang mga ganitong pakana ng pagbabago o rebisyon ng kasaysayan ng ating banasa. 

Sabado, Setyembre 5, 2020

Pahayag ng KPML sa International Day of Charity

Pahayag ng KPML sa International Day of Charity
Setyembre 5, 2020

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa International Day of Charity.

Orihinal itong pinagdiwang sa Hungary upang gunitain ang pagkamatay ni Mother Teresa, ang International Day of Charity tuwing Setyembre 5 ay nagsimula sa buong mundo noong 2012 nang idineklara ito ng UN na isang pang-internasyonal na piyesta opisyal. Bukod sa paggalang sa walang sawang gawain ni Mother Teresa upang matulungan ang iba na malampasan ang kahirapan at pagdurusa, ang nasabing nagbibigay ng isang plataporma para sa mga adhikaing kawanggawa. 

Sa kasalukuyang krisis panlipunan dulot ng pandemya, patuloy na nananawagan ang mga maralita ng ayuda upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, edukasyon ng mga bata, at katiyakang magamot lalo na’t patuloy na nananalasa ang coronavirus sa buong mundo.

Sana, sa paggunita ng bansa sa International Day of Charity ay tunay na mapangalagaan ang ating mamamayan, kung saan umiiral ang isang lipunang makatao at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

#AyudaHindiPagdurusa
#TulongHindiKulong

Linggo, Agosto 30, 2020

Pahayag ng KPML sa Araw ng mga Bayani

PAHAYAG NG KPML SA ARAW NG MGA BAYANI
Agosto 30, 2020

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taaskamao at taospusong nagpupugay sa lahat ng bayaning nag-alay ng kanilang buhay para sa kapakanan ng sambayanan. 

Sa aklat ng kasaysayan, nakibaka ang ating mga ninuno laban sa mga mananakop na Kastila, Amerikano, at Hapon, nakibaka laban sa diktadurang Marcos, nakibaka upang lumaya tayo sa kuko ng mga dayuhan at mga Pilipinong mapagsamantala. 

Nakilala natin sina Gat Jose Rizal, Gat Andres Bonifacio, Gat Macario Sakay, at marami pang bayaning nakibaka tungo sa ikagiginhawa ng bayang tinubuan. Ibinuwis ang kanilang buhay alang-alang sa kapakanan at dignidad ng sambayanan.

Subalit hindi lamang sila ang mga bayani ng ating bayan, kundi ang mga manggagang lumilikha ng yaman ng lipunan, ang mga magsasakang araw-araw nagbibigay ng pagkain sa sambayanan, ang mga mangingisdang namimingwit ng ating makakaing isda, ang mga maralitang isang kahig isang tuka man ay naitataguyod ang pamilya, ang mga medical frontliners na naglilingkod sa sambayanan ngayong panahon ng pandemya. 

Muli, pagpupugay sa ating mga bayani at sa mga bayani ng makabagong panahon!

Pahayag ng KPML sa International Day of the Disappeared

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF THE DISAPPEARED
Agosto 30, 2020

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa paggunita sa taunang International Day of the Disappeared (Pandaigdigang Araw ng mga Iwinala)). 

Ang araw na itong idineklara ng United Nations ay paggunita sa mga taong sapilitang iwinala ng estado o gobyerno dahil sila’y nakikibaka upang magkaroon ng lipunang makatao, at ipinagtatanggol ang karapatang pantao.

Nakikita man silang nakikibaka o lumalaban para sa kapakanan ng kapwa nila maliliit, iyon ay dahil sa kanilang hangaring mawala ang pagsasamantala ng tao sa tao at maipagtanggol ang mga maliliit.

Maraming nangawala sa iba’t ibang panig ng daigdig, lalo na yaong mga bansang umaabuso sa kapangyarihan. 

Kaya kami sa KPML ay nakikiisa sa mga pamilyang hanggang ngayon ay hinahanap pa rin nila ang kanilang mga nangawalang mahal sa buhay, na ngayon ay pawang mga desaparesido. 

Nawa’y makita na nila ang kanilang mga mahal sa buhay, buhay man o kung patay na’y mabigyan ng marangal na libing ang kanilang bangkay. 

Hustisya sa lahat ng mga desaparesido!

Miyerkules, Agosto 26, 2020

Pahayag ng Taliba ng Maralita sa pagpaslang sa isa na namang human rights defender

PAHAYAG NG TALIBA NG MARALITA SA PAGPASLANG SA ISA NA NAMANG HUMAN RIGHTS DEFENDER

Lumabas sa mga pahayagan at internet nitong Agosto 17, 2020 na isa na namang human rights defender ang pinaslang. Siya si Zara Alvarez, na ayon sa pananaliksik ng Taliba, ay nanungkulan sa Northern Negros Alliance of Human Rights Advocates (NNAHRA) at Negros Island Health Integrated Program for Community Development (NIHIPCD). Isa rin siyang political prisoner nang siyang ilegal na dinakip ng militar sa mga gawa-gawang kaso, at nakulong ng dalawang taon mula 2012.  

Noong 2019, isa si Alvarez sa nagsampa ng petition sa Court of Appeals upang magkaroon ng proteksiyon mula sa Executive Order No. 70 ni Duterte hinggil sa redtagging sa mga aktibista at progresibong grupo. Halos dalawang buwan matapos maisabatas ang Anti-Terror Act ay walang awang pinaslang si Alvarez ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang pauwi sa kanyang tirahan sa Cadiz, Bacolod City sa Negros Occidental. 

Kami sa pahayagang Taliba ng Maralita ay nakikiramay sa pamilya ng nasawi, at nananawagan ng hustisya para kay Zara!

* Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2020, pahina 11.

Pahayag ng KPML sa Women's Equality Day

PAHAYAG NG KPML SA WOMEN’S EQUALITY DAY
Agosto 26, 2020

Kami, sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taos-pusong nakikiisa sa pagdiriwang ng Women's Equality Day tuwing Agosto 26. Bagamat ito'y nagsimula sa Amerika, at hindi pa kinikilala sa Pilipinas, nais nating ipaabot sa mga kababaihan sa ating bansa ang ating pakikiisa sa kanilang pakikibaka para sa ekwalidad o pantay na pagtrato. 

Ayon sa pananaliksik, ang Women's Equality Day ay ipinagdiwang sa US upang gunitain ang "1920 adoption of the Nineteenth Amendment (Amendment XIX) to the United States Constitution, which prohibits the states and the federal government from denying the right to vote to citizens of the United States on the basis of sex." Kung maisasabatas din ito sa ating bansa, mas kikilalanin ang pantay na karapatan ng kababaihan bilang kalahati ng populasyon ng daigdig. Mabuhay ang mga kababaihan!

Lunes, Agosto 24, 2020

Kahulugan ng public housing, ayon sa diksyonaryo

Ayon sa Cambridge dictionary
noun: houses or apartments provided by the government at low rents for people who have low incomes

Ayon sa Collins dictionary
Public housing is apartments or houses that are rented to poor people, usually at a low cost, by the government.

Ayon sa Vocabulary.com
Public housing is a low-cost place to live that's subsidized by the government. Public housing is provided for people who have trouble affording an apartment or house.
Most public housing is built in clusters of apartments or townhouses, or as high-rise buildings in denser cities. Families that struggle to pay for housing can benefit from public housing that's funded by the city, state, or federal government. The first public housing was built in London around the turn of the twentieth century, but the idea didn't become widespread until after World War II.
noun - a housing development that is publicly funded and adminis-tered for low-income families

Ayon sa Merriam Webster
Definition of public housing : low-rent housing owned, sponsored, or administered by a government

Ayon sa Dictionary.com
noun housing owned or operated by a government and usually offered at low rent to the needy.

Ayon sa Macmillan Dictionary
houses or apartments that are built by the government for people who do not have enough money to buy their own home

Pinaghalawan: 
https://dictionary.cambridge.org/us/dictionary/english/public-housing
https://www.collinsdictionary.com/dictionary/english/public-housing
https://www.vocabulary.com/dictionary/public%20housing
https://www.merriam-webster.com/dictionary/public%20housing
https://www.dictionary.com/browse/public-housing
https://www.macmillandictionary.com/us/dictionary/american/public-housing

* Nalathala ang artikulong ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2020, pahina 9.

Linggo, Agosto 23, 2020

Balita Maralita - Demolisyon sa Ozamis

Balita Maralita

DEMOLISYON SA OZAMIS CITY SA MINDANAO, ISINAGAWA KAHIT NASA GITNA NG PANDEMYA

Lumabas sa GMA Netwok at Rappler ang balitang demolisyon sa Ozamis City, na iniulat din ng isang kasapi ng National Council of Leaders (NCL) ng KPML na si Ate Nene Villahermosa ng Ozamis City. Ayon kay Ate Nene, ang nasabing lugar ay nasa kabilang barangay lang nila.

Ayon sa ulat nitong Agosto 21 ng GMA Network (na isinalin ng Taliba): "Maraming bahay sa Purok Sais ng Barangay Lam-an sa Ozamiz City ang dinemolis ng mga lokal na awtoridad upang magbigay daan sa isang proyekto sa pabahay na naglalayong makatulong sa mga impormal na naninirahan."

Ayon sa Rappler, mula noong pandemiya, ay hiniling ng lokal na pamahalaan ng Ozamiz City na iwan nila ang kanilang mga tahanan sa Purok 6 ng barangay (Distrito 6). Ang kanilang mga tahanan, sinabi sa kanila, ay gigibain upang magbigay daan sa isang proyekto sa pabahay.

Ayon pa kay Ate Nene, hindi sila kasapi ng KPML. Subalit ayon kay Ka Kokoy Gan, dapat na tulungan ng KPML ang mga dinemolis na ito.

* Nalathala ang artikulong ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2020, pahina 12.


Miyerkules, Agosto 19, 2020

Pahayag ng KPML sa World Humanitarian Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD HUMANITARIAN DAY
Agosto 19, 2020

Kami, sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taos-pusong nakikiisa sa lahat sa pagdiriwang ng World Humanitarian Day ngayong Agosto 19, 2020.

Binibigyan namin ng pagkilala ang mga humanitarian workers o manggagawang makatao, na sa ating pagtingin ay yaongh tinatawag nating mga frontliners, na nagliligtas ng buhay at tumutulong sa mga kapwa taong nasa kriris sa panahong ito ng pandemya.

Sa ngayon, sa panahon ng pananalasa ng coronavirus sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, kumikilos ang mga humanitarians upang sila’y makapaghatid ng tulong gaano man kahirap ang mga kondisyon.

Bagamat saludo kami sa kanilang katapangan at pagsisilbi sa kapwa, nakakapanghihinayang noong 2019, 125 mga manggagawang makatao ang napatay. Ang pagsagip ng buhay ay hindi dapat magdulot ng buhay.

Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga na ang International Humanitarian Law ay iginagalang upang protektahan ang mga mangga-gawa sa humanitarian aid at mga sibilyan. 

Nawa’y matapos na ang pandemyang ito, at nawa’y magpatuloy pa ang mga frontliners, o yaong mga humanitarian workers sa kanilang pagsisilbi sa sambayanan, lalo na sa panahong ito ng krisis, kung saan ang pandemyang ito’y nagdulot ng sakit at labis-labis na kahirapan, lalo na sa aming mga kapwa mahihirap. Mabuhay ang mga frontliners! 

Mabuhay ang mga humanitarian aid workers!

Martes, Agosto 11, 2020

Pahayag ng KPML hinggil sa pagpaslang kay Ka Randy Echanis

Pahayag ng KPML
Agosto 11, 2020

Katarungan! Hustisya para kay Randall “Ka Randy” Echanis!

Si Ka Randy ang chairman ng grupong Anakpawis partylist.

Bagamat hindi namin kilala ng personal si Ka Randy, ang kanyang kamatayan ay hudyat ng mas tumitindi pang karahasan laban sa mga mamamayang nakikibaka para sa karapatang pantao, dignidad ng kapwa tao, panlipunang hustisya, at pagtatayo ng lipunang makataong walang pagsasamantala. Pinaslang siya ng walang awa, at inagaw pa ng mga pulis ang kanyang bangkay mula sa kanyang pamilya.

Marahil ito’y epekto rin ng Anti-Terror Law na naisabatas noong nakaraang buwan lamang, na tinitingnan ang bawat kritiko ni Mister Duterte na diumano’y terorista. Isa rin marahil itong epekto ng nakamamatay at nakakatakot na kulturang tokhang na matagal nang ipinalaganap ng rehimeng Duterte, at nagdulot ng libu-libong kamatayan ng sinasabi ng mga pulis na nanlaban, kabilang ang diumano’y mahigit isangdaang kabataan.

Ang nangyaring ito’y karumal-dumal na krimen! Kaya kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taas-kamaong nakikiisa sa paghahanap ng katarungan para kay Ka Randy. Ang nangyari sa kanya ay maaari ring mangyari sa kaninuman sa ating nakikibaka para sa isang lipunang makatao.

Katarungan para kay Ka Randy Echanis! Panagutin ang rehimeng Duterte!

* Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2020, pahina 12.

Huwebes, Agosto 6, 2020

Pahayag ng KPML sa ika-75 anibersaryo ng pagbagsak ng bomba atomika


PAHAYAG NG KPML SA IKA-75 ANIBERSARYO NG PAGBAGSAK NG BOMBA ATOMIKA
Agosto 6, 2020

Kahindik-hindik na kasaysayan nang nakalipas na pitumpu'tlimang taon nang pinabagsak ng Amerika sa bansang Japan, sa Hiroshima noong Agosto 6, 1945, at sa Nagazaki noong Agosto 9, 1945, sa kasagsagan ng Ikalawang Daigdigang Digmaan o World War Two (WWII).

Ang unang bomba atomika, na may pangalang "Little Boy", ay ibinagsak sa Hiroshima, sakay ng eroplanong Enola Gat, na ang mga piloto's sina Colonel Paul Tibbets at Robert A. Lewis. Ang ikalawang bomba naman ay pinangalanang "Fat Man" na bumagsak sa Nagazaki. Ayon sa pananaliksik, nasa 129,000 hanggang 226,000 ang namatay, na mayorya ay mga sibilyan. Dahil dito'y sumuko ang Japan sa Allied Forces, anim na araw matapos magdeklara ng giyera ang Unyong Sobyet at pagbomba sa Nagazaki. Nilagdaan ng Japan ang pagsuko noong Setyembre 2, 1945, na siyang petsang nagtapos ang WWII.

Libu-libo ang namatay, habang libu-libo rin ang parang patay, at itinuring na hibakusha, o yaong naapektuhan ng bomba atomika, subalit nabuhay. Natagpuang humihinga pa, lapnos ang mga katawan, sunog ang mga balat, naapektuhan ang mga baga. Ang mga hibakusha'y nananawahgan ng "nuclear ban trreaty" at "never again" sa mga armas nukleyar. Sila ay mga karaniwang tao, mga sibiliyang nananawagan ng katarungan, at humihibik na sana'y wala nang ganitong mangyari sa kasaysayan. Itigil ang mga armas-nukleyar, magkaroon ng kapayapaan sa daigdigan. Nanawagan pa silang lumagda sa mga petition upang sabihing "never again" sa mga armas nukleyar.

Ayon nga sa kanila, “So that the people of future generations will not have to experience hell on earth, we want to realize a world free of nuclear weapons while we are still alive.” ("Upang ang mga mamamayan nga susunod na salinlahi ay hindi na maranasan ang impiyerno sa daigdig, nais nating mapagtanto ang isang daigdig na walang mga sandatang nukleyar habang nabubuhay pa tayo.")

Sa ngayon, may ilang mga bansang nag-aangkin ng mga armas nukleyar. Nangunguna ang United States of America, sunod ay ang Russia (na dating nasa Unyong Sobyet), ang United Kingdom, France, China, India, Pakistan, North Korea, at Israel.

Bilang maralita, hinahangad nating maitayo ang isang lipunang makatao, isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, kung saan lahat ay nakikinabang sa produkto ng paggawa at ng kalikasan.

Kung masisira ang ating daigdig dahil sa mga armas-nukleyar, baka ito'y katapusan na ng sangkatauhan. Kaya sa paggunita natin sa ikapitumpu't limang anibersaryo ng pagbagsak ng Hiroshima, kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa mga panawagan ng mga hibakusha na dapat wala nang armas-nukleyar upang hindi na maranasan ng ating mundo ang isang kahindik-hindik na pangyayari tulad ng kanilang naranasan.

Pahayag ng KPML sa muling pagpapatupad ng MECQ

PAHAYAG NG KPML SA MULING PAGPAPATUPAD NG MECQ

Matindi ang kinakaharap ng mga maralita sa muling paghihigpit ngayong idineklara ang buong National Capital Region (NCR) at apat na probinsya (Bulacan, Laguna, Rizal, at Batangas) sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine sa loob ng labinglimang araw, na nag-umpisa noong Agosto 4, 2020.

Maraming eryang may kasapian ng KPML ang nakakaranas ng higpit ng MECQ protocol mula sa militar at pulis. Karamihan o mayorya ng mga maralita ay wala pang natatanggap na 2nd trance at tulong mula sa lokal na pamahalaan. 

Partikular sa San Jose del Monte, Bulacan, walang nakatakdang pasilidad para sa mga PUI (patients under investigation) at PUM (persons under monitoring). Nagpatupad doon ng total lockdown, walang quarantine facility, walang maayos na datos dahil ang mga PUI at PUM ay dinadala sa ibang lugar, tulad ng Malolos. Bawal ding bumiyahe ang mga dyip, subalit ang mayor ay may mga yunit ng transportasyon na pinapasada.

sa tingin ng KPML, lalong nagpapahirap sa mamamayan ang MECQ, dahil sa biglang tigil sa trabaho, at yaong may trabahong nasa malayong lugar ay mahaba ang lalakarin upang makarating sa trabaho dahil walang masakyan. Bagamat ang layunin ng MECQ ay hindi magkahawaan ang mga tao, hindi naman nakakatulong sa mga tao ang pinatutupad na MECQ, dahil naman natitigil sila sa trabaho, na nagdudulot ng kawalan ng perang pambili ng pagkain at pagbabayad sa mga maraming bayarin.

Hindi makatao ang ginawang MECQ, pagkat walang plano ang pamahalaan para sa maralitang nagugutom. Walang pagbabago sa kalagayan ng maralita. Sa kabila nito, patuloy na kumikilos ang KPML upang itaguyod ang karapatang pantao at kabuhayan para sa maralita.

* Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2020, pahina 9.