Martes, Agosto 30, 2022

Pahayag ng KPML sa Unang National Press Freedom Day

PAHAYAG NG KPML SA UNANG NATIONAL PRESS FREEDOM DAY
Agosto 30, 2022

PAKIKIISA SA PAMBANSANG ARAW NG KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG!
LABANAN ANG FAKE NEWS AT HISTORICAL DISTORTION!
PATULOY NA MAGBALITA AT IHAYAG ANG KATOTOHANAN!

Sa kauna-unahang pagkakataon ay ipagdiriwang sa bansa ang National Press Freedom Day (Pambansang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag) ngayong Agosto 30, 2022. Kaiba ito sa tuwing Mayo 3 na World Press Freedom Day na idineklara naman ng United Nations. Ang nasabing pagdiriwang ay bunsod ng Batas Republika (RA) Blg. 11699 na nilagdaan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Abril 13, 2022 na nagdedeklara sa Agosto 30 ng bawat taon bilang "National Press Freedom Day." Ang Agosto 30 ng bawat taon ay isang working holiday, ayon sa RA 11699. Ito'y ibinalita ng Philippine News Agency (PNA) nito lang Abril 27, 2022 sa kanilang website. 

Sa ilalim ng batas na nabanggit, ang Agosto 30 ng bawat taon ay idineklarang National Press Freedom Day bilang parangal kay Marcelo H. del Pilar, ang ama ng Pamamahayag sa Pilipinas (Philippine Journalism). Si Del Pilar, na sumulat sa ilalim ng sagisag panulat na “Plaridel,” ay isinilang noong Agosto 30, 1850. Sila nina José Rizal at Graciano López Jaena ang bumubuo sa Kilusang Propaganda sa Espanya. Pinalitan niya si Jaena bilang patnugot ng La Solidaridad.

Dahil dito'y nakikiisa ang patnugutan ng Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), sa pagdiriwang ng National Press Freedom Day tuwing Agosto 30 bilang parangal sa ating bayaning si Gat Marcelo H. Del Pilar, at sa iba pang mga mamamahayag na tumangan ng panulat upang ilantad ang katotohanan.

Kaya ngayong National Press Freedom Day, ipinahahayag nating tayo’y naninindigang dapat magbalita ng tumpak at totoo, lalabanan ang anumang halibyong o fake news, at ang bantang historical distortion o pagbabago ng kasaysayan. Mabuhay ang kalayaan sa pamamahayag at ang pagbabalita ng katotohanan! Labanan ang mga fake news!

Lunes, Agosto 29, 2022

Pahayag ng KPML hinggil sa Matagumpay na Nagsabado sa Pasig

PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA MATAGUMPAY NA NAGSABADO SA PASIG
Agosto 29, 2022

Malugod at taas-kamaong nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita ng matagumpay na Nagsabado sa Pasig. Ang Agosto 1896 ay itinuturing na “Birth of the Nation” (o Pagkasilang ng Bansa) mula nang punitin ng mga rebolusyonaryong pinamunuan ni Gat Andres Bonifacio, ang kanilang sedula. 

Tuwing ika-29 ng Agosto, inaalala ng mga Pasigueño ang Nagsabado sa Pasig. Noong Agosto 29, 1896, halos 2,000 Pasigueño ang nagmartsa papunta sa Plaza (Plaza Rizal ngayon) at napagtagumpayang makuha ang kuta ng mga guardiya sibil. Ayon sa pananaliksik, takipsilim ng Agosto 29, 1896, habang inihahanda ni Bonifacio ang kanyang mga tauhan sa pagsalakay sa Mandaluyong, ang mga anak ng Pasig na pinamumunuan ni Valentin Cruz ay sumalakay naman sa detatsment ng mga Espanyol sa Pasig. Inilarawan ng istoryador ng Pasig na si Dean Carlos Tech ang mga pangyayari tulad ng sumusunod: 

"Gabi ng Agosto 29, ang mamamayan mula sa mga kanayunan ng Pasig na Pineda, Bagong Ilog at Ugong ay tumawid sa Ilog San Mateo hanggang Maybunga, kung saan sila ay nagsanib-puwersa mula sa Santolan, Rosario, Maybunga, Palatiw, Sagad, Poblacion, Pinagbuhatan, Bambang, Kalawaan, Buting at iba pang nayon ng Pasig. Pagkatapos ng ilang huling tagubilin sa labanan, sa determinasyon nilang ipaglaban ang Kalayaan, sa pamumuno ni Heneral Valentin Cruz, ay nagmartsa sa pagsalakay ang magigiting na mga anak ng Pasig, armado ng karit, gulok, sibat, at ilang baril. Ang taong-bayan, na animo’y nasa pista, ay naglipana sa mga lansangan, na pinagbubunyi ang kanilang mga bayani. Nasa 2,000 silang kumakatawan sa bawat pamilya ng Pasig, mula sa lahat ng antas ng lipunan, sa pagpapakita ng pagkakaisa laban sa paniniil. Sinalakay nila ang Tribunal at ang punong-tanggapan ng Guardia Civil, sa ngayon ay tirahan ng Guanio, at nakakumpiska ng 17 ripleng de piston at tatlong Remington. Ang kumander ng Guardia Civil na si Manuel Sityar  ay nagtago sa tore ng simbahan. Ito ay isang mapagpalang gabi para sa Pasig at ang buong bayan ay nagalak sa unang tagumpay ng rebolusyon na naaalala ng matatanda bilang ''Nagsabado.''

Mabuhay ang Matagumpay na Nagsabado sa Pasig noong 1896!

Taas-kamaong nagpupugay ang KPML sa mga rebolusyonaryong Pilipino noong itinatag ang bansa ng Agosto 1896!

Pahayag ng KPML sa National Heroes' Day

PAHAYAG NG KPML SA NATIONAL HEROES’ DAY
Agosto 29, 2022

MABUHAY ANG ATING MGA BAYANI TULAD NINA GAT ANDRES BONIFACIO, MACARIO SAKAY, AT KA EDDIE GUAZON!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng National Heroes’ Day (Pambansang Araw ng mga Bayani) tuwing huling Lunes ng Agosto. 

Ayon sa pananaliksik, Noong 1952, ibinalik ni Pangulong Elpidio Quirino ang petsa ng National Heroes Day pabalik sa huling Linggo ng Agosto. Pinagtibay ito ng Administrative Code ni Pangulong Corazon C. Aquino ng 1987 sa Executive Order No. 292, Book 1, Chapter 7, na naglaan ng listahan ng mga regular holiday at nationwide special days, na nagtatakda ng National Heroes Day bilang isang regular holiday na ipinagdiriwang sa huling Linggo ng Agosto. Noong Hulyo 24, 2007, nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang batas ang Batas Republika (RA) Blg. 9492, na nag-amyendahan sa Book 1, Chapter 7 ng Administrative Code. Sa bisa ng R.A. 9492, ang pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Bayani sa gayon ay pumapatak sa huling Lunes ng Agosto. Ang katwiran sa likod ng hakbang ay ang programang "Holiday Economics" ni Pangulong Arroyo, na naglalayong bawasan ang mga pagkagambala sa trabaho sa pamamagitan ng paglipat ng mga pista opisyal sa pinakamalapit na Lunes o Biyernes ng linggo, upang magbigay-daan para sa mas mahabang bakasyon, paglilibang at turismo.

Sa aming mga maralita, inaalala din namin ang mga bayani ng aming sektor. Isa na rito si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML, na namatay sa loob ng Senado habang ipinagtatanggol ang mga maralita mula sa demolisyon. Siya'y inatake sa puso habang nakikipagdebate sa loob ng Senado noong Mayo 19, 1989. Si Ka Eddie Guazon, na nagsabing "Ang pabahay ay karapatan ninuman kahit siya pa ay maralita," ay bayani ng mga maralita, kaya nararapat lang gunitain. Ang kanyang buhay at mga aral ay buhay na buhay sa puso't diwa ng mga tulad naming maralita.

Kaya ngayong National Heroes Day, hindi lamang ang mga kilalang bayani sa kasaysayan, tulad nina Gat Jose Rizal, Gat Andres Bonifacio, Gat Emilio Jacinto, at Gat Macario Sakay, ang dapat nating gunitain, kundi ang mga bayaning tulad nina Ka Eddie Guazon, na sa kanilang panahon ay nakipaglaban at kinamatayan ang paglaban para sa kapakanan ng mga maralita.

Lunes, Agosto 22, 2022

Pahayag ng KPML sa ikalimang taon ng pagkapaslang kay Kian Delos Santos

PAHAYAG NG KPML SA IKALIMANG TAON NG PAGPASLANG KAY KIAN DELOS SANTOS
Agosto 22, 2022

ANG PAGHUKAY MULI KAY KIAN AY PAGHAHANAP NG KATOTOHANAN!
KATARUNGAN KAY KIAN DELOS SANTOS!

Sa ikalimang taon ng pagkapaslang kay Kian Delos Santos, muling hinukay ang kanyang mga buto upang malaman ang katotohanan. Ang kanyang labi ay hinukay para sa autopsy nitong Agosto 15, 2022, bisperas ng ikalimang anibersaryo ng kanyang kamatayan, habang sinisikap ng kanyang pamilya na malaman ang higit pa tungkol sa kanyang pagkamatay at panagutin ang iba.

Ang high school student na si Kian Delos Santos ay 17 taong gulang nang barilin siya ng mga pulis sa isang akto na sinabi nilang pagtatanggol sa sarili.
Ngunit ang nakuhang video footage ay sumasalungat sa opisyal na ulat ng pulisya, na nagdulot ng malaking galit ng publiko laban sa madugong kampanyang kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Randy Delos Santos, tiyuhin ng biktima, sa mga mamamahayag sa paghukay sa isang sementeryo sa Maynila noong Lunes na ang bangkay ay ipapa-autopsy sa isang forensic pathologist bilang paghamon ang opisyal na salaysay kung paano napatay ang mga taong tulad ni Delos Santos noong kampanyang War on Drugs. “Nagsasalita pa rin ang mga buto. Pagkatapos ng limang taon, tingnan natin kung makakatuklas pa tayo ng higit pang katotohanan,” (salin ng KPML mula sa Ingles), ang sabi pa ni Mang Randy, at idinagdag na isinusulong ng pamilya na mas maraming tao ang maparusahan sa pagkamatay ng kanyang pamangkin, nang hindi pinangalanan. Na

Ang mga opisyal na rekord ay nagpapakita na ang mga pulis ay pumatay ng 6,252 katao sa panahon ng crackdown kasunod ng halalan ni Duterte noong 2016, lahat ay sa pagtatanggol sa sarili. Sinasabi ng mga grupo ng mga karapatan na pinatay ng pulisya ang mga suspek sa droga sa napakalaking sukat, na itinanggi ng pulisya, at ang libu-libong mahiwagang pagpatay sa kalye ay hindi kasama sa tally.

"Kung talagang gumagana ang sistema ng hustisya, dapat marami ang maparusahan (salin ng KPML mula sa Ingles)," sabi ni Randy Delos Santos, at idinagdag na marami pang ibang kaso na sumasalungat sa mga pahayag ng gobyerno na nanlaban ang mga biktima.

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa pamilya Delos Santos sa paghahanap ng katotohanan at mapanagot, di lamang ang mga maysala, kundi ang utak ng ganitong mga karumal-dumal na krimen.

Pinaghalawan ng datos:
https://www.rappler.com/nation/video-kian-delos-santos-digging-for-truth/
https://interaksyon.philstar.com/politics-issues/2022/08/16/225297/kian-delos-santos-body-exhumed-in-fresh-push-for-drug-war-justice/

Pahayag ng KPML sa Buwan ng Wika

PAHAYAG NG KPML SA BUWAN NG WIKA
Agosto 22, 2022

KILALANIN SI ASEDILLO, BUKOD KAY QUEZON, BILANG BAYANI NG WIKANG PAMBANSA

Mahigit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Ang wikang Filipino ang siyang wika, di lamang sa pambansa, kundi ng karaniwang tao, ng manggagawa, ng maralita. Ang paggamit nito sa talastasan at sa mga pahayagan, tulad ng Taliba ng Maralita, na opisyal na publikasyon ng KPML, ay sanhi upang magkaunawaan at magkaisa tayo tungo sa ating pinapangarap na isang lipunang makatao at maunlad na kasama ang lahat.

Nitong nakaraang Agosto 19, na siyang kaarawan ng Ama ng Wikang Pambansa na si dating Pangulong Manuel Luis Quezon, ay ipinagdiwang din sa iba't ibang panig ng bansa, lalo na sa mga paaralan. Subalit bago pa maging tagapagtanggol at maging Ama ng Wikang Pambansa si Manuel L. Quezon, may isa nang kilalang guro sa kasaysayan ang unang nagtanggol sa sariling wika, at siya si Teodoro Asedillo. Ang kanyang buhay ay isinapelikula at ginampanan ng ating Pambansang Alagad ng Sining na si Fernando Poe Jr.

Ayon sa pananaliksik, labing-isang taon naglingkod bilang guro si Maestro Asedillo sa mababang paaralan ng Longos sa lalawigan ng Laguna, mula taong 1910 hanggang 1921. Bilang guro, itinuro niya ang lahat ng aralin sa maghapong pagpasok sa klase ng mga mag-aaral sa elementarya. Siya’y naangat bilang head teacher ngunit nagpatuloy siyang nagturo sa mga batang nasa ikatlo at ikaapat na baytang. Kilala siya sa kahusayan sa pagtuturo. Isang disiplinaryan, ayaw niya sa mga estudyanteng nagbubulakbol, di nagsisikap matuto, at nagsasayang lang ng oras.

Nang panahong iyong sakop ng Amerika ang bansa, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika sa pagtuturo, at yaong gumagamit nito'y pinarurusahan. Isa sa pinagtuunan ng pansin ng mga Amerikanong kolonisador ay ang Department of Public Instruction (DPI) sa kanilang kampanya ng pasipikasyon (pwersahang pagpayapa) at asimilasyon (sapilitang pagpapalunok sa atin ng sarili nilang kultura). Sa pamamagitan ng Philippine Commission Act No. 74 (Enero 1901), iniatas ni Gobernador-Heneral Elwell Otis ang mga sumusunod na polisiya: (1) sentralisadong sistema ng batayang edukasyon; (2) paggamit sa Ingles bilang wikang panturo at komunikasyon; at (3) pagtatatag ng isang kolehiyong normal para sa maramihang pagsasanay ng magiging mga guro.

Ang mga pangyayari at kalagayang ito ang nagtulak sa unang paghihimagsik ni Asedillo. Pinili niyang gamitin ang wikang Pilipino sa halip na wikang Ingles. Iminulat niya ang mga mag-aaral sa kagitingan at aral ng mga bayaning Pilipino, habang tinuruan din niya ang mga mag-aaral ng awiting makabayan. Hindi rin niya ginamit ang mga aklat na sinulat ng mga dayuhang awtor. Dahil dito, siya’y kinasuhan ng insubordinasyon o pagsuway sa kautusan ng kagawaran noong 1923. Ipinagtanggol niya ang sarili at ikinatwirang hindi dapat ipilit sa mga batang Pilipino ang kulturang banyaga sa kanilang karanasan at pang-unawa. Ngunit siya’y natalo at natanggal sa pagtuturo. Ang pamilyang Asedillo ay naghirap ng husto.

Anong saklap na pangyayari! Nang dahil sa pagtatanggol sa sariling wika na dapat gamitin sa pagtuturo, siya pa ang natanggal. Hanggang sa si Asedillo'y mawala sa pagkaguro at naghanap ng ibang trabaho, bilang sakada, bilang pulis, hanggang maging manghihimagsik. 

Sa ganitong punto, kami sa KPML ay nakikiisa sa panawagang dapat kilalaning bayani ng sariling wika si Teodoro Asedillo. Na sana'y may maipasang panukalang batas sa Kongreso at Senado, hanggang maging batas ang pagkilala kay Asedillo bilang tagapagtanggol at Bayani ng Wikang Pambansa.

Pinaghalawan ng datos:
Mula sa https://www.facebook.com/IRESManila/photos/a.498880233873326/519106188517397/?type=3
https://teodoroasedillo.blogspot.com/2016/04/si-teodoro-asedillo-bilang-bayani-ng.html?view=classic

Lunes, Agosto 15, 2022

Pagpupugay sa ika-25 anibersaryo ng Martsa ng Tagumpay ng mga Maralita ng Sitio Mendez

PAHAYAG NG KPML
Agosto 15, 2022

PAGPUPUGAY SA IKA-25 ANIBERSARYO NG MARTSA NG TAGUMPAY NG MGA MARALITA NG SITIO MENDEZ

Taas-kamaong nagpupugay ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa ikadalawampu't limang anibersaryo ng tagumpay ng mga maralita ng Sitio Mendez sa Baesa, Lungsod ng Quezon.

Noong Hulyo 1997, madaling araw ay nademolis ang kabahayan ng may halos 500 pamilya ng maralita sa ASAMBA, (Alyansa ng mga Samahan sa Sitio Mendez, Baesa Homeowners Association). Ang lupain ay pag-aari ng mayamang angkang Araneta. Durog ang mga kabahayan ng maralita sa tinatayang 1.4 ektaryang lupain. Dahil doon, ang mga maralita ay nagmartsa patungo sa Quezon City Hall upang kondenahin ang marahas na demolisyon sa kanilang komunidad. Nagkampo sila ng halos isang buwan sa Quezon City Hall. Maraming tumulong sa laban ng maralita, tulad ng KPML sa pamumuno ni Ka Roger Borromeo, SANLAKAS sa pangunguna ni Tita Flor Santos, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Zone One Tondo Organization (ZOTO) sa pamumuno ni Ka Lydia Ela, ang artistang Konsehal Anthony Alonzo, at marami pang iba. 

Ang pagkilos na iyon ay tumanggap ng malawakang multi-sektoral at internasyonal na suporta, na nagresulta sa kanilang pagbabalik sa Sitio Mendez at ang pagsasakatuparan ng proyekto ng panlipunang pabahay ng lungsod. Sa pamumuno ni Mayor Ismael Mathay, at mga lider-maralita, ay napagkasunduang bilhin ng pamahalaang lungsod ang lupa para sa kanilang programang socialized housing.

Noong Agosto 15, 1997, matapos ang halos isang buwan, ay inilunsad ng mga maralita ng ASAMBA, sa pamumuno ni Ka Linda Sapiandante, ang halos anim-na-kilometrong makasaysayang "Martsa ng Tagumpay" bilang simbolikong pagbabalik sa kanilang lugar. Muling naitayo ang kanilang mga bahay at pamumuhay sa lugar. Tinulungan din sila ng internasyunal na grupong HABITAT for Humanity sa pagsasaayos ng kanilang mga bagong bahay. Ang pagkilos nila’y patunay na sa pagkakaisa at sama-samang pagkilos ay matatamo ang tagumpay. 

Sa ngayon ay makikita ang KPML street, Sanlakas street, BMP street, at iba pa, sa loob ng komunidad ng ASAMBA. Ang naganap na pagpapaunlad sa lugar ay halimbawa ng on-site, in-city resettlement. Ang aral nito’y aming ginugunita at binibigay na halimbawa sa ibang maralitang walang katiyakan sa paninirahan at may bantang demolisyon.

Sabado, Hunyo 18, 2022

Pahayag ng KPML sa Kauna-unahang International Day for Countering Hate Speech

PAHAYAG NG KPML SA KAUNA-UNAHANG INTERNATIONAL DAY FOR COUNTERING HATE SPEECH
Hunyo 18, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Day for Countering Hate Speech o Pandaigdigang Araw upang Salungatin ang Mapoot na Pananalita na sa kauna-unahang pagkakataon ay isinasagawa ngayong Hunyo 18 at sa mga susunod pang Hunyo 18.

Noong Hulyo 2021, binigyang-diin ng United Nations General Assembly ang mga pandaigdigang alalahanin sa “tuloy-tuloy na pagkalat at paglaganap ng mga hate speech” sa buong mundo at pinagtibay ang isang resolusyon sa “pagsusulong ng inter-religious at intercultural na dialogue at tolerance sa pagkontra sa hate speech”. Kinikilala ng resolusyon A/RES/75/309 ang pangangailangang kontrahin ang diskriminasyon, xenophobia at mapoot na pananalita at nananawagan sa lahat, kabilang ang mga Estado, na dagdagan ang kanilang mga pagsisikap na tugunan ang hindi pangkaraniwang bagay na ito, alinsunod sa internasyonal na batas sa karapatang pantao. Inihayag ng resolusyon ang Hunyo 18 bilang International Day for Countering Hate Speech, na itinakda sa unang pagkakataon ngayong 2022.

Sa ating bansa, ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang kalayaan sa pagsasalita at pagpapahayag. Tinukoy ng Artikulo III Seksyon 4 na walang batas na dapat ipasa na sumasagka sa kalayaan sa pagsasalita o pagpapahayag. Kahit na ang ilang mga tao ay mali ang kahulugan nito na nangangahulugan na maaari nilang sabihin ang anumang gusto nila sa ibang tao, kasama na sa social media, kahit na nagdudulot ito ng pagkabalisa at pinsala sa ibang tao. Wala pang batas sa bans ana nagpaparusa sa mapoot na salita, bagama't mayroon itong mga batas sa libelo at paninirang-puri. Noong 18th Congress, isang panukalang batas ang inihain Mababang Kapulungan na naglalayong tukuyin, ipagbawal at parusahan ang mapoot na salita sa bansa. Inihain ito ng mga kinatawan ng Muslim sa kongreso bilang isang resulta ng mga marahas na insidente na naganap sa Christ-church at El Paso na pumatay ng mga indibidwal dahil sa racist at anti-immigration sentiments.

Sa ganitong mga punto, nakikiisa ang KPML sa panawagang itigil na ang mga hate speech at gawan ng batas na magpaparusa sa mga gagawa nito upang mabawasan na ang mga ganitong pananakit sa salita. Sana’y pakikipagkapwa at pagpapakatao ang laging nangingibabaw.

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/countering-hate-speech
https://fma.ph/2022/06/29/understanding-hate-and-hate-speech-the-philippine-context/

Huwebes, Hunyo 16, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Family Remittances

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF FAMILY REMITTANCES
Hunyo 16, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Day of Family Remittances tuwing Hunyo 16 taun-taon. Sinasabing binubuhay ng remittances mula sa mga OFW (overseas Filipino workers) ang ekonomya ng bansa, kaya binansagang makabagong bayani ang mga OFW, kahit sila'y nagpapaalipin sa ibang bansa para lang magkaroon ng ginhawa ang kanilang pamilya sa Pilipinas.

Ang International Day of Family Remittances (IDFR) ay pinagtibay ng United Nations General Assembly at inaalala tuwing ika-16 ng Hunyo. Kinikilala ng IDFR ang higit sa 200 milyong migranteng manggagawa, kababaihan at kalalakihan, na nagpapadala ng pera pauwi sa mahigit 800 milyong miyembro ng pamilya. Higit na itinatampok ng araw na ito ang mahusay na katatagan ng mga migranteng manggagawa sa harap ng mga kawalan ng katiyakan sa ekonomiya, mga kalamidad na nauugnay sa kalikasan at klima at isang pandaigdigang pandemya. Ang IDFR ay kinikilala na ngayon sa buong mundo at isa itong pangunahing inisyatiba sa Global Compact para sa Ligtas, Maayos at Regular na Migration (Layunin 20), na humihimok ng pagbawas sa mga gastos sa paglilipat at higit na pagsasama sa pananalapi sa pamamagitan ng mga remittance.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang nasa 1.77 milyon ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) o manggagawang Pilipino na nagtrabaho sa ibang bansa noong Abril hanggang Setyembre 2020. Ang mga Overseas Contract Workers (OCWs) o may mga kasalukuyang kontrata sa trabaho ay binubuo ng 96.4 porsyento o katumbas ng 1.71 milyon ng kabuuang OFW sa parehong panahon. Ang ibang OFW na nagtrabaho sa ibang bansa nang walang working visa o work permit tulad ng turista, bisita, estudyante, medikal, at iba pang uri ng non-immigrant visa ngunit kasalukuyang nagtatrabaho at nagtatrabaho ng full time sa ibang bansa ay may 3.6 porsiyentong bahagi.

Mahalaga ang ipinadadalang pera mula sa ibang bansa o remittance para sa pamilyang Pilipino. Para sa KPML, ang mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa ay nagsasakripisyo, di lang para sa pamilya, kundi buhayin ang ekonomya ng ating bansa. Nagpapaalipin sa hindi nila kalahi kapalit ng dolyar o dinar. Pinatutunayan nila, na hindi kapitalista, kundi manggagawa ang talagang bumubuhay ng ekonomya ng bansa.

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/remittances-day
https://psa.gov.ph/statistics/survey/labor-and-employment/survey-overseas-filipinos

Martes, Hunyo 14, 2022

Pahayag ng KPML sa World Blood Donor Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD BLOOD DONOR DAY
Hunyo 14, 2022

ANG PAGBIBIGAY NG DUGO AY PAKIKIPAGKAISA
NA SA NANGANGAILANGAN NG DUGO’Y MAHALAGA!
MAGBIGAY NG DUGO AT ILIGTAS ANG BUHAY NG ATING KAPWA!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa World Blood Donor Day (World Health Assembly Resolution 58.13).

Ang World Blood Donor Day ay ipinagdiriwang sa buong mundo tuwing ika-14 ng Hunyo upang itaas ang kamalayan tungkol sa pangangailangan ng ligtas na dugo at mga produkto ng dugo upang magligtas ng buhay. Ang araw ay isa ring pagkakataon upang pasalamatan ang mga kusang-loob, hindi nababayarang mga donor ng dugo para sa kanilang nagliligtas-buhay na inalay na dugo.

Sa ating bansa, ang National Blood Services (NBS) ng Philippine Red Cross ang isa sa mga pangunahing tagapagbigay ng dugo at mga produkto ng dugo sa bansa. Ito’y patuloy na naghahatid ng sapat, ligtas, at de-kalidad na suplay ng dugo sa mga pinaka-bulnerableng sektor. Ngayong taon, nakakolekta na ang PRC ng 159,686 blood units at nakapagbigay ng 169,799 blood units sa 96,567 na pasyente. Ang dugo at mga produkto ng dugo ay mahahalagang mapagkukunan para sa epektibong pamamahala ng kababaihang dumaranas ng pagdurugo na nauugnay sa pagbubuntis at panganganak; mga batang dumaranas ng matinding anemia dahil sa malaria at malnutrisyon; mga pasyente na may sakit sa dugo at utak ng buto, minanang karamdaman ng hemoglobin at kondisyon ng immune deficiency; biktima ng trauma, emerhensiya, sakuna at aksidente; pati na rin pasyenteng sumasailalim sa advanced na medikal at surgical procedure.

Ang pangangailangan para sa dugo ay pangkalahatan, ngunit ang pag-akses sa ligtas na dugo at ligtas na mga produkto ng dugo para sa lahat ng nangangailangan nito ay hindi ganoon kadali.

Pinaghalawan:
https://www.who.int/westernpacific/news-room/events/detail/2022/06/14/western-pacific-events/world-blood-donor-day-2022
https://redcross.org.ph/2022/06/15/world-blood-donor-day-2022-ph-red-cross-still-one-of-the-countrys-major-blood-suppliers/
https://caro.doh.gov.ph/today-is-world-blood-donor-day/

Linggo, Hunyo 12, 2022

Pahayag ng KPML sa World Day Against Child Labor

PAHAYAG NG KPML SA WORLD DAY AGAINST CHILD LABOR
Hunyo 12, 2022

Taaskamao, muli at mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa World Day Against Child Labor. 

Ayon sa International Labor Organization (ILO), ang tema ngayong 2022 ay "Universal Social Protection to End Child Labour" o  Pangkalahatang Proteksyon sa Panlipunan upang Wakasan ang Maagang Pagtatrabaho ng mga Bata. Sa araw na ito, ang ILO, kasama ang mga nasasakupan at mga kasosyo nito, ay nananawagan para sa mas mataas na pamumuhunan sa mga sistema ng panlipunang proteksyon at mga iskema upang magtatag ng matatag na mga hakbang na proteksyong panlipunan at protektahan ang mga bata mula sa child labor. 

Ang panlipunang proteksyon ay parehong karapatang pantao at isang mabisang tool sa patakaran upang pigilan ang mga pamilya sa paggamit ng child labor sa oras ng krisis. Gayunpaman, noong 2020 at bago humawak ang krisis sa COVID-19, 46.9 porsyento lamang ng pandaigdigang populasyon ang epektibong nasakop ng hindi bababa sa isang benepisyo sa proteksyong panlipunan. Ang saklaw para sa mga bata ay mas mababa pa. Halos tatlong quarter ng mga bata, 1.5 bilyon, ay walang panlipunang proteksyon.

Isa ang KPML sa may programa para sa mga bata. Sa katunayan, naglabas ng Agenda ng mga Bata at Kabataang Manggagawa ang KPML noong 2009. Nais din naming ipaalala sa pamahalaan, lalo na sa mga awtoridad ng batas, ang Convention on the Rights of the Child ng United Nations (UNCRC) bilang salalayan at gabay nila sa pagtrato sa mga bata. Narito ang Agendang inilabas ng KPML noong 2009. Dito’y inilahad ang mga adyenda hinggil sa: Karapatang Mabuhay at Umunlad, Karapatang Makilahok, Karapatang Maproteksyunan, at Anong Pinakamabuti para sa mga Bata. Sa ngayon, patuloy pa rin ang KPML sa pagtataguyod ng karapatan ng mga bata at kabataan upang maiwasan na ang kanilang maagang pagtatrabaho sa murang edad, at mabigyan ng trabaho ang kanilang mga magulang na magtataguyod ng kanilang kinabukasan.

Pinaghalawan:
https://www.ilo.org/global/topics/child-labour/campaignandadvocacy/wdacl/lang--en/index.htm
https://www.facebook.com/pahayagngkilusan/photos/pahayag-ng-kpml-sa-world-day-against-child-laborhunyo-12-2019mula-kay-ka-pedring/1544248999042798/

Miyerkules, Hunyo 8, 2022

Pahayag ng KPML hinggil sa usapin ng mga kapatid na maralitang taga-San Roque

PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA USAPIN NG MGA KAPATID NA MARALITANG TAGA-SAN ROQUE
Hunyo 8, 2022

Isang taas-kamaong pagpupugay ang ipinaaabot ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga maralita ng San Roque dahil sa inilabas ng korte na

Matapos ang dalawang taong paglilitis, pinawalang-bisa ng hukuman sa Lungsod Quezon ang 21 residente ng isang komunidad ng maralitang lungsod sa Barangay San Roque ng kasong paglabag sa kwarantina. Ipinasiya ng hukuman na ang pagsusumamo para sa pagkain sa kasagsagan ng pandemic lockdown ay “kanilang mga karapatan.”

Ayon sa balita, sinabi ni QC Metropolitan Trial Court Branch 38 Judge John Boomsri Sy Rodolfo, "Ang mga akusado ay kumikilos ayon sa kanilang mga karapatan nang lumabas sila ng kani-kanilang mga tirahan upang humingi ng pagkain. Samakatuwid, ang mga opisyal ng pulisya, sa oras na kanilang hinarap ang mga akusado at sa ilalim ng mga pangyayari na itinatag sa kasong ito, ay hindi maaaring pilitin ang huli na sumunod sa kanilang direktiba upang umuwi.”

Isang tagumpay iyon ng mamamayan at ng karapatang pantao dahil kinilala ng hukuman ang Right to Food ng mamamayan sa panahong kinakailangan ng mamamayan ng pagkain. Hindi sila pinalalabas dahil pinagbawal lumabas bunsod ng patakarang kwarantina. 

Inaresto ang mga maralitang residente noong Abril 2020 matapos ang marahas na dispersal sa kanilang protesta para sa food aid sa kasagsagan ng lockdown sa Metro Manila dahil sa COVID-19 pandemic. Inaresto sila, ikinulong ng limang araw, at kinasuhan ng paglabag sa quarantine dahil nasa labas ng kanilang mga tahanan.

Pinatunayan lamang ng mga maralita ng San Roque kung ano ang nagagawa ng sama-samang pagkilos upang marinig ang kanilang hinaing ay nagdudulot ng tagumpay sa bandang huli.

Mabuhay si Judge Rodolfo! Mabuhay ang mga residente ng San Roque. Ang karapatang pantao pa rin ang nanaig sa huli!

Pinaghalawan:
https://www.dailypedia.net/2020/04/karla-estrada-cries-foul-over-arrest-of-san-roque-protesters/
https://www.rappler.com/nation/quezon-city-court-clears-san-roque-residents-pleading-food-pandemic/
https://newsinfo.inquirer.net/1607764/qc-court-acquits-san-roque-residents-arrested-for-demanding-food-during-lockdown

Pahayag ng KPML sa World Oceans Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD OCEAN DAY
Hunyo 8, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa World Oceans Day tuwing Hunyo 8 taun-taon. Kasabay ng pagprotekta sa ating mga karagatan ay protektahan din natin ang ating mga mangingisda.

Batay sa pananaliksik, ang World Oceans Day ay isang pandaigdigang araw na ang konsepto ay orihinal na iminungkahi noong 1992 ng International Center for Ocean Development (ICOD) ng Canada at ng Ocean Institute of Canada (OIC) sa Earth Summit – UN Conference on Environment and Development (UNCED) sa Rio de Janeiro, Brazil. Ang World Oceans Day ay opisyal na kinilala ng United Nations noong 2008. Sinusuportahan ng pandaigdigang araw ang pagpapatupad ng mga pandaigdigang Sustainable Development Goals (SDGs) at pinalalakas ang interes ng publiko sa pagsanggalang o pagprotekta ng karagatan at ang sustenableng pamamahala ng mga makukuha rito.

Ayon sa pananaliksik, sinasakop ng karagatan ang higit sa 70% ng planeta. Pinagmumulan ito ng buhay, na sumusuporta sa kabuhayan ng sangkatauhan at ng bawat iba pang organismo sa lupa. Ang karagatan ay lumilikha ng hindi bababa sa 50% ng oxygen ng planeta, ito ang tahanan ng karamihan sa saribuhay (biodiversity) ng mundo, at pangunahing pinagmumulan ng protina para sa higit sa isang bilyong tao sa buong mundo. Hindi pa banggitin, ang karagatan ay susi sa ating ekonomiya na may tinatayang 40 milyong tao ang nagtatrabaho sa mga industriyang nakabatay sa karagatan pagsapit ng 2030. Gayunpaman, 90% ng malalaking populasyon ng isda ay nauubos, at 50% ng mga tangrib o coral reef ang nawasak.  Dahil dito, kailangan nating magtulungan upang lumikha ng isang bagong balanse sa karagatan na hindi na nauubos ang kagandahang-loob nito ngunit sa halip ay nagpapanumbalik ng sigla at nagdudulot dito ng bagong buhay.

Ito ang ating tungkulin sa ngayon, para sa karagatan at ekosistema ng ating panahon. Ito ang panawagan ng KPML. Huwag ding gawing basurahan ang ating karagatan, bagkus atin itong pangalagaan.

Pinaghalawan:
https://worldoceanday.org/
https://www.un.org/en/observances/oceans-day
https://en.wikipedia.org/wiki/World_Oceans_Day

Martes, Hunyo 7, 2022

Pahayag ng KPML sa World Food Safety Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD FOOD SAFETY DAY
Hunyo 7, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa World Food Safety Day tuwing Hunyo 7 taun-taon. Itinatag ng United Nations General Assembly ang World Food Safety Day noong 2018 para itaas ang kamalayan sa mahalagang isyung ito. Ang WHO at ang Food and Agriculture Organization ng United Nations (FAO) ay magkatuwang sa pag-alala sa World Food Safety Day, sa pakikipagtulungan sa Kasaping Estado States at iba pang stakeholder.

Sa ikaapat na pandaigdigang Araw ng Kaligtasan ng Pagkain, bigyang pansin natin ang araw na ito upang maiwasan, tuklasin at pamahalaan ang mga panganib na dala ng pagkain at mapabuti ang kalusugan ng tao.

Itinatampok ng World Food Safety Day ngayong taon ang temang "Safer food, better health." Ang ligtas na pagkain ay mahalaga sa kalusugan at kagalingan ng tao at isa ito sa mga pinakamahalagang garantiya para sa mabuting kalusugan. Kabilang sa mga benepisyo ng ligtas na pagkain ang pinabuting nutrisyon at nabawasan ang pagliban sa mga paaralan at sa lugar ng trabaho. Ang mga sakit na dala ng pagkain ay nakakaapekto sa 1 sa 10 tao sa buong mundo bawat taon. Mayroong higit sa 200 sa mga sakit na ito, mula sa pagtatae hanggang sa mga kanser.

Sa ating bansa, dapat pagtuunan natin ang mga pagkain, hindi lamang ng mayayaman at can afford, kundi pati pagkain ng mahihirap, na nahirati na sa tira-tirang pagkain mula sa mga restoran, na pinapagpag muna, hinuhugasan at pinaiinit muli, sa anyo ng pagkaing pagpag, lagi na lang noodles dahil mura para sa mga anak, sabaw lang ay ulam na. Napakamahal na ng mga bilihin, na hindi na kaya ng mga walang-wala ang bumili ng kahit kalahating kilo ng karne at isda para sa protina ng kanilang mga anak. Ang kalusugang dulot ng kanilang kinakain ay dapat pagtuunan ng pansin upang hindi lumaking payat at mahihina ang mga anak-dalita.

Pinaghalawan:
https://www.who.int/campaigns/world-food-safety-day/2022
https://www.who.int/news/item/07-06-2022-world-food-safety-day-2022-safer-food-better-health

Linggo, Hunyo 5, 2022

Pahayag ng KPML sa World Environment Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD ENVIRONMENT DAY
Hunyo 5, 2022

Taas-kamaong pagpupugay ang aming ipinaaabot mula sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng nakikiisa sa pagdiriwang ng World Environment Day o Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran tuwing Hunyo 5 taun-taon.

Ang World Environment Day (WED) ang isa sa pangunahing daluyan ng iba’t ibang bansa sa mundo hinggil sa kamalayan at pagkilos para sa pangangalaga ng kapaligiran. Una itong ginanap noong 1973, ito ay naging isang plataporma para sa pagpapataas ng kamalayan sa mga isyu sa kapaligiran tulad ng marine pollution, overpopulation, global warming, sustainable development at wildlife crime. Ang World Environment Day ay isang pandaigdigang plataporma para sa publiko, na may partisipasyon mula sa mahigit 143 bansa taun-taon. Bawat taon, ang programa ay nagbibigay ng tema at forum para sa mga negosyo, non-government organizations, komunidad, gobyerno at celebrity para itaguyod ang mga layuning pangkalikasan.

Sa ating bansa, maraming batas na hinggil sa kapaligiran ang naisabatas, tulad ng Environmental Impact Assessment Law (PD 1586), Toxic Substances And Hazardous Waste Management Act (RA 6969), Clean Air Act Of 1999 (RA 8749), Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003), Clean Water Act (RA 9275), Environmental Awareness And Education Act Of 2009 (RA 9512). Nawa ang mga ito ay mabasa ng ating mamamayan, guro at estudyante, at maipatupad din ng pamahalaan.

Kami sa KPML ay patuloy sa aming edukasyon sa aming mga kasapi hinggil sa usaping kalikasan, kahit na ang simpleng pagbubukod ng mga basurang nabubulok at hindi nabubulok, paggawa ng ekobrik hinggil sa basurang plastik, paggawa ng yosibrik upang anong dapat gawin sa mga nagkalat na upos, paglahok sa mga pagkilos hinggil sa usaping klima, na dapat ang pag-iinit ng mundo ay masawata at hindi na umabot pa sa 1.5 degri Celsius pa nap ag-iinit. Hanggang ngayon, patuloy ang KPML sa pagtalakay sa usaping kapaligiran para sa kinabukasan ng ating mga anak, apo, at sa mga susunod pang henerasyon.

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/environment-day
https://en.wikipedia.org/wiki/World_Environment_Dayhttps://dilg.gov.ph/events/Philippine-Environment-Month/576

Pahayag ng KPML sa International Day for the Fight against IUU Fishing

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR THE FIGHT AGAINST ILLEGAL, UNREPORTED AND UNREGULATED FISHING 
Hunyo 5, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Day for the Fight against Illegal, Unreported and Unregulated Fishing (A/RES/72/72).

Ayon sa UN Food and Agriculture Organization (FAO) ang mga IUU (Illegal, Unreported and Unregulated) na pangingisda ang dahilan ng pagkawala ng 11–26 milyong tonelada ng isda bawat taon, na tinatayang may pang-ekonomiyang halaga na US$10–23 bilyon. Upang mabawasan ang epektong ito, ang Target 4 ng Layunin 14 ng Sustainable Development Agenda na pinagtibay noong 2015 ng UN General Assembly, ay partikular na hinihimok ang internasyonal na komunidad na "epektibong ayusin ang pag-aani at wakasan ang labis na pangingisda, ilegal, hindi naiulat at hindi kinokontrol na pangingisda at mapanirang mga kasanayan sa pangingisda" hanggang taon 2020.

Ayon sa pananaliksik, sa Pilipinas, ang marine biodiversity loss at fisheries ay may malaking epekto dahil ang isda ay nagbibigay ng higit sa 50 porsiyento ng dietary protein at nagsisilbing mahalagang pinagkukunan ng nutrients. Tinatayang 1.7 milyon na maliliit o munisipal na mangingisda ang pinakamahihirap sa mundo — apat sa sampung mangingisdang Pilipino ang nabubuhay sa ilalim ng antas ng kahirapan, na kumikita lang ng humigit-kumulang $4/araw (PHP195/araw).

Kaya ang panawagan ng KPML, lalo na sa kapwa maralita, i-report natin ang mga alam nating ilegal na gawain, upang masawata ang ganyang operasyon, at makinabang naman ang kapwa natin maralita.

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/end-illegal-fishing-day
https://biodiversitylinks.org/projects/mission-projects/illegal-unreported-and-unregulated-iuu

Sabado, Hunyo 4, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Innocent Children Victims of Aggression

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF INNOCENT CHILDREN VICTIMS OF AGGRESSION
Hunyo 4, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa International Day of Innocent Children Victims of Aggression tuwing ika-4 ng Hunyo taun-taon.

Noong ika-19 ng Agosto 1982, pinagtibay ng United Nations General Assembly(UNGA) ang resolusyon na A/RES/ES-7/8 sa panahon ng emerhensiyang espesyal na sesyon nito sa usapin ng Palestine at ipinahayag ang ika-4 ng Hunyo ng bawat taon bilang ang International Day of Innocent Children Victims of Aggression. Pinagtuunan ng pansin ng araw na ito ang mga biktima ng Digmaan sa Lebanon noong 1982 at pag-alala sa mga batang Palestino at Lebanes na biktima ng agresyon o pananalakay ng Israel.

Ang layunin ng araw ay kilalanin ang sakit na dinaranas ng mga bata sa buong mundo na biktima ng pisikal, mental at emosyonal na pang-aabuso. Ang araw na ito ay nagpapatibay sa pangako ng UN na protektahan ang mga karapatan ng mga bata. Ang gawain nito ay ginagabayan ng Convention on the Rights of the Child, ang pinakamabilis at malawak na pinagtibay na internasyonal na kasunduan sa karapatang pantao sa kasaysayan.

Kaya kami sa KPML ay nagpapatuloy sa aming tungkulin na protektahan ang mga bata at ma-enjoy nila ang pagiging bata, na naglalaro, nag-aaral, at lumalaki sa maayos na kapaligiran. Gabay namin ang Convention on the Rights of the Child na lumabas noong 1989.

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/child-victim-day
https://affairscloud.com/international-day-of-innocent-children-victims-of-aggression-2022-june-4
https://www.ohchr.org/en/instruments-mechanisms/instruments/convention-rights-child

Biyernes, Hunyo 3, 2022

Pahayag ng KPML sa World Bicycle Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD BICYCLE DAY
Hunyo 3, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa World Bicycle Day tuwing ikatlo ng Hunyo taun-taon.

Noong Abril 2018, idineklara ng United Nations General Assembly ang Hunyo 3 bilang World Bicycle Day. Ang resolusyon para sa World Bicycle Day ay kinikilala ang "natatangi, mahabang buhay at kakayahang gamitin ang bisikleta, na ginagamit na sa loob ng dalawang siglo, at ito ay isang simple, abot-kaya, maaasahan, malinis at angkop sa kapaligiran na napapanatiling paraan ng transportasyon."

Sa ating bansa naman, idineklara naman ang ikaapat na Linggo ng Nobyembre ng bawat taon bilang "Pambansang Araw ng Bisikleta" upang isulong ang mga benepisyo sa kapaligiran ng mga bisikleta batay sa pinakahuling proklamasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa Proclamation No. 1052 na nilagdaan niya noong Nobyembre 18, idineklara ni Duterte ang taunang okasyon upang matiyak ang ekolohikal na integridad at malinis at malusog na kapaligiran sa pamamagitan ng pagpapataas ng kamalayan ng publiko sa mga teknolohiya, sistema, at kasanayan sa kapaligiran.

Para sa KPML, ang paggamit ng bisikleta ay ekonomikal, pampalakas ng katawan, at kinakailangan ng mga maralita at manggagawang patungo sa kanilang trabaho upang makaiwas sa trapiko at makapasok ng tamas a oras. Ayon pa sa pananaliksik, ang benepisyo ng paggamit ng bisikleta ay: nagsusunog ng calories, nagpapataas ng balanse at flexibility, pinagaganda ang cardiovascular fitness, nagpapaganda ng hugis ng katawan, at nagpapabuti ng joint mobility.

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/bicycle-day
https://en.wikipedia.org/wiki/World_Bicycle_Day
https://www.pna.gov.ph/articles/1122381
https://www.umt.edu/transportation/bike/about/benefits/

Sabado, Hunyo 12, 2021

Pahayag ng KPML sa World Day Against Child Labor

PAHAYAG NG KPML SA WORLD DAY AGAINST CHILD LABOR
Hunyo 12, 2021

PALAYAIN ANG MGA BATA 
MULA SA PASAKIT NA CHILD LABOR!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa World Day Against Child Labor tuwing Hunyo 12, kasabay ng sinasabi nilang Araw daw ng Kalayaan sa bansa, at kasabay din ng International Year for the Elimination of Child Labor ngayong 2021.

Ayon sa International Labor Organization, "Sa huling 20 taon halos 100 milyong mga bata ang tinanggal mula sa talaan ng child labor, na bumaba sa 246 milyon noong 2000 hanggang 152 milyon noong 2016. Gayunpaman, ang pag-unlad sa mga rehiyon ay hindi pantay. Halos kalahati ng child labor ang nangyayari sa Africa (72 milyong bata), sinundan ng Asya Pasipiko (62 milyon). 70 porsyento ng mga bata sa gawaing child labor ang nasa agrikultura, mas nasa pangkabuhayan at komersyal na pagsasaka at pagpapastol ng hayop. Halos kalahati ng lahat ng mga batang ito ay nagtatrabaho sa mga sitwasyong itinuturing na mapanganib para sa kanilang kalusugan at buhay."

Noong bandang 2005-2010 ay nagkaroon ng programa ang KPML hinggil sa usaping Child Labor, kung saan nakapanayam nila ang maraming batang manggagawa sa Navotas, Malabon, Maynila, at iba pang lugar. Nakapanayam nila ang mga batang nangangalakal, may batang nasabugan ng dinamita at naputulan ng braso dahil sa pangingisda, may mga kabataang babaeng sa murang nagtatrabaho sa mga night club, at marami pang iba. Ipinakita ng KPML ang kaibahan ng child labor sa child work, kung saan sa child work, tulad ng mga batang artista, dapat silang kumuha ng lisensya sa Department of Labor and Employment (DOLE) upang makapagtrabaho ng apat na oras sa bawat araw, habang may panahon sa pag-aaral. Subalit sa child labor, di na nakakapag-aral ang bata dahil subsob na sa trabaho. Maagang tumanda ang mga nagtatrabahong bata.

Dahil dito, may commitment ang KPML na ipanawagang itigil na ang child labor. Ang mga batayang pinanghahawakan ng KPML ay Children’s rights, mula sa Artikulo 32 UN Convention on the Rights of the Child, na nagsasabng "Children have the right to be protected from economic exploitation and from work that could be harmful for them. Next to that children that are working are often not going to school, which violates their right to education. (May karapatan ang mga batang maprotektahan mula sa pang-ekonomyang pagsasamantala at mula sa trabahong maaaring makasasama sa kanila. Sunod dito'y ang mga batang manggagawa ay madalas na hindi nakakapasok sa paaralan, na lumalabag sa kanilang karapatan sa edukasyon.)" Isa pa ang ikawalong Sustainable Development Goal o SDG 8, na nagsasabing "The goal on Decent work and economic growth (SDG 8) also provides for the abolishment of all child labor. (Ang layunin sa disenteng pagtatrabaho at paglago ng ekonomiya (SDG 8) ay nagbibigay din para sa pagwawaksi ng lahat ng paggawa sa bata.)"

Karapatan ng bawat batang mabigyang proteksyon, may tahanan at pamilya, walang diskriminasyon, magpahayag ng sariling pananaw o opinyon, sapat na pagkain, magkaroon ng edukasyon. Subalit dahil sa child labor, kaybilis tumanda, murang katawan ay nabatak ng husto't kawawa, ama'y walang trabaho, bata'y naging manggagawa, ika nga, bata, bata, paano ka ba ginawa. Di mabayarang tama ang trabaho nila't pagod. Di makaangal ang bata sa mababang pasahod. Ddinadaya na ang bata, gobyerno'y nakatanghod? Habang sa child labor, kapitalista'y nalulugod!

End Child Labor, Now!
Wakasan na ang Child Labor, Ngayon Na!

Miyerkules, Mayo 5, 2021

Pahayag ng KPML sa unang anibersaryo ng pagsasara ng ABS-CBN

PAHAYAG NG KPML
Mayo 5, 2021

PAHAYAG NG MARALITA SA UNANG ANIBERSARYO
NG PAGSASARA NG ABS-CBN

Mahigpit na nakikiisa ang pamunuan at kasapian ng pambansang samahangKongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa higit labing-isang libong manggagawa ng ABS-CBN na nawalan ng trabaho nang magsara ang nasabing kumpanya isang taon na ang nakararaan.

Matatandaang hindi na binigyan pa ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN sa pasiya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso. Ito'y itinuring na matinding pagbira sa kalayaan sa pamamahayag sa bansa. 

Naging bahagi na ng kabataan at ng buhay ng maraming Pilipino ang mga palabas sa ABS-CBN. Maraming mga palabas o programa ritong kinagiliwan ng mga manonood. Bukod pa sa mga balitang nakakaabot sa mga liblib na pook. Nang mawala ang ABS-CBN, maraming kababayan ang nasalanta ng bagyo at nasira ang mga ari-arian at pananim sapagkat hindi nila napaghandaan at nabalitaan dahil na rin sa pagsasara ng ABS-CBN.

Sa pakikibaka ng mga manggagawa ng ABS-CBN bago ito magsara, nakiisa ang iba't ibang mga unyon at grupong maralita upang ipaglaban ang mahigit 11,000 manggagawang mawawalan ng trabaho. Kabilang na sa mga nakiisang ito ang mga lider-maralita ng KPML.

Gayunman, kung ibabalik ito, gaya ng sigaw ng marami, hiling namin na gawing regular sa trabaho ang lahat ng manggagawa ng ABS-CBN. Hindi dapat pagsamantalahan ng pangasiwaan ng ABS-CBN ang mga manggagawa sa pagpapanatili sa mga ito bilang mga kontraktwal. Dagdag pa, ibigay ang tamang pasahod sa mga manggagawa ng ABS-CBN. Isang nakabubuhay na sahod o living wage batay sa isinasaad ng Konstitusyon ng bansa, at hindi libing wage na hindi nakakabuhay ng pamilya.

Kaya ang panawagan namin sa KPML: Ibalik ang mga manggagawang tinanggal sa ABS-CBN, at gawing regular ang lahat ng mga manggagawa ng ABS-CBN, at ipagbawal na ang kontraktwalisasyon!

Makikita rin ang pahayag na ito sa facebook page ng KPML
https://www.facebook.com/maralitanglungsod/photos/a.121383745932501/561304331940438/

Miyerkules, Abril 28, 2021

Pahayag ng KPML sa World Day for Safety and Health at Work

PAHAYAG NG KPML
Abril 28, 2021

SA WORLD DAY FOR SAFETY AND HEALTH AT WORK, SIGAW NG MARALITA:
KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Umabot na ng isang milyong katao ang naapektuhan ng COVID-19 sa bansa. Sa Timog-Silangang Asya, pumapangalawa na tayo sa Indonesia na may 1,6 milyong kataong apektado ng naturang sakit. Bakit nangyari na biglang lumobo ang bilang na ito? Ano ang ginagawa ng pamahalaan sa problemang ito, o palpak mismo ang rehimeng Duterte sa pagresolba sa krisis?

Tumitinding lalo ang mga nagaganap. Kahit na sa mga pagawaan at opisina ay nauuso ang tanggalan dahil isinasara ang mga pabrika dahil sa pandemya. O kaya naman ay nakita itong pagkakataon ng mga kapitalista upang tanggalin ang mga regular na manggagawa upang mapalitan ng mga kontraktwal, na walang security of tenure, walang sapat na benepisyo, at hindi pinapayagan sa kanilang karapatang mag-unyon at organisahin ang mga sarili.

Karapatan ng mamamayan na humingi ng ayuda at obligasyon naman ng pamahalaan ang ibigay ito dahil sa pinatutupad nilang mga patakaran ukol sa pandemya na naging isang malaking sagka sa kakayahang kumita ng masa. Marami ang nawalan ng trabaho at naging resulta nito ay ang kakarampot na pagkain sa hapag kainan na kasalukuyang pinagsasaluhan ng bawat pamilya.

Nag-inisyatiba ang mga mamamayan, sa pangunguna ng Maginhawa community pantry upang kahit papaano'y makatulong kahit bahagya upang maibsan ang kagutuman ng ilang mga nagugutom na kababayan. Hanggang sa ito'y dumami at nagsulputan ito sa iba't ibang bahagi ng bansa. Ipinakita ang pagdadamayan, pagbibigayan, pag-aambagan, at pagbabayanihan ng mga tao. Manipestasyon na palpak ang pamahalaan kaya mamamayan na mismo ang gumawa ng paraan. Subalit ni-redtag pa ito ng mga ulupong at itinuring na kagagawan umano ng mga komunista. Ang dinig yata ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) sa community pantry ay communist party.

Pansamantalang katugunan lang ang community pantry. Dapat ay maglunsad ng national pantry ang pamahalaan, subalit sa pagbibigay nga lang ng ayuda ay nagkukulang na sila. Paano pa pag national pantry? Di sapat ang community pantry dahil repleksyon lang ito ng kainutilan ng pamahalaang dapat siyang nagtitiyak ng maayos na ayuda. Paano pag patuloy na gipitin ang mga comunity pantry tulad ng ginawa ng NTF-ELCAC? Subalit patuloy ang bayanihan, bagamat hindi tayo tiyak sa seguridad sa pagkain kung hindi natin susuportahan ang mga magsasaka at mangingisda.

Dapat tiyakin ang pangkalahatang kalusugan ng mamamayan. Hindi sapat ang bakuna lang para sa lahat. Isama sa ayuda ang mga bitaminang kinakailangan ng katawan. Tiyakin ding kumakain ng sapat na pagkaing masustansya ang mamamayan upang hindi magkasakit. Dapat matulungan ang mga magsasaka upang mas umunlad pa ang kanilang paraan ng pagsasaka, matulungan din ang ating mga mangingisda bagamat nag-iingat na silang pumunta sa West Philippine Sea upang mangisda. Ito'y upang matiyak na laging may makakain ang ating mamamayan, o kaya'y maglunsad tayo ng urban farming upang may mapipitas balang araw.

Karapatan ng mamamayan na humingi ng ayuda sa panahong nawalan sila ng pinagkakakitaan dahil hindi na sila pinayagang makalabas ng bahay dahil sa community quarantine na ipinatutupad. Hiling ng maralita na ang pondo ng NTF-ELCAC na nasa higit 19 Bilyong piso ay tanggalin na at gamitin sa ayuda sa mamamayan. Sayang lang ang pondong ginagamit nila sa kawalanghiyaan at pangre-redtag sa bayanihan ng mamamayan. Kaya kung sinasabi ng pamahalaan na said na ang ayuda, aba'y ang P19B ng NTF-ELCAC ay gamitin na sa ayuda at malaking tulong na ito sa mamamayan.

Milyon na ang apektado ng COVID. Nais ng mamamayan na tiyaking ligtas sila at ang kanilang mga mahal sa buhay mula sa sakit na ito. Kung nahihirapan ang pamahalaan, sa pangunguna ni Duterte, na tugunan ang krisis na ito, dapat lang siyang mag-resign na sa pwesto. O kung kapit tuko pa rin siya ay nararapat lamang siyang patalsikin ng taumbayan. At magkaroon ng bagong pamunuang binubuo ng mga magagaling at matitino, na siyang magtitiyak ng kaligtasan ng sambayanan.

Ngayong Abril 28, sa okasyon ng World Day For Safety and Health at Work (Pandaigdigang Araw para sa Kaligtasan at Kalusugan sa Trabaho), sigaw ng maralita, KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!