Sabado, Abril 25, 2009

Pilipino ay Alipin? Tama ba o mali?

PILIPINO AY ALIPIN? TAMA BA O MALI?
ni Ka Pedring Fadrigon, pambansang tagapangulo, KPML

Mahirap aminin o tanggapin ang isang bagay na naipukol kaninuman kung hindi talaga maunawaan kung bakit may mga pagtingin ang iba sa inyong kaanyuan ay alipin. Kung hindi mo nauugat ang mga nakaraan o kasaysayan at ang kasalukuyan, wasto na magalit ka sa kausap mo o sa nagsasalita nito.

Masarap ang pag-aralan ang puna, palalimin, paano sumibol ang mga puna at pag-aralan kung ito ay makatutulong na maunawaan kung bakit naging alipin ang turing sa Pinoy o Pilipino. Ito'y oportunidad na ipaglaban at kundinahin ang naglikha ng mga dahilan kung bakit ganoon ang pagtingin sa mga Pinoy. Dito ay maaaring makita ang mga dahilan kung bakit ganoon ang pagtingin sa mga Pinoy. Dito ay maaaring makita ang mga dahilan. Mula dito ay magkaisa ang lahat para baguhin ang inuulat na kalagayang naglalagay sa pagkutya sa ating mga uri.

Pwede tayong magsimula sa pananakop ng mga prayle o mga Kastila. Ano ang nangyari sa mga Pilipino mula sa primitibo komunal na sistema. Binasag ang pagkakapantay-pantay ng trato ng tao sa kapwa tao nang pasukin ng Kristyanismo at pagsamantalahan ang "kamangmangan" ng mga Pinoy sa pamamagitan ng pagkamkam ng mga Kastila sa lupain ng mga katutubo. Sa takbo ng panahon ng pananakop ng mga dayuhan, ang mga indio, na tawag noon sa Pilipino, ay nagsimulang maging alipin ng mga mayayamang panginoong maylupa at mga kapitalista. Pagkatapos ay sinakop din ang Pilipinas ng dayuhang Amerikano. Ano ang nangyari, inalipin ng mga kapitalista ang mga manggagawa. Hindi binabayaran ng tama ng mga kumpanyang Amerikano ang lakas-paggawa ng mga kababayan nating Pilipino.

Di pa rin nawawala ang pang-aalipin ng mga Kano hanggang sa kasalukuyan dahil ultimo mga namumuno sa bansa ay sunud-sunuran pa rin sa dikta ng Kano. Kayang utusan at diktahan ng Amerika ang pangulo ng Pilipinas, kasabwat ang iba pang mga alipin ng pamahalaan. Huwag tayong umangal sa tawag na alipin, dahil ito ang katotohanan.

Ang pamahalaan mismo ang nagtulak sa milyong Pilipino na alipinin at babuyin ng kanilang mga amo sa ibayong dagat, dahil wala itong magawa upang magkaroon ng trabaho sa sariling bayan. Ano ang ibig sabihin, o ano ang tawag sa ganitong nangyayari sa ating mga mamamayan. Wala itong pinag-iba sa mga squatters na bansag sa mga mahihirap na dumagsa sa kalunsuran noong 1950s, at pinalitan lang ang termino ng urban poor o under privilege para gumanda pakinggan, pero ang katotohanan ay squatter pa rin. Ngayon, ang tawag nila sa mga nangingibang-bayan ay OFW (overseas Filipino workers), pero alipin pa rin sa tunay na kalagayan. Sapagkat mutsatsa at mutsatso rin ang tawag sa kanila.

Masakit tanggapin ang maging alipin. Masakit na tanggapin na iskwater ka sa sarili mong bayan. Masakit na tayo'y kutyain ng iba. Dapat nating maunawaang tayo'y nasa lipunan ng kapital. Kung sino ang may salapi at kayamanan ang siyang mga amo na makapangyarihan. Sila ang mga amo, tayo ang utusan.

Ngayon, mga kasama, mga kababayan, tama ba si Cheap Tsao, ang Instik na nagsulat ng artikulong ang mga Pinoy ay alipin? O mali? Kung inakala nyo na tama si Cheap Tsao, di ba dapat pasalamatan siya at nakita nyo ang katotohanan? At kung tayo'y alipin ng sistemang umiiral, dapat ba tayong manatili dito sa kasalukuyang kalagayan? Di ba sapat mag-isip ng isang alternatibong ipapalit sa kasuka-sukang sistemang matagal nang nagpapahirap sa bayan?

Pag-aralan natin ang lipunan. Pangarapin natin at hanapin ang lipunang may pagkakapantay-pantay ang lahat ng tao, may hustisya para sa lahat, may kalayaan, may dignidad, walang mahirap, walang mayaman, walang inaapi, walang nang-aapi dahil sa lintik na pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang dahilan ng laksa-laksang kahirapan ng napakaraming tao.

Walang ibang kasagutan sa kahirapan at kaapihan kundi buwagin ang sistemang kapitalismo. Walang ibang kasagutan kundi sosyalismo. Ang sistemang sosyalismo ay pinatunayan na ng kasaysayan ng mga bansang lumaya mula sa pangil at kuko ng kapitalismo. Isa na rito ang bansang Cuba, at ang sumunod pa, tulad ng Venezuela, Bolivia, at iba pa. Malaki ang kaibahan ng sistemang ito kaysa salot na kapitalismo. Sa batas ng kapitalismo ay kasakiman a tubo ang pinaiiral, pagkakamal ng pera at paghuthot sa yaman ng isang bansa. Walang pakialam ang kapitalista sa buhay ng mga tao pagkat ang turing sa tao ay kalakal o mga makina na pinatatakbo nila sa kaunti at kakarampot na sahod. Mga alipin ang turing sa mga manggagawa na kayang sakalin o maitapon na lamang kung wala nang silbi.

Subalit may kaibahan sa lipunang sosyalismo, ang sistema ay walang pagsasamantala. Sapagkat ang yaman ng bansa ay nasa kamay ng gobyerno at pantay ang pamamahagi sa kanyang mamamayan. Halimbawa na lang ang edukasyon. Sa kasalukuyang sistema ay negosyo imbes na serbisyo ang edukasyon - mataas ang tuition fee, miscellaneous fee, at iba pang bayarin. Subalit sa sistemang sosyalismo, ang edukasyon ay libre dahil ito'y serbisyo. Ang medikal ay libre, ang pabahay ay libre at mga serbisyong panlipunan, sapagkat ang likas na yaman ay pinamamahalaan ng sosyalistang pamahalaan. Walang dahilan para magnakaw at magsamantala dahil ibibigay ng lipunan ang iyong mga batayang pangangailangan. Sa lipunang sosyalismo, wala nang tatawag sa Pinoy na mga alipin, mutsatsa, atsay, sapagkat ang lahat ay ganap na tao na, malaya. Kaya't dapat lamang tayo ay magising, mamulat at magsuri. Ang lahat ay magkaisa na sumigaw ng: "Ibagsak ang lipunang kapitalismo! Isulong ang sosyalismo!"

Ating palawakin at abutin ang lahat ng sulok ng Pilipinas at palaganapin ang oryentasyon ng sosyalismo. Palakasin ang kampanya nito para tuluyan nang itakwil ang makahayop at mapang-aliping sistemang kapitalismo.

Viva sosyalismo! Mabuhay ang mamamayang Pilipino!