Tuesday, March 12, 2013

Polyeto laban sa demolisyon - KKD

MAGKAISA na para LABANAN ang DEMOLISYON!

Sa ika-15 ng Mayo ng taong ito, matapos manalo’t maproklama ang mga pulitikong tinulungan nating mailuklok sa pwesto ay magsisimula nang pagtulung-tulungan ng City Hall, mga ahensyang gaya ng DILG, PNP, MMDA, DPWH, NAPC at NHA ang gibaan sa mga tahanan ng mga maralitang nakatira sa waterways (tabing-ilog, ilalim ng tulay, at tabing-estero). Target nila sa unang buhos ng demolisyon ay ang apat na malalaking ilog at apat na estero, ito ay ang mga ilog ng San Juan, Pasig, Tullahan, Manggahan floodway at mga esterong Maricaban, Tripa de Galina, Maypajo at Sunog Apog. Humigit-kumulang 20,000 pamilyang nakakalat sa labing-isang lungsod sa Metro Manila at ang mga bayan ng Cainta at Taytay sa Rizal ang maapektuhan. Ito na ang pinakamalawak na proyektong demolisyon na tatangkain sa ilalim ng gobyernong Aquino na nagmalaking tayo ang “BOSS” nito. 

Noong nabubuhay pa si Sec. Jesse Robredo ng DILG, mahigpit niyang tinutukan ang pagpapaunlad ng mga komunidad ng maralita kung kaya’t walang naganap na demolisyon sa mga danger zone o sa mga lupaing pag-aari ng gobyerno. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, binuo nito at ng mga lider-maralita ang tinatawag na “peoples’ proposal” na kung saan ay kabahagi ang buong komunidad sa pagbubuo sa plano ng permanenteng tirahan ng mga maralita. Naging pleksible ang ahensya sa kagustuhan ng mga maralita at kadalasa’y paborable ito sa kanila. 

Sentral sa “peoples’ proposal” ay ang kahilingan ng mga pamilyang apektado na manatili o malapit sa dati nilang tinitirahan para hindi ito malayo sa lugar ng hanapbuhay at paaralan ng mga bata. Ang tawag dito ay ang in-city at on-site development na magkakahugis sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga medium-rise buildings o MRBs.

Ang lahat ng mga nasimulang maganda’t produktibong relasyon sa pagitan ng DILG at ng mga komunidad ng maralita ay gumuho at naglahong parang mga bula mula noong mapwesto sa DILG si Secretary Mar Roxas. Bigla na lamang itong nag-anunsyo noong Enero na hanggang sa ika-15 na lang ng Mayo maaring manirahan sa mga waterways ang mga maralita at ito ay kanila nang gigibain. 

Dahil sa biglaang anunsyong ito, halos walang makapaniwala na matutuloy nga ang demolisyon dahil halos kakaunti pa lamang sa mga “peoples’ proposal” ang umuusad habang ang napakalaking mayorya ng mahigit kumulang 20,000 pamilya ay walang kaalam-alam sa proyekto at mga napagkasunduan kay Sec. Robredo.

Sa loob na lamang nang natitirang dalawang buwan, iilan lamang sa atin ang mabibiyayaan ng naka-stand by na relokasyon na malapit sa ating kasalukuyang tinitirhan. Ang halos 90% sa atin ay itatambak ng gobyerno sa relocation sites nito sa mga bundok ng Tanay o Baras sa Rizal, habang ang iba naman ay dadalhin sa ‘mga bundok ng San Jose del Monte o Bocaue sa Bulacan at ang iba nama’y sa Trece Martires sa Cavite. 

Kung saan man lupalop tayo itapon ng gobyerno ay hindi naman nagkakalayo ang ating mga magiging kalagayan. Sa napakahabang panahon, milyon-milyon na sa ating mga kababayan ang sinalaula bago sa atin. Sapagkat dinala sila sa mga lugar na imbes na ilayo sa kapahamakan ay lalo pang naging impyerno ang mga buhay ng mga ito. Nariyan ang karanasan sa Montalban na rumaragasang putik ang tumama sa kanilang mga bahay, ang karanasan ng mga taga-Calauan, Laguna na wala silang tubig, kuryente, aspaltadong kalsado, poso negro, tinipid at minadali ang pagkakagawa ng kanilang mga bahay. Habang ang mga nalipat sa San Jose del Monte ay walang makuhang hanapbuhay dahil hindi naman maunlad ang lugar na pinagdalhan sa kanila. 

Dahil sa malawakang panlalansi at pagpapaasa ng gobyernong nagpapanggap na makamasa, hindi malayong isipin na ang totoong plano ng gobyerno ay hindi ang “peoples’ proposal” na kung saan tayo ang masusunod kundi ang off-site na pabahay ng NHA sa iba’t ibang danger zone, malayo sa ating pinagkukunan ng kabuhayan, malayo sa mga paaralan ng ating mga anak, malayo sa pampublikong serbisyo gaya ng mga klinik at ospital at iba pang batayang pangangailangan natin gaya ng kuryente, tubig at signal ng cellphone.

Ang tiyak din tayo ay kung mawawalan tayo ng kabuhayan, silang mga bwitreng korap sa mga ahensyang nabanggit naman ang kikita sa pamamagitan ng mga kontrata nila sa iba’t ibang developer ng low cost housing. 

Kahit kailan hindi natin hinangad ang gulo sa mga buhay natin mas lalo pa’t madadamay ang ating mga anak. Pero sa ginagawang panlalansi at pambubusabos ng gobyerno sa atin, dinamay na nila ang lahat ng malapit sa atin, hindi na nila tayo binigyan ng kahit na sapat na panahon man lang para paghandaan ang kanilang proyekto. 

Kailangan na nating magsama-sama para palakasin ang ating tinig para mayanig sila sa laki ng ating bilang, kailangan nating magkaisa at maging organisado kundi magpapatuloy lamang ang panlalansi sa atin. Wala nang mas pinaka-epektibong armas ang maralita sa panahon na ito kundi ang kanyang boto. Nararapat lang na ipagkait natin ang ating suporta sa mga kumakandidato mula Senador hanggang Konsehal na may madugong rekord ng pagpapalayas sa mga maralita, habang susuportahan naman natin ang mga nakakatulong sa usapin ng katiyakan sa paninirahan.

Kailangan natin lumaban para sa katiyakan sa paninirahan, para sa ligtas, disente at abot-kayang relokasyon, para sa serbisyong panlipunan, para sa ating pamilya. Kailangan natin silang singilin at usigin para hindi na nila ito tangkain sa iba pang pamilya’t komunidad. Walang magtatanggol sa ating sariling tahanan kundi tayo mismo.

WALANG DEMOLISYON HANGGA’T HINDI NAAAYON SA PEOPLES’ PROPOSAL!

ON-SITE, IN-CITY RELOCATION, IPAGLABAN!

Koalisyon Kontra Demolisyon (KKD)
KPML-NCRR, AGOM, Manila Urban Poor Alliance, 
SM-ZOTO, Alyansa ng Maralita-QC, Partido Lakas ng Masa (PLM)
SANLAKAS Party-list