Thursday, February 24, 2011

Mag-People Power Laban sa Bulok na Sistema

MAG-PEOPLE POWER LABAN
SA BULOK NA SISTEMA!

Lumaganap na ang people power sa iba't ibang bansa. Nakilala na ng masa na kung magsasama-sama lamang silang kikilos ay kaya nilang magpabagsak ng isang pangulo nang mapayapa. Naging halimbawa sa mamamayan ng daigdig ang Edsa 1 Revolution sa Pilipinas (1986) na nagpatalsik kay Marcos. Nasundan ito ng Singing Revolution sa Estonia, Latvia at Lithuania (1988), Velvet Revolution sa Czechoslovakia (1989), Bulldozer Revolution sa Yugoslavia (2000), Edsa 2 Revolution sa Pilipinas (2001), Rose Revolution sa Georgia (2003), Orange Revolution sa Ukraine (2004), Cedar Revolution sa Lebanon (2005), Tulip Revolution sa Kyrgystan (2005), Jasmine Revolution sa Tunisia (2011), at Day of Anger Revolution sa Egypt (2011).

Ngunit may mga pagkatalo rin, tulad ng 8888 Uprising sa Burma (1988), Tiananmen Students Protest sa Tsina (1989), Edsa 3 Urban Poor Revolution sa Pilipinas (2001), at Saffron Revolution sa Burma (2007).

Nagtagumpay ang mga mamamayan na mapatalsik ang kani-kanilang pangulo, ngunit karamihan sa kanila, inagaw pa rin ng naghaharing uri ang pamumuno. Dahil lahat ng ito’y pag-aalsa ng mamamayan, hindi pag-aalsa ng isang uri laban sa katunggaliang uri, hindi pag-aalsa ng uring manggagawa laban sa burgesya. Walang kapangyarihan ang masa. Wala ang uring manggagawang namumuno para sa pagbabago ng sistema. Dahil hindi lang relyebo ng pangulo ang kasagutan.

Sa ngayon, matapos mapatalsik ng mamamayan ng Egypt ang kanilang pangulo, pumutok na rin ang pag-aalsa ng mga mamamayan sa mga bansang Bahrain, Yemen at Libya. Nanalo nga ang mamamayan ng Egypt na mapatalsik ang pangulo nilang si Mubarak, ngunit dahil walang namumunong grupo o partido na gumagabay sa pag-aalsa, napunta sa kamay ng militar ang kapangyarihan, imbes na sa kamay ng mamamayang nagsakripisyo para mabago ang pamahalaan.

Ano ang kulang? Bakit sa Pilipinas na tatlong beses nang nag-Edsa, wala pa ring naramdamang pagbabago, kaya nanlalamig na ang karamihan sa people power? Naganap ang Edsa 1 at 2, napatalsik ang pangulo ngunit napalitan lang ng kauri nilang elitista. Si Marcos ay napalitan ni Cory. Si Erap ay napalitan ni Gloria. Walang lider-manggagawa, walang lider-maralita, walang lider-kababaihan, walang lider-magsasakang napunta sa poder. Wala ang isyu ng masa, wala ang isyu ng kahirapan, wala ang isyu ng trabaho, wala ang isyu ng pabahay, wala ang isyu ng salot na kontraktwalisasyon. Hindi umangat ang pakikibaka ng sambayanan sa tunggalian ng uri sa lipunan.

Dahil hindi sapat na ang layunin lang ng people power ay ang pagpapalit ng pangulo. Dapat itong itaas sa pagbabago ng sistema. Hindi sapat na demokrasya lang ang kasagutan. Dapat ipakita na may tunggalian ng uri sa lipunan, at ang pagpawi sa mga uri ang siyang kasagutan. Dapat ipakitang ang mga manggagawa’y hindi lang tahimik na masang nagtatrabaho, kundi isang malakas at pangunahing pwersa sa pagbabago.

Ano ang dapat gawin? Dalhin natin sa masa ang isyu ng kahirapan bilang pangunahing panawagan sa people power. Ipakita natin sa masa ang tunggalian ng uri. Ikampanya natin sa lahat ng pabrika’t komunidad, sa lahat ng lungsod at kanayunan, sa mga pahayagan, radio at telebisyon, sa internet, ang pagkasalot ng kapitalismo sa buhay ng mamamayan. Pag-aralan natin ang lipunan at iangat ang kamalayan ng masa tungo sa pagwawakas sa kapitalistang sistemang dahilan ng kanilang pagdurusa’t kahirapan.

Paputukin natin ang isyu ng pabahay, tulad ng ginawang pagkubkob ng mga maralitang lungsod sa Libya sa mga pabahay ng kanilang gobyerno nitong Enero 2011. Paputukin natin ang isyu ng kontraktwalisasyon bilang panawagan sa people power na pangungunahan ng uring manggagawa. Paputukin natin ang iba pang makauring isyu na maaaring magpabagsak sa mga elitista sa lipunan.

Panahon na para manawagan ng people power laban sa bulok na sistema, laban sa kapitalismo. Dapat mag-people power ang uring api laban sa uring mapagsamantala’t naghahari-harian sa lipunan!

Uring manggagawa, magkaisa! Ipakita ang inyong mapagpalayang papel para sa pagbabago ng lipunan! Mag-people power laban sa bulok na sistema!

Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) * Partido Lakas ng Masa (PLM) * Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) * Pagkakaisa ng Manggagawa sa Trasportasyon (PMT) * Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura * Makabayan-Pilipinas* Sanlakas * Kalayaan! * Zone One Tondo Organization (ZOTO) * Piglas-Kabataan (PK) * Metro Manila Vendors Alliance (MMVA)

Tuesday, February 22, 2011

Bukas na Liham sa Kapwa Maralita sa Agham Rd

ISANG BUKAS NA LIHAM


PARA SA:
Mga kapwa maralita ng Agham Road, Botanical Garden komunidad na apektado ng proyektong QC Central Business District (QC-CBD Project)


Mahal na mga kasamang kapwa maralita,

Una ang aming matapat na pakikipagkaisa, damang-dama namin ang hirap at bigat ng inyong pinagdaraanan ngayon sanhi ng mapaminsalang sunog, sadyang makirot sa dibdib, ang bilis ng mga pangyayari, nabago ang takbo ng buhay. Ang dating maalwan at masiglang buhay ngayon ay hirap, hikahos, parang abnormal, ni’sa hinagap di inaasahan, sa loob ng siyam na oras tinupok ang lahat-lahat ng naipundar at pinuhunan ng hirap at pagod.

Ang bilis ng dating ng mga “fire truck” ng kiyusi, kaso walang lamang tubig at parang sinasadyang bumalagbag sa kalye kung kaya’t ang mga sumunod na fire truck ay malayo sa sentro ng apoy kaya’t siyam (9) na oras bago na “fire out”. Sunod-sunod ang mga naganap na sunog sa mga tirahan ng mga tinaguriang iskwater sa sariling bayan, sa San Roque, North Triangle, sa Sitio Palanas ng Brgy. Vashra, nauna rito’y sa NIA site. Ganito rin ang karanasan sa Damayan Lagi at kamakailan lang sa Brgy. BAHAY TORO, naranasan din ito ng mga taga West Sipac Navotas. Parang naging isang kalakaran (TREND) ang panununog ng mga iskwaters erya, kaysa idemolis minus gastos nga naman, at epektibong pamamaraan ng pagpapalayas sa ating mga “iskwater sa sariling bayan”. May kaibahan ang kaso ng Agham/Botanical Garden, Palanas, San Roque, at NIA site. Ang mga komunidad na ito ay bahagi ng 250 ektaryang lupaing saklaw ng proyektong QC-CBD na iniluwal ng E.O. 680-A na nilagdaan ni GMA noong 2007, at ngayon nga’y pinaghatian ng dalawang (2) “buwitreng” developer - ang pamilyang Ayala at Lucio“fer” Tan, isang intsik at isang kastila, kasabwat ang mga tauhan ng NHA at ang local na pamahalaan ng kiyusi. Daang-daang milyong piso ang komisyong kikitain ng mga magkakasabwat. Kung kaya’t kahit katiting na pagmamalasakit sa atin ay wala.

Nakakangitngit ng kalooban, sa halip na tulungang makabangon sa pagkakalugmok ang mga biktima ng sunog ay mahigpit na pinagbabawalan na mag-ayos ng kahit pansamantalang masisilungan at mahigpit ang bantang kumpiskasyon ng anumang gagamiting materyales at pang-aaresto sa mga lumabag. Parang mga sundalong sakang ang mga tauhan ng DPOS at armadong PNP ng Kiyusi ay paikot-ikot sa lugar nang mga nasunugan.

Hilo, litong-lito pa ang mga tao’y sinasamantala naman ng NHA ang taktikang panawagang “boluntarismo”, nilalakipan ng kampanyang demoralisasyon, at pang-eenganyo. “Maganda ang lugar mauubusan na kayo.” Pwede pang magreserve mukhang big time ang bonus sa mga taga-NHA kaya ganoon na lang kaagresibo at determinado ang mga sukab at kurap, at may pananakot pa ng pwersahan at marahas na demolisyon sa mga nakaligtas sa sunog. Grabeng psywar tactics at dala ng kawalang malay halos nagpapanic ang mga biktima para sa pag-site visit sa tatlong malalayong relocation site at hindi pa handa para panirahan. Sa Gaya-gaya, San Jose Del Monte ay poso ang tubig na hindi pwedeng inumin, 6pm to 6am ang malamlam na ilaw mula sa generator, amoy-amoy ang malaking piggery. Samantalang sa Towerville at San Isidro, Montalban ay walang lababo, pintuan at inidoro. Ang pangunahin pang problema sa mga lugar na relokasyon ay walang anumang kabuhayan o mapagkakakitaan.

Mga kasamang kapwa maralita, wala pa naman dapat ikatakot para magparelocate, walang batayan para magmadali sa paglikas. Dapat kumalma muna tayo kahit saglit para makapag-isip-isip kung relokasyon nga ba ang solusyon sa ating problema. Ano ba ang pamumuhay ng mga pamilyang nasa relokasyon? Masaya at maunlad ba ang kanilang pamumuhay?

Gutom…napakahirap na buhay at grabeng hirap ang dinaranas, sanhi ng pagkakawasak at pagkawalay sa mga pinagkakakitaan, at sa mga serbisyo. Sa tutuo lang marami ang iniiwan ang mga yunit at muling bumabalik sa kalunsuran, ang iba wala ng mabalikan ay sa mga bangketa na lang natutulog, ang iba sa mga kariton, o di kaya’y sa ilalim ng mga tulay o kung saan pa pwedeng muling makapag-iskwat.

Alam nyo ba na kailanman ay hindi solusyon ang demolisyon at sapilitang relokasyon? Grabeng kahirapan ang dulot nito. Sa totoo lang bigo at patuloy na mabibigo ang lahat ng mga programa’t mga proyekto na ginagawa at gagawin pa ng gobyerno. Ang patuloy na pagdami at paglawak ng maraming komunidad maralita, at ang paglobo ng bilang ng pamilyang maralita (28.5 milyon) ang patunay ng kabiguan ng pamahalaan sa paglutas ng suliranin ng maralita sa kabila ng mahabang panahong iginugol at bilyung-bilyong halagang nawaldas lamang. Bunga ito ng maling pag-unawa at pag-intindi sa tunay na kalagayan at pangangailangan ng mga tinaguriang “iskwater sa sariling bayan” pero sa kabila nito’y patuloy pa rin ang mga maling programa, polisiya at mga proyektong relokasyon.

Tulad ng kaso ng taga-Agham/Botanical Garden na mistulang sinasakripisyong tupa o sacrificial lamb na iniaalay sa altar ng progreso ng negosyo ni Ayala at Lucio“fer” Tan…Tama ba ito? Payag ba kayo?

Mga kasama, hindi lang bahay ang ating problema, tatlo (3) ang ating pangunahing suliranin. Una sa lahat ay ang kahirapan ng buhay sanhi ng kawalan ng sapat na kita at trabaho katapat ng mataas na presyo ng mga bilihin at mga serbisyo. Ang ikalawa at pinakadikit sa sikmura ay ang ating kawalan ng katiyakan ng paninirahan, at palagiang banta ng demolisyon at sapilitang relokasyon, kapos o tuwirang walang mga batayang serbisyo, at ang ikatlo ay ang kawalan ng ating demokratikong partisipasyon sa pagpaplano at pagpapasya sa lahat ng mga usapin o proyekto na tuwirang umaapekto sa atin.

Mga kasama, mas tingnan natin ang ating kapakanan sa halip na magboluntaryo at pa-relocate. Kailangan nating magkaisa at manindigan na manatili sa lugar, gawin natin ito. Tayo muna bago sila Ayala at Lucio“fer” Tan. Ipaglaban at kamtin ang karapatan ng maayos at ligtas na paninirahan, mismo sa lugar na ating kinalalagyan dito sa Agham/Botanical.


I-REPEAL ang E.O. 680–A ni GMA!
IBASURA at LABANAN ang SALOT na QC-CBD!

Mula sa: KPML - ZOTO - SANLAKAS - BMP - PLM

Sunday, February 6, 2011

Press Statement - on Ka Popoy's 10th death anniversary


KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD (KPML)

Press Statement
Pebrero 6, 2011

HUSTISYA KAY KA POPOY!
HUSTISYA SA URING MANGGAGAWA!

Ang isang kapitalista, lalo na yaong nagpahirap sa mga manggagawa, pag namatay ay tulad lamang ng gaan ng isang kilong bulak. Ngunit ang kamatayan ng isang kasamang matagal na nagsilbi sa uri at sa bayan, at itinuturing na bayani tulad ni Ka Popoy Lagman, ay simbigat ng isang bundok. Hanggang ngayon, isang dekada na ang nakararaan nang siya'y paslangin, nagdurugo pa rin ang puso ng maralita at nanggagalaiti sa galit dahil sa pagpaslang ng estado sa isang magiting na lider ng uri, si Ka Popoy Lagman. Namatay man ang kanyang katawan, ngunit ang kanyang adhikain para sa mga susunod na henerasyon ay mananatili. Nawala man siya ngunit naiwan sa mga lider-maralita ang asim ng kanyang pananalita laban sa mga naghaharing uri at tamis ng kanyang pangungumbinsi sa mga dukha't api.

Marami kaming natutunan kay Ka Popoy. Pangunahin dito ang landas ng uri, ang landas na dapat tahakin ng mga inaapi't pinagsasamantalahan ng sistemang ito, ng ganid na lipunang ito. Natutunan namin na dapat pawiin ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon pagkat ito ang ugat ng ating mga pagdurusa't kahirapan. Natutunan namin na may kapalit pa ang sistemang kapitalismong patuloy na yumuyurak sa ating dangal at lumulupig sa ating pagkatao. Natutunan naming dapat ipaglaban ang sosyalismo! Tangan ang gabay ng Marxismo-Leninismo, patuloy kaming magmumulat at makikibaka para sa katarungan, kalayaan at sosyalismo!

Sampung taon na mula nang siya'y paslangin, ngunit ang mga pumaslang sa kanya'y di pa nadadala sa pedestal ng katarungan! Ngayong Pebrero 6 habang ginugunita natin ang ika-10 anibersaryo ng kamatayan ng ating dakilang lider na si Ka Popoy Lagman ay muling nating isumpa na patuloy tayong kikilos para sa pagbabago ng lipunan, at itutuloy natin ang laban ni Ka Popoy, isang magiting na lider, matapang na kasama, at magaling na guro ng uring manggagawa. Walang bibitiw sa laban. Ipapanalo natin ang adhikain ng maralita’t uring manggagawa para sa pagbabago hanggang sa pagtatayo ng sistemang sosyalismo.

Kaya kaming mga maralita sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), kasama ang Zone One Tondo Organization (ZOTO) at Piglas-Kabataan (PK), ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng manggagawang nakikibaka upang palitan ang kapitalista't elitistang sistema. Ipakita natin sa buong sambayanan na sa paggunita natin sa ating dakilang lider, tayo'y kapitbisig na nagkakaisa laban sa bulok na sistema, sama-sama nating papatirin ang tanikala ng kahirapan at pagsasamantala, at handa nating itayo ang isang lipunang sosyalismo!

Ituloy ang laban ni Ka Popoy Lagman! Halina’t kumilos para sa tagumpay ng sosyalismo!

Hustisya kay Ka Popoy! Hustisya sa Uring Manggagawa!