Saturday, December 19, 2009

KPML-Cebu, Matagumpay na Nagdaos ng Kongreso

KPML-CEBU, MATAGUMPAY NA NAGDAOS NG KONGRESO
ni Ka Pedring Fadrigon
(unang nalathala ang artikulong ito sa pahayagang Tinig ng Samana-Fa, Nobyembre 2009)

Matagumpay na nailunsad ang kongreso ng KPML-Cebu chapter sa Barangay Day-as, Cebu City noong ika-8 ng Nobyembre 2009. Dinaluhan ito ni Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang tagapangulo ng KPML. Ang nasabing kongreso ay dinaluhan ng labimpitong (17) organisadong samahan, samantalang ang buong bilang naman ng mga dumalo ay hindi kukulangin sa 130 lider at kasapi mula sa iba't ibang panig ng Cebu City.

Kinatampukan ito ng paghahalal mula pangulo hanggang PRO. Inilantad din sa nasabing kongreso ang kabulukan sa pamumuno ni Vangie Abejo, ang dating pangulo ng KPML-Cebu chapter, at naging hudyat ito ng pagkakaligtas ng mga maralita ng Cebu City mula sa awtokratiko at komandistang pamumuno ng pangkating Vangie.

Sagad sa kabulukan at kawalang konsepto ng demokrasya, nagdeklara ng pakikipaghiwalay ang pangkating ito matapos maagaw sa kanila ang pamumuno sa samahan. Patunay lamang ito na ang mga taong ito ay hindi marunong tumanggap ng pagkakamali, at hindi marunong sumunod sa kapasyahan ng nakararami dahil ang gusto nila ay sila lamang ang masusunod, sila lang ang tama at ang iba ay mali. Mula doon ay nalantad ang kawalan ng kakayahan ng pangkating ito na mamuno sa mga kapatid nating maralita sa Cebu.

Bagamat ang karamihan sa mga nahalal na pinuno ay baguhan lamang, naniniwala po tayo na mas mainam na ang mga baguhan na may kagustuhang matuto, may kahandaang panghawakan at isulong ang prinsipyo't simulain ng KPML kaysa naman sa mga tulad ng pangkating Vangie na hindi marunong makinig sa mga kapwa lider at kasapi; hindi marunong magrespeto sa kapasyahan ng mayorya.

Nagbanta naman ang KPML-National sa pangkating humiwalay na huwag gagamitin ang pangalan ng KPML upang makahikayat ng mga magiging kasapi tungo sa kanilang makasariling interes sa maralitang lungsod ng Cebu. Sa ngayon ay tinatayang naghahanap na ang pangkating ito ng kukupkop sa kanila dahil sa totoo lang ay wala naman silang kakayahang tumayong mag-isa at nagkanlong lamang sa pangalan ng KPML.

Friday, December 18, 2009

Minsan, lumingon sa nakaraan

MINSAN, LUMINGON SA NAKARAAN
ni Silvestre "Tek" Orfilla, KPML Deputy Sec. Gen.

Ang panahon ay nagbabago, at ang pagbabago ay pag-unlad
Pag-unlad sa pangkalahatan, hindi sa pansarili lamang
Sa panahon ng kawalan, ang pag-unlad ay katugunan
Taliwas sa kasalukuyan, ang pag-unlad ay kahirapan

Nuong unang panahon, malaya't masagana ang lahat
Ngayon ay kontrolado, nagpapatakbo'y iilan lamang
Wala ka nang mapuntahan, wala ka pang masilungan
Sana'y kahit minsan, lumingon sa nakaraan

Matataas na gusali, magagarang daanan
Magagandang mga kotse ng mga mayayaman
Ngunit tingnan ang kababayan, namamayat sa kahirapan
Ang iba ay nasa kalye, pagala-gala, walang masilungan

Magagandang bihis na sundalo, matitikas na kapulisan
Sa kanilang panginoon ay sunud-sunuran
Di tulad nuon, tapat maglingkod sa bayan
Ang kanilang sinumpaan, ipagtanggol ang mamamayan

Talaga namang nagbago na, dama na ang kaunlaran
Pagkat ang mga nasa pwesto ay nagsisipagyaman
Di tulad ng nakaraan, sa malalawak na taniman
Busog naman lahat, mga nasa posisyon ay ayos lang naman

Sana'y kahit minsan, lumingon sa nakaraan

Tuesday, December 15, 2009

Ulat ng KPML-Bacolod City chapter

ULAT NG KPML-BACOLOD CITY CHAPTER
mula sa email ni Joan Trinilla

Dec. 10,2009
9am-2pm.

Nagpatawag ng urban poor forum si Vishop Navarra ng Dioses ng Bacolod City sa pamamagitan ng social action center. Ang dumalo ay Diosece of Bacolod, 2 NGO at 3 PO.

Dito natin ikinasa ang ating urban poor alternative agenda. Sa lahat ng naglatag ng mga problema sa komunidad, isa sa naaprobahan ang pagbububo ng Bacolod City Urban Poor Council (UPC) na ang kumposisyon ay LGU, PO at NGO at ang lahat ng dioses ng Bacolod. Nakaupo tayo sa komite para sa pagbuo ng UPC urban poor council. Ang layunin nito ay magbubuo ng UPAA para isalang sa 2010 election.

Isa sa ating tagumpay ang pangunguna ng ating organisasyon, dahil sa ating tamang linya para pangunahan ang laban ng maralita. Kinikilala na tayo ng simbahan at ng LGU na may kakaibang linya sa pagtutulak ng pagbabago ng lipunan. Isa rin tayo sa mga convenor ng Bacolod 2020 movement - isang kilusan ng anti-trapo sa Bacolod. Mayroon tayong dalawang pinatakbong konsehal sa Bacolod - Greg Jemena at Anthony Garcia. Ang diin ng trabaho namin ngayon buwan ng December hanggang pangalawang linggo ng January 2010 ay makapagkungreso ang Sanlakas Negros.

MARAMING SALAMAT,
JUN AÑO

Wednesday, December 9, 2009

ps - Karapatang Pantao

PRESS STATEMENT
Ka Pedring Fadrigon, Pambansang Tagapangulo
Disyembre 10, 2009

PABAHAY, PAGKAIN, TRABAHO!
KARAPATANG PANTAO, IPAGLABAN!

Ngayong araw na ito, Disyembre 10, 2009, ay ginugunita natin ng masakit sa kalooban ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, kasama ang mga mamamayan ng bansang ito at iba pang mamamayan ng daigdig. Masakit sa kalooban dahil hanggang ngayon marami pa ring mga paglabag sa ating mga karapatan bilang tao.

Bilang mga aktibistang nakikibaka para sa maayos na pamahalaan at pagbabago ng sistema, hanggang ngayon ay nililigalig pa rin tayo ng mga pangyayari tulad ng pagdukot sa mga aktibista, gaya ng kaso nina Sheryl Cadapan at Jonas Burgos; ang pamamaslang sa daan-daang aktibista at mamamahayag; at ang pinakahuli sa lahat ay ang masaker sa Maguindanao. Lahat ng ito’y nangyari sa panahon ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.

Dagdag pa riyan ang demolisyon at sapilitang relokasyon ng mga maralita na itinatapon mula sa danger zone tungo sa death zone, kasama na rito ang panununog ng mga bahay ng maralita para tiyaking mapaalis sila sa kinatitirikan nilang bahay, tulad ng nangyari kamakailan sa Santolan, Pasig, na ikinawala ng may 30 kabahayang target ng demolisyon. Sa kabila ng kaunlaran, hindi pa rin nakakakain ng sapat ang milyon-milyong tao sa mundo, at marami ang namamatay sa gutom. Nang dahil sa kahirapan sa gitna ng kaunlaran, marami ang nagbebenta ng kanilang katawan upang mabuhay, napakaraming nangungurakot sa kaban ng bayan, napakaraming tiwaling pulitikong ang serbisyo ay ginawang negosyo, naglipana pa rin ang mga ganid na trapo sa gobyerno. Hindi na dapat pagtiwalaan pa ang sistemang kapitalismong nakaharap sa atin ngayon.

Ang mga manggagawa ay kapwa tao natin, ngunit sila'y napakababa ng sahod at karamihan ay sapilitang tinatanggalan ng trabaho dahil sa salot na kontraktwalisasyon at globalisasyon. Ang mga maralita ay kapwa tao natin, ngunit sila'y dinedemolis at itinutulak sila sa sapilitang relokasyon mula danger zone tungo sa death zone. Ang mga magsasaka’y kapwa tao natin ngunit silang gumagawa ng pagkain ang kadalasang walang makain.

Hindi tayo papayag na ang ganito'y manatili. Nais natin ng pagbabago. Nais natin ng lipunang gumagalang sa karapatang pantao, lipunang pinangangalagaan ang lahat ng mamamayan sa usapin ng mga karapatan sa pabahay, trabaho, pagkain, kalusugan, edukasyon, makataong pamumuhay.

Sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, singilin natin ang lahat ng may kagagawan ng mga mapanligalig na mga pangyayaring unti-unting kumikitil sa ating dignidad bilang tao. Dapat tayong kumilos na tangan sa dibdib at puso ang adhika ng pagbabago, pagkakapantay-pantay, pagkakapatiran, karapatang pantao, sosyalismo!

Sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, isigaw natin: “Gloria, Resign!” “Gloria, alis diyan!”

Hindi tayo titigil hangga't di naipagwawagi ang isang lipunan at sistemang makatao, kung saan pangunahin ang kapakanan ng kapwa tao at hindi ng tubo. Patuloy tayong makibaka hanggang sa tagumpay!

Pandaigdigang Pagdiriwang ng Karapatang Pantao

Pandaigdigang Pagdiriwang ng Karapatang Pantao
ni Ding B. Manuel, KPML Child’s Rights Advocates

Tuwing ika-10 ng Disyembre ipinagdiriwang ng “Pandaigdigang Karapatang Pantao”. Ito ay ginugunita bilang pagkilala sa mga karapatan ng bawat nilalang na ang bawat isa ay may karapatan sa mga bagay-bagay at dapat igalang ng mga mapang-abuso at di makatwirang paglapasangan sa isang indibidwal. Ang lahat ng indibidwal ay may karapatan. Maging ang mga bata, matanda, kabataan at mga biktima ng pang-aabuso at karahasan.

Ang pagdiriwang ng Pandaigdigang Karapatang-Pantao ay idineklara ng United Nations (UN) General Assembly bilang paggalang sa bawat karapatan ng tao noong Disyembre 10, 1948. Ang layunin ng deklarasyong ito ay para ipalaganap at hikayatin na magkaroon ng respeto para sa karapatang pantao at batayang kasarinlan. Ito ay pagpapahayag ng personal, sibil, politikal, sosyal at kultural na karapatan ng bawat isa at ito ay pagkakaroon ng moralidad, kaayusan at pangkalahatang kagalingan.

KARAPATAN NG BAWAT BATANG FILIPINO
1. Maisilang at magkaroon ng pangalan at nasyunalidad
2. Magkaroon ng tirahan at pamilyang mag-aaruga sa kanya.
3. Manirahan sa isang mapayapa at matahimik na pamayanan.
4. Magkaroon ng sapat na pagkain, malusog at aktibong katawan.
5. Mabigyan ng sapat na edukasyon at mapaunlad ang kanyang kakayahan.
6. Mabigyan ng pagkakataong makapaglaro at makapaglibang.
7. Mabigyan ng proteksyon laban sa pang-aabuso, panganib at karahasan.
8. Maipagtanggol at matulungan ng pamahalaan.
9. Makapagpahayag ng sariling pananaw.

Himlayan ng Maralita - ni Ding B. Manuel

Himlayan ng Maralita
ni Ding B. Manuel
KPML Child’s Rights Advocates

Dito
Nakahimlay
Ang mga kabahayang
Inalsan ng mga bibig, mata
Paa, kamay
Upang bigyan-daan
Ang panapal
Sa bawa kilometrong
Daraanan ng mga de-gulong
At sa bawat limpak
Na pampakapal sa bulsa.
Dahil walang puwang
Sa ngalan ng kaunlaran
Ang lipon ng mga guhuing
Kabahayan nakakaiirita
Sa mga matang-bulag.
Subalit,
Sa himlayan ring ito
Muling mabubuhay
ang mga kaluluwang
bunuklod ng panaghoy, dalit,
sigaw, galit
upang ipaglaban
ang dangal nila’t
karapatan.

Kariton - ni Ding B. Manuel

Kariton
ni Ding B. Manuel
KPML Child’s Rights Advocates

Gumugulong
Ang tagpi-tagping
Buhay
Ng basurang humihinga,
Nakikipaghabulan
Sa agos ng sanga-sangang
Kaligaligan
Nakikipagbuno
Sa alon ng walang katiyakang
Daluyong.

Minsang hihinga,
Madalas ay hindi,
Subalit patuloy
Sa paggulong
Upang sa paglatag
Ng karimlan
Ay maging himlayan
Ng napatang basahan.

Friday, December 4, 2009

Med Ad - ALMA-SANTOLAN martsa

ALMA-SANTOLAN
ALYANSA NG MGA MAGKAKAPITBAHAY SA TABING-ILOG NG SANTOLAN
Santolan, Pasig City


MEDIA ADVISORY
Disyembre 4, 2009

HUWAG KAMING ITAPON
MULA DANGER ZONE TUNGO SA DEATH ZONE!


ANO: Martsa ng Maralita Laban sa Demolisyon

SAAN: Mula Santolan, Pasig hanggang Pasig City Hall
magsisimula sa Santo Tomas Villanueva Parish Church,
Evangelista St., Santolan, Pasig

KAILAN: Disyembre 4, 2009, Biyernes, simula 2pm

Magmamartsa ang mga maralitang apektado ng demolisyon mula Santolan, Pasig tungo sa Pasig City Hall upang ipanawagan sa mga mamamayan ng Pasig at sa pamahalaang lokal ng Pasig na ayaw nilang ilipat sila sa death zone mula sa danger zone nang wala silang malinaw na pinanghahawakan upang matiyak ang kanilang kasiguraduhan sa paninirahan.

Pangunahing magmamartsa patungong Pasig City Hall ang Alyansa ng mga Magkakapitbahay sa Tabing Ilog ng Santolan, Pasig (ALMA-SANTOLAN), kasama ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML), Partido Lakas ng Masa-Pasig chapter (PLM-Pasig), at mga residente sa palibot ng Manggahan Floodway.



Tuesday, November 24, 2009

ps - Peñaflorida at Mababang Edukasyon

I-justify nang BuoPRESS STATEMENT
Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Tagapangulo
Nobyembre 24, 2009

PUSHCART CLASSROOM NI PEÑAFLORIDA
AT ANG MABABANG ANTAS NG EDUKASYON SA BANSA

Isa kami sa mga nagagalak sa pagkakapili kay Efren Peñaflorida bilang CNN Hero of the Year, isang pandaigdigang karangalan para sa mga tulad naming maralita. Ngunit di nakakagalak na kaya siya nanalo ay dahil hindi magawa ng pamahalaan mismo ang kanyang tungkuling pagbibigay ng libre at de-kalidad na edukasyon sa buong bansa. Palatandaan ang ginagawang inisyatiba ni Peñaflorida sa kababaan ng antas ng edukasyon sa bansa. Kaya ang kanyang pagkakapanalo’y nagpapakita lamang, hindi ng kasipagan at kasigasigan ni Peñaflorida, kundi ng mga kakulangan mismo at kamahalan ng presyo ng edukasyon sa bansa..

Pangarap ng mahihirap na magulang na mapag-aral at mapagtapos nila ang kanilang mga anak dahil naniniwala silang nasa edukasyon ang pagkakamit ng tagumpay ng kanilang mga supling. Ngunit kakaunti lang ang mga pampublikong paaralan kaya nagsisiksikan ang mga estudyante rito. Sa kabuuang 309 paaralan sa NCR, 276 ang pribado habang 33 lamang ang pampubliko. Sa Region IVA, kung saan naroon ang pinanggalingang Cavite ni Peñaflorida, sa kabuuang 274 paaralan, 203 ang pribado habang 71 lamang ang pampubliko. Dagdag pa rito, ang mismong badyet ng edukasyon ay bumaba. Ayon sa E-Net Philippines, 11.8% na lang ng badyet ang napunta sa edukasyon mula sa 12.74% (2006), 12.19% (2007) at 11.9% (2008). Idinagdag pa ng E-Net na kinakailangan ng dagdag na P6B para sa mungkahing 2010 badyet ng DepEd. Napakalaki rin ng bilang ng mga out-of-school youth (OSY) sa bansa. Noong 2004, sila’y nasa 5.8 milyon. Maraming mga OSY dulot sa kahirapan.

Maraming gustong mag-aral ngunit edukasyon ay mahal. Maraming mahihirap na gustong maging doktor ngunit pag-aaral ng medisina ay napakagastos. Maraming nais maging inhinyero at abogado ngunit presyong pangmayaman lang ang edukasyon. Nagkakasya na lang ang maralita na makatapos ng elementarya o hayskul dahil sa kahirapan. Imbes na ang edukasyon ay serbisyo, ito’y negosyo na. imbes na ang paaralan ay isang insitusyon para matupad ang mga pangarap ng kabataan, hinahadlangan sila ng mahal na presyo ng edukasyong nais nilang matapos sa kolehiyo. Kailangan pang gumapang sa hirap ng mga magulang ng kabataan para makakuha lang ang mga ito ng sapat na edukasyon. Taun-taon pang tumataas ang matrikula o presyo ng edukasyon.

Kaya imbes na tayo’y magalak lamang sa pagkakapanalo ni Peñaflorida, mas dapat nating tingnan ang suliranin ng ating edukasyon at ang mismong lipunan. Dapat magkaisa ang mga maralita at pag-usapan ang edukasyon ng mga kabataan na siyang pag-asa ng bayan. Maraming naloloko at pinagsasamantalahang maralita dahil di nakapag-aral o di natutong magbasa at sumulat. Sa lipunan natin ngayon, mas inuuna ng mga kapitalistang edukador ang tubo imbes na ang kalidad ng edukasyon. Patunay ang taunang tuition fee increase.

Ayon naman sa ulat sa pahayagang TODAY, Pebrero 17, 2005, ("8 out of 10 Filipinos are functionally literate" ni D. Pepito) ang literacy rate (o kaalaman sa pagbabasa at pagsusulat) ay tumaas mula 72% tungo sa 90% sa nakaraang 90% taon. Ayon sa 2005 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey na inihanda ng National Statistics Office (NSO), 48.4 million o 84% ng tinatayang 57.6 milyong Pilipino na nasa edad 10 hanggang 64 taong gulang ay "functionally" literate. Ngunit sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, Setyembre 23, 2009, ("Reform Educators Complain: DepEd Budget Share Down) 15 milyon ang illiterate sa Pilipinas. Habang sa maliit na bansang Cuba, ang literacy rate ay 97% na.

Nagpapasalamat ang mga maralitang lungsod kay Peñaflorida na sa kanyang pagkakapanalo’y nabuksan ang kahiya-hiyang kapalaran ng edukasyon sa ating bansa. Nawa’y magsilbi itong aral sa lahat sa atin na di tayo dapat nang umasa sa gobyerno dahil ang iniisip lang ng pamunuan ay ang kani-kanilang mga sarili, at mas inuuna pang bayaran ang mga ilehitimong utang at depensang militar ng bansa kaysa ilaan sa edukasyon at totoong serbisyo sa mamamayan ang taunang badyet ng pamahalaan.

Panahon na para mapalitan ang mga trapong nakaupo sa gobyerno. At tiyaking ang mga mamumuno sa susunod ay mga taong may malasakit sa ating mga kababayan, hindi para sa pag-unlad lang ng piling iilan, kundi ng buong mamamayan.

Monday, November 23, 2009

pr - protesta sa PCUP, NAPC, CHR, NHA

PRESS RELEASE
Nobyembre 23, 2009

Hindi kami mga daga!
MARALITA, NAGPROTESTA SA APAT NA AHENSYA NG GOBYERNO

Isangdaang katao mula sa mga organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML) at Zone One Tondo Organization (ZOTO) ang nagpiket sa mga tanggapan ng apat na ahensya upang iprotesta ang kabagalan nito sa pagresolba sa problema sa pabahay ng mga maralita at ang paglabag sa karapatang pantao. Una nilang piniketan ang tanggapan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), sumunod ay ang tanggapan ng National Anti-Poverty Commission (NAPC), sa umaga, at sa hapon naman, nagtungo sila sa tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR), at tinapos nila ang kanilang protesta sa tanggapan ng National Housing Authority (NHA), ang lahat ng tanggapang ito’y pawang nasa Lungsod Quezon.

Ayon kay Ka Pedring Fadrigon, pangulo ng KPML, “Sadya bang kinapopootan ng pamahalaan ang mga maralita kaya agarang ginigiba ang tahanan ng mga maralita. Tila labis ang galit ng mga awtoridad sa maralita. Imbes na unawain ang kalagayan ng mga maralita, nag-aalaga ng galit sa dibdib ang gobyerno. Imbes na isang makatarungan at makataong negosasyon sa pabahay, ang mga maralitang nagtatanggol ng tahanan ay sinasaktan pa o pinapatay. Ito ba ang nararapat sa maralita? Poot? Ang nais ng maralita’y disenteng tahanan na may maayos na trabaho o pagkakakitaan malapit sa tirahan nila. Ang nais ng maralita’y kaunlarang may hustisyang panlipunan.”

Tinukoy ni Fadrigon ang naganap na demolisyon ng mga bahay at pananakit sa mga maralita sa Baclaran, ang pagpaslang sa isang lider-maralita sa Pechayan sa North Fairview, at ang mga banta ng demolisyon ng mga maralitang biktima ni Ondoy, na ayon sa grupo, ay hindi makatarungan, dahil walang makatarungang relokasyong malapit sa trabaho para sa mga apektado. “Nagdurusa na ang mga tao sa mga di makatarungang demolisyong ito. Itinuturing kaming daga ng gobyerno, imbes na itunring kaming taong may karapatan at dangal. Dapat itong matigil. Nais namin ng pangmatagalang solusyon, pagtigil ng demolisyon o kaya’y nararapat na relokasyon. Pag sinabi nating nararapat na relokasyon, ang binabanggit natin ay relokasyon sa loob ng lugar na malapit sa trabaho, at ang bahay ay abot-kaya, ligtas at sapat, hindi lugar na malayo sa aming mga pinagkakakitaan ng ikabubuhay.”

Idinagdag naman ni Ka Lydia Ela, tagapangulo ng ZOTO, “Ayaw ng maralitang tumira sa mga mapanganib na lugar, ngunit natulak lamang doon dala ng pangangailangan. Ngunit kung patuloy kaming ituturing na daga at idedemolis ang aming mga tahanan ng walang maayos na konsultasyon, at walang maayos na prinosesong lugar ng relokasyon, ito’y katumbas na rin ng pagdala sa amin mula sa danger zone patungo sa death zone. Ito ang ayaw namin. Ang pananatili ng aming mga tirahan ngayon hangga’t wala pang maayos na negosasyon sa mga maralita, ay isang magandang patunay ng paglilingkod at pagmamahal sa kapwa.”

pr - protest at the PCUP, NAPC, CHR, NHA

PRESS RELEASE
November 23, 2009

We are not rats!
URBAN POOR PROTESTS IN FOUR GOVERNMENT AGENCIES

One hundred people from the urban poor groups Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML) and Zone One Tondo Organization (ZOTO) picketed the offices of four agencies to protest its ineptness in immediately solving the housing problem of the urban poor and the human wrongs inflicted against the poor. They picketed first the office of the Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), then the office of the National Anti-Poverty Commission (NAPC), in the morning, and in the afternoon, they went to the office of the Commission on Human Rights (CHR), and ended their protest in the picket at the National Housing Authority (NHA), all of the offices were in Quezon City.

Ka Pedring Fadrigon, KPML president, said, “Do the authority deeply hates the urban poor that hatred motivates them to demolish the so-called “squatters”? Government authorities seems to have a deep hatred on the urban poor. Is this class war? Instead of understanding the plight of the urban poor, the authorities breed hatred. Instead of just and humane negotiation on housing, urban poor residents got injured or killed in defending their only homes. Is this what the urban poor deserved? Hatred. What the poor wants is decent housing with decent jobs or livelihood nearby. What the urban poor wants is progress with social justice.”

Fadrigon cited the recent demolition of houses and harassment of the urban poor in Baclaran, the shooting to death of an urban poor leader in Pechayan in North Fairview, and the many threat of demolition of urban poor victims of typhoon Ondoy, which according to group, is unjustified, because there is no just relocation site for the affected families. “The people is suffering from these unjust demolitions. The government considered us rats, not people with rights and honor. This should be stopped. What we want is a lasting solution, moratorium on demolition or a just relocation site. When we say just relocation site, we refer to in-city relocations near our jobs, and the houses are affordable, safe and adequate, not a distant relocation far from our jobs,” Fadrigon explained.

Ka Lydia Ela, ZOTO president, added, “Urban poor doesn’t want to live in danger zones, but we lived there because of necessity. But if we will be treated like vermin and our houses will be demolished without proper consultation, and no properly processed relocation site, this is tantamount of pushing us from danger zones to death zones. This is what we abhor. Letting the urban poor homes intact now, until proper negotiations with the urban poor will be done, is a great gesture of service and love for their fellowmen.”

Saturday, November 21, 2009

polyeto - Ang Pabahay ay Dignidad

ANG PABAHAY AY DIGNIDAD!

ITIGIL ANG MGA PWERSAHANG DEMOLISYON MULA SA DANGER ZONE PATUNGO SA DEATH ZONE!

PAKIKIPAGKAPWA-TAO, HINDI PANDARAHAS SA MGA MARALITA!

Lagi na lang sinisisi ang mga maralita. Lagi na lang. Lalo na nitong nagdaang bagyong Ondoy. Ang mga maralita ang dahilan kuno kung bakit nagbaha. Ayaw sisihin ng gobyerno ang mga dam na nagpakawala ng tubig. Ang mga maralita ang nakatira sa mga ilog kaya posibleng sila ang nagtatapon ng mga dumi sa ilog. Ayaw sisihin ang mga pabrika at sasakyang pandagat na nagtatapon ng mga basura, lalo na sa Ilog Pasig. Kaya daw nagbaha ng matindi ay dahil sa iskwater. Dahil sa mga dukha. Anong kalokohan ang mga dahilan nilang ito. Mga hunghang!

Nakasilip ng butas ang gobyerno kung paano nga ba mapapaalis ang mga iskwater na sadyang masasakit sa kanilang mga mata. Sunud-sunod ang demolisyon ng iba’t ibang mga lugar ng maralita sa Kamaynilaan sa ngalan umano ng kaunlaran at makataong tirahan. Hindi raw nararapat tumira ang mga maralita sa danger zones kaya dapat itapon sa malalayong lugar na talagang kaylayo naman sa kanilang mga trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay.

Ngunit bago pa naganap ang Ondoy na ito’y kayrami nang mga banta ng demolisyon at karahasan sa mga maralita. Noong Oktubre 9, 2009, sa Petsayan, North Fairview, binaril ng shotgun at napatay ang lider ng Samahang Magkakapitbahay sa Pechayan, North Fairview (SAMASAPE) na si Myrna Porcare at ang kanyang anak na Jimyr ng gwardya ng umano’y may-ari ng lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Nitong Nobyembre 17, 2009 naman, dinemolis at winasak ang kabahayan ng mga kapatid na Muslim sa Baclaran at sila ngayon ay pansamantalang umurong sa kanilang Mosque, kung saan 11 katao ang nasugatan. Pagtatayuan daw ng proyektong terminal ng sasakyan ang kanilang lugar. Bala ang isinagot sa maralita upang ang tirahan ng tao’y maging tirahan ng bus. Nariyan din ang bantang demolisyon sa Santolan, Pasig, at sa marami pang lugar sa Kamaynilaan, na ang balak ay itapon sa malalayong lugar, tulad ng sa masukal na Calauan, Laguna, imbes na sa relokasyong malapit sa ikinabubuhay ng mga maralita. Ganito na ba talaga kainutil ang gobyerno? O ito’y dahil sa kanilang maling pagtingin na ang problema agad ng maralita ay bahay, imbes na ikinabubuhay? Nais ng pamahalaang mawala na ang mga maralita sa danger zone upang ilipat sa death zone! Hindi papayag sa ganito ang mga maralita!

Hindi daga ang mga maralita na basta na lamang tatanggalan ng tahanan. Kami’y tao. Subukan kaya nating tanggalan din ng tahanan ang mga nasa Malacañang para maunawaan nila kung bakit ipinaglalaban nating maralita ang ating munting tahanan, kahit ito man ay barung-barong.

Karapatan ng bawat tao, maging siya man ay maralita, ang sapat at maayos na paninirahan. Ang bahay ay di dapat gawing negosyo, bagkus ito’y serbisyo sa tao. Ang pagkakaroon ng sapat na matitirahan na matatawag naming tahanan ay katumbas ng aming dignidad. Tanggalan mo kami ng tahanan ay tinanggalan mo kami ng dignidad na mabuhay bilang tao. Dapat magpakatao at makipagkapwa-tao ang sinuman, lalo na ang mga lingkod-bayan na nasa pamahalaan, at huwag daanin sa dahas ang mga maralita. Kaya kami’y nananawagan:

Itigil ang pandarahas sa mga maralita!

Trabaho, kabuhayan, hindi demolisyon!

Ligtas, abot-kaya, at madaling puntahang pabahay na malapit sa aming trabaho, at kasiguruhan sa pabahay para sa lahat!

Maayos, ligtas na paninirahan, sapat na serbisyo, trabaho at kabuhayan, hindi noodles, hindi bala!

Katarungan sa lahat ng maralita!

KPML - ZOTO
NOBYEMBRE 23, 2009

Tuesday, November 3, 2009

Urban Poor - Workforce and Citizens

PHILIPPINE DAILY INQUIRER November 3, 2009, page 4 one-whole page ad signed by 38 individuals


URBAN POOR - WORKFORCE AND CITIZENS

OCTOBER 2009


“As he (Jesus) drew near, he saw the city and wept over it, saying, ‘If this day you only knew what makes for peace – but now it is hidden from your eyes’” (Lk 19:42)


Urban poor people are blamed for the floods caused by typhoon Ondoy. Government officials demand they be prohibited from moving back to their homes along the rivers and esteros. The president has said that in the makeover of Metro Manila we must “rid the city” of informal settlers as if they were vermin.


There is no scientific basis proposed for such violent actions. Loggers in the Sierra Madre and developers may be more guilty. We may evict 80,000 families from the waterways at great expense and suffering only to find in 20 years the floods are back and stronger than ever. There must be a rock solid scientific reason to disrupt the lives of 400,000 persons.


Riverbank and lakeside dwellers will not insist on returning to their homes if they are offered in-city relocation near their jobs and the children’s schools.


The poor were affected that fateful Saturday (Sept. 26)just as the middle-class people. Unlike the middle-class, however, the poor had no place to go except back to their homes by the waterways.


Distant relocation is not the answer as there are usually no jobs available in the far away sites. Jobs are basic: without regular income the people will be hungry and soon return.


Let us move into 21st century thinking by making Metro Manila and our other cities inclusive ones that integrate the urban poor into their midst rather than force them into illegality on degraded sites. These diminish their humanity and serve as constant reminders of social injustices perpetuated by “the only Christian country in Asia.”


We call for a serious examination of the causes of the floods. Can it not be done by the Senate? What, if any, was the role of the poor? Who is really to blame?


We call for both public and idle private land near the riverbanks to be identified and set aside for riverbank and lakeside settlement, negotiated by government for temporary social housing use until it can identify and prepare permanent social housing sites for them in the city. We believe, however, on-site upgrading is the best solution.


We also call for a serious re-examination of our current unjust and inefficient land use patterns and a serious look at the implications of urbanization for all Filipinos, especially the poorer citizenry.


It is time to initiate humane and effective approaches that will enable our urban poor workforce to remain in the city, enjoy their rights as Filipino citizens, and help realize a vibrant, competitive, humane and inclusive Asian city.


Teodoro K. Katigbak

Bishop Broderick Pabillo, D.D

Former Chairperson,

Housing and Urban Development Coordinating Council

Philippine Misereor Partnership; TWG on Housing and Urban Livability

Arch. Manny Mañosa

Bishop Julio Xavier Labayen, D.D

Planning Resources and Operational Systems, Inc. (PROS)

Bishop Eemeritus, Prelature of Infanta, Quezon

Fr. Roberto Reyes

Bishop Jose F. Oliveros, D.D

Urban Poor Associates

Diocese of Malolos

Mayor Jesse M. Robledo

Sr. Ma. Aida Velasquez, OSB

Mayor of Naga City, Magsaysay Awardee

Lingkod-Tao Kalikasan

Tomas R. Osmeña

Anson Garcia

Mayor of Cebu City

SALIGAN

Florencio Abad

Sr. Victricia pascasio, SSpS

Former Secretary of DAR Department of Education

Missionary Sisters Servant of the Holy Spirit

Hilario Davide

Sr. Angie Jamola, FMM

Liberal Party Ceby Coordinator

Franciscan Missionary of Mary

Leila M. de Lima

Sr. Glocar Eamiguel, FMM

Chairperson, Commission on Human Rights

Franciscan Missionary of Mary

Congressman Raul del Mar

Erma Cordero-Ramos

Deputy Speaker, House of Representatives

Pagtambayoyong Foundation

Congressman Cresente Paez

Jacque dela Peña

COOP-NATCCO Party List Representative

Kaabag sa Sugbo

Congressman Leonardo Montemayor

Benedict Balderama

ABA-AKO Party List Representative

PHILSSA

Congresswoman Risa Hontiveros

Arturo Nuera

AKBAYAN Party List Representative

CMP Congress

Dr. Mary Aracelis

Moslemin Abas

Ateneo, Institute on Philippine Culture

CO Multiversity - Mindanao

Fr. John J. Carroll, S. J.

Dennis & Alicia Murphy

John J. Carroll Institute on Chuch and Social Issues

Urban Poor Associates

Professor Ernesto M. Serote

Emiel and Madeleen Wegelin

University of the Philippines

CDIA, GTZ, ADB

Fr. Jorge Anzorena, S. J.

Liliana Marulanda

Architect and Ramon Magsaysay Awardee 1994 (Japan)

Urban Planner - Columbia

Architect Somsook Boonyabancha

Gloria Alcuaz

Asian Coalitionfor Housing Rights (Thailand & Asia)

Kubol Pag-asa

Architect Kirtee Shah

Fr. Archie Casey, SX

Habitat Forum & Ahmedabad Study Action Group (India)

Association of Major Religious Superios of the Phils

Architect Gregor Meerpohl

Francisco L. Fernandez

Urban Development Consultancy (Germany)

Cebu City Administrator

Monday, November 2, 2009

Ang Sigaw ng Dukha - tula ni Crisanto Evangelista

ANG SIGAW NG DUKHA
tula ni Crisanto Evangelista
tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (1930)

(Handog sa “Kapisanang Damayang Mahirap”, alang-alang sa ikalawang taon ng kanyang pakikitunggali sa larangan ng pag-aagaw-buhay; ang tula'y may 18 pantig bawat taludtod, at may caesura sa ika-6 at ika-12)

I
Mga binibini, mga piling sama at kaginoohan:
Yamang pinipita! Ang Sigaw ng Dukha! na dito’y isaysay
Naito’t tanggapin at sa buong puso’y kusang inialay
Ang tinig na paos, ang bisig na pata, ang damdaming buhay
Ng anak-dalitang nabili na halos ang diwa’t katawan
Makasagot lamang sa paghihikahos at sa kailangan.

II
Tanggapin nga ninyo, mga binibini’t mga piling sama
Na aking ilahad ang buong damdaming ating nadarama,
Ang larawang buhay na kalarolaro at kasamasama,
Ang paghihikahos na kasalosalo’t kaagaw tuwi na,
Sa bawat paghanap, sa bawat paglikha ng ililigaya,
Sa bawat paglasap, sa minsang pagtikim ng igiginhawa.

III
Ikaw na nasunod sa atas ng iyong pinapanginoon
Kayong yumuyukod at di nagkukuro sa habang panahon
Akong lumalasap ng pagkasiphayo at pagkaparool,
Tayong lahat ngani, na kinabagsakan ng pula’t linggatong,
Tayo ang may likha, tayo ang may sala ng lahat ng iyon,
Pagkat kundi tayo napaaalipi’y walang panginoon.

IV
Kung tayo’y natutong lumikha sa ating ipananandata
Kung ikaw at ako’y natutong tumutol at di tumalima,
Kung tayong mahirap, tayong manggagawa’y natutong kumita
Ng punglong pangwasak, ng kanyon at saka mga dinamita
Disin ay putol na ang pangaalipin at ang panggagaga
Sa ating mahirap, niyang pinagpala ng masamang mana.

V
Kung ikaw ay hindi naghangad mataas sa dapat kalagyan,
Kung kayo ay hindi natutong humanap ng kapangyarihan,
Kung tayo ay hindi nagtanim ng sama at nagawayaway
Disi’y hindi nila tayo nabusabos at napagkaitan
Ng laya, ng puri, ng buhay at saka iwing karapatan,
Disi’y pantaypantay tayong nagsasama ngayo’t nabubuhay.

VI
Kung sa pasimula ay natuto tayong lumikha’t nagtatag
Ng mga Samahang katulad nga nitong “Damayang Mahirap”
Kung tayo’y nagimpok ng paglilingapan at pagtinging wagas
Sa loob ng mga kapisanang laan sa ating mahirap
Disi’y malaya na tayong tinatanghal at karapatdapat
Sa harap ng Bayan, sa gitna ng Bansa, ng lahat at lahat.

VII
Kung sa pasimula’y nakilala natin ang ating matuwid,
Kung itiniwala sa atin ang gawang dumama’t magmasid,
Kung tayo’y binigyan at saka sinanay sa gawang umibig
Disi’y hindi tayo alipin sa ngayon at tigib ng hapis;
Disi’y hindi tayo laging naglalayo at di naglalapit,
Tayo disin ngayo’y taong may pagasa’t may malayang bisig.

VIII
Maniwala kayong kung sa panimula tayo’y nagpipisan
Bumuo’t nagtatag ng lakas ng bisig at ng karapatan,
Nagbango’t yumari sa isang malaya at sariling bayan,
Niyong bayang salat sa masamang mana at sa kasakiman
Maniwala kayong kahapon ma’t ngayon, bukas, kailanman
Tatanghalin tayong may lakas na tao, may puri’t may dangal.

IX
Maniwala kayong kung sa unauna’t ating ilinayo
Ang masamang hilig ang pagiiringa’t pagbabalatkayo,
Pagtatangitangi’t ang nakasusuklam na sulsol at suyo,
Ang suplong na haling, ang lubhang mahalay na pagngusonguso,
Maniwala kayong tayo’y di lalasap niyong pagkabigo,
Tayo’y di dadama at makakakain ng pagkasiphayo.

X
Maniwala kayo mga piling samang ang paghihikahos
Imbing pagkadusta at pagkaalipin ng lubos na lubos
Ay di gawa lamang ng mamumuhunang mga walang taros
Kundi pati tayo, tayong sugatan ma’y di nagkakaloob
Na gumawa baga ng pagsasanggalang ng wagas at taos
Upang mapaanyo ang lakad ng lahat sa ikatutubos.

XI
Ngayon mga sama, tayo’y dumaraing sa lagay na dusta
Tayo’y nadadagi sa malaking buwis na sa ati’y likha
Ng Batas anilang kung kaya niyari, kung kaya nalagda
Ay sa kagalingan ng bayang mahirap at nagdaralita
Hindi baga ito’y katutubong hangad sa buktot na gawa?
Kapag paggugugol, pantaypantay tayo: Mayaman ma’t Dukha.

XII
Tayo’y dumaraing, laging humihingi ng kandiling tapat,
Sa pamahalaan, sa mamumuhunan, at sa lagdang batas
Nguni’t masdan ninyo kapag dumarating ang pagpapahayag
Ng di kasiyahan natin sa pakana’t masamang palakad:
Ang mamumuhunan, ang pamahalaan, at ang mga batas
Ang ating kalaban, ang sumasansala, ng ganap na ganap.

XIII
Ginigipit tayo ng nagtataasang halaga ng lahat
Sinisikil tayo sa mababang sahod at ng kasalungat
Tayo’y inaapi ng mamumuhunan sa gawa ng pilak
Binibiro tayo ng mga hukuman sa hatol na tuwas
At pati pa halos niyong lalong imbi tayo’y hinahamak
Nguni’t hindi mandin tayo gumagawa ng mga pangwasak.

XIV
Kung may damdamin ka’t kung dinaramdam mo ang lahat ng ito
Kung may nababahid na kamunting dangal sa puso mo’t noo,
Kung ikaw’y simpanan ng magandang gawa, gawang makatao
Walang lingong likod, kusa mong tunguhin ng taas ang ulo
Ng bukas ang dibdib, ang iyong kasama sa isang upisyo
At isumpa roong makikisama ka nang di maglililo.

XV
Isumpa mo roong magtataguyod ka ng ganap na layon
Na mamahalin mo, ang Palatuntunan at ang iyong Unyon
Gagawa ng lalong matapat sa lahat ng ikasusulong
Hindi magtatamad sa mga pagdalo sa tadhanang pulong
Kusang iwawaksi iyong katakata na higit na lasong
Nanatay sa mithi, nalikha ng sama’t pagniningas-kugon.

XVI
Saka pagkatapos na iyong maganap ang ganang tungkuli’y
Makikita mo nang unti unti namang ang lahat ng sakim,
Ang lahat ng sama na nakapagbigay ng dilang hilahil
Mga kabuktutan at pananakali na labis maniil
Parang napapawing usok na masangsang sa himpapawirin
At kasunod niya’y “Ang Sigaw ng Dukha” na sa sama’y lagim.

* Ang tulang ito’y binigkas ng maykatha sa lamayang idinaos ng “Damayang Mahirap” noong ika-23 ng Pebrero ng 1913.

Friday, October 9, 2009

Uring Maralita

URING MARALITA
ni Marcy Aquio, KPML-Navotas chapter
Daanghari, Navotas

Asawa ko ay isang uring manggagawa
Galing kami sa uring maralita
Umaga't hapon naglalako ng paninda
Asawa nama'y araw-araw sa pabrika.

Pero ano't wala pa ring napapala
Buhay namin, ganun pa rin talaga
Nananatiling isang kahig, isang tuka
Kinabukasan maisaing man lang ay wala.

Oo nga't ang buwis sa manggagawa'y inalis
Ngunit sa bilihin kinabit ng labis
Pagkain,gamot, damit, appliances
Lahat ay may buwis, nakakabuwisit.

Bakit ba ang gobyerno'y sadyang kaybangis
Sa maralitang punong-puno ng hinagpis
Bakit hindi kapitalista ang tugisin
Sa buwis, sila ang dapat pagbayarin.

Para sa anak ay nagtyaga't nagsumikap
Upang sa kolehiyo sila'y makatapak
Ngunit ito ay nabuo lang sa pangarap
Pagkat sa buhay kami'y hirap na hirap.

Sana naman munting hiling ay tugunin
Maralita nawa ay mabigyan ng pansin
At huwag naman sana kaming dadaanin
Sa mga pangakong napapako lang din.

Wednesday, September 16, 2009

Urban Poor Alternative Agenda (UPAA)

ALTERNATIBONG ADYENDA NG MARALITANG LUNGSOD
Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod
National Capital Region and Rizal (KPML-NCRR)

I. Paunawa

Ang papel na ito ay isang pagsisikap na mailinaw at maipaunawa ang mga usaping bumabalot sa maralita para distrungkahin ang kontrobersyal na pagsilang ng "Iskwater sa Sariling Bayan" - ang maralita ng lungsod.

Ang adyenda ay mga paksa o listahan ng mga usaping kinakaharap ng maralita na kailangang pag-usapan. Binubuo ito ng iba't ibang mga problema sosyal, kultura, ekonomya at pulitika, mga panawagan, paninindigan at kahilingan na kailangang isulong at ipaglaban. Ang adyenda ay hinalaw mula sa buhay na mga karanasan ng pakikibaka ng mga maralita, mga pagsusuri at pagsusuma ng mga gawain, pag-oorganisa, pag-aaral at pagsasanay, kampanya, pagkilos at patuloy na pagsubaybay sa mga programa't proyekto, mga batas at mga patakaran sa iba't ibang panahon ng panguluhan, ibinatay rin sa mga tagumpay at mga kabiguan ng pakikibaka ng maralita.

Ang adyenda ay isang paraan para maabot at hinangin ang lakas ng pagkakaisa ng mga maralita na isang esensyal na elemento para isulong ang pakikibaka sa layuning hawanin ang landas tungo sa isang makabuluhang pagbabago, isang alternatibong lipunang walang pagdarahop at kaapihan, bagkus ay maunlad at may dignidad na pamumuhay - hindi hikahos at iskwater sa sariling bayan.

Sa ganitong konteksto ang batayan ng paninindigan at paglaban ng maralita hanggang sa pagkakamit ng tagumpay.

II. Kasalukuyang Kalagayan ng Maralita

Patuloy at mas mabilis ang paglobo ng bilang ng maralita, paglawak at pagdami ng mga maralitang komunidad, mas grabe ang kahirapang dinaranas sa bawat araw na lumipas. Kalunus-lunos ang patuloy na pagtindi ng kahirapan. Dumarami ang mga pamilyang tuwirang walang tirahan. Mistulang nomad ang kalagayan ng buhay sa mga bangketa. Tuloy ang pagdami ng caravan ng mga karitong tirahan at ang pagsulpot ng mga Taong Paniki sa ilalim ng mga tulay. Hindi na bago ang mga tirahan ng buhay at patay sa mga musoleo sa sementeryo. Mas kumplikado ang kahirapang binabalot ng tensyon ng mararahas na demolisyon para sa pagpapatupad ng mga imprastrukturang pagpapaunlad na pinondohan ng dayuhang pautang na punung-puno ng anomalya't korapsyon na kinasangkot mismo ang pangunahing mga tauhan ng pamahalaan.

Mistulang inalay na tupa (sacrificial lamb) sa altar ng progreso ang mga maralita sa huwad na kaunlaran para sagipin ang naghihingalong ekonomya ng bansa na nilumpo ng globalisasyon. Malinis na ang riles na dating tirahan ng mahigit 75 libong maralitang pamilya. Lahat sila ay ikinalat sa 8 in-town relocation sa Bulakan at Southville sa Laguna. Mapalad ang 5 libong dinala sa NBP sa Muntinlupa. Nangangamba ng ebiksyon ang mga relocatee sa iba't ibang relokasyon ng National Housing Authority sanhi ng notice of cancellation of lot award at sapilitang pagpapalagda sa condemnation at bagong contract to sale. Biktima rin ng padlocking ang mga naninirahan sa mga proyektong MRB ng NHA sanhi ng kombersyon ng dating leasehold na ngayon ay ginawang Pag-ibig. Ebiksyon ang kinakaharap ng pamilyang naengganyo sa Low-cost Housing sa ilalim ng programang Pag-ibig. Mistulang sindikalisasyon ang prograamng Community Mortgage Program (CMP) ng socialized Housing Finance Corporation Corporation (SHFC) na umaabot na sa 2 Bilyon ang bcklog ng pondo sanhi ng katakut-takot na anomalya sangkot ang mga sindikatong originator at mismong mga tauhan ng ahensya.

Plastado na ang maramihan at malawakang demolisyon laban sa maralita. Ito ang esensya ng Executive Order 803 (EO 803) na nilagdaan ni Gloria Macapagal-Arroyo. Sa pangunguna ng Metro Manila Inter-Agency Committee (MMIAC), layunin ay i-decongest ang Metro Manila at para sa pagtitiyak nito ay lumagda si Bayani Fernando at ang Philippine Army sa isang contingency plan tulad ng training at manpower. Kahulugan nito ay total war sa maralita.

Project - Bilang ng Pamilyang Madedemolis (partial)

Danger zone - 5,000 pamilya na nasa mga ilog at estero sa Quezon City at Pasay

CBD (QC) - 20,000 pamilya para sa pribatisasyon ng 250 ektarya sa East at North Triangle

C5-NLEX Area at Aqua Duct NAWASA - 5,000 pamilya sa Tandang Sora, Matandang Balara at Luzon Avenue

NGCHP-EDP - 130,000 pamilya para sa reblocking, commercialization at government agency offices (3 Barangay sa Commonwealth, Batasan at bahagi ng Payatas B)

R10 - 10,000 pamilya sa Tondo at Navotas para sa road widening

Aquaduct (NAWASA) - 2,500 pamilya sa Caloocan, Quezon City, Tungkong Mangga at ilang bahagi ng San Jose Del Monte, Bulacan

Viaduct - 5,000 pamilya sa Rosario, Bacoor, Cavite hanggang Paranaque

LRT Extension at Depo - Paranaque, Barangay Talaba, LRT Depo, Niugan, Bacoor, Cavite

III. Ano ang Problema, Sino ang Problema

Sa pananaw ng iilan, ang maralita ng lungsod ay problemang panlipunan, mga manggugulo, mga tamad, hindi mapagkakatiwalaan, mga magnanakaw, mga kriminal. Ganito ang turing sa aming mga maralita.

"Itinakda ng kapalaran. Kagustuhan ng Diyos." Ganito madalas ang sinasabi ng iba't ibang sekta, ng simbahan. Sabi nila, "Kayong mga maralita ay malapit sa kaharian ng Diyos." Pampalubag ng loob para tanggapin ng maralita ang kahirapan.

Sa pagsusuri ng maralita at batay sa buhay na karanasan, ang lipunan ang problema. Ang uri ng lipunan at ng mga namumuno rito ang ugat ng problema. Ang mga maralita ang output ng bulok na sistema na umiiral sa ating lipunan sa mahabang panahong pinamumunuan ng elitistang uri.

Sa ilalim ng iskemang pribadong pag-aari kung saan ang lahat ng bagay, produkto, serbisyo at gamit sa produksyon sa produksyon ay kalakal kasama ang mga maralita at manggagawa na tinatratong puhunan at dapat pagtubuan. Sa pamamagitan nito ay patuloy ang walang pagkasaid na akumulasyon ng yaman at kapangyarihan ng iilang elitistang nasa poder ng kapangyarihan.

Ang gobyerno ang kanilang gamit. Mula sa ehekutibo, lehislatura hanggang hudikadura, pulis at militar ang kanilang kagamitan sa sinumang tututol sa kanilang mga batas at patakaran ay hinuhuli at ikinukulong para maalis sa landas. Sa esensya ay hawak at kontrolado nila ang buhay at kung paano nabubuhay ang mga maralita. Ito ang totoong problema - ang gobyerno at ang sistemang bulok. Ito ang lumilikha ng krimen at ng mga kriminal.

IV. Ugat ng Kahirapan, Bakit may Maralitang Lungsod

Patuloy na iniluwal ang maralitang lungsod sa pamamagitan ng kawalan ng trabaho, ng barat na sahod, maliit na kita at mataas na presyo ng bilihin at kawalan ng batayang serbisyo.

Araw-araw ay nadaragdagan ang bilang ng maralitang lungsod. Mula sa mga magsasakang nilisan ang kanayunan para makipagsapalaran sa kalunsuran. Sanhi ito ng matinding problema ng kawalan ng lupang sakahan, barat na presyo ng ani, tuwirang walang batayang serbisyo at ang matinding militarisasyon. Parang daluyong ng Tsunami ang pagdami ng milyon-milyong nawawalan ng trabaho, pagsasara ng mga pabrika at negosyo na nilulumpo ng delubyong globalisasyon. Patuloy ang pagdami ng nagdarahop na komunidad na siyang tirahan ng mga maralitang lungsod - na ang bulto ay mga magsasaka at manggagawa. Nagsisiksikan sa mga barung-barong na tigib ng hapis at tuyot na pag-asa. Para sa kanila ang mabuhay ng isang araw ay tagumpay na. Bawal ang magkasakit, bawal ang magpahinga. Ang kalagayan ng mga maralitang lungsod ay laban ng mahirap at mayaman, laban ng masama at mabuti.

V. Ano ang Batayang Problema ng Maralitang Lungsod?

Tatlo ang mga pangunahing suliranin ng maralitang lungsod. Kahirapan, kawalan ng tiyak na tirahan, kakulangan ng mga batayang serbisyo at kawalan ng demokratikong karapatan.

1. Kahirapan

Ito ang pangunahing isyu ng maralitang lungsod. Ito ay kawalan o kakulangan ng trabaho, pagkakakitaan. Kung may trabaho man ay sobrang baba ng sahod. Kung may pagkakakitaan ay maliit at hindi sapat para maabot ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

2. Pabahay / Tirahan at Kakulangan sa Batayang Serbisyo

Ang usapin sa pabahay ang pinakalitaw at mainit na problema ng mga maralita. Pinakadramatiko at tampok ang karahasan ng demolisyon at sapilitang relokasyon sa malalayong lugar na walang sapat na batayang serbisyo kagaya ng tubig, ilaw, pangkalusugan, paaralan, at higit sa lahat, walang kabuhayan.

3. Kawalan ng Demokratikong Karapatan

Patuloy ang pag-iral ng mga batas at mga patakarang kadalasan ay pahirap sa mga maralita. Katulad na lamang ng walang tigil na kampanya sa demolisyon para sapilitang itaboy ang mga maralita palabas sa kalunsuran, sa malayong relokasyon. Limitado lamang ang karapatan ng mga maralita, kung hindi man nasa papel lang ang mga ito. Walang puwang na magtamasa ng maayos at sapat na serbisyo sa ating lipunan para sa makataong pamumuhay. Ang ginagawa sa mga maralita ay hinuhuli at ikinukulong. Anumang oras ay maaaring sonahin ang kanilang komunidad. Walang bahagi ang mga maralita sa anumang isasagawang proyekto gayong sila mismo ang mga pangunahing apektado nito gayong ang mga maralita ang tunay na nakakaalam ng kanilang kalagayan, pangangailangan at kakayahan.

VI. Balangkas ng Mithiin at Paninindigan ng Maralitang Lungsod

Mithiin at paninindigan ng maralitang lungsod ang isang lipunang walang kahirapan, walang maralita sa lungsod man o sa kanayunan. Isang lipunang masagana at maunlad at may dignidad sa pamumuhay, nagtatamasa ng maayos na paninirahan, sapat ang mga batayang serbisyo, maayos at ligtas na komunidad. May katiyakan sa trabaho, sapat ang sahod at kita, tuwiran ang paglahok sa lahat ng aspeto ng mga programa at proyekto mula sa pagpaplano, pagpapasya at pagsasakatuparan.

Simple ang pangangailangan ng maralitang iskwater, ang magkaroon ng tunay na katiyakan sa paninirahan. Hindi titulo ng lupa ang kahulugan nito kundi katiyakan na hindi na sila mapapalayas sa kanilang tirahan at ng sa gayon ay mabigyan ng pagkakataon na mapaunlad ang kanilang kabuhayan ng tuluy-tuloy na walang banta ng panganib ng demolisyon.

Ang kaunlaran ay hindi lamang paggawa ng magandang plano, ang dapat ay pagtitiyak na wastong magagawa ito. Dapat itong sukatin sa kaunlarang para kanino at sino ang makikinabang. Ang kaunlaran ay hindi lamang monopoly ng iilan. Hindi dapat na ialay ang maralita sa altar ng progreso at kapritso ng iilan.

Walang ibang higit na maghahangad ng kaunlaran, ng pagbabago sa buhay kundi ang mga kapuspalad na maralita. Ang bawat yugto ng aming buhay ang siyang ugat at puso ng pagkilos at pakikibaka upang magkaroon ng kaunlaran sa buhay, ang makaalis sa kahirapan at sa pagsasamantala, at magkaroon ng tiyak at maayos na tirahan, may makakain, damit at gamot pag nagkasakit, may serbisyong kailangan at malaya, at tuwirang paglahok sa mga paggawa ng batas at patakarang nakakaapekto sa aming buhay.

Bahagi sa aming pakikibaka ang ekolohiya't kalikasan sa layunin ng tunay at ganap na pagbabago ng lipunan, nang di mawalang saysay ang pakikibaka para sa kabuhayan, paninirahan, mga serbisyo, at karapatan. Kung ang ekolohiya at kalikasan ay salanta at wasak na, hindi na ito mapapakinabangan ng tao.

VII. Ang Alternatibong Adyenda ng Maralitang Lungsod Kaugnay sa Kaunlarang Panglungsod

Layunin at tanging hangad ng maralita ng lungsod ang matiwasay at ganap na pag-unlad ng tao bilang tao.

Makakamit lamang ito kapag napawi ang batayang pagkakaiba ng kalagayan sa buhay, walang laksa-laksang naghihirap at walang iilang yumayaman.

Magaganap ito kung pantay ang katayuan ng mamamayan anuman ang kasarian, lahi, kulay ng balat, at paniniwala, at pinahahalagahan ang kalikasan at kilalanin ang karapatan ng tao para sa sapat na serbisyo.

Mangyayari ito saanmang sulok ng bansa at lupalop. Kung angkop, balansyado, koordinado at integrado at higit sa lahat ay makatao at makakalikasan ang pag-unlad, makakamit ito sa isang alternatibong lipunan, kung saan ang bawat tao ay pantay ang karapatan, walang pang-aapi at pagsasamantala, isang lipunang makatao.

Ang salalayan ng lipunang ito ay ang panlipunang paglikha, pangkonsumo, pag-aari ng gamit at pamamahagi ng produkto, pagpapasaya ng mamamayan, pagsanib ng produktibo at reproduktibong karapatan. Maisasabuhay ang tunay na halaga ng pagkatao ng walang pangamba, walang pagmamaliit o pananakit.

VIII. Hinggil sa Paninirahan, Pabahay at Serbisyo sa Alternatibong Lipunan (Kagyat na Reporma)

1. Ipagbawal ang pwersahan at marahas na demolisyon, padlocking at ebiksyon sa maralita ng lungsod.
2. Moratorium sa demolisyon at bayarin.
3. Reoryentasyon sa mga programa, proyekto at mga patakaran hinggil sa pabahay ng maralita
4. Ipawalang bisa ang mga batas at patakarang kontra-maralita.
5. Parusahan ang sinumang tauhan ng gobyerno na napatunayang sangkot sa paglabag sa karapatang pantao ng maralita.
6. Isabatas ang Magna Carta of the Urban Poor.
7. Buwagin ang mga ahensyang walang silbi sa kapakanan ng maralita.
8. Rebisahin ang mga imprastrakturang proyekto na nakakaapekto sa mga maralitang pamilya.
9. Garantiyahan ang social cost, di lang ang project cost sa lahat ng proyektong aapekto sa maralita.
10. Integrado, komprehensibo at tuluy-tuloy na programang pangmasa at sosyalisadong pabahay.
11. Legislated at sapat na pondong panustos sa mga programa at proyektong pangmasang pabahay ng maralita at mga batayang serbisyo.
12. Maglaan ng "endowment fund" para sa mga programang pangkabuhayan at pagsasanay para sa mga maralita.
13. Tiyakin ang distribusyon ng murang bilihin at konsumo sa mga komunidad at relokasyon ng mga pamilyang maralita.
14. Kilalanin ang karapatan ng maralita sa paglahok sa lahat ng aspeto ng gawain pangunahin sa mga proyekto at programa at batas na tuwirang nakakaapekto sa maralita mula sa pagpaplano, pagpapatupad hanggang sa pagpapasya sa pamamagitan ng pagkilala at pangangatawanan ito ng kanilang organisasyon.

IX. Paano Makakamit ang Alternatibong Adyenda ng Maralitang Lungsod

Hindi sa magdaman, hindi sa isang bigwas, daraan ito sa maraming proseso. Mag-uumpisa ito sa maingat na pagsusuri, masinop na pagpaplano at mahigpit na pagsubaybay sa pagpapatupad. Ang rekisitos dito ay:
1. Pagtatayo ng mga organisasyon / samahan ng maralita upang bigkisin ang pagkakaisa at lakas ng kapangyarihang pampulitika sa porma ng mga pederasyon, alyansa at mga lokal na samahan.
2. Pagpapasulpot ng tunay, matapat at maaasahang lider-maralita na papandayin at hahasain ang mga kakakayahan at kasanayan sa maraming aspeto ng mga gawain at itaas ang pampulitikang kaisipang makauri.
3. Tuluy-tuloy na pagkilos sa mga isyu at usaping nakakaapekto sa maralita.
4. Pagtitiyak ng lohistika at panustos sa kabuuang gawain ng pag-oorganisa, pagmumulat, pagsasanay at pagpapakilos.

Mula sa ganito ay mahihinang ang pagkakaisa at lakas ng maralita tungo sa pagkamit ng mapagpasyang kapangyarihan na lilikha ng pagbabago para sa pagkakamit ng alternatibong lipunan na walang mahirap, walang inaapi at walang pinagsasamantalahan.

Setyembre 14, 2009
KPML-NCRR

Sunday, September 13, 2009

Hanggang Kailan Magtitiis

HANGGANG KAILAN MAGTITIIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

1
Pag-aring pribado ng mga kagamitan
Sa produksyon ng kalakal sa mga bayan
Ang siyang dahilan ng ating kahirapan
Kaya’t dapat itong mawala nang tuluyan.

2
Hangga’t pribadong pag-aari ng iilan
Ang mga lupain at pabrika sa bayan
Hangga’t lakas-paggawa’y pinagtutubuan
Hangga’t may agwat ang mahirap at mayaman

3
Hangga’t nagpapatuloy pa ang kurakutan
Hangga’t di binabago ang pamahalaan
Hangga’t marami sa ati’y ayaw lumaban
Hangga’t marami ri’y nagmamaang-maangan.

4
Mananatili pa rin itong pagkaapi
Hangga’t nagbubulag-bulagan ang marami
Hangga’t sa panawagan sila’y mga bingi
Sa pagbabagong atin ngayong minimithi

5
Ang mga panawaga’y kailan diringgin?
Aping kalagaya’y kailan babaguhin?
Kapag marami na ang namatay sa atin?
Ang tatsulok ba’y ating pananatilihin?

6
Hindi na panahon ng patunga-tunganga
Organisahin na ang uring manggagawa
At ipatimo ang misyong mapagpalaya
Tungo sa pagbabago ng lipuna’t bansa.

7
Dapat mawala ang pribadong pag-aari
Upang wala nang sa atin ay mang-aglahi
Sa susunod na yugto ito’y mapapawi
At dignidad ng paggawa’y mananatili.

8
Ibagsak na natin itong kapitalismo
At sumulong tayo sa yugtong panibago
Ating itatayo ang bagong sosyalismo
Para sa pakinabang ng lahat sa mundo.



Pabahay, Pagkain, Trabaho


PABAHAY, PAGKAIN, TRABAHO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Hiling ng dukha'y pabahay, pagkain, trabaho
Hindi Con Ass, hindi trapo, at hindi martial law
Hiling pa ng dukha'y isang matinong gobyerno
Na hindi pinamumunuan ng mga trapo.

Hiling ng pamilyang maralita ang pabahay
Upang sa gabi'y maayos silang makahimlay
Sa isang tahanang pag-aari nilang tunay
Na makapagpapaalwan sa kanilang buhay.

Hiling ng pamilyang maralita ang pagkain
Sa bawat mesa't di sila gugutumin
Nang maging malusog ang anak na palakihin
At buong pamilyang may pangarap na tutupdin.

Hiling ng pamilyang maralita ang trabaho
Upang may panggastos sa pang-araw-araw dito
At kung may trabaho'y dapat may sapat na sweldo
Na makabubuhay sa bawat pamilyang ito.

Pabahay, pagkain, trabaho para sa dukha
Ito ang panawagan ng mga maralita
Nang maibsan naman yaong dusa nila't luha

Upang sa kahirapan ay tuluyang lumaya.

Sunday, September 6, 2009

Agenda ng mga Bata at Kabataang Manggagawa


AGENDA NG MGA BATA AT KABATAANG MANGGAGAWA
(Child Laborer and Young Worker's Agenda)

Karapatang Mabuhay at Umunlad
- Maayos na bahay, may ilaw, malinis na tubig, at walang demolisyon
- Libreng pa-check up at gamot
- Bigyan ng trabaho o pagkakakitaan ang aming magulang
- Makapag-aral at makabalik sa paaralan (pormal o di-pormal)
- Tulungan kami ng Dep Ed sa mga problema sa eskwelahan
- Scholarship para sa mahirap
- May malinis, maayos na tambayan o palaruan
- Malaman ang aming karapatan
- Malaman ang Reproductive Health

Karapatang Makilahok
- Magkaron ng isang kinatawang bata sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC)
- Maglunsad ng mga pakikipag-usap, dayalogo, negosasyon sa mga opisyal ng gobyerno na may programa para sa mga bata at kabataan
- Tuluy-tuloy na pagtatayo at pagkokonsolida ng mga samahan ng bata at kabataang manggagawa
- Paglulunsad ng mga gawain o aktibidad para sa pagsusulong ng adbokasya ng mga bata at kabataan na may kaugnayan sa kanilang isyu at kahilingan na mayroong pagsang-ayon ng komunidad

Karapatang Maproteksyunan
- Walang diskriminasyon o panlalait
- Walang pananakit, pambubugbog at pagmumura
- Maproteksyunan laban sa pangre-rape
- Maproteksyunan laban sa eksploytasyon o pagsasamantala
- Ipaalam sa bawat barangay at ipatupad ang Barangay Council for the Protection of Children (BCPC)
- Iligtas kami sa lahat ng kalamidad
- Mabigyan ng pag-aaral ang mga magulang at isama ang aming magulang na magtitiyak ng aming proteksyon

Pinakamabuti para sa mga Bata
- Regular na konsultasyong pisikal at sikolohikal para sa aming mga bata at kabataan
- Maglunsad ng mga aktibidad o pagsasanay na makatutulong sa paglalabas ng iba't ibang talento o kakayanan bilang bata at kabataan
- Sa panahon ng pagsasamantala o pang-aabuso sa bata, hayaang mabigyan ng malayang pananaw o desisyon na pinakamainam para sa mga bata
- Maging bahagi ang mga bata at kabataan sa pagdedesisyon na maipahayag ang kanilang pananaw sa mga pulong at konsultasyon sa loob at labas ng tahanan na may kinalaman sa kanilang pag-unlad

Sunday, August 30, 2009

Mga Iskwater, Pinagkakakitaan ng Gobyerno

MGA ISKWATER, PINAGKAKAKITAAN NG GOBYERNO
ni Kokoy Gan
Sgt. at Arms, KPML nasyunal

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.3, Taon 2009)

Iilan lamang sa mga ginawang transaksyon ng gobyerno ang proyekto ng Philippine National Railways (PNR) o ang PNR rehabilitation project na kasalukuyang iniimplement. Maliban sa NHA ay katulong ang mga Local Government Units para mabilisang maisakatuparan ang paglilinis sa kahabaan ng Riles.

Kanya-kanyang diskarte ang ginawang paglilipat ng kanilang mga punong lungsod sa kanilang mga constituents. Ang sa Kalookan ay pinatatayuan ng MRB sa Tala na hindi sigurado ang ginamit na materyales at wala pang maayos na serbisyo.

Sa bahagi naman ng San Pedro, Laguna, dinala ang mga maralita sa boundary naman ng Santa Rosa at San Pedro. Ang masakit pa nito ay sa tabi ng tambakan ng basura sila dinala. Dalawa ang kanilang dadanasin sa kalusugan - ang amoy ng basura at mga piggery na nakatayo rin doon. Iilan pa lang ang mga nakatayong istraktura, malayo sa kabuhayan at bakobako pa ang mga daanan.

Malayo sa orihinal na plano at sa provision ng UDHA na dapat may pinansyal assistance na ang dating napag-usapan sa bahagi ng San Pedro sa LIAC meeting, ang bawat isang pamilya na apektado ay makakatanggap ng halagang P10,000 pero sa aktwal na lipatan ay P1,000 lang ang naibigay. Ang tanong: saan napunta ang P9,000 at hindi rin nasunod ang libreng hakot. Kaya ang panawagan ukol dito ay huwag munang magbayad ng monthly amortization, ipa-audit muna ang NHA.

Sa bahagi naman ng mga danger zone, privatization at government land ang tumitiba dito ay mga UPAO. Ang head ng UPAO ang siyang direktang nakikipagtransaksyon sa may ari ng lupa at bibilhin nila ito sa murang halaga para isaayos sa pamamagitan ng CMP na ang gagawin ay isusubdivide sa mga individual at patutubuan nila ito. Para sigurado, papipirmahin ang nag-avail ng kontrata. Ang problema pa nito, karamihan ay depektibo ang papel nito.

Napakasakit ang sinasapit ng mga maralita, wala nang lupang pag-aari, pinagkakakitaan pa sila ng gobyerno. Naagrabyado dahil daming mababago sa kanilang buhay.

Samantalang ang malawak na lupain na makikita natin sa bandang south expressway ay binili ni Ayala para gawing Makati Extention. Dito titira ang mga mayayaman na gaya sa Ayala Alabang. Samantalang ang mga nadedemolis ay ihihiwalay dadalhin sa mga lugar na walang hanapbuhay, tapunan ng basura at sa mabangin na mga lupain.

P1.75M Hapunan ni Gloria, Kagutuman ng Maralita

SA P1,750,000.00 HAPUNAN NG PANGULO
PAWANG KATAKAWAN AT PULOS LUHO
HABANG GUTOM ANG MASANG PILIPINO
ni Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Tagapangulo, KPML

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.3, Taon 2009)

Kamakailan lamang ay nagpunta si Pangulong Gloria Arroyo sa Amerika upang makipagpulong kay Pangulong Barack Obama. Ibinalita ng New York Times na naghapunan siya at ng kanyang mga kasama ng halagang $20,000 (P1M) sa Le Cirque sa New York noong Hulyo 31. Ayon sa ulat, ito'y 6 na oras matapos nilang malamang namatay na si Gng. Cory Aquino (una ng 12 oras ang Pilipinas sa oras ng Amerika). Nagsasaya sila habang nagluluksa ang bayan sa pagkamatay ni Cory. Nauna rito'y $15,000 (P750T) naman ang halaga ng kanilang hinapunan sa Bobby Van’s steakhouse sa Washington DC noong Hulyo 30.

Aba, P1,750,000.00 ang ginastos nila sa dalawang hapunan lamang. Di pa bilang dito yung ikinain nila sa tanghalian at almusal. Aba'y pera iyan ng bayan. Sampung maayos na pabahay na ito ng maralita (kung P180,000 kada bahay sa presyo naman ng NHA). mapapasahod nito ang 176 manggagawang Pilipino sa minimum wage na P382 bawat isa sa isang buwan, 6 na araw ang pasok kada linggo. Mapapakain nito ang 648 mahihirap ng tatlong beses bawat araw sa loob ng isang buwan kung P30 bawat kainan, ngunit di pa ito masustansya. Makakabili ito ng 97,222 kilo ng bigas kung P18 bawat kilo ng NFA rice. Makakapagpaaral ito ng 70 estudyante na ang matrikula bawat semestre ay P25,000 (ngunit baka mas mataas pa rito ang matrikula ngayon). Sa P1,750,000 ginastos sa hapunan ni Gng. Arroyo at kanyang mga kasama, makakakain ng tig-isang noodles ang 218,750 maralita kung P8 bawat noodles.

Naghihirap ang taumbayan. Ang iba'y namumulot ng pagpag sa Payatas para lang may makain. Ngunit ang hinayupak na pangulong ito'y niyuyurakan ang dangal ng bayan sa panahon ng kagipitan. Nagpapakasasa sila sa kaban ng bayan.

Balak pa niyang bumili ng jet na nagkakahalaga ng P1.2B, nagbago ang isip niya dahil sa protesta ng taumbayan.

Ang ganitong pangulo ay walang kwenta, dahil hindi ang kapakanan ng taumbayan ang kanyang iniisip kundi pawang luho. Kaya yata gusto niyang manatili pa sa poder. Ang ganitong pangulo ay dapat na ibinabagsak!

Cha Cha at Gloria, Ibasura! - KPML

CHA CHA at GLORIA, IBASURA!
ni Ka Allan Dela Cruz
Secretary General, KPML Nasyunal

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 1, p.2, Taon 2009)

Nang magsilagda ang mga kongresista sa House Resolution 1109 para itransporma ang Kongreso sa Constituent Assembly (Con Ass) upang palitan ang buong Saligang Batas, ipinakita lamang nilang wala silang malasakit sa sambayanan. Silang nagnanais na ibuyangyang ang ekonomya ng Pilipinas sa mga dayuhan. Silang pabor na gawing 100% ang pag-aari ng mga dayuhan sa ating mga lupain, media, eskwelahan, ospital at iba pang serbisyo sa sambayanan. Silang ang uri ay trapo kaya walang malasakit sa manggagawa't maralita. Babaguhin nila ang Saligang Batas para sa kanilang sariling interes sa negosyo at tubo, at hindi para sa kapakinabangan ng buong bayan. Ang mga ganitong klase ng kongresista ay hindi tunay na mga lingkod ng bayan. Dapat silang hindi na muling mahalal sa susunod na eleksyon.

Ngunit kung hindi magagawa ang mga pagbabagong ito, nagbabanta si Gloria na ideklara ang emergency rule o martial law. Kahit mga heneral at dating tagasuporta ni Gloria ay nagsasabi nito. Ito’y dahil desperado si Gloria na iwasan ang mga kaso ng plunder na nakaabang sa kanya kapag nawala na siya sa pwesto. Natatakot si Gloria na makulong, gaya ng nangyari kay Erap. Ikalawa, kailangan rin ni Gloria na protektahan ang bilyun-bilyong piso na mga nakaw na yaman ng kanyang buong pamilya. Dapat nating tutulan ang kanilang mga pakana para palawigin ang termino ni GMA at magdeklara ng martial law.

Nangangamba ang mga maralita kung magpapatuloy pa ang HR 1109, hindi lamang dahil sa paglawig ng termino ng kasalukuyang nag-ookupa sa Malacañang, kundi higit sa lahat, dahil balak na ng mga kongresistang tanggalin ang mga proteksyong nasasaad sa mga probisyong pang-ekonomya sa Saligang Batas, na tiyak na magpapahamak sa bansa, at pati na rin sa mga maralitang komunidad.

Nais ng mga pro-Con Ass na kongresista na irebisa, di lang amyendahan, ang Saligang Batas, lalo na yaong 60%-40% pag-aari na gagawing 100% pag-aari ng mga dayuhan ang mga lupa, media, eskwelahan, ospital, at iba pang serbisyo sa mamamayan. Kung magkakaganito, wala nang matitirahan ang mga Pilipino, laluna ang mga maralita pag inari na ng mga dayuhan ang ating lupain. Kaya ating isigaw:

PAGBABAGO, HINDI CON ASS!
Con Ass at Gloria, IBASURA!

Sari-Saring Balita, 2009

SARI-SARING BALITA NG KPML

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.7, Taon 2009)

SUMMER YOUTH CAMP, MATAGUMPAY NA IDINAOS

Matagumpay na inilunsad ng KPML ang Summer Youth Camp noong ika-4-6 ng Mayo 2009 sa Golden Shower Resort sa Barangay Tabe, Guiguinto, Bulacan. Layunin ng nasabing aktibidad na paunlarin ang kaalaman ng mga kabataan sa iba't ibang larangan tulad ng pagpipinta, pagbubuo ng mga awitin, pagsusulat ng tula, at marami pang iba.

Sa ilalim ng programa laban sa HIV/AIDS, inihahanda ng KPML ang mga kabataan na makaiwas sa virus na ito sa pamamagitan ng edukasyon.


MGA BATANG MANGGAGAWA, LUMAHOK SA SPORTS ACTIVITY NG CRP

Sa ilalim ng programang CRP (child's rights program), inilunsad ng KPML ang isang sports activity noong ika-12 ng Mayo 2009 sa Malabon Ampitheater. Nagpaligsahan sa iba't ibang larangan ang mga batang manggagawa mula sa limang erya (Maynila, Malabon, Caloocan, Navotas, at Cavite). Naglaro sila ng tug-of-war, volleyball, basketball, tennis, atbp., at pinairal ang sportsmanship sa bawat isa.

Kitang-kita sa mga kalahok ang kasiyahan na madama nila ang kanilang karapatang malayang makapaglaro. Naniniwala ang KPML sa kasabihan na ang pamayanan ay balon ng katalinuhan dahil dito natin makikita ang likas na kaalaman, kakayahan, katatagan, at katalinuhan ng mga kabataan.


KPML, NAHALAL SA KONSEHO NG PATTAK

Nahalal ang KPML bilang isa sa sampung kasaping organisasyon ng konseho ng PATTAK (Progresibong Alyansa ng mga Tagatangkilik ng Tubig sa Kamaynilaan) sa pangkalahatang asembliya nito na ginanap sa Session Hall ng Quezon City Hall noong Hunyo 26, 2009.


KPML, NAGBIGAY-PUGAY KAY KA LITO MANALILI

Dumalo ang KPML sa parangal na ibinigay sa ika-63 kaarawan ni Ka Lito Manalili, isang magiting na guro at lider mula sa Kapatiran-Kaunlaran Foundation, Inc. (KKFI) at Unibersidad ng Pilipinas noong Hulyo 1, 2009 sa KKFI, P. Paredes St, Sampaloc, Maynila. Dumalo rin dito ang ZOTO, SAMANA-FA, mga taga-KKFI, at iba pang samahang maralita.

Nagbasa ng isang madamdaming tula si Ka Danny Afante, PRO ng KPML, para sa may kaarawan, na ikinasiya naman nito. Nagbigay din ng pahayag sina Ka Pedring Fadrigon para sa KPML at Ka Allan Dela Cruz para sa ZOTO.