Saturday, October 16, 2010

4Ps ni P-Noy: Pasakit sa maralita, hindi pakinabang!

4Ps ni P-Noy:
Pasakit sa maralita, hindi pakinabang!

Usap-usapan ngayon sa balita ang namumuong pagkwestyon at pagtutol ng ilang kongresista kabilang and kinasusukalaman nating dating pangulo na si GMA sa sentral na programa ng gobyerno ni P-Noy para iahon ang sambayanang Pilipino sa patuloy na lumalalang kahirapan sa ating bansa.

Ito ang P21.9 bilyong pisong panibagong utang ng Pilipinas sa dambuhalang bangkong Asian Development Bank o ADB na kontrolado ng mga bansang gaya ng Japan at South Korea para sa paglago ng kanilang mga negosyo sa buong Asya. Ang halagang ito ay gagamitin ng gobyerno para pondohan ang kanilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Ang 4Ps ay sinimulan noong 2008 nung si GMA pa ang pangulo, ngunit ipagpapatuloy ito ni P-Noy matapos aprubahan ng ADB ang panibagong pondo para sa programang nabanggit. Ang halagang P21.9 bilyong piso ay gagamitin para ipamigay sa piling-piling mga pamilyang maralita na may kaakibat na mga kundisyones na itatakda ng DSWD.

Ngunit gaya ng lahat ng utang, mataas ang interes nito. Ang pambayad ng utang ng gobyerno natin ay magmumula rin naman sa buwis na kinakaltas sa atin ng gobyerno gaya ng E-VAT, atbp. Bagkus, nangangahulugan ito na pinagtutubuan pa ng ADB ang kahirapan ng sambayanang Pilipino. Kung ang buong sambayanang Pilipino ang magbabayad ng pagkakautang na ito, makikinabang rin nga ba talaga ang lahat ng maralitang Pilipino dito? Hindi. Mula 2008 nang sinimulan ang programa sa panahon ni GMA, anim na libong pamilya pa lang ang nakinabang dito habang hindi bababa sa 35 milyong mga kababayan natin ang nabubuhay ng mababa pa sa P50 kada araw ang kinikita. Halatang-halatang inutil at walang saysay ang mga programang kontra kahirapan ng mga gobyernong nagdaan at ng kasalukuyan. Mas malamang sa hindi ang malaking bulto pa ng mga pondong nagmumula sa mga bangkong gaya ng ADB ay binubulsa lamang ng mga walang kakupas-kupas na korap na opisyales ng ating gobyerno.

Gaya ng inaasahan, hindi nalalayo ang mga patakaran sa ekonomya at pulitika ni P-Noy sa nauna sa kanyang si GMA. Kung minana lang ni P-Noy ang mga problemang iniwan ni GMA, kinopya niya rin ang mapagsamantala’t mapanupil sa balangkas ng paggugubyerno na dinikta ng malalaking korporasyon at mayayamang bansa. Pangunahin na dito ang pagsisiguro na tuloy-tuloy na makapagbabayad ang Pilipinas ng utang sa mga internasyunal at lokal na bangkong pinagkakautangan nito. Tapat na sinusunod ng Pilipinas ang lahat ng kasunduan nito sa mga pinagkakautangan nito sukdulang tipirin o tanggalan ng badyet ang mga panlipunang serbisyo gaya ng edukasyon, pabahay at kalusugan. Ngayong 2010, umaabot sa P357.09 bilyong piso (interes pa lang) o 21% ng buong badyet ang inilaan ni P-Noy para sa pambayad-utang. Habang ang panlipunang serbisyo ay patuloy na inaasa sa mga pribadong kumpanya para kanilang pagtubuan ang mga batayang pangangailangan natin gaya ng tubig, kuryente, edukasyon atbp.

Hinding-hindi tayo dapat magpalinlang sa programa at sa mismong gobyerno na aabutan lang ng barya ang iilan sa atin habang patuloy na ipagmamalaki na tayo pa rin ang kanyang boss. Nanatiling walang disente at kongkretong programa’t solusyon si P-Noy na tugon sa krisis sa pabahay, pagkain, edukasyon at kabuhayan. Ang puro papoging administrasyong P-Noy ay malinaw na kumikilala lamang sa mga kapitalista’t asenderong tumulong sa kanya nuong kampanya at hindi na nilingon ang mas malawak na masang bumoto sa kanya noong eleksyon.

Badyet pambayad-utang, ilaan sa serbisyong panlipunan!

Singilin ang mapagpanggap na P-Noy!

Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng mga Lunsod
Zone One Tondo Organization
PIGLAS-Kabataan


Wednesday, October 13, 2010

polyeto - PMCJ urban poor sector

Kasapi ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) Urban Poor Sector ang KPML. Nagsagawa ng pagkilos ang PMCJ sa Mendiola, Oktubre 12, 2010 ng umaga, kaugnay ng Global Day of Action for Climate Justice, na may 150 kataong dumalo. Ang sumusunod ang ipinamahaging polyeto sa nasabing rali:

HUSTISYA SA KLIMA, NGAYON NA!

KALAMIDAD, HUWAG ISISI SA MARALITA!
PAGBAYARIN ANG MAYAYAMANG BANSA!


Nagbabago na ang panahon. Ang dating tag-araw, nagiging maulan. Habang ang panahon ng tag-ulan ay napakaalinsangan. Global warming daw ito, dahil nag-iinit na ang mundo. Climate Change naman ang isa pang pangalan nito. Naging kapansin-pansin ang pagbabagong ito mula ng Rebolusyong Industriyal sa mga kanluraning bansa.

Dahil sa pagsusunog ng mga fossil fuels ng mayayamang bansa, pagtayo ng maraming gusali at pabrika, na ang dumi ay itinatapon sa hangin, na nakapagdulot ng pagkawasak ng ozone layer ng kalikasan, mas tumindi ang radyason ng araw na nagdulot ng pagkalusaw ng mga iceberg, polar caps at mga ice shelves sa ilang bahagi ng daigdig. Dapat pagbayaran ng mga mayayamang bansa (Annex 1 countries, tulad ng US at mga bansa sa Europa) sa mahihirap na bansa ang kanilang ginawang pagwasak sa kalikasan.

Dito sa ating bansa, mas pinag-usapan ang climate change matapos ang nangyaring kalamidad ng Ondoy noong 2009. Maralita daw ang dahilan ng Ondoy, kaya dapat idemolis ang kanilang mga bahay at tanggalin sila para ilipat sa malalayong lugar na malayo sa kanilang pinagkukunan ng ikabubuhay, gutom ang inaabot sa pinagtapunan sa kanila. Malaki daw ang kontribusyon ng maralita sa pagbabago ng klima, tulad ng nangyari sa Ondoy, kung saan mayor na tinamaan ay ang mga komunidad ng maralita, lalo na sa tabing ilog, tulad ng kaso ng mga maralita sa Santolan, Pasig, sa Lupang Arenda, Taytay, Rizal, sa San Mateo, sa Marikina, at marami pang lugar.

Maraming maralita mula sa Pasig, Marikina at Rizal ang ipinatapon sa relokasyon sa Calauan, Laguna, gayong dito rin ay nagbabaha sa kaunting patak ng ulan. Tinanggal na ang proteksyon ng batas sa Lupang Arenda nang ni-repeal ang PP 704 na nagsasaad na ang Lupang Arenda ay relokasyon ng mga maralita. Sa maraming problema, laging maralita ang nasisisi.

Nakakita ng butas ang gobyerno para matanggal nila ang mga itinuturing nilang eyesore sa mga kalunsuran para itapon sa mga relocation site na gutom naman ang inaabot ng maralita. Dukha na nga, lalo pang kinakawawa dahil sa mga maling desisyon ng pamahalaan.

Dahil ang mga maralita ay karaniwang nakatira sa mga lugar na mapanganib tulad ng tabing ilog at ilalim ng tulay, sila ang sinisisi sa pagdumi ng ilog dahil sa pagtatapon ng basura, atbp. Pero tila di nakikita ang mga pabrikang nagtatapon ng kanilang waste material sa mga ilog, tulad ng pagdumi ng ilog Pasig. Bagamat may kaunting ambag ang maralita sa pagdumi ng kalikasan, hindi dapat isisi sa maralita ang climate change dahil ang sigarilyo ng maralita ay di katumbas ng usok ng pabrika ng kapitalista.

ANG AMING PANAWAGAN:

1. Tiyakin ang ligtas at permanenteng tirahan sa maralitang mamamayan, sa pamamagitan ng:

a. Mga adaptation measures, tulad ng pagpapataas ng bahay, paggawa ng dike sa tagiliran ng ilog, onsite at in-city relocation

b. Ilabas ang datos ukol sa 'hazard' ng komunidad

c. Paggawa ng Disaster Disk Reduction (DRR) program sa komunidad

d. Isaayos ang land use

2. Siguraduhin ang partisipasyon ng mga maralita sa paggawa ng polisiya, desisyon, at implementasyon para sa programang pabahay ng pamahalaan

3. Maglaan ng pondo para sa pabahay na hindi utang bilang reparation (danyos perwisyos) para sa climate debt ng mayayamang bansa

4. Pagbibigay prayoridad at pagpapagaan ng kalagayan ng kababaihan, bata, differently abled, at senior citizen sa panahon ng kalamidad

5. Hilingin kay Pangulong Aquino na ipanawagan sa mga kinatawan ng iba't ibang bansa ang ating panawagang CLIMATE JUSTICE sa darating na pulong ng Conference of Parties (COP) 16

6. Singilin at pagbayarin ang mga mayayamang bansa sa kanilang climate debt sa mahihirap na bansa

PHILIPPINE MOVEMENT FOR CLIMATE JUSTICE (PMCJ)
URBAN POOR SECTOR
Oktubre 12, 2010

Wednesday, October 6, 2010

polyeto - KPML-ZOTO-PK, 100 days ni P-Noy

P-NOY, KUNG KAMI ANG IYONG BOSS,
BAKIT NYO KAMI INUUBOS?

Demolisyon sa Brgy. Mariana, New Manila. Demolisyon sa Sitio San Roque, North Triangle. Demolisyon sa Santolan, Pasig. Sinunog ang Navotas, at ayaw pabalikin sa erya ang mga maralita dahil daw sa proyektong dike. Pulos maralita ang tinamaan. Pulos maralita ang binira. Inuubos na ang maralita sa kalunsuran. Sino pa ang susunod?

Mga kapwa maralita, tayo man ay dukha, salat sa yaman, at patuloy na nabubuhay sa kahirapan, hindi dapat tayo ituring na parang hayop na basta na lamang pinalalayas sa ating mga tirahan at lupang kinagisnan, para manirahan sa bundok na malayo sa ating mga trabaho. Bakit ba ang laging tingin ng gobyerno sa maralita ay bahay ang problema, at ang lagi nilang solusyon ay bahay na hindi kasama ang trabaho. Ang pangunahing problema nating mga maralita ay ang ilalaman sa tiyan, at hindi bahay. Dahil kung may sapat tayong trabaho na makabubuhay sa pamilya, tulad ng isang maayos na social wage para sa lahat ng nagtatrabaho, tiyak na kaya nating magtayo ng ating bahay na malapit sa ating mga trabaho.

Ang problema sa gobyerno, ang solusyon nilang pabahay ay pawang displacement sa ating kabuhayan. Tinatanggal nga tayo sa "danger zone" para ilipat naman sa "death zone". Death zone na mga relokasyon dahil inilayo tayo sa ating pinagkukunan ng ikinabubuhay. Inilalayo tayo sa pinagkukunan natin ng ating ilalaman sa tiyan ng ating pamilya.

Inilalayo tayo dahil tayo raw ay mga eyesore, mga basura sa kanilang paningin, mga taong walang karapatang mabuhay sa mundong ito, mga hampaslupang pataygutom. Ganito tayo tinatrato ng kapitalistang sistemang ito. Ganito tayo tinatrato ng gobyernong ito na pinamumugaran ng mga ganid na kapitalista't elitista sa ating bayan.

Matagal na tayong lumalaban para sa ating karapatang mabuhay! Matagal na tayong lumalaban ngunit di nagkakaisa ang ating tinig, dahil karamihan sa atin, para sa kakarampot na barya, ay nagpapagamit sa mga pulitikong mayayaman. Gayong sila ang isa sa dahilan ng ating karalitaan.

Mga kapwa maralita, di dapat iskwater sa sariling bayan tayong mga mahihirap. Halina't salubungin natin ang ika-100 araw ni P-Noy ng malawakang rally upang ipamalas sa kanya na hindi tayo bulag, pipi at bingi sa mga problema ng bansa. Hindi tayo hanggang reklamo lang. Hindi tayo busabos na dapat nilang api-apihin at yurakan ng dangal.

Tandaan nating hinimok ni P-Noy ang taumbayan sa kanyang SONA na tutukan ang mga halal na opisyal ng gobyerno at humakbang mula sa pakikialam tungo sa pakikilahok at pakikibahagi sa solusyon. Kaya’t sa Oktubre 8, makilahok tayong lahat. Ihahatid natin sa pintuan ng Malacañang ang mga kongretong panukala para sa ating kapwa maralita:

1. Makataong Pabahay bilang Batayang Karapatan. Itigil ang Demolisyon hangga’t Walang Makatao at Ligtas na Relokasyon! (Magpatayo ng Medium at High Rise Condo bilang Permanenteng Relokasyon). Serbisyong Pabahay, Hindi Negosyo!

2. Trabahong Regular, hindi kontraktwal at tanggalan! Isabatas ang kriminalisasyon laban sa Labor-Only Contracting!

3. Subsidyo ng gobyerno sa pagkain, pabahay, kuryente, tubig, pangkalusugan at edukasyon!

4. Maglaan ng pondo para sa pabahay na hindi utang bilang reparation (danyos perwisyos) para sa climate debt ng mayayamang bansa!

5. Isama sa project cost ang social cost!

Maralita, magkaisa! Ipaglaban natin ang hustisya at ang ating dangal! Panahon na upang magkaisa tayong durugin ang mga mapagsamantala!

TULOY ANG LABAN NG MARALITA! MAAYOS, SAPAT, LIGTAS AT ABOT-KAYANG PABAHAY SA LAHAT NG MARALITA!

LABANAN ANG ANTI-MARALITA, MAKAKAPITALISTANG PATAKARAN SA PABAHAY NG PAMAHALAAN!

KPML – ZOTO – PIGLAS-KABATAAN
Oktubre 8, 2010

Monday, October 4, 2010

polyeto hinggil sa 100 days ni P-Noy

MAY KINABUKASAN BA KAY P-NOY
ANG MANGGAGAWA AT MASANG PILIPINO?

“Puwede na muling mangarap. Tayo nang tumungo sa katuparan ng ating mga pinangarap.” Ito ang pangwakas na pangungusap ni P-Noy sa kanyang kauna-unahang SONA, kung saa’y inilahad niya ang ilang suliraning minana sa nakaraang administrasyon at ang mga hakbang na kaniyang gagawin upang lutasin ang mga ito.

Tinawag niyang kasuklam-suklam at krimen ang maluhong kalakaran at pagwawaldas ng bilyun-bilyong pondo ng gobyerno sa mga proyektong may kulay pulitika at hindi ukol sa kapakanan ng taumbayan. Gaya ng pag-angkat ng sobra-sobrang bigas na hinayaang mabulok sa bodega ng NFA, sa kabila ng apat na milyong Pilipino ang hindi kumakain ng tatlong beses sa isang araw.

Magtatapos sa ika-8 ng Oktubre ang kabanata ng unang 100-araw ni P-Noy sa Malacañang, may nasisilip ba tayong pag-asa patungo sa ating mga pinapangarap na pagbabago?

Ipinaalala pa ni P-Noy na ang una sa kaniyang plataporma ay ang paglikha ng mga trabaho at ang pagtugon sa mga serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon, imprastraktura, pangkalusugan, pabahay, kaayusan at kapayapaan at iba pang usapin.

Ano ang kanyang solusyon o programa para dito? Public-Private Partnerships (PPP)!

Sa pamamagitan diumano ng PPP ay lalago ang ekonomya. Aakitin ang mga mamumuhunan sa “maginhawang” pagnenegosyo sa bansa upang lumago ang mga industriya na magluluwal ng trabaho. Sa gayun, makakalikom ang gobyerno ng pondo upang matustusan ang mga serbisyong panlipunan.

Ipinabatid din niya na ngayon ay panahon ng sakripisyo. Sakripisyong puhunan para sa ating kinabukasan. Subalit bakit ang mga batayang konstitusyunal (karapatan sa seguridad sa trabaho at karapatang mag-unyon) ang isasakripisyo para lamang bigyang daan ang pagkakamal ng limpak-limpak na TUBO ng mga kapitalista?

Ang kasagutan ba dito ay makikita natin sa likod ng mga tampok na isyu’t pangyayari kamakailan at ilang kondisyong umiiral, gaya ng mga sumusunod:

Una, ang pahayag ni P-Noy na babala laban sa mga manggagawa ng PAL na nagbabantang mag-aklas upang tutulan ang plano ng management na magtanggal ng 2,600 na empleyado, magbawas ng benepisyo at diskriminasyon sa mga flight attendants.

Ikalawa, ang demolisyon ng komunidad sa New Manila at North Triangle upang ipagamit ang lupa sa mga negosyante, nang walang pagsasaalang-alang sa dislokasyon ng kabuhayan ng libu-libong naninirahan.

Ikatlo, ang pahayag ni Senador Santiago na ibayong paglaganap ng jueteng sa bansa at pagkakasangkot ng pangalan ni DILG U-Sec. Puno at Tony Boy Cojuangco sa operasyon; kamag-anak na nag-ambag ng P100 milyon sa kampanya ni P-Noy sa eleksyon. Wika nga ni Bishop Cruz, dumarami ang mga “Anak ng Jueteng”!

Ikaapat, ang pagbabawas ng budget sa edukasyon at iba pang serbisyo at sa kabilang banda, ang pagpapalaki ng budget sa military at pork barrel ng Malacañang.

Ikalima, ang napaulat na pagtataas ng toll fees sa NLEX at SLEX at pagtaas nang pasahe sa LRT/MRT na ang higit na tatamaan ay ang mga manggagawa at estudyante.

Ikaanim, ang pananahimik ni P-Noy sa isyu ng laganap na kontraktwalisasyon ng trabaho, reporma sa agrikultura, pribatisasyon ng mga naka-mortgage na pabahay at bayarin sa foreign debt.

Kung nanghihinayang si P-Noy sa bilyong pisong winaldas ng administrasyong Arroyo sa halip na pinakinabangan ng taumbayan; ika nga niya’y pera na naging bato pa, uunahin ba niya ang pagbabayad ng mga maanomalyang utang panlabas keysa tustusan ang serbisyong panlipunan?

Kung kukunsintihin ni P-Noy ang mga nabanggit na isyu, saan patungo ang sinasabi niyang matuwid na landas?

Mga kababayan, salubungin natin ang ika-100 araw ni P-Noy ng malawakang rally upang ipamalas sa kanya na hindi tayo bulag, pipi at bingi sa mga problema ng bansa. Hindi tayo hanggang reklamo lang. Ihahatid natin sa pintuan ng Malacañang ang mga kongretong panukala para sa kaunlaran ng mga maliliit na sektor; manggagawa, magsasaka, maralita, informal sectors, pampublikong transportasyon, vendors, guro, estudyante, maliliit na negosyante at iba pa.

Hinimok niya ang taumbayan sa kanyang SONA na tutukan ang mga halal na opisyal ng gobyerno at humakbang mula sa pakikialam tungo sa pakikilahok at pakikibahagi sa solusyon. Kung kaya’t sa Oktubre 8, makilahok tayong lahat. Ihahapag natin kay P-Noy ang mga sumusuod na kahilingan:

1. Makataong Pabahay bilang Batayang Karapatan. Itigil ang Demolisyon hangga’t Walang Makatao at Ligtas na Relokasyon! (Magpatayo ng Medium at High Rise Condo bilang Permanenteng Relokasyon). Serbisyong Pabahay, Hindi Negosyo!

2. Trabahong Regular, hindi kontraktwal at tanggalan! Isabatas ang kriminalisasyon laban sa Labor-Only Contracting!

3. P91.40 wage recovery! Nationwide, across-the-board Wage Increase at no exemptions!

4. Tax Relief (Exemption) sa lahat ng manggagawang sumasahod ng P800.00 pababa bawat araw!

5. Isabatas ang unemployment insurance at mandatory trust fund sa retirement/gratuity at separation pay benefits!

6. Subsidyo ng gobyerno sa pagkain, pabahay, kuryente, tubig, pangkalusugan at edukasyon!

7. Alisin ang Oil Deregulation Law at EPIRA Law!

8. Isabatas ang Magna Carta for Transport Workers!

9. I-repeal ang Automatic Appropriation Law sa debt service!

10. Ipwesto sa sentro ng programa ng pamahalaan ang Decent Work Agenda ng ILO!

Kung hindi pakikinggan ni P-Noy ang mga kahilingang ito, kung tulad ni GMA na haharangan tayo ng mga anti-riot sa Mendiola, sino kung gayun ang tinutukoy niyang “Boss” sa kaniyang inaugural speech? At kung magkagayun, bistado na ang nasa likod ng kanyang panawagan na magsakripisyo para sa kinabukasan ay ang isuko at ihandog ang mga konstitusyunal na karapatan at kalayaan para sa kaginhawaan ng mga pribadong ka-partner ng gobyerno. Kung gayun, nararapat lamang na singilin si P-Noy sa kanayng mga pangako!

Lumalabas, mga Kapitalista, Asendero’t Elitista ang Boss ni P-Noy! Hindi ang Masang Pilipino!

Dumalo at magpadalo sa ika-100 Araw ni P-Noy sa October 8, 2010, 9:00A.M. Martsa mula FEU, Morayta patungong Mendiola.

BMP-SUPER-MELF-ADFW-KPML-PMT
Ika-3 ng Oktubre, 2010