Martes, Setyembre 20, 2011

polyeto - Ibasura ang VAT at Oil Deregulation Law

LABANAN ANG KAHIRAPAN!
IBASURA ANG VAT AT OIL DEREGULATION LAW!

Hindi lamang mga tsuper ng mga pampasaherong dyip, taksi at bus ang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis. Higit na tinatamaan dito ang mga consumer o ang taumbayan. Sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, tataas tiyak ang presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng bigas, isda, karne, gulay, at iba pa. Alam ito ng mga maralita. Dagdag na naman itong pahirap sa dati nang kalunos-lunos na kalagayan ng mga maralita't manggagawa.

Monopolyado na ng malalaking kumpanya ng langis sa bansa ang pamilihan. Sa bawat pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, itinataas din ng lokal na mga kumpanya ng langis ang presyo. Ngunit pag bumaba naman sa world market ang presyo ng langis, alam nyo bang napakakaunti lang ang ibababa, kung ibababa, ng mga lokal na higanteng kumpanya ng langis ang presyo. Maliwanag ang mga pagsasamantala ng mga kumpanya ng langis upang lalong magkamal ng limpak-limpak na tubo habang isinasakripisyo ang buhay ng karaniwang mamamayan.

Ngunit ang sabi ng pamahalaan, wala raw silang magagawa. Pagkat itinali na raw ang kamay nila ng oil deregulation law. Aba'y huwag silang magpatali doon. May magagawa sila kung talagang nais nilang maglingkod sa samabayanan. May magagawa sila kung totoo ngang ang sambayanan ang Boss ni P-Noy. May magagawa sila kung talagang walang corrupt upang walang maghirap. May magagawa sila kung talagang ang nilalandas nila'y tuwid na daan. Sabi nga, pag gusto, maraming paraan, pag ayaw, maraming dahilan.

Ang dapat nilang gawin, ibasura ang oil deregulation law upang maibalik sa pamahalaan ang pagdikta ng presyo ng langis, at hindi ang merkado ang bahala sa pagtaas at pagbaba ng presyo nito.

Dapat patunayan ng pamahalaang ito na tunay nga silang naglilingkod sa sambayanang Pilipino, at hindi sa mga dambuhalang kumpanya ng langis na patuloy na nagsasamantala sa ating mga kababayan.

Dapat patunayan ng pamahalaan ni P-Noy na may magagawa sila dahil ang tumatahak nga tayo sa tuwid na landas, o marahil kaya ayaw nilang gawin dahil ang nilalandas natin ay tuwid na daan patungong impyerno.

Mamamayan, magkaisa. Labanan ang kahirapan. Labanan ang mga nagpapahirap sa sambayanan. Sama-sama tayong kumilos upang igiit:

1. Panagutin ang mga manlolokong kuimpanya ng langis sa bansa.
2. Agarang i-rolbak ang presyo ng mga produktong petrolyo higit pa sa P9.00 kundi sa makatarungang presyo nito.
3. Ibasura ang Oil Deregulation Law.
4. Alisin ang Value-Added Tax sa Langis at iba pang kalakal na mahalaga sa buhay ng manggagawa at masang Pilipino.

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD (KPML)
PAGKAKAISA NG MANGGAGAWA SA TRANSPORTASYON (PMT)
Setyembre 20, 2011

Lunes, Setyembre 12, 2011

Primitibo Komunal sa Lansangan... Nakikita mo ba sila?

PRIMITIBO KOMUNAL SA LANSANGAN…
Nakikita mo ba sila?
Ni: Kokoy Gan

Pagala-gala, sama-samang nanginginain, pangangaso, walang pag-aari at mangmang. Iyan ang depinisyon ng unang tao noon - uncivilized people. Lagi nilang iniisip ang kapakanan ng kanilang tribu at kalikasan. Lahat ng pag-aari ay pag-aari ng lahat at lahat ng produksyon ay pantay pantay na pinaghahatian.

Madalas akong napapadaan sa lugar ng Escolta, sa kahabaan ng Rizal Avenue at Lawton, lagi kong napapansin ang mga taong nakatira sa lansangan o pulubi sa katawagan ng mga mayayaman. Sa tuwing sila ay aking nakikita, sila ay aking pinagmamasdan at pinagtagni-tagni ko ang kanilang mga ginagawa hanggang sa humulma at nabuo sa isip ko: ito ba ang mukha ng lipunang kapitalista? Alam ko na mayroon pang ibang ganito sa ibang lugar sa Pilipinas na kaparehas din nila. Bakit naging baliktad yata ang nangyayari? Kung sino pa ang mga dayuhan at iilang mga mayayaman ay sila pa ang may kontrol at kumakamal ng yaman ng ating bansa. Sila ang nagmamay-ari ng mga empresa, mga malaking lupain at mga pabrika. Kaya nilang mag-impluwensya sa pamamagitan ng kanilang yaman o pera. Kaya rin nilang pondohan at magpanalo ng kandidato kahit maging presidente para hawakan at papaboran ang kanilang gusto at para mapanatili ang kanilang yaman at para maproteksyonan ang kanilang mga interes. Ganito sila kagarapal. Oo, tao sa kapwa tao ang naglalaban. Bakit may iba silang oryentasyon? Ang magpayaman sa kabila ng maraming naghihirap.

Primitibo nga silang tingnan pero may kaibahan sila sa unang mga tao noon. Ang kaibahan noon ay may malalaking mga puno na naging proteksyon sa kalikasan, kanlungan ng mga hayop o pinipitasan ng mga bunga na kanilang makakain. Iyan ay wala na ngayon kasi tinayuan na ng mga malalaking gusali, wala ng lupang masasaka para tugunan ang kanilang pagkain, dahil pag-aari na ng iilan gaya ng mga panginoong may lupa o haciendero. Ang kanilang bahay ay kariton. Dito nila inilalagay ang kanilang mga gamit. Sama-sama silang nanginginain sa paghahalukay sa mga basurahan ng itinapong pagkain ng mga malalaking restaurant, nakatira sa mga condominium at mga sikat na subdivision. Gabi na, kailangan nilang i-safety ang kanilang mga katawan lalo na ang mga bata na kasama nila, tulak tulak ang kanilang kariton, sarado na ang mga establesimyento. Maghahanap sila ng malaking espasyo na kahit umulan man ay hindi sila mababasa. Ilalatag na nila ang mga dalang karton. Habang sila’y natutulog, kailangan may isang gising na magbabantay sa mga kasamahan nila. Baka nakawin ng sindikato ang kanilang mga sanggol na kasama nila ng mga sindikato para ibenta sa mga mayayaman na hindi nagkakaanak. Magliliwanag na, kailangan nilang lisanin ang lugar kase pagagalitan sila ng may-aring negosyante pag sila naabutan sa ginamit nilang lugar. Nabalitaan nila na may tagas ang isang tubo ng NAWASA, sama-sama nilang pupuntahan para labahan ang kanilang mga damit at isasabay ang paligo.

Nakakagigil... bakit may ganito dito sa ating bansa, sila ba ang biktima ng bulok na sistema?! ang sistemang kapital? Kung aking iisipin, iba-iba ang kanilang karanasan, tiyak ang karamihan sa kanila ay nademolis ang mga bahay, natanggal sa trabaho at biktima ng mga malulupit na patakaran na kontra maralita.

Baguhin natin ang sistemang ito! Sosyalismo! Walang mahirap at walang mayaman, walang mapang-aping uri, may pagkalinga ang gobyerno sa kanyang mamamayan, pantay na hatian, pantay na karapatan at libre ang mga serbisyong panlipunan, may sapat na kita at kaaya-aya at libreng pabahay. Kung ito ang sistema natin, tiyak wala tayong makikitang mga nakatira sa lansangan at naghihirap.

Biyernes, Setyembre 2, 2011

Pahayag Laban sa Demolisyon at PPP-PDP ni P-Noy


PRESS STATEMENT
Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR)
Setyembre 2, 2011


LABANAN ANG DEMOLISYON! 
TUTULAN / LABANAN ANG PPP / PDP NI P-NOY!

Sa gitna ng sala-salabat na krisis ng kahirapan, mararahas na demolisyon ang naganap sa 254 Old Balara, Quezon City at sa Tikling, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal. Ito'y sa kabila ng malakas na buhos na ulan at tahasang paglabag sa Republic Act 7279 (UDHA). Kasabwat ang mga pulis sa mga berdugong bayarang demolition team ng Quezon City at Kapitolyo ng Rizal.

Ang mga huling pangyayari ay patunay na si P-Noy ay walang pinag-iba kay Gloria at sa iba pang mga naging pangulo ng Pilipinas na pahirap at kaaway ng maralita.

Pebrero, Marso, Abril, kunwari ay walang demolisyon at ebiksyon ang pahayag ni P-Noy pero higit pa sa demolisyon ang sunud-sunod na panununog sa mga komunidad na tirahan ng mga iskwater sa sariling bayan.

Mayo, pinulbos at patuloy na dudurugin ang mga maralita sa tinaguriang danger zone, na pwersahang itatapon sa mga death zone na relokasyon.

Dalawang buwan (Agosto 27, 2011 hanggang Oktubre 27, 2011) ang taning sa mahigit 3 libong maralitang pamilya sa Sitio San Roque, North Triangle, EDSA, Brgy. Pag-asa, para lubusin ang proyektong QC-CBD na pinagsaluhan ng Ayala at Henry Sy.

Ang nagaganap ay simula ng kabuuang senaryo ng plano ni P-Noy – ang pagpapalayas sa mahigit na 560,000 maralita sa Metro Manila, at iluluwal nito ang pag-aaklas ng maralita laban sa PPP / PDP ni P-Noy.

Tuwid – diretso sa impyerno ang programang PPP (public-private partnership) at PDP (Philippine Development Program) ni P-Noy, pambubusabos sa maralita ang tunay na kahulugan ng "Kayo ang Boss ko! Kayo UBOS ko!"

Kita ito sa mga pahayag ni P-Noy sa mga naganap na pakikipag-usap sa mga maralita mismo sa Malakanyang (Mayo 8, 2011). Sa harapan ng pag-uusap, sabi ni P-Noy na isang "stupid idea" ang moratorium sa demolisyon. Kita ito sa kanyang mga panukalang priority bill sa Kongreso at Senado, ang nakasalang na panukalang DHUD (Department of Housing and Urban Development) at ang pag-amyenda sa UDHA.

Ang una ay para sa pagsasapribado ng serbisyo sa pabahay. Ang kasunod ay ang pagwawakas sa anumang pag-asa ng mga maralita sa pabahay.

Maralita, Magkaisa! Tutulan, Labanan ang PPP / PDP ni P-Noy!

Demolisyon sa Tikling, Kinondena

PRESS RELEASE
Setyembre 1, 2011

DEMOLISYON SA TIKLING, KINONDENA

Tikling, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal - Nabigla ang mga residente sa Tikling sa Brgy. Dolores, Taytay, Rizal sa biglaang demolisyon sa kanilang lugar noong Agosto 31, 2011. Mahigpit na kinondena ng mga residente ang biglaan at marahas na demolisyon na pinangunahan ng DPWH na pawang tauhan ni Engr. Edgardo Peralta, district engineer ng Rizal, kasama ang mga tauhan ng kapitolyo, munisipyo, barangay, SWAT at PNP. Natanggal na ang mga bubong at pader ng mga kabahayan sa lugar na iyon. Walang demolisyon ng sumunod na araw dahil maulan, ngunit nangangamba ang mga residenteng ito'y muling matuloy sa Setyembre 2.

Ayon sa mga residente na kabilang sa bagong tayong Samahang Nagkakaisa ng Tikling (SNT), ilegal ang isinagawang demolisyon dahil: Una, walang aprubadong resolusyon mula sa Local Inter-Agency Committee (LIAC); Ikalawa, walang certificate of compliance (COC); Ikatlo, walang court order; Ikaapat, lokal na ahensya ng gobyerno (DPWH) ang nangunguna sa paggiba ng isang pribadong lugar, na pag-aari ng isang Cecilio Sta. Ana.

Dagdag pa ng mga residente, dapat matigil ang demolisyon hangga't di malinaw ang mga sumusunod: Una, naniniwala silang ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay ay pribadong lupa ayon sa technical description ng titulong nakuha nila na pag-aari ng isang Cecilio Sta. Ana; Ikalawa, wala pang tugon ang Rizal Provincial Government sa kahilingan ng Punong Bayan ng Taytay na magbigay ng certificate of allocation ang kapitolyo para sa allocation sa relocation site; Ikatlo, hindi malinaw at hindi matalakay sa loob ng LIAC ang pagtulong sa mga apektadong pamilya at ang lawak ng lugar na idedemolis; at Ikaapat, walang makatao at disenteng relokasyon na nakalaan para sa mga apektadong pamilya.

Ang lupang kinatitirikan ng kanilang kabahayan ay kasalukuyang pribadong pagmamay-ari ng isang Cecilio Sta. Ana na may Land Registration Authority (LRA) No. Lot 5455-A-Lot 30810, Cad. 688, Cainta-Taytay Cadastre na may kabuuang sukat na five thousand forty six square meters (5,046 sq.m.). Ayon sa Seksyon 28 ng RA 7279 (Urban Development and Housing Act): “Ang ebiksyon at demolisyon na nakagawiang gawin ay hindi na pahihintulutan. Gayunpaman, maaaring pahintulutan ang ebiksyon at demolisyon sa ilalim ng mga sumusunod na sitwasyon: (c) Kapag may utos mula sa korte para sa ebiksyon at demolisyon.” Maliwanag sa batas na hindi dapat paalisin ang mga residente kung walang court order pagkat pribado at hindi pampublikong lupa ang kinatitirikan ng kanilang kabahayan. Tanong nga ng mga residente: Bakit nagkukumahog ang isang Engr. Peralta na isagawa ang demolisyon kahit ito'y labag sa batas? Sadya ngang terorismo ang demolisyon!

Sa 75 pamilyang apektado ng demolisyon, 24 na sa kanila ang natatanggal at ngayon ay nasa basketball court. Ang ilan umano'y dinala na sa Pinugay, sa tulong ng trak ng gobernador at ng mayor ng Taytay. Di pa maliwanag kung ang proyekto ay roadwidening, pag-aayos ng creek, paglilipat ng mga vendor na nakatira doon sa bagong itatayong palengke, atbp. Nagtuturuan umano na iyon ay proyekto ng gobernador, proyekto ng mayor o proyekto ng DPWH, di malinaw sa mga tao. At pinipili lang umano ang bibigyan ng relokasyon. Yung may stall o tindahan ay walang relokasyon. Yung may residente, meron. Ngunit yung mga residente na may tindahan ay wala ring relokasyon.

Payag naman ang mga tao na mapunta sa relokasyon, basta't may maayos na paglilipatan at walang marahas na demolisyon. Karamihan ng mga residente'y mahigit nang tatlumpung taon nang nakatira sa lugar na iyon.

Nagpunta ang ilang residente sa tanggapan ng PCUP (Presidential Commission for the Urban Poor) nitong Setyembre 1, at gumawa ng liham ang PCUP para kay Taytay Mayor Gacula na matigil ang demolisyon hangga't walang kalinawan hinggil dito, at binigyan din ng kopya ang CHR, DPWH, DILG, at iba pang ahensya ng pamahalaang may kinalaman sa isyu ng demolisyon sa Tikling.

Nananawagan ang mga residente sa mga samahang maralita sa iba’t ibang lugar na suportahan ang kanilang laban at sama-samang tutulan ang demolisyon sa kanilang lugar. (KPML News Online)