Miyerkules, Agosto 6, 2014

Pagpaslang sa mga Palestino sa Gaza, kinondena ng KPML, atbp.

PAGPASLANG SA MGA PALESTINO SA GAZA, KINONDENA NG KPML, ATBP.

Agosto 6, 2014 - Inilunsad ng mga manggagawa ang isang pagkilos sa Boy Scouts Circle sa Timog Avenue sa Lungsod Quezon bilang protesta sa nangyayaring pagpaslang sa mga sibilyang Palestino sa Gaza.

Lumahok sa pagkilos na ito ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Alliance of Progressive Labor (APL) - SENTRO, Partido ng Manggagawa (PM), Socialista - National Confederation of Labor (NCL), NAGKAISA, Coalition Against Trafficking in Women - Asia Pacific (CATW-AP), Sanlakas, at marami pang iba. Nagkakaisa nilang tinuligsa ang nangyayaring masaker ng mga sibilyang Palestino sa Gaza. Nakikipagkaisa sila sa lahat ng manggagawa sa daigdig na nanawagang dapat nang itigil ang karahasan laban sa mga Palestino.

Nauna rito'y idinaos muna ang isang maikling talakayan sa conference room ng Alliance of Progressive Labor (APL). Ang pangunahing tagapagsalita rito ay si Herbert Docena, kung saan ipinaliwanag niya ang tunggalian sa pagitan ng mga Israeli at Palestino, pati na ang kasaysayan ng labanang ito, ang paghahati sa teritoryo ng lupa noong 1947, ang 1967 six-days war, ano ang Zionismo, at iba pa. Nagpaliwanag rin siya hinggil sa mga katanungan kaugnay sa Hamas at ISIS (Islamic State of Iraq and Syria).

Ipinakita rin ni Docena ang pahayag ng iba't ibang unyon ng manggagawang Palestino, tulad ng Palestinian General Federation of Trade Unions - Gaza, General Union of Palestinian Workers, at sinusuportahan ng Congress of South African Trade Unions.

Nagsimula ang talakayan bandang ikaapat at kalahati ng hapon. Matapos iyon ay nagtungo sila sa Boy Scouts Circle ng ikaanim ng gabi. 

Napadaan naman sa pagkilos na iyon ang artistang si Kylie Padilla, na anak ng aktor na si Robin Padilla. Doon ay ipinahayag niyang nasasaktan siya sa nangyayaring pagkamatay ng mga sibilyan, lalo na ng mga bata, sa Gaza dahil sa ginagawang opensiba ng Israel laban sa mga Palestino, at nanawagan din siyang matigil na ang karahasan doon.

Bandang ikapito na ng gabi nang matapos ang pagkilos.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Biyernes, Agosto 1, 2014

Ang salitang "maralitang lungsod" sa KPML

ANG SALITANG "MARALITANG LUNGSOD" SA KPML
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mali daw ang salitang "maralitang lungsod", sabi ng isang kakilala. Syntax error daw ito. Pinupuna niya ang pangalan ng KPML, o Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, o sa Ingles ay Congress of Unity of the Urban Poor, na kadalasang nababasa nila sa mga polyeto, pahayag, press statements, at press releases. Ito ang orihinal na pangalan ng KPML na makikita sa mga lumang dokumento nito. Ngunit minsan ay pinaghihiwalay pa namin ang salitang "maralitang lungsod" upang maging Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lungsod, dahil hindi pa ito maipaliwanag noon ng maayos. Kailangang magsaliksik, kailangang maghanap ng angkop na paliwanag. Mali nga ba ang nagpasimula ng KPML sa kanilang inaprubahang pangalan nang itatag ito noong 1986?

Ayon sa aking kakilala, pag sinabing "maralitang lungsod", ito'y hindi tumutukoy sa tao, kundi sa uri ng lungsod. Sa ibang salita, ang "maralitang lungsod" ay katumbas ng salitang "mahirap na lungsod". Sa kanya, ang salitang "lungsod" ang pangngalan (noun) at ang salitang "maralita" ay pang-uri (adjective) na naglalarawan lamang sa lungsod. Kaya ang tama raw na salita ay "maralitang tagalungsod". Tagalungsod na walang gitling (-), na siyang tamang gamit, at hindi taga-lungsod. [Ginagamitan lang ng gitling ang "taga" pagkasunod ng pangngalang pantangi (proper noun), tulad ng pangalan ng lugar, halimbawa, taga-Maynila, taga-Antipolo, at hindi sa mga pangngalang pambalana (common noun), tulad ng tagalaba, tagaluto, tagapunas, tagabundok, taganayon, tagalungsod.] Ibig pa niyang sabihin, ang tamang salin sa wikang Filipino ng salitang "urban poor" ay "maralitang tagalungsod".

Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming hindi taga-KPML ang isinusulat ito na Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Tagalungsod. KPMT ito, at hindi KPML. Ang iba naman, para lumapat lang sa KPML ay isinusulat itong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang taga-Lungsod. Parehong mali. Hindi na sila nag-abala pang magtanong pa o magsaliksik. Mahilig sila sa akala.

Gayunman, kung sasang-ayunan natin ang aking kakilala na mali ang salitang "maralitang lungsod", mali na rin ang mga salitang "manggagawang bukid", "dalagang nayon", "taong bundok", "taong gubat" at "batang lansangan". Gayon din ang mga salitang "paruparong bukid", "pusang bundok" at "asong kalye". 

Mali nga ba ang "maralitang lungsod"? Suriin natin.

Ang salitang "maralitang lungsod" ay binubuo ng dalawang salita. Ang una ay tungkol sa tao, at ang ikalawa ay tungkol sa lugar. Ang una'y pangngalan, at ang ikalawa’y pang-uri, na salungat sa pagtingin ng aking kakilalang nahirati sa gramatikong Ingles, na adjective (pang-uri) muna bago noun (pangngalan). Sa ating wika, ang balarila ay pangngalan muna bago pang-uri. Tulad din ng mga salitang "manggagawang bukid", "dalagang nayon", "taong bundok", "taong gubat", "batang lansangan", "batang hamog", "paruparong bukid", "pusang bundok" at "asong kalye", ang una'y pangngalan, at ang ikalawa’y pang-uri. 

Ang maralita ay tao, na singkahulugan din ng salitang "mahirap". Ang mahirap ay maaaring tao o kalagayan. Mahirap ako, at mahirap ang buhay ko. Gayundin ang maralita. Nagdaralita ang maralita. Depende sa pagkakagamit.

Kung ang tama ay "maralitang tagalungsod", dapat ang "manggagawang bukid" ay "manggagawang tagabukid", ang "dalagang nayon" ay "dalagang taganayon", ang "taong bundok" ay "taong tagabundok", ang "taong gubat" ay "taong tagagubat", ang "batang lansangan" ay "batang tagalansangan", ang "batang hamog" ay "batang tagahamog". Gayon din ang mga salitang "paruparong bukid" na dapat ay "paruparong tagabukid", "pusang bundok" na dapat ay "pusang tagabundok", at "asong kalye" na dapat ay "asong tagakalye". 

At kung mangyayari ito, mababago na ang sadyang kahulugan ng mga nasabing salita. Ang manggagawang bukid ay mga trabahador sa bukid, na maaring hindi naman tagaroon, habang ang manggagawang tagabukid ay manggagawang doon na sa bukid nakatira. Ang dalagang nayon ay karaniwang tumutukoy sa magandang dalagang mahinhin at hindi makabasag pinggan, lalo na't sa kanayunan lumaki, na siyang pamagat naman ng pelikula ni Vilma Santos - ang "Dalagang Nayon". Ang dalagang taganayon ay tumutukoy lamang sa dalagang tagaroon sa nayon at hindi dahil sa kanyang kagandahan at kahinhinan.
Ang taong bundok ay tumutukoy sa mga maiilap na katutubong marahil ay nakabahag pa at may hawak na pana at sibat, at hindi simpleng tumutukoy lamang sa taong nakatira sa bundok. Ang mga rebelde ay nakatira sa bundok ngunit hindi naman sila tinatawag na taong bundok. Si Tarzan o ang katutubong si Og at si Barok ay taong gubat, at si Ka Berting ay taong tagagubat dahil doon na siya nakatira sa maliit niyang tahanan sa gubat. Bukod pa roon, hindi mo na gagamitin ang mga salitang "taong tagabundok" o "taong tagagubat", kundi simpleng "tagabundok" o "tagagubat", dahil tumutukoy na ito sa tao.

Ang batang lansangan ay tumutukoy sa mga batang gala, na kadalasan ay perwisyo sa komunidad, na maaaring nakatira sa isang barungbarong, at umuuwi lamang sa gabi, habang pag sinabing batang tagalansangan, ito'y tumutukoy sa batang nakatira sa lansangan. Dagdag pa, mali ang salitang "tagalansangan" dahil hindi naman tirahan ang lansangan. Aba'y lalo na ang "hamog" sa "batang hamog".

May popular na katutubong awiting "Paruparong Bukid", na mahihirapan nang palitan ng "Paruparong Tagabukid" dahil klasiko na ang awiting ito. Bukod pa roon, bagamat nakikita ang paruparo sa bukid, hindi naman natin sinasabing ito'y tagabukid, dahil kadalasang tumutukoy lamang ang salitang "tagabukid" sa tao. 

Ang "pusang bundok" ay tumutukoy sa mga maiilap na uri ng pusa na kadalasang matatagpuan lamang sa bundok, tulad ng musang at alamid, na kaiba sa mga pusang nakikita sa karaniwang bahay, habang ang pusang tagabundok naman ay maaaring tumutukoy sa mga karaniwang pusa sa bahay na nakatira sa isang bahay sa bundok. 

Ang "asong kalye" ay tumutukoy sa asong gala at walang nag-aalaga, kaya palaboy-laboy sa kalsada, at ang asong tagakalye naman ay tumutukoy sa asong nakatira sa kalye. Gayunpaman, mali ang salitang "tagakalye", dahil hindi naman tirahan ang kalye. Sa lungsod ay nakapagtatayo ng bahay, ganoon din sa bukid, bundok, at gubat. Ngunit hindi naglalagay ng bahay sa lansangan o kalye kaya hindi ginagamit ang mga salitang tagalansangan at tagakalye, kahit sa mga dukhang nakatira pa sa kariton.

Ang "maralitang lungsod" ay tumutukoy sa mga maralitang hindi naman talaga tagalunsod, kundi mula sa pinanggalingang probinsya na kaya nagpunta ng lungsod ay dahil sa kahirapan ng buhay nila sa probinsya. Sa lungsod na nakipagsapalaran upang matamo ang kanilang pangarap na ginhawa. Nagkataon lamang na naroon na sila napatira sa lungsod, kaya tinawag na tagalungsod, na sa mas popular ay maralitang lungsod.

Ang mga salitang "maralitang lungsod", "manggagawang bukid", "dalagang nayon", "taong bundok", "taong gubat", "batang lansangan", "batang hamog", "paruparong bukid", "pusang bundok", "asong kalye" at kapareho nito ay palasak na sa ating kamalayan bilang Pilipino, at nakaukit na sa ating kultura, pati na sa ating mga aklat at nakasulat na panitikan. Kaya nga palasak itong ginagamit ng mga Pilipino sa pang-araw-araw na buhay.

Umuunlad din ang mga salita, ngunit ang mahalaga’y nauunawaan natin kung paano ito ginagamit ng mga panahong iyon, na angkop pa rin at nagagamit pa natin sa ngayon. Tulad ng mga salita sa panahon nina Balagtas, ng Katipunan, panahon ng pananakop ng mga Kastila, Amerikano at Hapon, panahon ng batas-militar, hanggang sa kasalukuyan.

Mali nga ba ang salitang "maralitang lungsod"? Hindi. Tulad din ng hindi mali ang mga salitang "manggagawang bukid", "dalagang nayon", "taong bundok", "taong gubat", "batang lansangan", "batang hamog", "paruparong bukid", "pusang bundok" at "asong kalye". Hindi rin naman mali ang salitang "maralitang tagalungsod" dahil may mga maralita naman talagang nakatira na sa lungsod. Kaya depende sa gamit. Parehong tama at magagamit ang "maralitang lungsod" at "maralitang tagalungsod". May sariling syntax na kaiba sa Ingles ang wikang Filipino, at tila nagagamit ng aking kakilala ay ang gramatikong Ingles, at hindi ang balarilang Filipino sa pagsasabi niyang syntax error ang "maralitang lungsod". Kung alam lang sana niya ang balarilang Filipino ay mauunawaan niya kung bakit may salitang "maralitang lungsod".

Kaya hindi mali ang mga tagapagtatag ng KPML noong Disyembre 18, 1986, nang aprubahan nila ang pangalang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod. At dahil walang mali sa salitang "maralitang lungsod", hindi rin mali kung patuloy nating ginagamit ang orihinal na pangalan ng KPML, kung saan tayo nakilala. Kung sakali man, ang ilulunsad na Kongreso ng KPML pa rin ang magbabago nito, bagamat nakilala na ang KPML sa orihinal nitong pangalan, at siyang ginagamit pa rin natin sa mga polyeto, at iba pang babasahin.

Martes, Hulyo 29, 2014

SONA 2014: "AQUINO, PATALSIKIN! ITAKWIL ANG ELITISTANG REHIMEN!"

SONA 2014: "AQUINO, PATALSIKIN! ITAKWIL ANG ELITISTANG REHIMEN!"

Lunes, Hulyo 28, 2014 - Nagmartsa patungo sa Batasang Pambansa, ngunit hinarang na agad ang mga raliyistang nananawagan ng pagpapatalsik kay Noynoy Aquino sa pwesto, sa ikalimang SONA (State of the Nation Address) ni Pangulong Noynoy Aquino, dalawang taon bago matapos ang kanyang termino. Mula sa Tandang Sora ay hindi man lang nakarating kahit sa Gotesco ang mga raliyista dahil hinarang na sila ng mga pulis, kaya nagpasya na silang magprograma isang kilometro bago mag-Ever Gotesco, sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.

Dala ang malaking streamer na de-gulong na may panawagang "Aquino, Patalsikin! Itakwil ang Kurap at Elitistang Rehimen! Itayo ang Gobyerno ng Masa!" at malaking dilaw na krus na nakasulat ang "Pasakit sa Manggagawa - BMP" at "Patalsikin!", sama-samang nagmartsa ang mga grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), SANLAKAS, Partido Lakas ng Masa (PLM), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO), Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), SUPER-Federation, Piglas Kabataan (PK), Makabayan-Pilipinas, Koalisyon Pabahay Pilipinas (KPP), atbp. Sumama rin sa kanila ang grupong Manggagawang Sosyalista (MASO) at Teachers' Dignity Coalition (TDC).

Kasabay nilang magprograma ang mga grupong nasa ilalim ng Freedom from Debt Coalition (FDC) at Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ).

Ang SONA ay ginaganap tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Linggo, Hulyo 20, 2014

PR - Urban poor denounce Roxas’ for claiming that DAP benefitted informal settlers

Press Release
20 July 2014


Contact Person:
Anthony Barnedo 0949-7518792
Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod



Urban poor denounce Roxas’ for claiming that DAP benefitted informal settlers

REACTING to claims made by Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas that 10 billion pesos from the recently declared unconstitutional Disbursement Acceleration Program (DAP) were spent to relocate waterways communities, an urban poor federation leader says it is the exact opposite.

Roxas was reported to have said that, “The money was used for the welfare of the people. The interest of the people always prevails,” during the unveiling of the Zero-ISF Water Easement in Barangay Salapan in San Juan City.

“Roxas is trying his hardest but obviously failing to paint himself as to looking after the interests of the informal settlers when in fact, the relocation program of the government with or without DAP funds is not beneficial but also consequentially detrimental to the poor,” said Anthony Barnedo of Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Barnedo branded that the socialized housing program of the government as “Rated: PG or Rated: Pure Gimmickry for all the housing officials want is to bulldoze us to far-flung areas for us to rot to death. It is not for the betterment of the poor when the government “saves” us from a danger zone, only to condemn us to a death zone,”

On Roxas’ statement, he clarified that, “It is categorically untrue that the usage of DAP funds were beneficial to the informal settlers along the waterways because the government’s housing units are not for free, poor families will still have to pay monthly mortgages out of their contractual jobs. The government will even profit out of our miseries through interests”.

“The DAP’s true beneficiaries are the real estate developers who cornered billions-worth of government low-cost housing contracts. The DAP is the milking cow of the likes of Noynoy Aquino’s former classmate, Chito Cruz of the National Housing Authority and Gerry Acuzar, owner of New San Jose Builders, Inc. and brother-in-law of Executive Secretary Paquito Ochoa,” the urban poor leader pointed out.

The KPML condemned Roxas for using the miseries of the poor to shield himself and Aquino from public accountability by justifying their usage of illegally juggled public funds.

“If there are available public funds and if both Aquino and Roxas truly stand for the welfare of the marginalized like they claim then provide free socialized housing and abandon their plans privatize public hospitals for indigents among others”, he asserted.

The militants believes that the government is heartless for it unjustly and forcibly uproots the informal settlers from their communities, work and school, only to be dumped to areas without even basic necessities and infrastructure such as schools, markets, day care centers, potable water, and steady supply of electricity and drainage pipes.

The most damaging, they say, “is the lack of jobs or opportunities to eke a living and pay their mortgages”.

The KPML together with ally Bukluran ng Manggagawang Pilipino just recently announced that they are now calling for the ouster of Aquino and the establishment of a government of the masses and not the constitutional succession of the Vice President.


The groups vows to mobilize thousands of its members and affiliates on July 28, Aquino’s 5th State of the Nation Address.###

Lunes, Hulyo 14, 2014

Panawagan ng mga militante: "Aquino, Patalsikin!"

Panawagan ng mga militante: "Aquino, Patalsikin!"

Hulyo 14, 2014 - Kasabay ng nakatakdang talumpati ng Pangulong Noynoy Aquino sa telebisyon sa ika-6 ng gabi, nagrali naman ang mga kasapi ng Partido Lakas ng Masa (PLM), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), at Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod sa iba't ibang lugar, tulad ng Monumento, Mendiola, at Welcome Rotonda. Dito'y kanilang ipinanawagan ang pagpapatalsik kay Pangulong Aquino dahil sa patuloy nitong pagtatanggol Disbusement Acceleration Program (DAP) na idineklara nang unconstitutional ng Korte Suprema.

Naging tagapagsalita sa Welcome Rotonda si Ka Sonny Melencio, pangulo ng PLM at Edwin Guarin ng PLM-NCRR, at sa Mendiola naman ay sina Ka Leody de Guzman, pangulo ng BMP at Ka Anthony Barnedo, secretary general ng KPML-NCRR.

Nauna rito'y nagrali na umaga pa lang ang BMP at KPML sa harapan ng tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM) at nagmartsa sila patungong Mendiola kung saan nila tinapos ang kanilang programa.

Ulat at mga litrato mula sa Welcome Rotonda ni Greg Bituin Jr.