Biyernes, Mayo 1, 2009

PR - Mayo Uno 2009

PRESS RELEASE
May 1, 2009



Panawagan ng mga Batang Manggagawa at Maralita sa Mayo Uno:

STOP CHILD LABOR, NOW!

TRABAHO PARA SA AMING MGA MAGULANG!


Bilang paggunita sa dakilang Araw ng Paggawa ngayong Mayo Uno, nanawagan ang mga batang manggagawa sa pamahalaan na dapat nang matigil ang pagsasamantala sa mga batang manggagawa, sa pamamagitan ng panawagang “Stop Child Labor, Now!” Hiniling din nila sa pamahalaan na dapat bigyan ng trabaho ang kanilang mga magulang, magkaroon ng libreng edukasyon, trabaho sa mga magulang, libreng pangkalusugan, at proteksyon sa kanilang mga bata. Sa ngayon, umaabot sa 4M ang mga child workers sa Pilipinas.

Ang nasabing mga batang manggagawa ay nakapaloob sa Child Rights Program (CRP) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML). Karamihan sa mga batang ito na nasa edad 17 pababa ay magbabasura, nagpapedicab, magbabakaw, mangingisda, industrial workers (cyber sex), domestic helper, at manininda sa lansangan.

Ayon kay Frances Ann Yap, presidente ng Pagkakaisa ng mga Kabataang Manggagawa para sa Karapatan (PKMK), “Nais namin sa paaralan. Ayaw namin sa basurahan. Dapat nang itigil ang child labor sa ating bansa upang kaming mga bata ay makapag-aral, makapaglaro at mabuhay bilang malayang bata. Dapat din pong bigyan ng sapat na trabahong makabubuhay ng pamilya ang aming mga magulang. Dapat nang itigil ang pananakit sa mga bata, child trafficking, at ang patuloy na pagdami ng mga batang manggagawa.”

Kasabay nito, nagpasan ng malaking bato ang mga maralitang lider ng KPML na sumisimbolo sa mga pahirap, pasakit na dumadagan sa maralita sa araw-araw, tulad ng demolisyon, kakulangan sa serbisyo para sa maralita, kahirapan, pagtaas ng presyo ng batayang mga pangangailangan, salot na globalisasyon, at krisis panlipunan. Sinisimbolo ng bato ang kawalang kakayahan ng gobyernong Arroyo na tugunan ang mga problemang ito.

Sinabi ni Ka Pedring Fadrigon, pambansang tagapangulo ng KPML, “Patuloy na naghihirap ang mamamayan sa ilalim ng sistemang kapitalismo. Ang mga serbisyong para sa tao ay ginagawa nang negosyo, kaya imbes na mapakinabangan ng mamamayan, ito’y pinagtutubuan ng iilan. Ang kamahalan ng presyo ng edukasyon na taun-taon ay tumataas, at ang presyo ng medical ay talagang hindi kayang maabot ng mga maralita. Kailangan nang palitan ang sistemang itong yumuyurak sa karapatan natin bilang tao. Dapat nang wakasan ang sistemang kapitalismo!”

Walang komento: