Miyerkules, Setyembre 16, 2009

Urban Poor Alternative Agenda (UPAA)

ALTERNATIBONG ADYENDA NG MARALITANG LUNGSOD
Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod
National Capital Region and Rizal (KPML-NCRR)

I. Paunawa

Ang papel na ito ay isang pagsisikap na mailinaw at maipaunawa ang mga usaping bumabalot sa maralita para distrungkahin ang kontrobersyal na pagsilang ng "Iskwater sa Sariling Bayan" - ang maralita ng lungsod.

Ang adyenda ay mga paksa o listahan ng mga usaping kinakaharap ng maralita na kailangang pag-usapan. Binubuo ito ng iba't ibang mga problema sosyal, kultura, ekonomya at pulitika, mga panawagan, paninindigan at kahilingan na kailangang isulong at ipaglaban. Ang adyenda ay hinalaw mula sa buhay na mga karanasan ng pakikibaka ng mga maralita, mga pagsusuri at pagsusuma ng mga gawain, pag-oorganisa, pag-aaral at pagsasanay, kampanya, pagkilos at patuloy na pagsubaybay sa mga programa't proyekto, mga batas at mga patakaran sa iba't ibang panahon ng panguluhan, ibinatay rin sa mga tagumpay at mga kabiguan ng pakikibaka ng maralita.

Ang adyenda ay isang paraan para maabot at hinangin ang lakas ng pagkakaisa ng mga maralita na isang esensyal na elemento para isulong ang pakikibaka sa layuning hawanin ang landas tungo sa isang makabuluhang pagbabago, isang alternatibong lipunang walang pagdarahop at kaapihan, bagkus ay maunlad at may dignidad na pamumuhay - hindi hikahos at iskwater sa sariling bayan.

Sa ganitong konteksto ang batayan ng paninindigan at paglaban ng maralita hanggang sa pagkakamit ng tagumpay.

II. Kasalukuyang Kalagayan ng Maralita

Patuloy at mas mabilis ang paglobo ng bilang ng maralita, paglawak at pagdami ng mga maralitang komunidad, mas grabe ang kahirapang dinaranas sa bawat araw na lumipas. Kalunus-lunos ang patuloy na pagtindi ng kahirapan. Dumarami ang mga pamilyang tuwirang walang tirahan. Mistulang nomad ang kalagayan ng buhay sa mga bangketa. Tuloy ang pagdami ng caravan ng mga karitong tirahan at ang pagsulpot ng mga Taong Paniki sa ilalim ng mga tulay. Hindi na bago ang mga tirahan ng buhay at patay sa mga musoleo sa sementeryo. Mas kumplikado ang kahirapang binabalot ng tensyon ng mararahas na demolisyon para sa pagpapatupad ng mga imprastrukturang pagpapaunlad na pinondohan ng dayuhang pautang na punung-puno ng anomalya't korapsyon na kinasangkot mismo ang pangunahing mga tauhan ng pamahalaan.

Mistulang inalay na tupa (sacrificial lamb) sa altar ng progreso ang mga maralita sa huwad na kaunlaran para sagipin ang naghihingalong ekonomya ng bansa na nilumpo ng globalisasyon. Malinis na ang riles na dating tirahan ng mahigit 75 libong maralitang pamilya. Lahat sila ay ikinalat sa 8 in-town relocation sa Bulakan at Southville sa Laguna. Mapalad ang 5 libong dinala sa NBP sa Muntinlupa. Nangangamba ng ebiksyon ang mga relocatee sa iba't ibang relokasyon ng National Housing Authority sanhi ng notice of cancellation of lot award at sapilitang pagpapalagda sa condemnation at bagong contract to sale. Biktima rin ng padlocking ang mga naninirahan sa mga proyektong MRB ng NHA sanhi ng kombersyon ng dating leasehold na ngayon ay ginawang Pag-ibig. Ebiksyon ang kinakaharap ng pamilyang naengganyo sa Low-cost Housing sa ilalim ng programang Pag-ibig. Mistulang sindikalisasyon ang prograamng Community Mortgage Program (CMP) ng socialized Housing Finance Corporation Corporation (SHFC) na umaabot na sa 2 Bilyon ang bcklog ng pondo sanhi ng katakut-takot na anomalya sangkot ang mga sindikatong originator at mismong mga tauhan ng ahensya.

Plastado na ang maramihan at malawakang demolisyon laban sa maralita. Ito ang esensya ng Executive Order 803 (EO 803) na nilagdaan ni Gloria Macapagal-Arroyo. Sa pangunguna ng Metro Manila Inter-Agency Committee (MMIAC), layunin ay i-decongest ang Metro Manila at para sa pagtitiyak nito ay lumagda si Bayani Fernando at ang Philippine Army sa isang contingency plan tulad ng training at manpower. Kahulugan nito ay total war sa maralita.

Project - Bilang ng Pamilyang Madedemolis (partial)

Danger zone - 5,000 pamilya na nasa mga ilog at estero sa Quezon City at Pasay

CBD (QC) - 20,000 pamilya para sa pribatisasyon ng 250 ektarya sa East at North Triangle

C5-NLEX Area at Aqua Duct NAWASA - 5,000 pamilya sa Tandang Sora, Matandang Balara at Luzon Avenue

NGCHP-EDP - 130,000 pamilya para sa reblocking, commercialization at government agency offices (3 Barangay sa Commonwealth, Batasan at bahagi ng Payatas B)

R10 - 10,000 pamilya sa Tondo at Navotas para sa road widening

Aquaduct (NAWASA) - 2,500 pamilya sa Caloocan, Quezon City, Tungkong Mangga at ilang bahagi ng San Jose Del Monte, Bulacan

Viaduct - 5,000 pamilya sa Rosario, Bacoor, Cavite hanggang Paranaque

LRT Extension at Depo - Paranaque, Barangay Talaba, LRT Depo, Niugan, Bacoor, Cavite

III. Ano ang Problema, Sino ang Problema

Sa pananaw ng iilan, ang maralita ng lungsod ay problemang panlipunan, mga manggugulo, mga tamad, hindi mapagkakatiwalaan, mga magnanakaw, mga kriminal. Ganito ang turing sa aming mga maralita.

"Itinakda ng kapalaran. Kagustuhan ng Diyos." Ganito madalas ang sinasabi ng iba't ibang sekta, ng simbahan. Sabi nila, "Kayong mga maralita ay malapit sa kaharian ng Diyos." Pampalubag ng loob para tanggapin ng maralita ang kahirapan.

Sa pagsusuri ng maralita at batay sa buhay na karanasan, ang lipunan ang problema. Ang uri ng lipunan at ng mga namumuno rito ang ugat ng problema. Ang mga maralita ang output ng bulok na sistema na umiiral sa ating lipunan sa mahabang panahong pinamumunuan ng elitistang uri.

Sa ilalim ng iskemang pribadong pag-aari kung saan ang lahat ng bagay, produkto, serbisyo at gamit sa produksyon sa produksyon ay kalakal kasama ang mga maralita at manggagawa na tinatratong puhunan at dapat pagtubuan. Sa pamamagitan nito ay patuloy ang walang pagkasaid na akumulasyon ng yaman at kapangyarihan ng iilang elitistang nasa poder ng kapangyarihan.

Ang gobyerno ang kanilang gamit. Mula sa ehekutibo, lehislatura hanggang hudikadura, pulis at militar ang kanilang kagamitan sa sinumang tututol sa kanilang mga batas at patakaran ay hinuhuli at ikinukulong para maalis sa landas. Sa esensya ay hawak at kontrolado nila ang buhay at kung paano nabubuhay ang mga maralita. Ito ang totoong problema - ang gobyerno at ang sistemang bulok. Ito ang lumilikha ng krimen at ng mga kriminal.

IV. Ugat ng Kahirapan, Bakit may Maralitang Lungsod

Patuloy na iniluwal ang maralitang lungsod sa pamamagitan ng kawalan ng trabaho, ng barat na sahod, maliit na kita at mataas na presyo ng bilihin at kawalan ng batayang serbisyo.

Araw-araw ay nadaragdagan ang bilang ng maralitang lungsod. Mula sa mga magsasakang nilisan ang kanayunan para makipagsapalaran sa kalunsuran. Sanhi ito ng matinding problema ng kawalan ng lupang sakahan, barat na presyo ng ani, tuwirang walang batayang serbisyo at ang matinding militarisasyon. Parang daluyong ng Tsunami ang pagdami ng milyon-milyong nawawalan ng trabaho, pagsasara ng mga pabrika at negosyo na nilulumpo ng delubyong globalisasyon. Patuloy ang pagdami ng nagdarahop na komunidad na siyang tirahan ng mga maralitang lungsod - na ang bulto ay mga magsasaka at manggagawa. Nagsisiksikan sa mga barung-barong na tigib ng hapis at tuyot na pag-asa. Para sa kanila ang mabuhay ng isang araw ay tagumpay na. Bawal ang magkasakit, bawal ang magpahinga. Ang kalagayan ng mga maralitang lungsod ay laban ng mahirap at mayaman, laban ng masama at mabuti.

V. Ano ang Batayang Problema ng Maralitang Lungsod?

Tatlo ang mga pangunahing suliranin ng maralitang lungsod. Kahirapan, kawalan ng tiyak na tirahan, kakulangan ng mga batayang serbisyo at kawalan ng demokratikong karapatan.

1. Kahirapan

Ito ang pangunahing isyu ng maralitang lungsod. Ito ay kawalan o kakulangan ng trabaho, pagkakakitaan. Kung may trabaho man ay sobrang baba ng sahod. Kung may pagkakakitaan ay maliit at hindi sapat para maabot ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

2. Pabahay / Tirahan at Kakulangan sa Batayang Serbisyo

Ang usapin sa pabahay ang pinakalitaw at mainit na problema ng mga maralita. Pinakadramatiko at tampok ang karahasan ng demolisyon at sapilitang relokasyon sa malalayong lugar na walang sapat na batayang serbisyo kagaya ng tubig, ilaw, pangkalusugan, paaralan, at higit sa lahat, walang kabuhayan.

3. Kawalan ng Demokratikong Karapatan

Patuloy ang pag-iral ng mga batas at mga patakarang kadalasan ay pahirap sa mga maralita. Katulad na lamang ng walang tigil na kampanya sa demolisyon para sapilitang itaboy ang mga maralita palabas sa kalunsuran, sa malayong relokasyon. Limitado lamang ang karapatan ng mga maralita, kung hindi man nasa papel lang ang mga ito. Walang puwang na magtamasa ng maayos at sapat na serbisyo sa ating lipunan para sa makataong pamumuhay. Ang ginagawa sa mga maralita ay hinuhuli at ikinukulong. Anumang oras ay maaaring sonahin ang kanilang komunidad. Walang bahagi ang mga maralita sa anumang isasagawang proyekto gayong sila mismo ang mga pangunahing apektado nito gayong ang mga maralita ang tunay na nakakaalam ng kanilang kalagayan, pangangailangan at kakayahan.

VI. Balangkas ng Mithiin at Paninindigan ng Maralitang Lungsod

Mithiin at paninindigan ng maralitang lungsod ang isang lipunang walang kahirapan, walang maralita sa lungsod man o sa kanayunan. Isang lipunang masagana at maunlad at may dignidad sa pamumuhay, nagtatamasa ng maayos na paninirahan, sapat ang mga batayang serbisyo, maayos at ligtas na komunidad. May katiyakan sa trabaho, sapat ang sahod at kita, tuwiran ang paglahok sa lahat ng aspeto ng mga programa at proyekto mula sa pagpaplano, pagpapasya at pagsasakatuparan.

Simple ang pangangailangan ng maralitang iskwater, ang magkaroon ng tunay na katiyakan sa paninirahan. Hindi titulo ng lupa ang kahulugan nito kundi katiyakan na hindi na sila mapapalayas sa kanilang tirahan at ng sa gayon ay mabigyan ng pagkakataon na mapaunlad ang kanilang kabuhayan ng tuluy-tuloy na walang banta ng panganib ng demolisyon.

Ang kaunlaran ay hindi lamang paggawa ng magandang plano, ang dapat ay pagtitiyak na wastong magagawa ito. Dapat itong sukatin sa kaunlarang para kanino at sino ang makikinabang. Ang kaunlaran ay hindi lamang monopoly ng iilan. Hindi dapat na ialay ang maralita sa altar ng progreso at kapritso ng iilan.

Walang ibang higit na maghahangad ng kaunlaran, ng pagbabago sa buhay kundi ang mga kapuspalad na maralita. Ang bawat yugto ng aming buhay ang siyang ugat at puso ng pagkilos at pakikibaka upang magkaroon ng kaunlaran sa buhay, ang makaalis sa kahirapan at sa pagsasamantala, at magkaroon ng tiyak at maayos na tirahan, may makakain, damit at gamot pag nagkasakit, may serbisyong kailangan at malaya, at tuwirang paglahok sa mga paggawa ng batas at patakarang nakakaapekto sa aming buhay.

Bahagi sa aming pakikibaka ang ekolohiya't kalikasan sa layunin ng tunay at ganap na pagbabago ng lipunan, nang di mawalang saysay ang pakikibaka para sa kabuhayan, paninirahan, mga serbisyo, at karapatan. Kung ang ekolohiya at kalikasan ay salanta at wasak na, hindi na ito mapapakinabangan ng tao.

VII. Ang Alternatibong Adyenda ng Maralitang Lungsod Kaugnay sa Kaunlarang Panglungsod

Layunin at tanging hangad ng maralita ng lungsod ang matiwasay at ganap na pag-unlad ng tao bilang tao.

Makakamit lamang ito kapag napawi ang batayang pagkakaiba ng kalagayan sa buhay, walang laksa-laksang naghihirap at walang iilang yumayaman.

Magaganap ito kung pantay ang katayuan ng mamamayan anuman ang kasarian, lahi, kulay ng balat, at paniniwala, at pinahahalagahan ang kalikasan at kilalanin ang karapatan ng tao para sa sapat na serbisyo.

Mangyayari ito saanmang sulok ng bansa at lupalop. Kung angkop, balansyado, koordinado at integrado at higit sa lahat ay makatao at makakalikasan ang pag-unlad, makakamit ito sa isang alternatibong lipunan, kung saan ang bawat tao ay pantay ang karapatan, walang pang-aapi at pagsasamantala, isang lipunang makatao.

Ang salalayan ng lipunang ito ay ang panlipunang paglikha, pangkonsumo, pag-aari ng gamit at pamamahagi ng produkto, pagpapasaya ng mamamayan, pagsanib ng produktibo at reproduktibong karapatan. Maisasabuhay ang tunay na halaga ng pagkatao ng walang pangamba, walang pagmamaliit o pananakit.

VIII. Hinggil sa Paninirahan, Pabahay at Serbisyo sa Alternatibong Lipunan (Kagyat na Reporma)

1. Ipagbawal ang pwersahan at marahas na demolisyon, padlocking at ebiksyon sa maralita ng lungsod.
2. Moratorium sa demolisyon at bayarin.
3. Reoryentasyon sa mga programa, proyekto at mga patakaran hinggil sa pabahay ng maralita
4. Ipawalang bisa ang mga batas at patakarang kontra-maralita.
5. Parusahan ang sinumang tauhan ng gobyerno na napatunayang sangkot sa paglabag sa karapatang pantao ng maralita.
6. Isabatas ang Magna Carta of the Urban Poor.
7. Buwagin ang mga ahensyang walang silbi sa kapakanan ng maralita.
8. Rebisahin ang mga imprastrakturang proyekto na nakakaapekto sa mga maralitang pamilya.
9. Garantiyahan ang social cost, di lang ang project cost sa lahat ng proyektong aapekto sa maralita.
10. Integrado, komprehensibo at tuluy-tuloy na programang pangmasa at sosyalisadong pabahay.
11. Legislated at sapat na pondong panustos sa mga programa at proyektong pangmasang pabahay ng maralita at mga batayang serbisyo.
12. Maglaan ng "endowment fund" para sa mga programang pangkabuhayan at pagsasanay para sa mga maralita.
13. Tiyakin ang distribusyon ng murang bilihin at konsumo sa mga komunidad at relokasyon ng mga pamilyang maralita.
14. Kilalanin ang karapatan ng maralita sa paglahok sa lahat ng aspeto ng gawain pangunahin sa mga proyekto at programa at batas na tuwirang nakakaapekto sa maralita mula sa pagpaplano, pagpapatupad hanggang sa pagpapasya sa pamamagitan ng pagkilala at pangangatawanan ito ng kanilang organisasyon.

IX. Paano Makakamit ang Alternatibong Adyenda ng Maralitang Lungsod

Hindi sa magdamag, hindi sa isang bigwas, daraan ito sa maraming proseso. Mag-uumpisa ito sa maingat na pagsusuri, masinop na pagpaplano at mahigpit na pagsubaybay sa pagpapatupad. Ang rekisitos dito ay:
1. Pagtatayo ng mga organisasyon / samahan ng maralita upang bigkisin ang pagkakaisa at lakas ng kapangyarihang pampulitika sa porma ng mga pederasyon, alyansa at mga lokal na samahan.
2. Pagpapasulpot ng tunay, matapat at maaasahang lider-maralita na papandayin at hahasain ang mga kakakayahan at kasanayan sa maraming aspeto ng mga gawain at itaas ang pampulitikang kaisipang makauri.
3. Tuluy-tuloy na pagkilos sa mga isyu at usaping nakakaapekto sa maralita.
4. Pagtitiyak ng lohistika at panustos sa kabuuang gawain ng pag-oorganisa, pagmumulat, pagsasanay at pagpapakilos.

Mula sa ganito ay mahihinang ang pagkakaisa at lakas ng maralita tungo sa pagkamit ng mapagpasyang kapangyarihan na lilikha ng pagbabago para sa pagkakamit ng alternatibong lipunan na walang mahirap, walang inaapi at walang pinagsasamantalahan.

Setyembre 14, 2009
KPML-NCRR

Walang komento: