ANG PAGBUBUO NG KASAMA
Nabubuhay tayo sa "demokrasyang lipunan". Ngunit hungkag ang buhay ng mga maralita sa "demokrasyang lipunan" na ito. Ang mga maralita ang buhay na larawan ng ipinagmamalaking demokrasya ng minorya. Ang mga maralita, kasama ang uring manggagawa, na siyang mayoryang bumubuo ng lipunan, ang siyang mayoryang naghihirap at hindi pinakikinggan ng mismong sumisigaw ng 'demokrasya', at siyang mayoryang nalulubog sa matinding kahirapan at halos hindi makakain ng sapat sa isang araw.
Mali na ang mayoryang bumubuo ng lipunan at siya mismong bumubuhay sa lipunan dahil sa kanilang lakas-paggawa ang siya pang api sa 'demokrasyang lipunan' na ito. Pagkat mali, dapat itama. At maitatama lamang ito kung kikilos ang mismong mayorya - ang mga maralita, lalo na ang uring manggagawa - para palayain ang sarili nila laban sa paninibasib ng minorya. Dahil dito, kaagapay ng mga manggagawa, nararapat lamang na mabuo ang isang malawak at malakas na kilusan ng mga maralita.
Ang malawak na kilusang ito ay nakapundar sa pagkakaisa hindi lamang sa batayan ng isyu sa pabahay, kundi higit sa lahat sa pagbabago ng sistema ng lipunang siyang naging dahilan ng paglaki ng agwat ng nakararaming mahihirap at kakarampot na mayayaman.
Ngunit magaganap lang ang pagbabago ng sistema kung ang mismong masang maralita ay magkakamit ng mataas na pampulitikang kamulatan at makauring paninindigan. Hindi dapat na makuntento lamang tayong mga maralita sa isyu ng pabahay, demolisyon at pagkakaroon ng malilipatan at matitirhan. Bagkus dapat umabot ang ating kamalayan sa pagtatanong kung bakit patuloy na nagaganap ang kahirapan at bakit umiiral ang kawalan ng katarungang panlipunan.
Ang pag-oorganisa ng masang maralita bilang mga mulat na anakpawis ay pulitikal ang nilalaman sapagkat imposibleng matanggap ng isang ordinaryong maralita ang kanyang katayuan sa lipunan nang hindi niya nauunawaan ang kanyang kalagayan sa sistema ng produksyon sa lipunang umiiral ngayon - ang lipunang kapitalismo. Kung mauunawaan niya ang kanyang kalagayan, imposibleng hindi mahagip ng kanyang pananaw ang mapagsamantalang relasyon ng kapitalistang lipunan - ang sistema ng sahurang pang-aalipin, ang maralita bilang proletaryado, at hindi lamang simpleng reserbang hukbo ng paggawa dahil wala rin silang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon kundi ang kanilang lakas-paggawa, ang pambabarat sa tamang presyo ng lakas-paggawa, ang batas ng paglitaw ng kapitalismo bilang sistema ng pribadong pag-aaring siyang ugat ng kahirapan, ang gobyernong kumakatawan dito, ang pagpapabagsak nito, at pagtatayo ng sariling gobyerno ng manggagawa at ng anakpawis.
Sa ganitong layunin, bilang pampulitikang sentro ng maralitang lungsod, binubuo ng KPML ang Kapatiran ng mga Sosyalistang Aktibistang Maralita (KASAMA) upang maipalaganap ang makauring pagkakaisa ng mga maralita bilang proletaryado at ng uring manggagawa sa kabuuan. Katatampukan ang KASAMA ng pag-oorganisa at pampulitikang pagmumulat.
Ang KASAMA ay isang pampulitikang grupo o sirkulo (mga 5-10 katao) ng mga mulat na maralita sa loob ng isang lokal na organisasyon at komunidad na kinikilusan ng KPML, o kaya'y mga indibidwal na maralitang wala pang organisasyon sa isang komunidad. Sila ang mga aktibong kasapi ng organisasyon o sinuman sa komunidad na nakahandang makibahagi sa anumang paraan at kumilos para sa ating hinahangad na pagbabago sa lipunan.
Gayunman, ang pagtatayo ng KASAMA ay hindi nangangahulugang pagtatayo ng hiwalay na organisasyon sa loob ng isang lokal na organisasyon o pagtatatag ng mga bagong tsapter ng KPML, maliban doon sa mga indibidwal sa komunidad na wala pang organisasyon. Iginagalang ng KPML ang dinamismo ng bawat lokal na organisasyon. Binuo ang KASAMA bilang katuwang ng KPML sa pagkokonsolida sa ating mga kinikilusang komunidad. Pagkat sila ang mga mulat (may mataas na pampulitikang kamalayan) na maralita sa loob ng kanilang mga lokal na organisasyon, pangungunahan nila ang kanilang samahan sa mga pagkilos sa loob at labas ng kanilang mga komunidad, at magsasagawa ng pagmumulat sa hanay ng kasapian at maging sa iba pang organisasyon at mga kalapit pang komunidad. Ang mga KASAMA ang siyang magiging gulugod sa pag-oorganisa at pagkokonsolida ng ating organisasyon at mga komunidad na kinikilusan.
Ang mga sumusunod ang mga partikular na tungkulin ng bawat KASAMA:
1. Dumalo at magbuo ng mga sirkulo ng pag-aaral at mga talakayan.
2. Magpalaganap ng mga pampulitikang diskusyon at propaganda kaugnay ng makauring pagkakaisa sa hanay ng masang maralita.
3. Maging aktibong kalahok sa mga pagkilos ng masa sa mga komunidad, sa mga mobilisasyon, at sa iba pang mga pampulitikang pagkilos.
4. Mamahagi ng mga lathalain (memo, pahayagan, polyeto, atbp.) ng organisasyon.
5. Magsagawa ng pagrerekluta ng mga:
(a) indibidwal na kasapi sa hanay ng pangmasang organisasyon sa komunidad;
(b) bagong indibidwal na bubuo ng mga bagong sirkulo ng KASAMA.
6. Maagap na pagtulong sa mga komunidad na may banta ng ebiksyon demolisyon at handang ipaglaban ang komunidad sa panahon ng ebiksyon at demolisyon.
7. Pagbahagi ng mga nakalap na impormasyong may kaugnayan sa laban ng maralita sa demolisyon, padlocking, foreclosure, kagutuman, at iba pang isyung nakakaapekto sa maralita.
8. At iba pang pampulitikang gawaing maaaring iatas mula sa ating sentrong organisasyon ng KPML.
Tungkulin ng mga group o team leader ng bawat KASAMA na regular na tipunin ang kanyang mga kagrupo upang tuparin ang kanilang mga plano at tiyaking nagagampanan ng bawat isa ang kanilang mga pampulitikang tungkulin at gawain.
Ang bawat KASAMA ay laging nakikipag-ugnayan sa sentro ng KPML para sa gabay at sa isang koordinado at organisadong pagkilos.
Dapat nating tandaan na hindi natin lipunan ang lipunang kapitalismong umiiral ngayon. Ito'y lipunan para lamang sa iilang mayayamang pribadong nagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, at minorya pa sa lipunan.
May lipunan tayong dapat ipagwagi - isang lipunang ang mga kagamitan sa produksyon ay pag-aari ng buong lipunan upang magkaroon ng planadong kaayusan, isang lipunang papawi sa kasakiman sa tubo ng mga kapitalista, isang lipunang papawi sa mga kapitalista bilang naghaharing uri, isang lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, isang lipunang ang magtatamasa ay ang lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento