“KAILANGAN MO NG DAGDAG PUHUNAN??? Makipag-ugnayan sa: Kabuhayan ng Mamamayan Para sa Kaunlaran – KPML Inc.” Ang pangungusap na ito ang pamagat ng primer na inilabas ng Kabuhayan ng Mamamayan para sa Kaunlaran-KPML Inc. (KMK-KPML). Ito ang bagong tatag na MicroFinance institution na nakapaloob sa livelihood program ng KPML. Layunin ng proyektong ito na makapagpautang ng pandagdag puhunan para sa mga maliliit na negosyante, at sa mga magulang ng mga bata at kabataang manggagawa upang makabalik sa eskuwelahan ang kanilang mga anak.
Pero saan ba nagmula ang microfinance at paano ito naging matagumpay sa iba pang lugar?
Kadalasang sinasabing ang programang microfinance ay nagsimula noong 1970s, kung saan may dalawa itong katangian: Maipakita na ang mamamayan ay maaasahang magbayad ng kanilang inutang, at maipakita rin na maaari ring magbigay ng serbisyong pinansyal sa mga mahihirap sa pamamagitan ng pautang.
May mga ebidensyang hindi lang sa 1970s ito nagmula. Ayon kay Timothy Guinnane, isang ekonomikong historyan, nagtagumpay ng kilusang pagbabangko sa nayon (village bank movement) na itinatag ni Friedrich Wilhel Raiffeisen sa Germany noong 1964, kung saan umabot ng dalawang milyong magsasaka noong 1901 ang natulungan ng konseptong ito. Dahil sa nakita niyang kahirapan sa kanilang bansa, ipinakita rito ni Guinnane kung paanong natulungan ang mga mahihirap sa mga liblib na pook na mangutang sa bangko.
Ganito rin ang naganap sa kilusang caisse populaire na itinatag ni Alphonse Desjardins sa Quebec. Pinagtulungan nila ito ng kanyang asawang si Dorimène na magtagumpay. Mula 1900, nang itinatag ni Alphonse ang unang caisse (na pinamahalaan ni Dorimène) hanggang noong 1906, kung saan naipasa ang batas hinggil sa pamamahala nito sa Quebec Assembly, ibinuhos ng mag-asawa ang kanilang mga personal na pag-aari para sa tagumpay ng buong kilusan.
Tulad ni Raiffeisen, kumilos si Desjardins dahil sa kahirapan. Ngunit mas kumilos siya dahil sa galit sa usurya o labis na pagpapatubo. Noong 1897, bilang parliamentary reporter, napag-alaman niya ang isang kaso sa korte sa Montreal sa mga nakaraang araw kung saan nakapangutang ang isang lalaki ng halagang $150, at inihabla, at pinilt na magbayad ng interes na nagkakahalaga ng $5,000.
Noong 1970, isang inisyatiba sa microfinance ang nagpakilala ng mga bagong inobasyon sa sektor. Maraming mga institusyon ang nagsimulang mag-eksperimentong magpautang sa mga mahihirap at sadyang kapos sa buhay. Isa sa mga nanguna rito ay si Akhtar Hameed Khan. Ang Shorebank, na itinatag sa Chicago noong 1973, ang unang microfinance and community development bank. Samantala, pinangunahan naman ni Muhammad Yunus, isang guro sa ekonomya sa Bangladesh, ang unang microloan sa Bangladesh noong 1974. Kasunod nito’y itinatag niya ang Grameen Bank at sa kanyang mga pagsisikap, siya’y ginawaran ng Nobel Prize noong 2006.
Sa ngayon, marami na ring institusyon sa Pilipinas ang may programang microfinance at nagpapautang sa mga mahihirap. Isa na rito ang ZOTO MFI (Zone One Tondo Organization – MicroFinance Institusyon), at ngayon nga ay itong KMK-KPML, Inc. Layunin ng programang ito na tiyakin ang sustenabilidad ng organisasyon sa mga darating na panahon.
Sa ngayon, patuloy pa ring nakikibaka ang KPML hinggil sa usapin ng katiyakan sa paninirahan, pabahay, demolisyon, serbisyong panlipunan, hanapbuhay at pagtataguyod sa mga lehitimong karapatan at kahilingan ng mga maralitang lungsod. Kasabay ng pag-unlad ng ating organisasyon, nangangailangan ang buong organisasyon ng mas malaking rekurso at pinansya upang sabay-sabay na matugunan ang pangangailangan at umangkop sa hamon ng kasalukuyang panahon. Pangunahin dito ang pag-oorganisa at pagpapalakas ng organisasyon.
Naniniwala ang KPML, na walang sustenabilidad kung walang buhay at matatag na organisasyong handang magtulong-tulong upang isakatuparan ito. Dagdag pa rito ang pagpapahusay at pagpapaunlad ng mga programa at istap para sa epektibong implementasyon at paghahatid ng serbisyo sa ating mga kasapian.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento