Miyerkules, Mayo 7, 2008

Dalawang Tula sa Iskwater

Dalawang Tula sa Iskwater


BAKIT MAY ISKWATER?

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Bakit ka iskwater sa sariling bayan

Gayong ikaw nama’y dito isinilang?

Bakit ba wala kang sariling tahanan

At sa barung-barong nakatira lamang?


Bakit ba iskwater ay dinedemolis

Ng mga demonyong nagngingising-aso?

Bakit sila’y pilit na pinapaalis

Kahit na ng mga nasasa gobyerno?


Bakit dayo itong may sariling lupa

Dahil ba sila’y may pambiling salapi?

Bakit sila’ng hari sa bayang kawawa

Dahil may pribado silang pag-aari?


Sadya bang mahirap ang maging iskwater?

Pagkat di tantanan ng mga Lucifer?


Sampaloc, Maynila

Mayo 7, 2008



SONETO SA ISKWATER

ni Gregorio V. Bituin Jr.


Bakit daw may iskwater sa sariling lupain?

Itong tanong sa akin ng kaibigang turing.

Akin itong sinagot ng may mga pasaring:

Bakit mga banyaga’y naghahari sa atin?


May iskwater sa bayan dahil sa kahirapan

Umalis sila doon sa lupang sinilangan

Upang dito sa lunsod makipagsapalaran

Nagbabakasakaling gutom nila’y maibsan.


Sa lunsod na makinang, marami ang napadpad

Dahil ito’y lupa raw ng tunay na pag-unlad

Sila’y nabigo pagkat bawat kilos, may bayad

Kaya dahil sa hirap, di pa rin makausad.


Dapat nating baguhin ang kalagayang ito

Pagbabago’y pamana sa bayan nati’t apo.


Sampaloc, Maynila

Mayo 7, 2008

PAANO BABAGUHIN ANG KALAGAYAN NG ISKWATER?

(Di pa natatapos ang tulang ito.)

1 komento:

somewhere ayon kay ...

Magaganda ang mga tula, totoong nangyayari ang mga ito sa kasalukuyan. Sana'y magawa na rin yung ikatlo nyong tula hinggil sa iskwater. Mabuhay kayo!!!

- from Somewhere