Linggo, Agosto 30, 2009

Mga Iskwater, Pinagkakakitaan ng Gobyerno

MGA ISKWATER, PINAGKAKAKITAAN NG GOBYERNO
ni Kokoy Gan
Sgt. at Arms, KPML nasyunal

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.3, Taon 2009)

Iilan lamang sa mga ginawang transaksyon ng gobyerno ang proyekto ng Philippine National Railways (PNR) o ang PNR rehabilitation project na kasalukuyang iniimplement. Maliban sa NHA ay katulong ang mga Local Government Units para mabilisang maisakatuparan ang paglilinis sa kahabaan ng Riles.

Kanya-kanyang diskarte ang ginawang paglilipat ng kanilang mga punong lungsod sa kanilang mga constituents. Ang sa Kalookan ay pinatatayuan ng MRB sa Tala na hindi sigurado ang ginamit na materyales at wala pang maayos na serbisyo.

Sa bahagi naman ng San Pedro, Laguna, dinala ang mga maralita sa boundary naman ng Santa Rosa at San Pedro. Ang masakit pa nito ay sa tabi ng tambakan ng basura sila dinala. Dalawa ang kanilang dadanasin sa kalusugan - ang amoy ng basura at mga piggery na nakatayo rin doon. Iilan pa lang ang mga nakatayong istraktura, malayo sa kabuhayan at bakobako pa ang mga daanan.

Malayo sa orihinal na plano at sa provision ng UDHA na dapat may pinansyal assistance na ang dating napag-usapan sa bahagi ng San Pedro sa LIAC meeting, ang bawat isang pamilya na apektado ay makakatanggap ng halagang P10,000 pero sa aktwal na lipatan ay P1,000 lang ang naibigay. Ang tanong: saan napunta ang P9,000 at hindi rin nasunod ang libreng hakot. Kaya ang panawagan ukol dito ay huwag munang magbayad ng monthly amortization, ipa-audit muna ang NHA.

Sa bahagi naman ng mga danger zone, privatization at government land ang tumitiba dito ay mga UPAO. Ang head ng UPAO ang siyang direktang nakikipagtransaksyon sa may ari ng lupa at bibilhin nila ito sa murang halaga para isaayos sa pamamagitan ng CMP na ang gagawin ay isusubdivide sa mga individual at patutubuan nila ito. Para sigurado, papipirmahin ang nag-avail ng kontrata. Ang problema pa nito, karamihan ay depektibo ang papel nito.

Napakasakit ang sinasapit ng mga maralita, wala nang lupang pag-aari, pinagkakakitaan pa sila ng gobyerno. Naagrabyado dahil daming mababago sa kanilang buhay.

Samantalang ang malawak na lupain na makikita natin sa bandang south expressway ay binili ni Ayala para gawing Makati Extention. Dito titira ang mga mayayaman na gaya sa Ayala Alabang. Samantalang ang mga nadedemolis ay ihihiwalay dadalhin sa mga lugar na walang hanapbuhay, tapunan ng basura at sa mabangin na mga lupain.

Walang komento: