SARI-SARING BALITA NG KPML
(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.7, Taon 2009)
SUMMER YOUTH CAMP, MATAGUMPAY NA IDINAOS
Matagumpay na inilunsad ng KPML ang Summer Youth Camp noong ika-4-6 ng Mayo 2009 sa Golden Shower Resort sa Barangay Tabe, Guiguinto, Bulacan. Layunin ng nasabing aktibidad na paunlarin ang kaalaman ng mga kabataan sa iba't ibang larangan tulad ng pagpipinta, pagbubuo ng mga awitin, pagsusulat ng tula, at marami pang iba.
Sa ilalim ng programa laban sa HIV/AIDS, inihahanda ng KPML ang mga kabataan na makaiwas sa virus na ito sa pamamagitan ng edukasyon.
MGA BATANG MANGGAGAWA, LUMAHOK SA SPORTS ACTIVITY NG CRP
Sa ilalim ng programang CRP (child's rights program), inilunsad ng KPML ang isang sports activity noong ika-12 ng Mayo 2009 sa Malabon Ampitheater. Nagpaligsahan sa iba't ibang larangan ang mga batang manggagawa mula sa limang erya (Maynila, Malabon, Caloocan, Navotas, at Cavite). Naglaro sila ng tug-of-war, volleyball, basketball, tennis, atbp., at pinairal ang sportsmanship sa bawat isa.
Kitang-kita sa mga kalahok ang kasiyahan na madama nila ang kanilang karapatang malayang makapaglaro. Naniniwala ang KPML sa kasabihan na ang pamayanan ay balon ng katalinuhan dahil dito natin makikita ang likas na kaalaman, kakayahan, katatagan, at katalinuhan ng mga kabataan.
KPML, NAHALAL SA KONSEHO NG PATTAK
Nahalal ang KPML bilang isa sa sampung kasaping organisasyon ng konseho ng PATTAK (Progresibong Alyansa ng mga Tagatangkilik ng Tubig sa Kamaynilaan) sa pangkalahatang asembliya nito na ginanap sa Session Hall ng Quezon City Hall noong Hunyo 26, 2009.
KPML, NAGBIGAY-PUGAY KAY KA LITO MANALILI
Dumalo ang KPML sa parangal na ibinigay sa ika-63 kaarawan ni Ka Lito Manalili, isang magiting na guro at lider mula sa Kapatiran-Kaunlaran Foundation, Inc. (KKFI) at Unibersidad ng Pilipinas noong Hulyo 1, 2009 sa KKFI, P. Paredes St, Sampaloc, Maynila. Dumalo rin dito ang ZOTO, SAMANA-FA, mga taga-KKFI, at iba pang samahang maralita.
Nagbasa ng isang madamdaming tula si Ka Danny Afante, PRO ng KPML, para sa may kaarawan, na ikinasiya naman nito. Nagbigay din ng pahayag sina Ka Pedring Fadrigon para sa KPML at Ka Allan Dela Cruz para sa ZOTO.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento