Huwebes, Nobyembre 18, 2010

Kondonasyon ng Pabahay, Negosyong Salot sa Maralita

KONDONASYON NG PABAHAY
NEGOSYONG SALOT SA MARALITA

Balitang-balita ngayon sa ating komunidad ang banta ng padlocking at ejectment sa lahat ng mga kabahayang hindi nakapagbabayad ng kanilang buwanang obligasyon sa National Housing Authority (NHA). Pagsapit daw ng Setyembre, lahat ng mga hindi makakapagbayad ng kanilang mga obligasyon ay palalayasin sa kani-kanilang tinitirhan.

Iisa lang daw ang solusyon kung ayaw ng bawat maralitang pamilya na mawalan ng tahanan sa relokasyon o resettlement. Ito ay ang pumaloob at lumagda sa Kondonasyon at Reistraktura ng kanilang mga obligasyon sa NHA alinsunod sa Socialized and Low Cost Housing Condonation and Restructuring Act of 2008.

ANO ba itong SOCIALIZED and LOW COST HOUSING CONDONATION at RESTRUCTURING ACT of 2008?

Noong Oktubre 23, 2008, ipinasa sa Kongreso ang Batas Pambansa 9507 (Republic Act 9507) na pinamagatang Socialized and Low Cost Housing Condonation and Restructuring Act of 2008. Sa ilalim ng batas na ito, inaatasan lahat ng ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan sa paglikha ng pabahay (SSS, GSIS, PAG-IBIG, NHA, SHFC, etc.) na magsagawa ng kondonasyon at pagrereistraktura ng mga pautang nitong pabahay.

Layunin ng batas na solusyunan ang lumalaking problema ng hindi pagbabayad sa mga proyektong pabahay ng pamahalaan at maging mekanismo ng paglalapat ng disiplina sa lahat ng mga may pagkakautang sa pabahay.

Ayon sa batas, binibigyan ng 18 buwan ang lahat ng may obligasyon sa pabahay na pumaloob sa programa ng kondonasyon at pagrereistraktura ng mga bayarin. Ayon din sa batas, lahat ng mga hindi papaloob sa nasabing programa makalipas ang 18 buwang palugit ay maaaring patawan ng parusang foreclosure o pagpapadlock ng kanilang mga tirahan at muling pagbebenta nito sa mga interesadong mamimili.

Ano ba ang kondonasyon at pagrereistraktura?

ANG KONDONASYON AY PUMAPATUNGKOL SA PAGBABAWAS SA OBLIGASYON NG MGA MAY PAGKAKAUTANG SA PABAHAY. Ito ay maaaring pagbabawas o pagkakaltas sa lahat ng mga multa, bayarin at/o mga pinataw na bayarin bunga ng hindi pagbabayad ng tama sa panahon, at iba pang pwedeng ibawas upang mapaliit ang obligasyon ng mga may pagkakautang.

Sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 9507, ang kondonasyon ay pumapatungkol sa pag-aalis sa lahat ng tipo ng penalty at multa na dapat singilin sa mga may pagkakautang. Kasama na dito ang pagbabawas ng 50% sa babayarang interes ng bawat pamilyang may pagkakautang sa NHA.

ANG RESTRUCTURING O PAGREREISTRAKTURA NAMAN AY PUMAPATUNGKOL SA PAG-AAYOS NG MGA DAPAT BAYARAN NG MGA MAY PAGKAKAUTANG MATAPOS KALTASIN ANG MGA IBINAWAS (MULTA AT INTERES) SA KONDONASYON AT MULING PAG-AAYOS NG PANAHON NG PAGBABAYAD BATAY SA BAGONG KASUNDUAN AT REGULASYON.

Sa RA 9507, ang pagreistraktura ay pumapatungkol sa bagong halagang babayaran at panahon ng pagbabayad ng mga may pagkakautang sa pabahay. Binubuo ito ng obligasyong walang interes at obligasyong may interes matapos awasin ang mga bahaging kinondona ng batas.

Sa ilalim ng RA 9507, lahat ng mga bayaring natira matapos ang kondonasyon ay hindi na papatawan ng interes. Tanging ang natitirang prinsipal na pagkakautang lamang ang papatawan ng interes na hindi bababa sa 6% at hindi tataas ng 12%. Habang ang panahon ng pagbabayad ay hindi lalagpas ng 30 taon sa ilalim ng pormulang aktwal na edad ng may pagkakautang minus 70 taon.

Ayon sa RA 9507, ang lahat ng mga papaloob sa programa ng pagrereistraktura ay bibigyan din lamang ng 3 buwang palugit sa kanilang bagong obligasyon. At kapag hindi nakapagbayad sa loob ng tatlong buwan ay ipapaloob na ang may pagkakautang sa proseso ng foreclosure at padlocking.

PABOR BA SA MARALITANG NASA RELOKASYON AT RESETTLEMENT ANG RA 9507?

Sa unang tingin, tila pabor ang programang condonation at restructuring sa mga maralita dahil aalisin daw ang anumang mga dagdag bayarin na ipinataw sa mga hindi nakababayad ng tama sa panahon. Mekanismo din daw ito upang makaiwas sa foreclosure o pagkapadlock ng mga bahay. Kaya para sa NHA, isa itong "mabuting balita" para sa mga maralita.

Ngunit kapag pinag-aralang mabuti ang laman ng programa, hindi ito pabor sa ating mga maralita. Bagkus ang programa ng Kondonasyon at Reistraktura ay patibong sa maralita at dagdag na pahirap sa ating pamilya.

Tatlong mayor na dahilan kung bakit hindi pabor sa atin ang RA 9507:

Una, nakasaad sa programa na yaong mga maralitang hindi nakabayad ng kahit isang buwan simula nang ito'y dalhin sa relokasyon ay HINDI BAHAGI NG PROGRAMA. Lahat ng mga hindi nakakabayad ay EXCLUDED o HINDI PWEDENG MAGING KABAHAGI ng PROGRAMA.

Malinaw ito sa Sec. 5 ng RA 9507 at Rule IV Sec 1 ng Implementing Rules and Regulation (IRR) nito, at sa NHA Memorandum Circular 2218, Guidelines for the Implementation of the Socialized and lowcost Housing Loan Restructuring and Condonation Program under RA 9507.

At dahil sa 80%-90% ng mga maralitang dinala sa mga relokasyon at resettlement ay hindi pa nakapagbabayad ng kahit isang buwan sa kanilang bayarin, nangangahulugang ang CONDONATION and RESTRUCTURING PROGRAM ng gobyerno ng muling pagtataboy sa libu-libong maralitang pamilya palabas sa mga relokasyon at/o resettlement.

Ikalawa, ang netong epekto ng programa ay hindi pagpapagaan sa bayarin ng mga maralitang pamilya kundi pagpapataas ng singilin habang pinaiikli ang pagbabayad.

Taliwas sa mga ipinaliliwanag ng mga kinatawan ng gobyerno, hindi ito pagpapagaan sa mga bayarin ng mga maralitang pamilya sa relokasyon kundi lalong pagpapalaki sa dapat bayaran kada buwan. Totoo ngang aalisin ang mga idinagdag na bayarin tulad ng delingquency fees at penalties sa mga hindi nakakabayad, at kahit isama pa ang sinasabing 50% diskwento sa kanilang bayarin sa interes, sa huling kwenta ay mas lalaki pa rin ang babayaran ng bawat pamilya dahil sa restructuring meron pa ring ipinapataw na interes sa natitirang prinsipal.

Kung hindi nga makapagbayad ang mga maralita sa orihinal na halagang P250 bayarin, paano pa kaya mababayaran ang buwanang bayarin kung ito'y papalo sa P600 - P1,000 kada buwan?

Masaklap pa, hindi lamang bayarin ang nadagdagan kundi maging ang panahon ng pagbabayad ay umiiksi rin. Malinaw ito sa nakasaad sa IRR ng RA 9507 at maging sa Memorandum Circular 2218 ng NHA.

Ikatlo, ang programa ng condonation and restructuring ng RA 9507 ay malawakang ebiksyon at padlocking ng mga maralitang pamilya sa mga relokasyon at resettlement.

Ipinamamalita ng mga kinatawan ng NHA na ang solusyon upang hindi mapatalsik ang mga maralita sa relokasyon ay ang pumaloob sa programa. Kaya nga ang pakiusap ng NHA sa bawat maralitang pamilya na magbayad ng kahit isang buwan para daw maging bahagi ng programa at maiwasan ang pagpapatalsik sa kanilang tahanan. Isa itong malaking panloloko at kasinungalingan.

Pumaloob man o hindi sa programa ang maralita, walang ibang idudulot ito kundi malawakang ebiksyon. Ang patakarang exclusion ng batas ay malinaw na kautusan upang pwersahang paalisin ang mga maralita.

Ang masaklap kahit yaong mga papaloob sa programa ay hindi rin ligtas sa pagpapaalis sa relokasyon. Malinaw ito sa mismong probisyon ng RA 9507 Sec. 6, IRR Rule V ng RA 9507 at maging sa NHA Memorandum Circular 2218, Rule V.

Ang lahat ng mga papaloob sa programa ay binibigyan lamang ng tatlong buwang palugit sa hindi pagbabayad ng nareistrukturang bayarin. Kapag pumalya dito ang sinumang pumaloob sa programa paniyak din na mapapatalsik sa relokasyon. Labas pa dito ang ipapataw na delinquiency fee na 0.05% kada buwan sa mga restrukturadong bayarin.

At dahil sa mas malaki na ang bayarin sa restrukturadong utang sa pabahay paniyak na hindi rin makakabayad ang mga maralitang mapapaikot ng NHA at sa dulo ay mangangahulugan pa rin ng pagpapatalsik sa kanila.

Sa madaling salita, isang malaking SWINDLE o PANGGOGOYO ang programang CONDONATION and RESTRUCTURING at HINDI TOTOONG PANTULONG sa MARALITA.

Nilalabag ba ng pagpapatupad ng RA 9507 ang ating mga karapatan?

Ang ating gobyerno ay nakalagda sa maraming pandaigdigang kasunduan na kumikilala sa karapatan sa disenteng paninirahan.

Isa na rito ang United Nations Universal Declaration of Human Rights (Art. 25), General Comment No. 12 on Right to Housing ng United Nations General Assembly. At huli, sa kasunduang International Covenant on Economic, Social, and Cultural Rights sa UN (Art. 11).

Maging sa ating Konstitusyon ay malinaw na nakasaad sa Artikulo 13, Sec. 9 ng probisyon sa Social Justice and Human Rights na:

"Ang Estado, sa pamamagitan ng batas, at para sa kabutihan ng nakararami, ay magsasagawa, sa pakikipagtulungan sa pampublikong sektor, ng isang tuluy-tuloy na programa para sa panlupang reporma sa kalunsuran at pabahay na magtitiyak sa pagkakaroon ng abot-kaya't disenteng pabahay ang batayang serbisyo sa mga mahihirap at mga mamamayang walang tahanan sa mga sentrong urban at mga resettlement. Sa pagpapatupad ng nasabing programa, igagalang ng estado ang karapatan ng mga maliliit na nagmamay-ari."

Sa mga pandaigdigang kasunduan at probisyon sa Konstitusyon, malinaw na responsibilidad ng gobyernong tiyaking may abot-kaya at disenteng paninirahan ang bawat mamamayang Pilipino laluna yaong mga maralita at mga walang tahanan.

Ngunit sa RA 9507, tila nilalabag nito mismo ang mga probisyon ng kasunduan sa United Nations at maging ang ating Konstitusyon. Sa RA 9507, tinatalikuran ng gobyerno ang kanyang responsibilidad na gawing abot-kaya at may disenteng paninirahan ang ating mamamayan. Bagkus, pinagkakaitan nito ang mga maralita ng kanyang karapatan, dahil sa probisyon ng pag-padlock at pagbebenta ng kanilang mga tirahan sa relokasyon laluna yaong hindi papaloob at hindi saklaw nito.

Sa ilalim ng programang CONDONATION and RESTRUCTURING, pinagkakaitan ang mga maralitang nasa relokasyon, mga nasa on-site development, mga nasa ilalim ng Community Mortgage Program (CMP) at maging nasa lowcost housing na magkaroon ng katiyakan sa paninirahan.

Sa RA 9507, ginigipit ang mga maralita na magbayad ng napakataas na bayarin at tinatakot ng foreclosure o padlocking ang tahanan ng mga maralita.

Ang masaklap pa, hindi nito nireresolba ang puno't dulo ng kawalan ng kakayahang magbayad ng mga maralita - ANG KAWALAN NG KABUHAYAN!

Sa mga relokasyon at resettlement site ng gobyerno, ang lahat ng mga pangako para sa disenteng pamumuhay ng mga maralita ay napapako. Wala ang pangakong trabaho at alternatibong kabuhayan, ni walang mga pasilidad para sa edukasyon at pangkalusugan. Pinalayas ang mga maralita sa mga sentrong lungsod upang bigyang daan ang "PAG-UNLAD" pero ang dapat na benepisyaryo ng mga proyektong pangkaunlaran ay nanatiling lugmok sa kahirapan at kagutuman. Sa mga relokasyon, mas matinding kahirapan ang dinanas ng mga maralita sa halip na kaginhawaan.

At sa halip na tugunan ito, ang tugon ng gobyerno ay ang taasan ang bayarin at pahigpitin ang kasunduan sa pagbabayad. Magbayad ng mahal o mapalayas sa tahanan!

Napako na ang mga pangako sa mga maralita, gusto pa ngayong palayasin ang mga maralita ng gobyernong siyang dapat kumalinga sa kanila.

Hindi rin lang maralita ang nais lokohin ng RA 9507. Pati manggagawa ay nais nitong goyoin.

Sa RA 9507 hindi rin lang ang karapatan sa paninirahan ng mga maralita ang niyuyurakan kundi nais din nitong agawin ang kinabukasan ng mga manggagawa. Isinasa sa nasabing batas, Sec 3d na pinahihintulutan nito ang paggamit ng kabuuang konstribusyon ng mga manggagawa sa SSS, PAG-IBIG at GSIS upang mabayaran ang kanilang mga bayarin sa pabahay.

Sa madaling salita, ang inimpok ng mga manggagawa para sa kanilang kinabukasan ay gagalawin upang mabayaran lamang ang kanilang pagkakautang sa pabahay. Kapag ginawa ito, mas paniyak na wala ng aasahang benepisyo o kaya'y ibayong liliit ang inaasahang benepisyo ng sinumang manggagawa na gagamit ng probisyong ito.

Dobleng swindle ang daranasin ng mga manggagawang Pilipino. Pondo ng PAG-IBIG, SSS at GSIS ang kadalasang inuutang ng mga developer para magsagawa ng proyektong pabahay. Mga manggagawa rin ang kanilang inaalok upang magbayad at pagtubuan sa kanilang ginawang pabahay na pawang nagmula rin sa inutang ng mga nasabing ahensya. Ngayon, hindi na nakuntentong igisa sa sariling mantika ang manggagawa. Gusto pa nilang i-swindle at agawin sa kanila ang kanilang mahabang panahong pinag-ipunan?

Sino ang makikinabang sa pagpapatupad ng RA 9507?

Hindi ito pantulong kundi panggigipit sa mga maralita. Sa halip na ibigay ang mga napakong pangako, kinakastigo ng gobyerno ang mga maralitang pamilya habang patuloy na tinalikuran ang kanyang obligasyon at responsibilidad para sa disenteng paninirahan at pamumuhay.

Ang RA 9507 o Socialized and Low Cost Housing Loan Restructuring and Condonation Act of 2008 ay instrumento upang tiyaking kumita ang gobyerno at mga pribadong korporasyon at bangko sa programang pabahay. Nilalarawan nito ang programa sa pabahay ng gobyerno hindi bilang SERBISYO kundi isang NEGOSYO.

Interes ng tubo ang nais tiyakin ng RA 9507 at hindi ang kabuhayan ng mga maralita na patuloy na naghihirap sa mga relokasyon.

Lumolobo na raw ang utang sa pabahay. Dumarami ang mga delingkwenteng may pagkakautang. Kailangan daw itong lutasin at bigyang disiplina ang mga mamamayang may pagkakautang sa pabahay. Didisiplinahin ang mga maralita upang matiyak na may makokolekta ang mga developer at bangko sa programang pabahay.

Hindi na nakontento sa mga ibinigay na garantiya at insentibo ang mga developer sa programang pabahay. Gusto pa nilang makatiyak na tutubo ang kanilang puhunan sa kabila ng kulang-kulang at substandard nitong pagtatayo ng mga pabahay. Gusto rin nilang palakihin ang kanilang kita sa kabila ng katotohanang marami sa mga puhunan na ginamit nila sa pagtatayo ng mga pabahay ay galing din sa pondo ng mga manggagawa sa SSS, GSIS PAG-IBIG at iba pang institusyon pampinansya ng gobyerno.

Walang ibang dapat sisihin dito kundi ang baluktot na patakaran nito ng financialization at marketization ng pabahay at pagbibigay ng obligasyong ito sa pribadong sektor.

Katulad ng ibang negosyo, ang dating serbisyong pabahay ay isinama rin sa sugal ng stock market na tinawag nilang secondary mortgage market. Ang mga sertipikasyon sa mga itinayong pabahay ay ibinebenta sa pamilihang ito para ibayong pagtubuan. Sa diwa ng ispekulasyon, ang mga pabahay na isinagawa galing sa pondong inutang din naman sa mga pampinansyang institusyon ng gobyerno at mga bangko ay pinagugulong (ibibenta o kaya'y muling ipinangungutang0 sa pag-asang ito ay tutubong muli.

Noong una ay mga proyektong lowcost housing o yaon lamang mga pabahay sa subdibisyon na ipinauutang sa mga empleyado, kawani ng gobyerno at OFWs ang inilalagay sa secondary mortgage market. Pero ngayon, maging ang mga relokasyon sa bisa ng financialization ay ibinenta na rin sa secondary mortgage market. Walang ibang tumitiba dito kundi mga korporasyon sa pabahay at mga kasosyo nitong bangko.

Ngunit dahil sa lumalalang krisis pang-ekonomya hindi lamang sa bansa kundi sa buong daigdig. Ang inaasahang pagtabo ng tubo mula sa secondary mortgage market ay namimiligro. Dahil sa krisis sa ekonomya, maraming mga manggagawa ang nawalan ng trabaho bunga ng pagtumal ng negosyo't produksyon. Bunga nito, maraming pautang sa pabahay ang hindi mabayaran. Nagpatung-patong ang bayarin, multa at singilin kasabay ng paglaki ng bulto ng mga hindi nakakapagbayad sa mga pagkakautang sa pabahay.

Ang inaasahang limpak-limpak na tubo mula sa mekanismo ng secondary mortgage market ay namimiligrong mawalang parang bula. Ito ang nais isalba ng socialized and lowcost housing loan condonation and restructuring program.

Masaklap, pati ang mga relokasyon, CMP project at on-site development na dapat ay isang serbisyo sa mga maralitang pamilya laluna yaong mga tinamaan ng proyektong "pangkaunlaran" ng gobyerno ay ipinailalim sa buktot na patakaran ng financialization. Ang obligasyon ng gobyerno para sa abot-kaya at makataong paninirahan ay nahalinhan ng pagiging tubo at negosyo sa pabahay.

Ang mga kapitalista sa pabahay at mga kasosyo nitong bangko ang nais isalba ng programang condonation and restructuring. Ang kanilang mawawalang tubo ang nais nitong solusyunan sa pagpapatupad ng programa.

Ang ganitong sistema sa pabahay ang nagpabagsak sa ekonomya ng Estados Unidos. Ang ganitong iskema rin ang nagpatalsik sa milyun-milyong maralitang Amerikano sa kani-kanilang tahanan. Ito rin ang nais gamitin ng ating gobyerno para isalba ang mga kapitalista sa ating bansa.

May magagawa ba tayo para ipagtanggol ang ating karapatan?

Meron tayong magagawa! Hindi pa huli ang lahat!

Hindi solusyon ang pagpaloob sa programa ng condonation ang restructuring, bagkus ang pagpasok sa programang ito ay patibong na lalong magtitiyak sa pagpapatalsik sa mga maralitang pamilya palabas sa kanilang tahanan.

Ang programa ay isang panggogoyo sa mga maralita. Hindi mababawasan ang pasaning utang sa pabahay sa ilalim ng programa. Sa loob ng tatlong buwang hindi pagbabayad ng sinumang pumaloob sa programa ay tiyak din ang pagpapatalsik sa kanyang tahanan.

Bahagi ka man o hindi ng programa, iisa ang ating kinabukasan - binabawi ng gobyerno ang kanyang obligasyong pabahay sa mga maralita.

Hindi rin sapat ang simpleng panawagang moratorium sa condonation and restructuring. Sa panawagang ito para lamang tayong humihingi ng ekstensyon sa ating buhay na malapit nang ibigti ng gobyerno.

Ang totoong solusyon ay nasa ating pagkakaisa at solidong pagkilos upang mapawalang bisa ang anti-maralitang RA 9507. Dapat ibasura ang batas dahil ito ang ugat ng bantang foreclosure, padlocking at pagpapatalsik sa ating mga tahanan. Dapat din itong ibasura dahil dagdag pahirap ito sa maralita at hindi pagpapaalwan ng kalagayan ng mga maralita.

Tayo ang dapat maningil sa gobyerno sa kanilang mga pangakong napako. Singilin natin sila sa programa sa kabuhayan at trabaho, mga pasilidad at serbisyong panlipunan sa mga relokasyon at resettlement. Ang tunay na solusyon sa problema ng lumalaking pagkakautang sa pabahay ay kabuhayan at trabaho sa maralita. Kung tinupad ng gobyerno ang kanyang obligasyon, hindi mababaon sa utang ang mga maralitang pamilya sa mga relokasyon, CMP at on-site areas at maging sa mga lowcost housing.

Gayundin, dapat munang isagawa ng gobyerno ang maayos at malinis na kwentas claras. I-audit ang mga ginastos sa mga relokasyon bago ang anumang pagpapatupad sa paniningil sa mga maralita.

Ibasura ang RA 9507!

Tutulan ang malawakang foreclosure at padlocking ng mga relokasyon!

Trabaho at kabuhayan, hindi condonation and restructuring ang solusyon!

I-audit ang lahat ng gastos sa relokasyon bago ang bayaran!

Walang komento: