MARALITANG NASUNUGAN, IPAGLABAN
ANG ATING KARAPATAN SA PANINIRAHAN!
ANG ATING KARAPATAN SA PANINIRAHAN!
Matagal na sa Navotas Complex kaming mga nasunugang residente noong Agosto 26, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa kami nakakabalik sa aming tahanan. Kaya duda kami kung ang mga kabahayan nga ba naming ay aksidenteng nasunog o sadyang sinunog upang kami'y pwersahang mapaalis para bigyang daan ang proyektong dike ng lokal na pamahalaan. Walang relokasyong ibinibigay sa amin, tila hindi kami inaasikaso kung saan na kami hahantong. Hanggang magbigay ng palugit ang pamahalaan ng Navotas na dapat na kaming umalis sa Navotas Complex. Saan na kami pupunta?
Kaya noong Nobyembre 1, 2010 ng madaling araw, nagpasya kaming nasa may 100 pamilyang magtirik ng tahanan sa dati nating lugar sa Brgy. Sipac-Almacen, Navotas. Ika-8 ng umaga, dumating na ang mga pulis at 15 taga-city engineering (pawang nakapula ang suot), 3 SWAT. Nakipag-negotiate kami, tinanong kami kung bakit kami nagtayo doon gayong wala pang permit mula sa munisipyo, umalis ang mga pulis. Bakit naman kami hihingi ng permit? Nasunugan kami, di dinemolis. Bumalik lang kami sa nasunugan naming lugar. Hanggang sa umalis ang mga pulis. Biktima na kami ng sunog, ayaw pa kaming pabalikin sa dating kinatitirikan ng aming tahanan. Kami ang mga biktima. Kami na ang nasunugan, kami pa ngayon ang idedemolis sa dating kinatitirikan ng aming mga nasunog na bahay!
Maya-maya, dumating ang panibagong grupo, kasama ang hepe at 15 pulis, at 40 kasapi ng demolition team. Dito’y nagbanta ang hepeng si Col. Tambaoan na pararatratan ang mga tao pag di lumabas at hahagisan pa ng teargas. Gawain ba ito ng matinong pulis? Dinemolis kami, hindi mga kriminal! Bandang 2:30 pm, pwersahan nang pumasok ang mga demolition team. Nagpaputok ng baril, warning shot, ang mga pulis. Pati na ang apo ng nagke-claim ng lupa na si Jonathan Degala ay nang-agaw ng baril ng gwardya, itinututok sa mga bata, at ipinutok. Mabuti't walang tinamaan. Nagkapitbisig ang mga babae. Sobrang paninindak ang ginawa sa mga residente. Kasunod pa nito'y may dinampot na dalawang kabataan, pinosasan, na ayon sa mga saksi, ay planong i-hostage para matakot ang mga tao. Sobra na sa oras, 3pm na, pero tuloy pa rin ang pagdemolis hanggang 4 pm, dodoblehin daw ang bayad sa demolition team, sigaw ni Degala.
Ayaw kaming bigyan ng relokasyon kaya bumalik kaming mga maralita sa lugar. Pinipilit na kaming paalisin sa complex. Kaya nagpasya kaming bumalik kahit may mga bantang idedemolis kami. Saan kami pupunta kung walang relokasyong inilaan sa amin? Bumalik kami sa lugar dahil tagaroon kami. Bumalik kami doon upang ayusing muli ang kinabukasan namin. Nasunugan kami, hindi dinemolis kaya karapatan naming bumalik sa sariling lugar. Hindi na kailangan ng permit o anumang pagpapaalam kaninuman dahil tagaroon kami. Ngunit sa ngayon, maraming paglabag sa karapatang pantao ang amin pang natanggap.
Sa ngayon, marami na ang dinapuan ng mga karamdaman gaya ng ubo, sipon, pagtatae, sore eyes at iba pa resultang mga pagsisiksikan ng mga tao sa mga evacuation centers sa Navotas Sports Complex, at kung saan-saan pang pinaglagakan sa mga biktima ng sunog. May namatay na rin sa mga ebakwasyon. May nagawa ba para sa pabahay naming ang pamahalaang lokal? Wala. Kaya kinailangan naming umuwi. UMUWI sa sariling lugar. Bakit pa kami dinarahas gayong nasunugan kami, hindi dinemolis kaya karapatan naming bumalik sa lugar namin. O ito'y sadyang sinunog para tuluyan kaming mapaalis sa lugar? Ano ang totoo?
Mga maralitang nasunugan, halina't magkaisa upang muli nating iayos ang ating kinabukasan! Wala tayong mapapala kung tayo'y matatakot at magsasawalang-kibo! Di panahon ngayon ng pagkalito at pagwawalang-bahala. Panahon na ngayon ng pagkilos at pagpapasya! Kung di tayo kikilos at magkakaisa, maitataboy tayong parang hayop sa lansangan. Nasunugan tayo, hindi dinemolis, kaya karapatan nating bumalik sa ating lugar!
NEGOSASYON, HINDI DEMOLISYON!
LABANAN ANG TERORISTANG DEMOLISYON!
KARAPATAN SA PANINIRAHAN, IPAGLABAN!
BUKLURAN NG MAGKAKAPITBAHAY SA PITONG GATANG, INC.
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD
BMSI - KPML
Nobyembre 2, 2010
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD
BMSI - KPML
Nobyembre 2, 2010
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento