Lunes, Oktubre 10, 2022

Pahayag ng KPML sa World Day Against Death Penalty

PAHAYAG NG KPML SA WORLD DAY AGAINST DEATH PENALTY
Oktubre 10, 2022

HUWAG IBALIK ANG PARUSANG KAMATAYAN!
RESTORATIVE JUSTICE AY PAIRALIN!

"at ang hustisya ay para lang sa mayaman..." 
~ ayon sa awiting TATSULOK ng Buklod

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa World Day Against Death Penalty o Pandaigdigang Araw Laban sa Parusang Kamatayan.

Panahon pa ng Lipunang Alipin ay may parusang kamatayan na, dahil hindi naman itinuturing na tao ang mga alipin, kundi pag-aari ng panginoong may-alipin na kung nais nitong patayin ay maaari na. Panahon din ng mga Romano ay may death penalty lalo na sa mga nagkasala, kung saan isang paraan ang ipako sa kurus, tulad ng ginawa kina Dimas, Hestas at Hesus. Panahon ng mga hari, tulad ng pagbitay kay Haring Louis XVI sa Pransya sa pamamagitan ng gilotin. Ang pagbitay ng mga Amerikano sa rebolusyonaryo at bayaning si Gat Macario Sakay ng Katipunan.

Subalit nitong Marso 2, 2021, pinagtibay ng House of Representatives ang House Bill No. 7814, na nagpapahintulot sa parusang kamatayan sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 – ang pangalawang panukalang batas sa loob ng limang taon na nagmumungkahi ng pagbabalik sa parusang kamatayan na ipinasa sa Senado. Ngunit nabawasan ang suporta mula sa mga Senador na dati'y umaayon sa death penalty, kaya nababawasan ang panganib ng pagbabalik ng parusang kamatayan.

Hindi patas ang parusang kamatayan dahil napapaboran na naman nito ay ang mga mayayaman. Parehong nasentensyahan ng korte ng panggagahasa ng bata ang mahirap na si Leo Echegaray at ang mayamang kongresistang si Romeo Jalosjos. Si Echegaray ay nabitay, si Jaloslos ay nakulong, nakalaya, at nakatakbo muli bilang Kongresista. Kamakailan lang ay ikinulong ang isang matandang otsenta anyos na nagnakaw umano ng sampung kaing na mangga, subalit si Imelda Marcos na nakasuhan ng seven counts of graft ay hindi ikinulong. Nagpapatunay lang sa katotohanan sa isang liriko sa awiting Tatsulok, "at ang hustisya ay para lang sa mayaman." 

Hindi makatao sa kasalukuyang panahon ang parusang kamatayan, lalo na't may tinatawag na restorative justice. Ang Restorative Justice (o Pagpapanumbalik ng Katarungan) ay isang proseso kung saan ang mga nagkasalang nagsisisi na'y tumatanggap ng responsibilidad para sa kanilang maling ginawa, lalo na sa kanilang mga biktima at sa komunidad. Lumilikha ito ng obligasyon na gawing tama ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng mga biktima, ng mismong nagkasala sa batas, at ng komunidad sa paghahanap ng mga solusyon na nagtataguyod ng pagsasaayos, pagkakasundo at pagtitiyak. Kaya, ang proseso ng restorative justice ay aktibong nilalahukan ng biktima, ng nagkasala, at/o sinumang indibidwal o miyembro ng komunidad na apektado ng krimen upang malutas ang mga salungatan na nagreresulta mula sa kriminal na pagkakasala, kadalasan sa tulong ng isang patas at walang kinikilinganG ikatlong partido. 

Ayon sa datos na inilabas ng Amnesty International, sa ngayon ay inalis ng 110 bansa ang parusang kamatayan para sa lahat ng krimen; 7 bansa ang nag-alis ng parusang kamatayan para sa mga krimen sa karaniwang batas. Gayunpaman, ang limang pangunahing bansang maraming binitay sa mundo noong 2021 ay China, Iran, Egypt, Saudi Arabia, at Syria. Habang 28,670 indibidwal naman ang nasa ilalim ng sentensiyang kamatayan sa buong mundo sa pagtatapos ng 2021.

Dahil sa mga ito, ang KPML ay naninindigang hindi na dapat maibalik ang parusang kamatayan. 

Pinaghalawan:
https://worldcoalition.org/campagne/20th-world-day-against-the-death-penalty/
https://www.pgaction.org/ilhr/adp/phl.html
https://probation.gov.ph/restorative-justice/

Pahayag ng KPML sa World Homeless Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD HOMELESS DAY
Oktubre 10, 2022

DISENTE, MATIBAY AT ABOTKAYANG PABAHAY, IPATUPAD!
6M+ HOUSING BACKLOG, TUGUNAN, LUTASIN!
ON-SITE AT IN-CITY RELOCATION, ISABATAS! IPATUPAD!
PAMPUBLIKONG PABAHAY, PAG-USAPAN AT ISABATAS!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa World Homeless Day o Pandaigdiogang Araw ng Kawalan ng Tahanan. Sa ating bansa, kayraming walang matatawag na tahanan, tulad ng inilarawan ni Gary Granada sa kanyang awiting "Bahay" kung saan "labinlimang mag-anak ang nagsisiksikan sa tagpi-tagping barungbarong". Kayrami ring natutulog lang sa kariton na ginawa nilang tahanan.

Tinataya ng Philippine Statistics Agency (PSA) na humigit-kumulang 4.5 milyong Pilipino ang walang tirahan mula sa 106 milyong kabuuang populasyon ng Pilipinas. Karamihan sa mga walang tirahan na mamamayang ito ay nakatira sa mga lansangan at eskinita ng kabisera ng Maynila. Grabe! Capital City of Manila, kung saan naroon ang Malakanyang, ay napakaraming walang tahanan! Bakit ganito? Parang wala talagang ginagawa ang pamahalaan!

Marami ang nawalan ng tahanan, hindi lang dahil sa kahirapan at taas ng upa sa pabahay, kundi mga nasalanta ng matitinding bagyo, pagguho ng lupa, at iba pang kalamidad. Ang iba ay biktima naman ng demolisyon, na walang negosasyon at walang relokasyon. Ayon sa Habitat for Humanity, "Tinatayang nasa 150 milyong katao sa buong daigdig ang walang tahanan at 1.6 Bilyong tao sa buong mundo ang naninirahan sa hindi sapat na pabahay.

Ayon naman sa website ng Habitat for Humanity - Philippines, "Ang kakulangan ng sapat na pabahay ay makikita bilang malaking bahagi ng hindi pagkakapantay-pantay sa Pilipinas. Ang napakalaking backlog ng pabahay ay inaasahang aabot sa 6.57 milyong yunit sa 2022; kapag hindi natugunan, ang depisit ay maaaring lumaki sa 22 milyong mga yunit sa 2040, ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). Sa Metro Manila, mahigit 4 na milyong Pilipino ang naninirahan sa mahihirap na kondisyon ng pabahay, na pinalala ng pandemya ng COVID-19 at mga sakuna. (malayang salin ng KPML mula sa Ingles)"

Ang konsepto ng 'World Homeless Day' ay lumitaw mula sa talakayan sa pagitan ng mga taong nagtatrabaho upang tumugon sa kawalan ng tirahan mula sa iba't ibang bahagi ng mundo. Itinakda ang World Homeless Day sa ika-10 ng Oktubre 2010. Mula nang itatag ang World Homeless Day, inaalala na ito, ngunit hindi dapat ipagdiwang sa maraming bansa.

Ang layunin ng World Homeless Day ay bigyang pansin ang mga pangangailangan ng mga taong nakakaranas ng homelessness sa lokal at magbigay ng mga pagkakataon para sa komunidad na makibahagi sa pagtugon sa homelessness, habang sinasamantala ang yugtong ibinibigay ng 'international day' - upang wakasan ang kawalan ng tirahan sa pamamagitan ng pinahusay na patakaran at pagpopondo.

Ang kawalan ng tirahan ay isang mahirap na paksang dapat talakayin nang wasto, lalo na't ang pabahay ang isa sa mga karapatang pantao, na nakasaad sa Universal Declaration of Human Rights (UDHR) noong 1948, at sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights!

Isa sa mga pinag-aaralan at itinataguyod ng KPML ay ang konsepto ng public housing, kung saan ang mismong pamahalaan ng Pilipinas ang magbibigay ng pabahay sa mga walang tahanan, pabahay na hindi namamana kundi gagamitin ng tao hangga't siya'y tao at buhay pa. Kung lilipat ng trabaho ang isang manggagawa sa malayong lugar, ibibigay niya ang kanyang pabahay sa isang manggagawang malapit doon ang trabaho, habang bibigyan siya muli ng pamahalaan ng pabahay malapit sa lugar na pinagtatrabahuhan niya.

Pinaghalawan:
https://en.wikipedia.org/wiki/Homelessness#Philippines
https://maritimefairtrade.org/homeless-jobless-pandemic-philippine/
https://newsd.in/world-homeless-day-2022-date-history-and-impact-of-homelessness/
http://www.worldhomelessday.org/
https://www.servethecity.net/events/world-homeless-day-2020/
https://www.habitat.org/where-we-build/philippines

Sabado, Oktubre 8, 2022

Pahayag ng KPML sa ikasandaang araw ni BBM sa pwesto

PAHAYAG NG KPML SA IKASANDAANG ARAW NI BBM SA PWESTO
Oktubre 8, 2022

MASA, BUTATA! MAYAMAN, TIBA-TIBA!
PATAKARANG NEOLIBERALISMO, WAKASAN!

Ngayong Oktubre 8 ang ikasandaang araw ni BBM sa pwesto bilang pangulo, subalit may nagawa na nga ba upang maibsan ang kahirapan ng mga Pilipino? Naging P20 na ba ang bigas gaya ng ipinangako ng bagong pangulo noong kampanyahan? Sabagay, 100 araw pa lang naman. Isandaang araw pa lang, subalit kinakikitaan na natin ito ng hindi magandang tinatahak para sa sambayanang Pilipino.

Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Presyo ay pataas ng pataas. Ang panawagan namin: Presyo Ibaba! sahod Itaas! upang makasabay naman ang mamamayan sa nagaganap na ito. Marahil, mapapababa lamang ang presyo ng mga bilihin kung ang pakanang neoliberalismo ay mawawakasan. Dahil hangga't neoliberalismo ang niyayakap na patakaran ng pamahalaan, patuloy ang pagyaman ng kakarampot na mayayaman, habang patuloy na paghihirap at karukhaan ng mayorya ng mamamayan sa ating bansa.

Bagamat nakamit ng mga manggagawa sa sama-samang pagkilos ang P570 minimum wage ngayong taon para sa National Capital Region (NCR) mula sa dating P537, patuloy pa ring mababa ang mga sahod ng manggagawa sa mga probinsya. Kaya ang panawagan natin, buwagin ang Regional Wage Board upang maging pantay ang sahod ng manggagawa sa buong bansa. Dahil ang presyo ng mga bilihin sa NCR ay hindi naman nalalayo sa presyo ng bilihin sa Mindanao, Visayas, at sa iba pang probinsya!

Patuloy pa rin ang pamamayagpag ng salot na kontrakrwalisasyon dahil sa pag-iral ng mga manpower agencies na linta o parasite! Wala naman silang ambag sa produksyon subalit kumukubra ng limpak mula sa mga kapitalista, at hindi nareregular ang mga manggagawa sa mismong pinagtatrabahuhan nila. Regular daw sila sa manpower agency nila, na malaking kahunghangan!

Binagyo rin tayo ng matindi kung saan marami ang nasalanta at nasirang ari-arian at pananim ng mga magsasaka. Subalit hindi natin nakita ang magandang plano kung paano ba mabibigyan ng tamang tulong ang mga magsasaka.

Wala ring napabalitang iuulat si BBM sa ikasandaang araw niya sa pwesto, lalo na matapos siyang punahin sa kanyang panonood ng F1 race sa Singapore. Tumindi pa ang pagbaba ng halaga ng piso na umabot na sa P59 kontra US dollar.

Hinggil naman sa isyu ng pabahay, hanggang salita pa lamang at wala pang kongretong plano tayong nakikita. Kung tatanungin ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), dapat ipatupad ang isang komprehensibong Public Housing o pampublikong pabahay para sa mamamayan.

Gayunpaman, naniniwala ang KPML na kung hindi mareresolba ang mga krisis na ito ay baka lalo pa tayong pulutin sa kangkungan. Isang magandang paalala ang nangyaring community pantry noong pandemya, na kung pangungunahan lamang ng pamahalaan ay baka mas makinabang ang maraming maralita. Kung magkakaroon din ng trabaho ang mga maralita, baka mas maiangat pa ang buhay ng maralita mula sa kumunoy ng kahirapan! Mas madadagdagan ang trabaho kung gagawing anim na oras ang paggawa mula sa otso oras na paggawa, upang ang natitirang dalawang oras ay ibigay sa maralita. Kung sa 24 oras ay may tatlong manggagawang tigwawalong oras na trabaho, kung magiging 6 na oras na ang trabaho, magiging apat na manggagawa na sa loob ng 24 oras ang nagtatrabaho, dahil ang isang anim na oras ay naibigay sa maralita.

Ang mga ito ang dapat tugunan ng pamahalaang BBM sa mga susunod na araw, buwan, at taon upang makinabang ang lahat, hindi lang iilan. Subalit sa ngayon, ang nakikita natin sa ikasandaang araw niya sa pwesto: ang masa ay butata, habang ang mayayaman ay tiba-tiba!

Pahayag ng KPML sa World Migratory Bird Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD MIGRATORY BIRD DAY
Oktubre 8, 2022

PANGALAGAAN ANG MGA MIGRATORY BIRD!
PROTEKSYUNAN ANG MGA DUMARAYONG IBON SA ATING BANSA!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa World Migratory Bird Day o Pandaigdigang Araw ng mga Ibong Himalhin tuwing ikalawang Sabado ng buwan ng Mayo at buwan ng Oktubre, na pumapatak ngayon sa Mayo 14 at Oktubre 8. Ang salitang himalhin ay Sebuwano sa migratory.

Ang World Migratory Bird Day ay isang taunang kampanya sa pagpapataas ng kamalayan na nagpapakita ng pangangailangan para sa pag-iingat ng mga migratory bird o ibong himalhin at ang kanilang mga tirahan. Mayroon itong pandaigdigang saklaw at isang epektibong gamit upang makatulong na itaas ang pandaigdigang kamalayan sa mga banta na kinakaharap ng mga migratory bird, ang kanilang ekolohikal na kahalagahan, at ang pangangailangan para sa internasyonal na kooperasyon upang pangalagaan ang mga ito.

Ayon sa pananaliksik, Light Pollution ang tema ng World Migratory Bird Day ngayong 2022. Ang artipisyal na liwanag ay tumataas sa buong mundo ng hindi bababa sa 2 porsyento bawat taon at ito ay kilala na negatibong nakakaapekto sa maraming uri ng ibon. Ang liwanag na polusyon ay isang malaking banta sa mga migratory bird, na nagdudulot ng disoryentasyon kapag lumipad sila sa gabi, na humahantong sa mga banggaan sa mga gusali, nakakagambala sa kanilang panloob na orasan, o nakakasagabal sa kanilang kakayahang magsagawa ng malayuang paglalakbay.

Ang mga solusyon sa liwanag na polusyon ay madaling makukuha. Halimbawa, parami nang parami ang mga lungsod sa mundo na gumagawa ng mga hakbang upang padilimin ang mga ilaw ng gusali sa mga yugto ng paglalakbay sa tagsibol at taglagas. Binubuo din ang mga alituntunin ng pinakamahusay na kasanayan sa ilalim ng Convention on Migratory Species upang matugunan ang lumalaking isyung ito at matiyak na ang aksyon ay gagawin sa buong mundo upang matulungan ang mga ibon na lumipat nang ligtas.

Winter is coming, ang sabi sa palabas na Game of Thrones, subalit totoo ito, dahil bago dumating ang tagginaw sa malamig na lugar, nag-aalisan doon ang mga ibon at pumupunta sa maiinit na lugar, kaya naglalakbay sila sa maraming lugar tulad ng Pilipinas upang hindi sila mamatay sa lamig sa panahon ng winter.

Kaya hayaan nating dumapo sa ating kalupaan ang mga migratory bird at huwag silang itaboy dahil may buhay din silang dapat igalang.

Pinaghalawan:
UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 450 at 784
https://blog.wcs.org/photo/tag/world-migratory-bird-day/
https://www.unep.org/events/un-day/world-migratory-bird-day-2022

Biyernes, Oktubre 7, 2022

Pahayag ng KPML sa World Day for Decent Work

PAHAYAG NG KPML SA WORLD DAY FOR DECENT WORK
Oktubre 7, 2022

DISENTENG TRABAHO PARA SA LAHAT!
LIVING WAGE, IPATUPAD!
DIGNIDAD NG PAGGAWA, IPAGLABAN!
KONTRAKTWALISASYON, WAKASAN!

"How I wish everyone had decent work! It is essential for human dignity." - Pope Francis

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa World Day for Decent Work o Pandaigdigang Araw para sa Disenteng Trabaho tuwing Oktubre 7.

Ang araw na ito ay inilunsad ng International Trade Union Confederation (ITUC) noong 2008, kung saan ang mga tao mula sa mahigit 100 bansa ay nakikilahok sa mga aktibidad na ipinagdiriwang ang tagumpay ng mga unyon ng manggagawa, at pinararangalan ang gawain ng mga taong nagsakripisyo para sa ating mga demokratikong karapatan at kalayaan ngunit gayundin ang mga patuloy na nagsisikap ngayon upang itaguyod ang mga progresibong layunin upang makinabang ang lahat sa ating lipunan sa halip na ang mga piling tao na 1 porsyento lamang.

Ang disenteng trabaho ay trabahong "iginagalang ang pangunahing karapatan ng tao gayundin ang  karapatan ng mga manggagawa sa mga kondisyon ng kaligtasan at suweldo sa paggawa, paggalang sa pisikal at mental na integridad ng manggagawa sa pagsasagawa ng kanyang trabaho." Ang disenteng trabaho ay inilalapat sa parehong pormal at impormal na sektor. Dapat nitong tugunan ang lahat ng uri ng trabaho, mamamayan at pamilya. Ayon sa International Labor Organization (ILO), ang disenteng trabaho ay kinabibilangan ng mga pagkakataon para sa trabahong produktibo at naghahatid ng patas na kita, seguridad sa lugar ng trabaho at panlipunang proteksyon para sa mga pamilya, mas magandang pagkakataon para sa personal na pag-unlad at panlipunang integrasyon, kalayaan para sa mga tao na ipahayag ang kanilang alalahanin, ayusin at lumahok sa mga desisyon na nakakaapekto sa kanilang buhay at pagkakapantay-pantay ng pagkakataon at pagtrato para sa lahat ng babae at lalaki.

Ang mga unyon ng manggagawa, pederasyon ng unyon at iba pang asosasyon ng manggagawa ay bumuo ng kanilang mga aksyon upang isulong ang ideya ng disenteng trabaho. Iba-iba ang mga aksyon mula sa mga demonstrasyon sa kalye hanggang sa mga kaganapan sa musika o mga kumperensya na ginanap sa maraming bansa. Ika nga, ang disenteng trabaho ay nasa puso ng paghahanap ng dignidad para sa indibidwal, katatagan para sa pamilya at kapayapaan sa komunidad. Kaalinsabay ng pagkakaroon ng disenteng trabaho ang pagbibigay ng nakabubuhay na sahod sa manggagawa.

Kung nais natin ay disenteng trabaho, dapat ang mga manggagawa ay hindi kontraktwal o biktima ng salot na kontraktwalisasyon. Walang disenteng trabaho hangga't kontraktwal ang manggagawa. Dapat mawala ang mga manpower agencies na pawang mga parasite o linta dahil wala naman silang ambag sa produksyon subalit kumukubra ng limpak sa mga kapitalista!

Kaya ang KPML ay nakikiisa sa uring manggagawa sa panawagan ng disenteng trabaho para sa lahat dahil ang may disenteng trabaho ay katumbas ng pagkakaroon ng dignidad, wakasan ang kontraktwalisyon at manpoweragencies, lalo na ang pagkakaroon ng disenteng trabaho para sa mga walang trabahong maralita.

Pinaghalawan:
https://www.ituc-csi.org/7-october-wddw-2021
https://moveuptogether.ca/the-latest/october-7-marks-11th-annual-world-day-for-decent-work/
https://en.wikipedia.org/wiki/Decent_work#

Miyerkules, Oktubre 5, 2022

Pahayag ng KPML sa World Teachers' Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD TEACHERS' DAY
Oktubre 5, 2022

PAGPAPAHALAGA SA DIGNIDAD 
ANG TUNAY NA DIWA NG 
PANDAIGDIGANG ARAW NG MGA GURO

"Igalang ang mga gurong nagpapamulat ng isip pagkat kung utang sa magulang ang pagiging tao ay utang naman sa nagturo ang pagpapakatao." - Gregoria "Oriang" De Jesus, ang Lakambini ng Katipunan, at naging asawa ni Supremo Gat Andres Bonifacio

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng kaguruan sa pagdiriwang ng World Teachers' Day o Pandaigdigang Araw ng mga Guro. Hindi ba't ang mga guro ang ikalawang magulang ng mga mag-aaral o estudyante? At sa kaibuturan ng bawat paaralan ay ang guro ang siyang gabay na nagpapalusog sa isip, puso, at diwa ng bawat mag-aaral ng kaalaman at karunungan?

Ang World Teachers' Day, na kilala rin bilang International Teachers Day, ay  pandaigdigang araw na ginaganap taun-taon tuwing Oktubre 5. Itinatag noong 1994, ginugunita nito ang paglagda sa 1966 UNESCO/ILO Recommendation tungkol sa Status of Teachers, na isang standard-setting instrument na tumutugon sa katayuan at sitwasyon ng mga guro sa buong mundo. Binabalangkas ng rekomendasyong ito ang mga pamantayan na may kaugnayan sa patakaran sa mga tauhan ng edukasyon, recruitment, at paunang pagsasanay pati na rin ang patuloy na edukasyon ng mga guro, kanilang trabaho, at mga kondisyon sa pagtatrabaho. Ang World Teachers' Day ay naglalayon na tumuon sa "pagpapahalaga, pagtatasa at pagpapabuti ng mga tagapagturo ng mundo" at upang magbigay ng pagkakataong isaalang-alang ang mga isyu na may kaugnayan sa mga guro at pagtuturo.

Subalit ayon sa Teachers Dignity Coalition, "nanatiling nakikipaglaban ang mga guro sa Pilipinas para sa makatarungang suweldo, karagdagang benepisyo, maayos na kalagayan sa trabaho, mapagkalingang mga polisiya at iba pang mga kaalwanan na malaon nang naisatitik ng UNESCO-ILO at mismong ng Magna Carta. Sa bagong administrasyon ngayon, hindi pa rin nag-iiba ang mga hinaing ng ating mga guro- mababang pasahod, sobrang bigat na trabaho, kawalan ng mga benepisyong pangkalusugan at iba pang non-wage benefits, hindi makatarungang mga polisiya ng GSIS, hindi patas na merit and promotion system, kawalan ng suporta sa pagtuturo at kakulangan sa pondo ng sektor ng edukasyon." 

Para sa amin sa KPML, dapat ibigay ng pamahalaan ang nararapat para sa ating mga guro - maayos na kalagayan sa pagtuturo, mataas na sahod, benepisyo at insentibo. Sabi nga ng TDC, "Ang tunay na diwa ng World Teachers’ Day ay ang pagpapahalaga sa Dignidad." 

Ano nga ba ang dignidad o dignity. Ayon sa diksyunaryo, "the state or quality of being worthy of honor or respect (o ang estado o kalidad ng pagiging karapat-dapat sa karangalan o paggalang);" "a sense of pride in oneself; self-respect (o isang pakiramdam ng pagmamalaki sa sarili; paggalang sa sarili." Tulad din naming mga maralita, hindi kami dapat basta itinataboy sa mga tahanan pag may pwerdahang demolisyon (dapat dumaan sa tamang proseso nang walang nasasaktan), hindi dapat nananatiling nahihirapan (patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa sistemang neoliberalismo na pahirap sa sambayanan). Ang dignidad ng bawat tao ay dapat pahalagahan! Ayon nga kay Gat Emilio Jacinto sa kanyang akdang Liwanag at Dilim, "Iisa ang pagkatao ng lahat!" at sa Kartilya ng Katipunan, "Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigtan sa pagkatao."

Mabuhay ang mga guro! Kaisa ninyo kami sa inyong ipinaglalaban!

Pinaghalawan:
https://en.wikipedia.org/wiki/World_Teachers'_Day
https://www.facebook.com/teachers.dignity/
https://kaoriang.blogspot.com/2008/11/mga-tala-ng-aking-buhay-ni-gregoria-de.html

Pahayag ng KPML sa pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid

PAHAYAG NG KPML SA PAGPASLANG SA MAMAMAHAYAG NA SI PERCY LAPID
Oktubre 5, 2022

KATARUNGAN KAY KA PERCY LAPID! 
KATARUNGAN SA LAHAT NG MAMAMAHAYAG 
NA PINASLANG! TIGILAN NA ANG
KULTURA NG IMPUNIDAD! STOP EJK!

Mahigpit na kinokondena ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang pagpaslang sa matapang na kritiko at komentarista sa radyo na si Percival Mabasa, na mas kilala sa Percy Lapid.

Bilang komentarista ng DWBL, kilala si Ka Percy sa pagiging matapang na kritiko laban sa katiwalian sa gobyerno, extrajudicial killings, mga dinastiya at warlords. Tinindigan niya ang laban para sa demokrasya at mabuting pamahalaan. Habang tinutuligsa rin niya ang mga Marcos at Duterte sa mga maling gawain nito. Ayon sa ilang inihayag sa midya, sinabi diumano ni Ka Percy noong nabubuhay pa, "Hindi tayo nang-aaway. Pinupuna natin ang kanilang mali upang maitama."

Matindi siyang kritiko ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos at ng kanyang hinalinhan na si Rodrigo Duterte. Siya ang host ng radio program na Lapid Fire sa DWBL kung saan niya tinutugunan ang mga kaso ng katiwalian. Ibinunyag niya ang mga iregularidad hinggil sa inalis na Sugar Order No. 4 ng Sugar Regulatory Administration sa gitna ng krisis sa asukal. Ang iskandalo na kinaharap ng administrasyong Marcos ay humantong sa pagbibitiw ni executive secretary Vic Rodriguez noong Setyembre 2022.

Ayon sa balita, "Napatay si Percy Lapid noong Oktubre 3, 2022 bandang 8:30 ng gabi nang siya ay nagmamaneho pauwi sa BF Resort Village, isang gated community sa Las Piñas. Nagkatrapik sa gate malapit sa Aria Street sa Barangay Talon 2 dahil ang mga sasakyang dumadaan ay sinisiyasat para sa sticker na kailangan para makapasok sa subdivision. Isang motorsiklo na may dalawang tao ang lumapit sa kanyang sasakyan, pagkatapos ay nagpaputok ng dalawang beses kay Lapid ang pamamaril na humantong sa agarang pagkamatay ng mamamahayag. Ang kanyang sasakyan ay nasa 50 metro (160 piye) mula sa gate nang mangyari ang insidente."

Siya ang pangatlong mamamahayag sa Pilipinas na pinatay nitong 2022 ayon sa datos ng UNESCO at ang pangalawa sa panahon ng pamumuno ni Bongbong Marcos ayon sa National Union of Journalists of the Philippines o NUJP.

Ang karumal-dumal na pagpaslang na ito ay dapat agarang malutas at mabigyan ng katarungan ang pamilya ng napaslang na mamamahayag. Ang ganitong krimen ay dapat walang lugar sa isang demokrasya, at hindi na dapat umiral ang ganitong kawalanghiyaan na mas umiral sa panahon ng administrasyong Duterte na maraming pinaslang dahil sa gera sa droga.

Katarungan kay Ka Percy Lapid! Katarungan sa lahat ng mga mamamahayag na pinaslang! Katarungan sa lahat ng biktima ng extrajudicial killings! Stop EJK!

Pinaghalawan:
https://ptvnews.ph/broadcast-commentator-percy-lapid-shot-dead-in-las-pinas/
https://www.nytimes.com/2022/10/04/world/asia/percy-lapid-philippines-murder.html
https://en.wikipedia.org/wiki/Killing_of_Percy_Lapid

Martes, Oktubre 4, 2022

Pahayag ng KPML sa World Animal Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD ANIMAL DAY
Oktubre 4, 2022

KUNG PINANGANGALAGAAN NATIN ANG KALIKASAN
AT PANINIRAHAN NG MGA TAO, HAYOP, IBON, AT ISDA,
PROTEKTAHAN DIN NATIN ANG MGA HAYOP, 
LALO ANG NASA KATEGORYANG ENDANGERED SPECIES!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa World Animal Day o Pandaigdigang Araw ng mga Hayop. Isang araw bago ang World Animal Day ay inalala natin ang World Habitat Day, at binigyang diin na pangalagaan ang paninirahan ng mga hayop. Kung ang ating kalikasan ay ating dapat protektahan, dapat din nating protektahan ang mga hayop, lalo na ang mga nasa kategorya ng endangered species, tulad ng tamaraw sa Mindoro.

Ang World Animal Day, ay pinangunahan ng cynologist na si Heinrich Zimmermann. Inorganisa niya ang unang World Animal Day noong Marso 24, 1925, sa Sport Palace sa Berlin, Germany. Mahigit 5,000 katao ang dumalo sa unang kaganapang ito. Ang aktibidad ay orihinal na naka-iskedyul ng Oktubre 4, upang iayon sa araw ng kapistahan ni San Francisco ng Assisi, ang patron ng ekolohiya. Gayunpaman, hindi available ang venue sa araw na iyon. Ang kaganapan ay inilipat sa Oktubre 4 sa unang pagkakataon noong 1929. Bawat taon, si Zimmermann ay walang pagod na nagtrabaho sa pagsulong ng World Animal Day. Sa wakas, noong Mayo 1931 sa isang kongreso ng International Animal Protection Congress sa Florence Italy, ang kanyang panukala na gawing unibersal ang World Animal Day noong Oktubre 4 ay nagkakaisang tinanggap at pinagtibay bilang resolusyon.

Sa ating bansa ay kinikilala rin ang Oktubre 4 bilang Kindness to Animals Day sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 537 na nilagdaan ni dating Pangulong Carlod P. Garcia noong 1958. Ayon sa nasabing batas, "SAPAGKAT, ito ay para sa kabutihan ng bansa na paunlarin sa puso ng mga tao ang  pakiramdam ng pananagitan sa mga di nagsasalitang hayop na tumutulong at naglilingkod sa sangkatauhan; SAPAGKAT, kinakailangang itanim sa isipan at puso ng ating mga kabataan ang mga kabutihan ng kabaitan, katarungan, at awa sa lahat ng buhay na nilalang upang kamumuhian nila ang lahat ng uri ng kalupitan sa kapwa tao at sa hayop." (salin mula sa Ingles ng KPML)

Ayon nga sa isang kasabihan, "Be kind to animals." Kaya ang mga kalabaw ng mga magsasaka ay dapat pangalagaan, ang ating Philippine eagle at iba pang hayop na nasa kategorya ng endangered species, ay tiyakin nating napoprotektahan. Huwag din nating sipa-sipain ang mga pusa o aso, kundi gawan ng paraan ang mga asong pag-aari na maturukan ng anti-rabis, at itali kung kinakailangan.

Mga pinaghalawan:
https://www.worldanimalprotection.org/world-animal-day
https://en.wikipedia.org/wiki/World_Animal_Day
https://www.officialgazette.gov.ph/1958/09/30/proclamation-no-537-s-1958/

Lunes, Oktubre 3, 2022

Pahayag ng KPML sa World Habitat Day


PAHAYAG NG KPML SA WORLD HABITAT DAY
Oktubre 3, 2022

PANGALAGAAN ANG MGA BUNDOK, GUBAT, DAGAT,
AT TAHANAN NG MGA HAYOP, IBON, ISDA, MGA
ENDANGERED SPECIES, AT IBA PANG ORGANISMO!
PROTEKTAHAN ANG MGA LUPAING NINUNO 
AT TAHANAN NG MGA KATUTUBO!
PUBLIC HOUSING PARA SA MANGGAGAWA'T MARALITA!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagkilala at pag-alala sa World Habitat Day o Pandaigdigang Araw ng Paninirahan. 

Ayon sa UP Diksyonaryong Filipino, pahina 420, ang habitat ay "katutubong tahanan ng isang organismo o hayop." Ayon naman sa Webster's Dictionary, ang habitat ay "a. the place or environment where a plant or animal naturally or normally lives and grows; b: the typical place of residence of a person or a group; c: a housing for a controlled physical environment in which people can live under surrounding inhospitable conditions (as under the sea).

Kaya ang habitat ay hindi lamang tumutukoy sa katutubong tahanan ng isang organismo o hayop, kundi sa mga tao rin, lalo na yaong mga dukhang walang tahanan. May nabuo ngang grupong Habitat for Humanity, na ang layunin ay pagtatayo ng mga pabahay para sa mga walang tahanan. Ayon sa Habitat for Humanity Philippines, layunin nilang alisin ang mga pamilyang Pilipino na may mababang kita mula sa masikip, hindi malusog na kondisyon ng pamumuhay o displacement sa mga kalunsuran sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng disenteng tirahan sa malusog na komunidad.

Noong 1985, itinalaga ng United Nations ang unang Lunes ng Oktubre bawat taon bilang World Habitat Day. Ang ideya ay pagnilayan ang kalagayan ng ating mga bayan at lungsod at ang pangunahing karapatan ng lahat sa sapat na tirahan. Nilalayon din nitong ipaalala sa mundo ang kolektibong responsibilidad nito para sa kinabukasan ng tirahan ng tao.

Unang ipinagdiwang ang World Habitat Day noong 1986 na may temang "Shelter is My Right". Ang Nairobi ang host city para sa pagdiriwang noong taong iyon. Kasama sa iba pang mga nakaraang tema ang: "Shelter for the Homeless" (1987, New York); "Shelter and Urbanization" (1990, London); "Mga Lungsod sa Hinaharap" (1997, Bonn); "Safer Cities" (1998, Dubai); "Mga Babae sa Pamamahala sa Lungsod" (2000, Jamaica); “Cities without Slums” (2001, Fukuoka), “Water and Sanitation for Cities” (2003, Rio de Janeiro), “Planning our Urban Future” (2009, Washington, D.C.), “Better City, Better Life” (2010, Shanghai, China) at Cities and Climate Change (2011, Aguascalientes, Mexico).

Ayon naman kay Ka Kokoy Gan, pambansang pangulo ng KPML, nais ng KPML na maipatupad ang isang konsepto ng Public Housing o pampublikong pabahay sa ating bansa, sa konsepto ng pagkilala sa karapatan sa pabahay ng lahat, kung saan maglalaan ang pamahalaan ng mga disente at sapat na pabahay sa mga walang tahanan, nang may kumpletong serbisyong panlipunan. Ang pampublikong pabahay, na tinutustusan ng pamahalaan, ay magbibigay ng mga tahanan sa mga taong kumikita nang kaunti kaysa sa karaniwang pambansang kita, at sa mga maralitang nabubuhay lang sa kakarampot na kita dahil sa diskarte, tulad ng paglalako ng mga paninda.

Dagdag pa, ang mga bahay ng mga katutubo ay hindi dapat wasakin sa ngalan daw ng kaunlaran, tulad ng mapaminsalang pagbuldoser ng mga bundok at pagmimina, na winawasak din ang tahanan ng mga hayop at iba pang endangered species. Kaya ang pangangalaga sa kalikasan ay kaakibat din ng World Species Day.

Mga Pinaghalawan:
UP Diksiyonaryong Filipino
https://www.merriam-webster.com/dictionary/habitat
https://www.un.org/en/observances/habitat-day
https://www.habitat.org.ph/

Linggo, Oktubre 2, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Non-Violence

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF NON-VIOLENCE
Oktubre 2, 2022

KATARUNGAN, HINDI KARAHASAN! 
KARAPATANG PANTAO, RESPETUHIN!
HUSTISYA KAY ALDRIN CASTILLO, 
AT SA LAHAT NG BIKTIMA NG EJK!
ICC, MAGPATULOY SA IMBESTIGASYON!
KASUHAN NG CRIME AGAINST HUMANITY ANG DAPAT KASUHAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa International Day of Non-Volence o Pandaigdigang Araw ng Kawalan ng Karahasan tuwing Oktubre 2, kasabay ng kaarawan ni Mahatma Gandhi, pinuno ng Indian independence movement at pioneer ng pilosopiya at istratehiya ng non-violence.

Ayon sa General Assembly resolution A/RES/61/271 ng 15 June 2007, na nagtatag ng paggunita, ang International Day ay isang okasyon para "ipalaganap ang mensahe ng walang karahasan, kabilang ang sa pamamagitan ng edukasyon at kamalayan ng publiko". Ang resolusyon ay muling pinagtitibay "ang unibersal na kaugnayan ng prinsipyo ng di-karahasan" at ang pagnanais na "matiyak ang isang kultura ng kapayapaan, pagpaparaya, pag-unawa at walang karahasan".

Oktubre 2, 2017, kasabay ng International Day of Non-Violence, ay marahas na pinaslang si Aldrin Castillo, na biktima ng War on Drugs ni dating Pangulong Duterte. Ayon sa kanyang inang si Nanette, hindi niya maubos-maisip bakit ang kanyang anak ay pinaslang, gayong hindi naman adik, kundi mabuting anak si Aldrin. Ang sigaw ng maraming ina, katarungan! Hustisya sa kanilang mga anak na pinaslang!

Napakarami ng napapaslang, ayon sa Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA). Ayon sa ulat ng Rappler noong Setyembre 2020, nasa 7,884 drug suspects ang napatay ng pulisya mula nang maupo si Duterte sa pwesto hanggang Agosto 31, 2020. Ayon sa datos ng gobyerno, 6,229 katao ang napatay sa mga operasyon kontra droga ng pulisya mula Hulyo 1, 2016, hanggang Enero 31, 2022. Hindi kasama sa bilang na ito ang mga biktima ng vigilante-style killings, na tinatantya ng mga human rights group na nasa pagitan ng 27,000 at 30,000. Sa mga pangyayaring ito, dapat may managot! Maraming ina ang lumuluha, maraming pamilya ang naghahanap ng hustisya! 

Dapat patuloy na mag-imbestiga ang International Criminal Court (ICC) hinggil sa mga kasi ng extrajudicial killings, o pag-salvage, o pagrampa sa mga inosenteng biktima kaugnay sa War on Drugs.

Para sa KPML, ngayong paggunita sa International Day of Non-Violence, dapat nang matigil ang mga pagpaslang sa ngalan ng War on Drugs, at dapat managot ang mga taong pumatay sa mga inosenteng walang kalaban-laban! Dapat nang matigil ang mga karahasan!

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/non-violence-day
https://paalam.org/homepage/victims/aldrin-castillo/
https://www.dailymail.co.uk/news/article-4940670/Church-protect-Philippine-officers-talk-drug-killings.html
https://newsinfo.inquirer.net/1664962/crimes-against-humanity-justice-out-of-reach-for-ejk-victims-in-ph-drug-war
https://humanrightsmeasurement.org/extrajudicial-killings-in-the-philippines/
https://idpc.net/alerts/2022/04/philippines-lack-of-accountability-paves-way-for-more-killings-in-duterte-drug-war-amnesty-international

Sabado, Oktubre 1, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Older Persons

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF OLDER PERSONS
Oktubre 1, 2022

BENEPISYO SA MGA SENIOR CITIZEN! 
RESPETO SA MGA MATATANDA!
AMYENDAHAN ANG RA 10868 (CENTENARIAN ACT OF 2016)
NA IMBES EDAD 100 AY IBABA SA EDAD 80!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng International Day of Older Persons o Pandaigdigang Araw ng mga Matatanda tuwing Oktubre 1 bawat taon.

Noong Disyembre 14, 1990, idineklara ng United Nations General Assembly ang Oktubre 1 bilang International Day of Older People na nakatala sa Resolution 45/106. Ang holiday ay ipinagdiwang sa unang pagkakataon noong Oktubre 1, 1991. Layunin ng araw na ito na mapataas ang kamalayan tungkol sa mga isyu na nakakaapekto sa mga matatanda, tulad ng senescence at pang-aabuso sa nakatatanda. Ito rin ay isang araw upang pahalagahan ang mga ambag na ginawa ng mga matatanda sa lipunan. Ang holiday na ito ay katulad ng National Grandparents Day sa United States at Canada pati na rin ang Double Ninth Festival sa China at Respect for the Aged Day sa Japan. Ang pagdiriwang ay isang pokus ng mga tumatandang organisasyon at ng United Nations Programme on Ageing.

Sa ating bansa, pinahalagahan ang mga senior citizen sa pamamagitan ng 20% diskwento sa mga bilihin at serbisyong nakalaan para sa kanila. Gayunpaman, kaiba sa kultura ng ibang bansa, ang mga matatanda sa Pilipinas ay kabilang pa rin sa pamilya, at hindi natin ipinadadala sa mga Home for the Aged. Kadalasan ay sila ang nag-aalaga sa ating mga anak pag tayo'y nasa trabaho, o kung wala mang regular na trabaho ay nagtitinda ng kung anu-ano para lang mabuhay. Patuloy nating iginagalang ang mga matatanda. Kaya hindi nauso sa atin ang konsepto ng kanluran na Home for the Aged, maliban kung wala nang pamilya ang mga matatandang ito, at kailangan silang dalhin sa Home for the Aged upang mapangalagaan.

Kung ano man ang mga serbisyong nakalaan sa mga edad 60 pataas, sana'y maibigay sa mga senior citizens. Kung sakaling malakas pa ang mga senior citizen at nais pa ring magtrabaho para sa kanilang pamilya, sana'y may batas para sa kanila. Dahil tiyak na nais pa rin nilang makatulong sa pamilya kahit sila'y matanda na ngunit malalakas pa. Pababain ang edad ng Centenarian Gift mula edad 100 ay gawing 80 upang mas ma-enjoy pa ng mga matatanda ang bigay ng pamahalaan. Dahil kung edad 100 ay baka hindi na ito ma-enjoy ng matatanda dahil baka uugod-ugod na sila upang i-enjoy ang gantimpala nilang makakamit, kundi ang makikinabang na lang ay ang mga anak at apo ng edad 100. Ayon sa Republic Act No. 10868 o ang “Centenarians Act of 2016,” lahat ng Pilipino na umabot sa edad na isang daang (100) taong gulang, naninirahan man sa Pilipinas o sa ibang bansa, ay dapat parangalan ng Liham ng Papuri mula sa Pangulo ng Pilipinas na binabati ang matatandang edad 100 para sa kanyang mahabang buhay. Bibigyan sila ng Centenarian Gift sa halagang isandaang libong piso (P100,000.00) mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa mungkahing amyenda ng KPML, paagahin sa edad 80 ang makakatanggap ng kaukulang salapi, na kung sa edad 100 ay P100,000, sa edad 80 ay P80,000. Nang sa gayon, hindi pa uugod-ugod ang matatanda ay mas ma-enjoy pa nila ang salaping inilaan para sa mga matatandang nakaabot ng edad 80.

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/older-persons-day
https://en.wikipedia.org/wiki/International_Day_of_Older_Persons
https://pvao.gov.ph/home/centenarian-gift/

Biyernes, Setyembre 30, 2022

Pahayag ng KPML hinggil sa mga namatay na rescuer sa kasagsagan ng bagyong Karding


PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA MGA NAMATAY NA RESCUER SA KASAGSAGAN NG BAGYONG KARDING
Setyembre 30, 2022

PAGPUPUGAY SA LIMANG NAMATAY NA RESCUER!
MAGDEKLARA NA ANG PAMAHALAAN NG CLIMATE EMERGENCY!
CLIMATE JUSTICE, NOW!

Dapat na talagang magdeklara ng climate Emergency ang pamahalaan upang mas matutukan ang isyung ito sa lalong madaling panahon upang mapaliit natin ang tsansa ng mga kamatayan dulot ng mga bagyo.

Nitong nakaraan lamang, limang rescuer ang namatay sa Bulacan sa kasagsagan ng bagyong Karding. Ayon sa ulat ni Bise Gobernador ng Bulacan Alex Castro, nasawi  ang limang rescuer mula sa PDRRMO (Provincial Desaster Risk Reduction and Management Office) sa gitna ng pagtupad sa kanilang tungkulin sa bayan ng San Miguel. "Sa kanilang paghahanda ng life boats ay rumagasa ang flash flood sa kanilang lokasyon na nagpaguho ng isang pader at siyang dahilan ng pagdaloy ng tubig baha na umanod sa ating mga rescuers." Ang mga rescuer ay nakilalang sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Jerson Resurreccion, at Narciso Calayag, Jr.

Nagpupugay ang KPML sa kabayanihan ng ating mga rescuers na namatay sa paggampan ng tungkuling iligtas ang ating mga kababayan sa pananalasa ng bagyo. Gayunpaman, hindi sapat ang papuri sa kanila, kundi pag-isipan at pag-usapan din ang nagaganap na pagbabago ng klima na nagdulot ng ganitong katitinding bagyo, na siyang dahilan ng kamatayan ng mga tulad nila.

Sa pananaliksik at pag-aaral ng KPML, dapat nang agarang kumilos ang pamahalaan at magdeklara ng climate emergency upang mas mapag-usapan sa pambansang antas ang mga nagaganap na ito. Sa ngayon, napapag-usapan sa pandaigdigang antas na nagbabago na ang klima, at noong Oktubre 2018 ay nagdeklara na ang mga siyentipiko mula sa United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) na kung hindi magagawan ng paraan ang pagbabago ng klima, sa 2030 ay magtutungo na tayo sa tinatawag nilang "point of no return". 

Siyamnapu't isang awtor at review editor mula sa 40 bansa ang naghanda ng ulat ng IPCC (Intercontinental Panel on Climate Change) bilang tugon sa UNFCCCnoong pinagtibay nito ang Paris Agreement noong 2015. Ang buong pangalan ng ulat ay "Global Warming of 1.5°C, an IPCC special report on the impacts of global warming of 1.5°C above pre-industrial levels and related global greenhouse gas emission pathways, in the context of strengthening the global response to the threat of climate change, sustainable development, and efforts to eradicate poverty."

Kaya naninindigan at nananawagan ang KPML na bawasan na ang paggamit ng mga fossil fuel, natural gas, at coal plants, at tumungo na tayo sa paggamit ng mga renewable energy upang maiwasan natin ang mas matitinding delubyong kakaharapin pa natin. Sa ngayon ay dapat kumilos at magkaisa ang iba't ibang bansa sa buong daigdig sa pagdeklara ng climate emergency upang hindi natin maabot ang mas pag-iinit pa ng mundo sa 1.5 degrees celsius hanggang 2030.

Mga pinaghalawan:
https://www.rappler.com/nation/luzon/fallen-heroes-bulacan-mourns-rescuers-died-due-typhoon-karding/
https://www.ipcc.ch/2018/10/08/summary-for-policymakers-of-ipcc-special-report-on-global-warming-of-1-5c-approved-by-governments/

Huwebes, Setyembre 29, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Awareness on Food Loss and Waste Reduction

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF AWARENESS ON FOOD LOSS AND WASTE REDUCTION
Setyembre 29, 2022

Stop Food Waste! For People and Planet!
Itigil ang Pag-aksaya ng Pagkain! 
Para sa Tao at Planeta!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Day of Awareness on Food Loss and Waste Reduction o Pandaigdigang Araw ng Kamalayan sa Pagkawala ng Pagkain at Pagbabawas ng Basura. Ito na ang ikatlong pagkakataon na inaalala ang araw na ito mula noong una itong inalala noong Setyembre 29, 2020.

Sa ating bansa, halos walang makain ang maralita, na kung may pagkain mang mabibili ay kaymahal, dahil bukod sa isang kahig, isang tuka, ay wala halos pambili ng pagkain. Kaya marami ang nagtitiyaga sa pagpag o yaong mga tira-tirang pagkain sa mga restoran na huhugasan lang ay muling iluluto.

Ayon sa United Nations Environment Programme (UNEP), "Ang suplay ng pagkain sa maraming bansa ay nasa landas na aabutan ang pagsasaka at paggamit ng lupa bilang pinakamalaking kontribyutor sa greenhouse gases (GHGs). Ang pagpoproseso at pag-iimpake ng pagkain, kasama ng transportasyon at basura ng pagkain, ay nagtutulak sa food supply chain sa tuktok ng listahan ng mga tagabuga  ng GHG sa buong mundo. Nabubuuo ang GHG sa bawat hakbang ng sistema ng suplay ng pagkain, hindi alintana kung ang pagkain na ginawa ay nasira. Sa partikular, ang mga naaksayang pagkain na nabubulok sa mga landfill ay gumagawa ng methane, isang malakas na greenhouse gas na may 84 na beses na lakas ng pag-init ng carbon dioxide sa loob ng 20 taon."

"Ang pagkawala at pag-aaksaya ng pagkain ay sumisira sa pagpapanatili ng ating mga sistema ng pagkain. Kapag ang pagkain ay nawala o nasayang, ang lahat ng mga mapagkukunan na ginamit upang makagawa ng pagkain na ito - kabilang ang tubig, lupa, enerhiya, paggawa at kapital - ay nasasayang. Bilang karagdagan, ang pagtatapon ng pagkawala ng pagkain at basura sa mga landfill, ay humahantong sa mga greenhouse gas emissions, na nag-aambag sa pagbabago ng klima. Ang pagkawala at pag-aaksaya ng pagkain ay maaari ring negatibong makaapekto sa seguridad ng pagkain at pagkakaroon ng pagkain, at makatutulong sa pagtaas ng halaga ng pagkain."

Bigyang pansin natin kung paano naaaksaya ang ating mga pagkain. At kung paano naman ang ekonomya ng pagkaing pagpag ay pansamantalang lumulutas sa problema ng gutom sa maraming tahanan ng mga maralita. Na dapat ay hindi pagpag ang kanilang kainin bilang tao, kundi ang mga pagkaing masustansya at bago. At hindi ang itinapon na ng mga mayayaman ay kukunin upang iluto upang gawing pagkain ng kapwa tao.

Dapat kahit sa pagkain ay maging tao tayo, na may dignidad at hindi api o pinagsasamantalahan.

Pinaghalawan:
https://www.unep.org/events/un-day/international-day-awareness-food-loss-and-waste-2022
https://www.un.org/en/observances/end-food-waste-day

Lunes, Setyembre 26, 2022

Pahayag ng KPML sa ika-13 anibersaryo ng Ondoy at pananalasa ng Karding

PAHAYAG NG KPML SA IKALABINTATLONG ANIBERSARYO NG BAGYONG ONDOY AT SA PANANALASA NG BAGYONG KARDING
Setyembre 26, 2022

Mag-ingat po tayo, mga kababayan, sa pananalasa ng matinding bagyong Karding sa kasalukuyan, habang nagdeklara naman ng walang pasok sa mga paaralan ang maraming lungsod.

Sa petsang ito'y magugunita rin natin ang biglaang paglubog ng maraming lungsod sa National Capital Region (NCR) at mga karatig lalawigan dahil sa biglaang pananalasa ng bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009, labintatlong taon na ang nakararaan. Nabasa ang maraming kagamitan, lumubog sa baha ang maraming kabahayan, at marami ring namatay. 

Ayon pa sa ulat, nagbuhos ang Bagyong Ondoy ng 334 milimetrong ulan sa unang anim na oras, ang pinakamataas na naitala na pag-ulan sa metropolis. Kumbaga, ang isang buwang bagyo ay naganap lang ng anim na oras na nagpabaha sa maraming lungsod at karatig lalawigan. Ang dating rekord ay 341 milimetro sa loob ng 24 oras noon pang 42 taon na ang nakararaan. Nilubog ni Ondoy ang hanggang 80% ng lungsod, at tinakpan ang mga lugar na hindi pa nakaranas ng pagbaha, napadpad ang mga tao sa mga bubungan at naghatid ng kamatayan at paghihirap sa ilang mayaman at laksa-laksang mahihirap. Kahit na humupa na ang tubig, ang Metro Manila at ang mga nasa labas na rehiyon ay nakitang hindi handa sa pangangasiwa ng mga natamaan ng bagyo, nasugatan, at pati sa kontaminasyon na dulot ng tubig-baha.

Sinasabi ng mga eksperto sa klima na kung hindi mapapag-usapan ang mga mapagpasyang solusyon, baka mas matindi pang unos ang darating, tulad ng naganap na Yolanda noong Nobyembre 8, 2013. Gayunpaman, ang mga industriyalisadong bansa, na siyang dahilan ng karamihan sa mga emisyon ng karbon sa mundo - ang pinakamalaking kontribyutor sa pagbabago ng klima - ay hindi pa rin talaga umaako ng responsibilidad at nagpapakita ng pamumuno tungo sa mga tunay na solusyon.

Sa paggunita sa Ondoy at habang nananalasa ang bagyong Karding, gunitain natin ang mga aral ng nakaraan. Nagbabago na ang klima. Napakaliit na panahon na lamang ang nalalabi upang magsagawa ng matitinding pagbabago sa mga aktibidad ng tao upang maiwasan ang panganib ng pabagu-bagong klima. Gayunpaman, hindi dapat sisihin ang pagkakagamit lamang ng fossil fuel; hindi ang tipo ng pagkukunan ng enerhiya kundi ang malawakan at matinding paggamit ng enerhiyang batay sa fossil fuel na nagmula sa isang ekonomikong sistemang pangunahing itinulak ng pagkakamal ng limpak-limpak na tubo. Sa ganitong lohika, may katangian ang sistemang kapitalismo na nagreresulta sa matinding pagbabago ng klima dahil sa emisyon ng GHG at pagkawasak ng natural na likas-yaman. Pagkat ang likas-yaman at ang mga karaniwang ginagamit sa araw-araw, tulad ng lupa, ay nagiging pribadong pag-aari ng iilan sa kapinsalaan ng higit na  nakararami; ang patuloy at labis-labis na pagpiga sa kalikasan; at sobra-sobrang produksyon na lampas-lampas sa pangangailangan ng tao; ang maaksayang paggamit; paglawak ng pamilihan at pagkuha ng mga materyales; malawakang produksyon para sa pandaigdigang pamilihan na nangangailangan ng enerhiya para sa pagluluwas ng mga produkto. Kaya dapat ang sistemang kapitalismo’y palitan ng mas maunlad na sistemang di makasisira sa kalikasan at di yuyurak sa dangal ng kapwa tao nang dahil lang sa tubo.

Pag-isipan natin ang mga ito, habang nangangaligkig tayo sa ginaw sa pananalasa ng bagyong Karding. Mag-ingat tayo, at tiyaking nasa matataas na lugar ang ating mga mahahalagang kagamitan, tulad ng mga papeles o dokumento, upang kung bumaha man ay bakasakaling makaligtas ang mga iyon sa baha.

Magdeklara na ng Climate Emergency!
Magdamayan, magbayanihan, magtangkilikan, magtulungan!
Climate Justice Now! Baguhin ang sistema!

Miyerkules, Setyembre 21, 2022

Pahayag ng KPML sa ikalimampung anibersaryo ng martial law sa Pilipinas

PAHAYAG NG KPML SA IKALIMAMPUNG ANIBERSARYO NG MARTIAL LAW SA PILIPINAS
Setyembre 21, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mamamayang nakikibaka sa paggunita sa karumal-dumal na panahon ng martial law sa Pilipinas.

Ayon sa datos, nasa 11,103 ang dokumentadong kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang naitala, batay sa dokumentasyon ng Human Rights Victims’ Claims Board (HRVCB). Ang HRVCB, na nilikha alinsunod sa Republic Act No. 10368 o  Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013, ay isang quasi-judicial body na ipinag-uutos ng batas "upang tumanggap, suriin, iproseso, at imbestigahan" ang mga claim sa reparation na ginawa ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Martial Law ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos. Sa ngayon ay may dokumentaryong may pamagat na "11,103" na batay sa panulat at direksyon nina Jeannette Ifurung at Mike Alcazaren, ay tumalakay sa kuwento ng mga nakaligtas sa Martial Law.

Noong Setyembre 21, 1972, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Proklamasyon Blg. 1081 na nagdedeklara ng batas militar sa buong bansa, na diumano ay tumutugon sa tumataas na "banta ng komunista" noong panahong iyon. Subalit mas nakita ang panggigipit sa mamamayan, at magarbong pamumuhay ng diktadura, na nakitang paglustay sa pera ng bayan, malawakang pang-aabuso sa karapatang pantao, panunupil sa mga batayang kalayaan sa pamamahayag, at walang humpay na katiwalian at pagnanakaw ng mga nasa kapangyarihan na nag-iwan sa malaking bahagi ng bansa sa kahirapan.

Sa ating paggunita sa ika-50 taon ng pagkadeklara ng Batas Militar, ipinaaalala natin sa lahat na ang kasaysayan ay hindi lamang koleksyon ng mga pangalan, petsa at lugar. Ito ay tungkol sa pakikibaka at paghahanap ng katotohanan sa likod ng nakaraan. Ito ay isang buhay na gabay para sa kinabukasan ng ating kabataan at ng ating bansa. Hindi ito katulad ng sinabi ng artistang si Ella Cruz na ang kasaysayan ay tsismis. Ang kasaysayan ay buhay na katotohanan ng mga namatay at nagpakasakit upang labanan ang karumal-dumal na panahon ng diktadurang Marcos.

At ngayong nakapwesto na ang anak ng diktador bilang pangulo, nanganganib ang kasaysayan. Tumindi ang pagkalat ng mga halibyong o fake news. Hawak ng bagong rehimen ang pambura upang pabanguhin ang mabantot nilang nakaraan. Subalit huwag tayong pumayag na baguhin nila ang ating kasaysayan. Lalo't higit ay huwag nating payagang wasakin nila ang mga rekord at nakaimbak na datos sa mga arkibo ng mga kabuktutan ng martial law.

Para sa KPML at iba pang organisasyong nakikibaka para sa karapatan at kagalingan ng mamamayan tungo sa isang lipunang makatao, alalahanin natin ang mga nagsakripisyo para sa kalayaan ng bayan mula sa kamay ng diktadura at kuko ng mga mapagsamantala. Huwag nating kalimutan ang mga nangawala at namatay, tulad nina Hermin Lagman, Liliosa Hilao, Lorena Barros, Jessica Sales, at marami pang ibang bumubuo ng 11,103 dokumentadong biktima ng kahayupan ng diktadura.

No to historical distortion!
Never again! Never forget!
Hustisya sa mga biktima ng martial law!

Pahayag ng KPML sa International Day of Peace

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF PEACE
Setyembre 21, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mamamayan ng daigdig sa pag-alala sa International Day of Peace o ang Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan. Sa maraming panig ng mundo ay puno ng mga alitan dahil sa relihiyon, usapin ng lahi, at pag-aagawan sa pribadong pag-aari, tulad ng mga lupain, teritoryo, at kalakalan.

Naniniwala ang KPML na mawawala ang mga alitang ito kung mababago ang sistema ng lipunan kung saan pagkakasundo ang nangingibabaw, na anuman ang pagkakaiba sa kulay ng balat at estado sa buhay ay may pagkakapantay sa kalagayan kaya mawawalan ng dahilan ang digmaan at alitan, kaya magkaroon ng kapayapaan. 

Dapat mawala na ang anumang batayan ng pagsasamantala ng tao sa tao, at nang mawala ang kaapihan ng maliliit. Magkakaroon ng tunay na kapayapaan kung mawawala ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang dahilan ng kahirapan ng mayorya ng lipunan. Magkakaroon ng tunay na kapayapaan kung ang uring manggagawa ang magpapatakbo sa lipunan. 

Sinabi na noon ni Gat Emilio Jacinto na “Iisa ang pagkatao ng lahat!” Kaya dapat walang pagsasamantala ng tao sa tao upang magkaroon ng tunay na kapayapaan sa mundo. 

Para sa asam nating kapayapaan: Baguhin at palitan ang bulok na sistemang umiiral!

Linggo, Setyembre 18, 2022

Pahayag ng KPML sa International Equal Pay Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL EQUAL PAY DAY (PANDAIGDIGANG ARAW NG PANTAY NA SAHOD)
Setyembre 18, 2022

P750 MINIMUM WAGE, IPATUPAD!
6 HRS WORK PER DAY AT UNIVERSAL 
BASIC INCOME, ISABATAS, IPATUPAD!
NEOLIBERALISMO, WAKASAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga sahurang manggagawa sa buong mundo ngayong International Equal Pay Day o Pandaigdigang Araw ng Pantay na Sahod.

Ang International Equal Pay Day (A/RES/74/142) ay idineklara ng United Nations. Ang pagkamit ng pantay na suweldo ay isang mahalagang tungkong bato o milestone para sa karapatang pantao at pagkakapantay-pantay ng kasarian. Ang United Nations, kabilang ang UN Women at ang International Labor Organization (ILO) ay nag-aanyaya sa mga kasaping estado, kababaihan at pangmasang organisasyon, gayundin sa mga negosyo at organisasyon ng manggagawa at kapitalista, na isulong ang pantay na suweldo para sa trabaho ng pantay na halaga at ang pagpapalakas ng ekonomiya ng kababaihan.

Ang pantay na suweldo para sa pantay na trabaho (Equal pay for equal work) ay konsepto ng mga karapatan sa paggawa na ang mga indibidwal sa parehong lugar ng trabaho ay bibigyan ng pantay na suweldo. Ito ang karaniwang ginagamit sa konteksto ng sekswal na diskriminasyon, kaugnay ng agwat sa suweldo ng kasarian. Ang pantay na suweldo ay nauugnay sa buong hanay ng mga pagbabayad at benepisyo, kabilang ang pangunahing sahod, mga hindi bayad na suweldo, mga bonus at allowance. Ang ilang mga bansa ay kumilos nang mas mabilis kaysa sa iba sa pagtugon sa pantay na suweldo.

Sa ating bansa, bagamat ipinapanawagan na ipatupad ang Living Wage (Nakabubuhay na Sahod) na nakasaad sa Konstitusyon, ay nagkakasya pa tayo sa panawagang P750 Minimum Wage, Ipatupad! At upang madagdagan ang trabaho upang magkatrabaho rin ang mga walang trabahong maralita ay gawing anim na oras ang otso oras na paggawa. Kaya sa loob ng 24 oras na may tatlong shift ay magiging apat na shift na kung magiging anim na oras na paggawa. Ito'y karagdagang isang manggagawa sa 24 oras.

Ang Universal Basic Income (UBI) naman ay isang programang dapat ipatupad ng gobyerno kung saan ang bawat nasa hustong gulang na mamamayan ay tumatanggap ng isang takdang halaga ng pera nang regular. Ang mga layunin ng isang pangunahing sistema ng kita ay upang maibsan ang kahirapan at palitan ang iba pang mga programang panlipunan na nakabatay sa pangangailangan. Ang ideya ng unibersal na pangunahing kita ay nakakuha ng momentum sa U.S. habang patuloy na pinapalitan ng automation ang mga manggagawa sa pagmamanupaktura at iba pang sektor ng ekonomiya.

Ang ideya ng pagbibigay ng pangunahing kita sa lahat ng miyembro ng lipunan ay pinanawagan na ilang siglo na ang nagdaan. Binanggit ng 16th century English na pilosopo at estadista na si Thomas More ang ideya sa kanyang  akdang Utopia. Si Thomas Paine, isang pamphleteer na ang mga ideya ay nakatulong sa pag-udyok sa Rebolusyong Amerikano, ay nagmungkahi ng isang plano sa buwis kung saan ang mga kita ay magbibigay ng daloy ng kita ng gobyerno “sa bawat tao, mayaman o mahirap.” At iminungkahi ni Martin Luther King, Jr., ang "garantisadong kita" sa kanyang aklat na Where Do We Go from Here: Chaos or Community?  na nalathala noong 1967.

Magagawa ang lahat ng iyan kung mapapalitan ng uring manggagawa ang patakarang neoliberalismo na nagdulot, imbes na kasaganaan sana ng lipunan, ay kahirapan sa milyon-milyon, kundi man bilyong, mamamayan sa buong daigdig.

Kaya ang KPML, ngayong International Equal Pay Day, ay nakikiisa sa lahat ng manggagawa sa lahat ng bansa na panawagang Equal Pay for Equal Work at ipantay ang sahod ng kababaihan sa sahod ng kalalakihan! Ipatupad ang anim na oras na paggawa sa bansa! Pag-aralan ang Universal Basic Income, isabatas at ipatupad sa bansa! Wakasan na ang sistemang neoliberalismo na yumurak sa dignidad at pagkatao ng mamamayan!

Mga pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/equal-pay-day
https://en.wikipedia.org/wiki/Equal_pay_for_equal_work
https://www.investopedia.com/terms/b/basic-income.asp

Sabado, Setyembre 17, 2022

Pahayag ng KPML sa World Patient Safety Day

PAHAYAG NG KPML 
SA WORLD PATIENT SAFETY DAY
Setyembre 17, 2022

PANGALAGAAN ANG KALUSUGAN!
BAWAT PASYENTE'Y INGATAN!
MURANG GAMOT PARA SA MARALITA!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa taunang pag-alala sa World Patient Safety Day (Pandaigdigang Araw ng Kaligtasan ng Pasyente) tuwing ika-17 ng Setyembre. Ayon sa World Health Organization (WHO), layunin ng araw na ito na itaas ang pandaigdigang kamalayan tungkol sa kaligtasan ng pasyente at magtaguyod ng nagkakaisang aksyon ng mga bansa  upang mabawasan ang pinsala sa pasyente. Ang kaligtasan ng pasyente ay nakatuon sa pagpigil at pagbabawas ng mga panganib, pagkakamali at pinsala na nangyayari sa mga pasyente sa panahon ng pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan.

Ang World Patient Safety Day ay isa sa 11 opisyal na pandaigdigang kampanya sa kalusugan ng publiko na itinakda ng World Health Organization (WHO), kabilang ang World Tuberculosis Day, World Health Day, World Chagas Disease Day, World Malaria Day, World Immunization Week, World No Tobacco Day, World Blood Donor Day, World Hepatitis Day, World Antimicrobial Awareness Week at World AIDS Day.

Mahalaga ang World Patient Safety Day upang maiwasan na ang mga nangyayaring pagkakamali noon, tulad ng pagkaiwan sa tiyan ng pasyente ng karayom o anumang kagamitan ng doktor, dahil nakaligtaan. Marami nang namatay sa COVID, ayon sa ulat ng Kagawaran ng Kalusugan, habang noong panahon ng pandemya ay nagsisiksikan sa mga ospital. Madalas pang kulang ang kama para sa mga pasyente, na kung magkaroon man ng kama ay wala sa kwarto kundi nasa pasilyo na. Nawa ang nakitang mga problema nito ay mabigyang kalutasan. 

Nawa'y magkaroon ng epektibo ngunit murang gamot para sa mga maralita. Maayos na pag-aasikaso sa mga pasyente, at huwag isapribado ang mga ospital upang ang kalusugan ay hindi ibatay sa tutubuin ng ospital kundi ang kalusugan ay serbisyo publiko.

Kalusugan, hindi tubo!
Ang kalusugan ay serbisyo, huwag gawing negosyo!

Biyernes, Setyembre 16, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day for the Preservation of the Ozone Layer

Pahayag ng KPML sa International Day for the Preservation of the Ozone Layer
Setyembre 16, 2022

PROTEKTAHAN ANG OZONE LAYER!
PROTEKTAHAN ANG KALIKASAN
AT KALUSUGAN NG MAMAMAYAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng International Day for the Preservation of the Ozone Layer (Pandaigdigang Araw para sa Pagpapanatili ng Ozone Layer). Ang tema na inihayag ng UN Environment Program for International Day for the Preservation of the Ozone Layer 2022 ay 'Global Cooperation Protecting Life on Earth'

Napakahalaga na protektahan ang buhay. Buhay ng tao, hayop, halaman at daigdig. At isa sa mga paraan ay ang hadlangan ang pagkabutas pa ng ozone layer. Ibig sabihin, ang mga dahilan ng pagkabutas nito ay huwag nating hayaang magpatuloy. Kaya nakikiisa ang KPML sa panawagang gumamit na ng renewable energy, at iwanan na ang pagsusunog ng fossil fuel at coal plants para sa enerhiya.

Dahil sinasala ng ozone layer ang karamihan sa mapaminsalang ultra-violet radiation mula sa araw, ang pagkilos na ito ay nagpoprotekta sa milyun-milyong tao mula sa kanser sa balat at katarata. Pinahintulutan nito ang mahahalagang ekosistema na mabuhay at umunlad. Pinabagal nito ang pagbabago ng klima: kung hindi ipinagbawal ang mga kemikal na nakakasira ng ozone, titingnan natin ang isang sakuna na pagtaas ng temperatura sa buong mundo na tinatayang 2.5°C pagsapit ng 2100.

Noong 1987, nagpulong sa Montreal ang mga kinatawan mula sa 24 na bansa at inihayag sa mundo na oras na upang ihinto ang pagsira sa ozone layer. Sa paggawa nito, ang mga bansang ito ay nangako sa kanilang sarili, sa pamamagitan ng Montreal Protocol on Substances that Deplete the Ozone Layer, na alisin sa mundo ang mga substance na nagbabanta sa ozone layer.

Noong 19 Disyembre 1994, idineklara ng UN General Assembly ang Setyembre 16 bilang International Day for the Preservation of the Ozone Layer, na ginugunita ang petsa kung kailan nilagdaan ang Montreal Protocol on Substances that Deplete the Ozone Layer noong 1987. Ang araw ay unang ipinagdiwang noong Setyembre 16, 1995.

Ang araw na ito ay pagpapaalala sa atin na dapat nating patuloy na alagaan ang ating kalikasan, lalo na ang ozone layer na sumasala sa radyasyon ng araw upang hindi tayo magkasakit. Patuloy tayong manindigan para sa ating kalikasan at protektahan ang ating daigdig para sa mga susunod na henerasyon.

Huwebes, Setyembre 15, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Democracy

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF DEMOCRACY
Setyembre 15, 2022

Ang demokrasya nga ba'y ano? At bakit dapat ipagdiwang ang International Day of Democracy (Pandaigdigang Araw ng Demokrasya), kung ang nangingibabaw pa rin ay pang-aapi at pagsasamantala ng tao sa tao, lalo na sa panahong ito ng pag-iral ng neoliberalismo at lipunang kapitalismo?

May agam-agam ang maralita kung ang demokrasyang tinatamasa natin ay kalayaan lamang bumoto pag eleksyon? Kalayaang pumasok sa trabaho upang bumalik lamang kinabukasan kahit biktima ng kontraktwalisasyon?

Noong 2007, nagpasya ang United Nations General Assembly na ipagdiwang ang Setyembre 15 bilang International Day of Democracy, na layuning itaguyod ang mga prinsipyo ng demokrasya, at inimbitahan ang lahat ng miyembrong estado at organisasyon na gunitain ang araw sa isang naaangkop na paraan na nag-aambag sa pagtataas ng kamalayan ng publiko, habang ang mga demokrasya ay may mga karaniwang katangian, walang iisang modelo ng demokrasya at ang demokrasya ay hindi pag-aari ng alinmang bansa o rehiyon... Ayon pa sa UN, ang demokrasya ay isang unibersal na kahalagagan batay sa malayang pagpapahayag ng kagustuhan ng mga tao upang matukoy ang kanilang sariling pampulitika, pang-ekonomiya, mga sistemang panlipunan at kultural, at ang kanilang buong partisipasyon sa lahat ng aspeto ng buhay.

May ilang nagsasabing ang depinisyon ng demokrasya ay makikita sa Gettysburg speech ni Pangulong Abraham Lincoln ng Amerikam nang kanyang binanggit ang "government OF the people, BY the people, FOR the people" na sana nga'y nangyayari sa kasalukuyan. At hindi sana "government OFF the people, BUY the people, FOOL the people" na kadalasang nangyayari ngayon, lalo sa panahon ng pamamayagpag ng political dynasties sa ating bansa.

Mahigpit na naninindigan ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na ang tunay na demokrasya, na mula sa salitang Griyegong demos (mamamayan) at kratia (kapangyarihan, pamumuno), ay dapat pagsasakapangyarihan ng mamamayan. Ibig sabihin, dapat walang laksang naghihirap habang may mayayamang iilan lang walang naghaharing oligarkiya at dinastiyang pulitikal, hindi umiiral ang mga parasite o lintang manpower agency, tinatamasa ng manggagawa ang living wage, may sosyalisadong pabahay para sa maralita na hindi nakabatay sa market value, at natatamasa ng simpleng mamamayan ang hustisyang panlipunan. Hangga't naghahari ang iilan at mayorya ay naghihirap, hindi tunay na demokrasya ang umiiral.