PAHAYAG NG KPML SA WORLD HOMELESS DAY
Oktubre 10, 2022
DISENTE, MATIBAY AT ABOTKAYANG PABAHAY, IPATUPAD!
6M+ HOUSING BACKLOG, TUGUNAN, LUTASIN!
ON-SITE AT IN-CITY RELOCATION, ISABATAS! IPATUPAD!
PAMPUBLIKONG PABAHAY, PAG-USAPAN AT ISABATAS!
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa World Homeless Day o Pandaigdiogang Araw ng Kawalan ng Tahanan. Sa ating bansa, kayraming walang matatawag na tahanan, tulad ng inilarawan ni Gary Granada sa kanyang awiting "Bahay" kung saan "labinlimang mag-anak ang nagsisiksikan sa tagpi-tagping barungbarong". Kayrami ring natutulog lang sa kariton na ginawa nilang tahanan.
Tinataya ng Philippine Statistics Agency (PSA) na humigit-kumulang 4.5 milyong Pilipino ang walang tirahan mula sa 106 milyong kabuuang populasyon ng Pilipinas. Karamihan sa mga walang tirahan na mamamayang ito ay nakatira sa mga lansangan at eskinita ng kabisera ng Maynila. Grabe! Capital City of Manila, kung saan naroon ang Malakanyang, ay napakaraming walang tahanan! Bakit ganito? Parang wala talagang ginagawa ang pamahalaan!
Marami ang nawalan ng tahanan, hindi lang dahil sa kahirapan at taas ng upa sa pabahay, kundi mga nasalanta ng matitinding bagyo, pagguho ng lupa, at iba pang kalamidad. Ang iba ay biktima naman ng demolisyon, na walang negosasyon at walang relokasyon. Ayon sa Habitat for Humanity, "Tinatayang nasa 150 milyong katao sa buong daigdig ang walang tahanan at 1.6 Bilyong tao sa buong mundo ang naninirahan sa hindi sapat na pabahay.
Ayon naman sa website ng Habitat for Humanity - Philippines, "Ang kakulangan ng sapat na pabahay ay makikita bilang malaking bahagi ng hindi pagkakapantay-pantay sa Pilipinas. Ang napakalaking backlog ng pabahay ay inaasahang aabot sa 6.57 milyong yunit sa 2022; kapag hindi natugunan, ang depisit ay maaaring lumaki sa 22 milyong mga yunit sa 2040, ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). Sa Metro Manila, mahigit 4 na milyong Pilipino ang naninirahan sa mahihirap na kondisyon ng pabahay, na pinalala ng pandemya ng COVID-19 at mga sakuna. (malayang salin ng KPML mula sa Ingles)"
Ang konsepto ng 'World Homeless Day' ay lumitaw mula sa talakayan sa pagitan ng mga taong nagtatrabaho upang tumugon sa kawalan ng tirahan mula sa iba't ibang bahagi ng mundo. Itinakda ang World Homeless Day sa ika-10 ng Oktubre 2010. Mula nang itatag ang World Homeless Day, inaalala na ito, ngunit hindi dapat ipagdiwang sa maraming bansa.
Ang layunin ng World Homeless Day ay bigyang pansin ang mga pangangailangan ng mga taong nakakaranas ng homelessness sa lokal at magbigay ng mga pagkakataon para sa komunidad na makibahagi sa pagtugon sa homelessness, habang sinasamantala ang yugtong ibinibigay ng 'international day' - upang wakasan ang kawalan ng tirahan sa pamamagitan ng pinahusay na patakaran at pagpopondo.
Ang kawalan ng tirahan ay isang mahirap na paksang dapat talakayin nang wasto, lalo na't ang pabahay ang isa sa mga karapatang pantao, na nakasaad sa Universal Declaration of Human Rights (UDHR) noong 1948, at sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights!
Isa sa mga pinag-aaralan at itinataguyod ng KPML ay ang konsepto ng public housing, kung saan ang mismong pamahalaan ng Pilipinas ang magbibigay ng pabahay sa mga walang tahanan, pabahay na hindi namamana kundi gagamitin ng tao hangga't siya'y tao at buhay pa. Kung lilipat ng trabaho ang isang manggagawa sa malayong lugar, ibibigay niya ang kanyang pabahay sa isang manggagawang malapit doon ang trabaho, habang bibigyan siya muli ng pamahalaan ng pabahay malapit sa lugar na pinagtatrabahuhan niya.
Pinaghalawan:
https://en.wikipedia.org/wiki/Homelessness#Philippines
https://maritimefairtrade.org/homeless-jobless-pandemic-philippine/
https://newsd.in/world-homeless-day-2022-date-history-and-impact-of-homelessness/
http://www.worldhomelessday.org/
https://www.servethecity.net/events/world-homeless-day-2020/
https://www.habitat.org/where-we-build/philippines
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento