PAHAYAG NG KPML SA WORLD HABITAT DAY
Oktubre 3, 2022
PANGALAGAAN ANG MGA BUNDOK, GUBAT, DAGAT,
AT TAHANAN NG MGA HAYOP, IBON, ISDA, MGA
ENDANGERED SPECIES, AT IBA PANG ORGANISMO!
PROTEKTAHAN ANG MGA LUPAING NINUNO
AT TAHANAN NG MGA KATUTUBO!
PUBLIC HOUSING PARA SA MANGGAGAWA'T MARALITA!
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagkilala at pag-alala sa World Habitat Day o Pandaigdigang Araw ng Paninirahan.
Ayon sa UP Diksyonaryong Filipino, pahina 420, ang habitat ay "katutubong tahanan ng isang organismo o hayop." Ayon naman sa Webster's Dictionary, ang habitat ay "a. the place or environment where a plant or animal naturally or normally lives and grows; b: the typical place of residence of a person or a group; c: a housing for a controlled physical environment in which people can live under surrounding inhospitable conditions (as under the sea).
Kaya ang habitat ay hindi lamang tumutukoy sa katutubong tahanan ng isang organismo o hayop, kundi sa mga tao rin, lalo na yaong mga dukhang walang tahanan. May nabuo ngang grupong Habitat for Humanity, na ang layunin ay pagtatayo ng mga pabahay para sa mga walang tahanan. Ayon sa Habitat for Humanity Philippines, layunin nilang alisin ang mga pamilyang Pilipino na may mababang kita mula sa masikip, hindi malusog na kondisyon ng pamumuhay o displacement sa mga kalunsuran sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng disenteng tirahan sa malusog na komunidad.
Noong 1985, itinalaga ng United Nations ang unang Lunes ng Oktubre bawat taon bilang World Habitat Day. Ang ideya ay pagnilayan ang kalagayan ng ating mga bayan at lungsod at ang pangunahing karapatan ng lahat sa sapat na tirahan. Nilalayon din nitong ipaalala sa mundo ang kolektibong responsibilidad nito para sa kinabukasan ng tirahan ng tao.
Unang ipinagdiwang ang World Habitat Day noong 1986 na may temang "Shelter is My Right". Ang Nairobi ang host city para sa pagdiriwang noong taong iyon. Kasama sa iba pang mga nakaraang tema ang: "Shelter for the Homeless" (1987, New York); "Shelter and Urbanization" (1990, London); "Mga Lungsod sa Hinaharap" (1997, Bonn); "Safer Cities" (1998, Dubai); "Mga Babae sa Pamamahala sa Lungsod" (2000, Jamaica); “Cities without Slums” (2001, Fukuoka), “Water and Sanitation for Cities” (2003, Rio de Janeiro), “Planning our Urban Future” (2009, Washington, D.C.), “Better City, Better Life” (2010, Shanghai, China) at Cities and Climate Change (2011, Aguascalientes, Mexico).
Ayon naman kay Ka Kokoy Gan, pambansang pangulo ng KPML, nais ng KPML na maipatupad ang isang konsepto ng Public Housing o pampublikong pabahay sa ating bansa, sa konsepto ng pagkilala sa karapatan sa pabahay ng lahat, kung saan maglalaan ang pamahalaan ng mga disente at sapat na pabahay sa mga walang tahanan, nang may kumpletong serbisyong panlipunan. Ang pampublikong pabahay, na tinutustusan ng pamahalaan, ay magbibigay ng mga tahanan sa mga taong kumikita nang kaunti kaysa sa karaniwang pambansang kita, at sa mga maralitang nabubuhay lang sa kakarampot na kita dahil sa diskarte, tulad ng paglalako ng mga paninda.
Dagdag pa, ang mga bahay ng mga katutubo ay hindi dapat wasakin sa ngalan daw ng kaunlaran, tulad ng mapaminsalang pagbuldoser ng mga bundok at pagmimina, na winawasak din ang tahanan ng mga hayop at iba pang endangered species. Kaya ang pangangalaga sa kalikasan ay kaakibat din ng World Species Day.
Mga Pinaghalawan:
UP Diksiyonaryong Filipino
https://www.merriam-webster.com/dictionary/habitat
https://www.un.org/en/observances/habitat-day
https://www.habitat.org.ph/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento