PAHAYAG NG KPML SA WORLD DAY AGAINST DEATH PENALTY
Oktubre 10, 2022
HUWAG IBALIK ANG PARUSANG KAMATAYAN!
RESTORATIVE JUSTICE AY PAIRALIN!
"at ang hustisya ay para lang sa mayaman..."
~ ayon sa awiting TATSULOK ng Buklod
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa World Day Against Death Penalty o Pandaigdigang Araw Laban sa Parusang Kamatayan.
Panahon pa ng Lipunang Alipin ay may parusang kamatayan na, dahil hindi naman itinuturing na tao ang mga alipin, kundi pag-aari ng panginoong may-alipin na kung nais nitong patayin ay maaari na. Panahon din ng mga Romano ay may death penalty lalo na sa mga nagkasala, kung saan isang paraan ang ipako sa kurus, tulad ng ginawa kina Dimas, Hestas at Hesus. Panahon ng mga hari, tulad ng pagbitay kay Haring Louis XVI sa Pransya sa pamamagitan ng gilotin. Ang pagbitay ng mga Amerikano sa rebolusyonaryo at bayaning si Gat Macario Sakay ng Katipunan.
Subalit nitong Marso 2, 2021, pinagtibay ng House of Representatives ang House Bill No. 7814, na nagpapahintulot sa parusang kamatayan sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 – ang pangalawang panukalang batas sa loob ng limang taon na nagmumungkahi ng pagbabalik sa parusang kamatayan na ipinasa sa Senado. Ngunit nabawasan ang suporta mula sa mga Senador na dati'y umaayon sa death penalty, kaya nababawasan ang panganib ng pagbabalik ng parusang kamatayan.
Hindi patas ang parusang kamatayan dahil napapaboran na naman nito ay ang mga mayayaman. Parehong nasentensyahan ng korte ng panggagahasa ng bata ang mahirap na si Leo Echegaray at ang mayamang kongresistang si Romeo Jalosjos. Si Echegaray ay nabitay, si Jaloslos ay nakulong, nakalaya, at nakatakbo muli bilang Kongresista. Kamakailan lang ay ikinulong ang isang matandang otsenta anyos na nagnakaw umano ng sampung kaing na mangga, subalit si Imelda Marcos na nakasuhan ng seven counts of graft ay hindi ikinulong. Nagpapatunay lang sa katotohanan sa isang liriko sa awiting Tatsulok, "at ang hustisya ay para lang sa mayaman."
Hindi makatao sa kasalukuyang panahon ang parusang kamatayan, lalo na't may tinatawag na restorative justice. Ang Restorative Justice (o Pagpapanumbalik ng Katarungan) ay isang proseso kung saan ang mga nagkasalang nagsisisi na'y tumatanggap ng responsibilidad para sa kanilang maling ginawa, lalo na sa kanilang mga biktima at sa komunidad. Lumilikha ito ng obligasyon na gawing tama ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng mga biktima, ng mismong nagkasala sa batas, at ng komunidad sa paghahanap ng mga solusyon na nagtataguyod ng pagsasaayos, pagkakasundo at pagtitiyak. Kaya, ang proseso ng restorative justice ay aktibong nilalahukan ng biktima, ng nagkasala, at/o sinumang indibidwal o miyembro ng komunidad na apektado ng krimen upang malutas ang mga salungatan na nagreresulta mula sa kriminal na pagkakasala, kadalasan sa tulong ng isang patas at walang kinikilinganG ikatlong partido.
Ayon sa datos na inilabas ng Amnesty International, sa ngayon ay inalis ng 110 bansa ang parusang kamatayan para sa lahat ng krimen; 7 bansa ang nag-alis ng parusang kamatayan para sa mga krimen sa karaniwang batas. Gayunpaman, ang limang pangunahing bansang maraming binitay sa mundo noong 2021 ay China, Iran, Egypt, Saudi Arabia, at Syria. Habang 28,670 indibidwal naman ang nasa ilalim ng sentensiyang kamatayan sa buong mundo sa pagtatapos ng 2021.
Dahil sa mga ito, ang KPML ay naninindigang hindi na dapat maibalik ang parusang kamatayan.
Pinaghalawan:
https://worldcoalition.org/campagne/20th-world-day-against-the-death-penalty/
https://www.pgaction.org/ilhr/adp/phl.html
https://probation.gov.ph/restorative-justice/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento