Biyernes, Oktubre 7, 2022

Pahayag ng KPML sa World Day for Decent Work

PAHAYAG NG KPML SA WORLD DAY FOR DECENT WORK
Oktubre 7, 2022

DISENTENG TRABAHO PARA SA LAHAT!
LIVING WAGE, IPATUPAD!
DIGNIDAD NG PAGGAWA, IPAGLABAN!
KONTRAKTWALISASYON, WAKASAN!

"How I wish everyone had decent work! It is essential for human dignity." - Pope Francis

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa World Day for Decent Work o Pandaigdigang Araw para sa Disenteng Trabaho tuwing Oktubre 7.

Ang araw na ito ay inilunsad ng International Trade Union Confederation (ITUC) noong 2008, kung saan ang mga tao mula sa mahigit 100 bansa ay nakikilahok sa mga aktibidad na ipinagdiriwang ang tagumpay ng mga unyon ng manggagawa, at pinararangalan ang gawain ng mga taong nagsakripisyo para sa ating mga demokratikong karapatan at kalayaan ngunit gayundin ang mga patuloy na nagsisikap ngayon upang itaguyod ang mga progresibong layunin upang makinabang ang lahat sa ating lipunan sa halip na ang mga piling tao na 1 porsyento lamang.

Ang disenteng trabaho ay trabahong "iginagalang ang pangunahing karapatan ng tao gayundin ang  karapatan ng mga manggagawa sa mga kondisyon ng kaligtasan at suweldo sa paggawa, paggalang sa pisikal at mental na integridad ng manggagawa sa pagsasagawa ng kanyang trabaho." Ang disenteng trabaho ay inilalapat sa parehong pormal at impormal na sektor. Dapat nitong tugunan ang lahat ng uri ng trabaho, mamamayan at pamilya. Ayon sa International Labor Organization (ILO), ang disenteng trabaho ay kinabibilangan ng mga pagkakataon para sa trabahong produktibo at naghahatid ng patas na kita, seguridad sa lugar ng trabaho at panlipunang proteksyon para sa mga pamilya, mas magandang pagkakataon para sa personal na pag-unlad at panlipunang integrasyon, kalayaan para sa mga tao na ipahayag ang kanilang alalahanin, ayusin at lumahok sa mga desisyon na nakakaapekto sa kanilang buhay at pagkakapantay-pantay ng pagkakataon at pagtrato para sa lahat ng babae at lalaki.

Ang mga unyon ng manggagawa, pederasyon ng unyon at iba pang asosasyon ng manggagawa ay bumuo ng kanilang mga aksyon upang isulong ang ideya ng disenteng trabaho. Iba-iba ang mga aksyon mula sa mga demonstrasyon sa kalye hanggang sa mga kaganapan sa musika o mga kumperensya na ginanap sa maraming bansa. Ika nga, ang disenteng trabaho ay nasa puso ng paghahanap ng dignidad para sa indibidwal, katatagan para sa pamilya at kapayapaan sa komunidad. Kaalinsabay ng pagkakaroon ng disenteng trabaho ang pagbibigay ng nakabubuhay na sahod sa manggagawa.

Kung nais natin ay disenteng trabaho, dapat ang mga manggagawa ay hindi kontraktwal o biktima ng salot na kontraktwalisasyon. Walang disenteng trabaho hangga't kontraktwal ang manggagawa. Dapat mawala ang mga manpower agencies na pawang mga parasite o linta dahil wala naman silang ambag sa produksyon subalit kumukubra ng limpak sa mga kapitalista!

Kaya ang KPML ay nakikiisa sa uring manggagawa sa panawagan ng disenteng trabaho para sa lahat dahil ang may disenteng trabaho ay katumbas ng pagkakaroon ng dignidad, wakasan ang kontraktwalisyon at manpoweragencies, lalo na ang pagkakaroon ng disenteng trabaho para sa mga walang trabahong maralita.

Pinaghalawan:
https://www.ituc-csi.org/7-october-wddw-2021
https://moveuptogether.ca/the-latest/october-7-marks-11th-annual-world-day-for-decent-work/
https://en.wikipedia.org/wiki/Decent_work#

Walang komento: