Linggo, Oktubre 2, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Non-Violence

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF NON-VIOLENCE
Oktubre 2, 2022

KATARUNGAN, HINDI KARAHASAN! 
KARAPATANG PANTAO, RESPETUHIN!
HUSTISYA KAY ALDRIN CASTILLO, 
AT SA LAHAT NG BIKTIMA NG EJK!
ICC, MAGPATULOY SA IMBESTIGASYON!
KASUHAN NG CRIME AGAINST HUMANITY ANG DAPAT KASUHAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa International Day of Non-Volence o Pandaigdigang Araw ng Kawalan ng Karahasan tuwing Oktubre 2, kasabay ng kaarawan ni Mahatma Gandhi, pinuno ng Indian independence movement at pioneer ng pilosopiya at istratehiya ng non-violence.

Ayon sa General Assembly resolution A/RES/61/271 ng 15 June 2007, na nagtatag ng paggunita, ang International Day ay isang okasyon para "ipalaganap ang mensahe ng walang karahasan, kabilang ang sa pamamagitan ng edukasyon at kamalayan ng publiko". Ang resolusyon ay muling pinagtitibay "ang unibersal na kaugnayan ng prinsipyo ng di-karahasan" at ang pagnanais na "matiyak ang isang kultura ng kapayapaan, pagpaparaya, pag-unawa at walang karahasan".

Oktubre 2, 2017, kasabay ng International Day of Non-Violence, ay marahas na pinaslang si Aldrin Castillo, na biktima ng War on Drugs ni dating Pangulong Duterte. Ayon sa kanyang inang si Nanette, hindi niya maubos-maisip bakit ang kanyang anak ay pinaslang, gayong hindi naman adik, kundi mabuting anak si Aldrin. Ang sigaw ng maraming ina, katarungan! Hustisya sa kanilang mga anak na pinaslang!

Napakarami ng napapaslang, ayon sa Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA). Ayon sa ulat ng Rappler noong Setyembre 2020, nasa 7,884 drug suspects ang napatay ng pulisya mula nang maupo si Duterte sa pwesto hanggang Agosto 31, 2020. Ayon sa datos ng gobyerno, 6,229 katao ang napatay sa mga operasyon kontra droga ng pulisya mula Hulyo 1, 2016, hanggang Enero 31, 2022. Hindi kasama sa bilang na ito ang mga biktima ng vigilante-style killings, na tinatantya ng mga human rights group na nasa pagitan ng 27,000 at 30,000. Sa mga pangyayaring ito, dapat may managot! Maraming ina ang lumuluha, maraming pamilya ang naghahanap ng hustisya! 

Dapat patuloy na mag-imbestiga ang International Criminal Court (ICC) hinggil sa mga kasi ng extrajudicial killings, o pag-salvage, o pagrampa sa mga inosenteng biktima kaugnay sa War on Drugs.

Para sa KPML, ngayong paggunita sa International Day of Non-Violence, dapat nang matigil ang mga pagpaslang sa ngalan ng War on Drugs, at dapat managot ang mga taong pumatay sa mga inosenteng walang kalaban-laban! Dapat nang matigil ang mga karahasan!

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/non-violence-day
https://paalam.org/homepage/victims/aldrin-castillo/
https://www.dailymail.co.uk/news/article-4940670/Church-protect-Philippine-officers-talk-drug-killings.html
https://newsinfo.inquirer.net/1664962/crimes-against-humanity-justice-out-of-reach-for-ejk-victims-in-ph-drug-war
https://humanrightsmeasurement.org/extrajudicial-killings-in-the-philippines/
https://idpc.net/alerts/2022/04/philippines-lack-of-accountability-paves-way-for-more-killings-in-duterte-drug-war-amnesty-international

Walang komento: