Miyerkules, Oktubre 5, 2022

Pahayag ng KPML sa World Teachers' Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD TEACHERS' DAY
Oktubre 5, 2022

PAGPAPAHALAGA SA DIGNIDAD 
ANG TUNAY NA DIWA NG 
PANDAIGDIGANG ARAW NG MGA GURO

"Igalang ang mga gurong nagpapamulat ng isip pagkat kung utang sa magulang ang pagiging tao ay utang naman sa nagturo ang pagpapakatao." - Gregoria "Oriang" De Jesus, ang Lakambini ng Katipunan, at naging asawa ni Supremo Gat Andres Bonifacio

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng kaguruan sa pagdiriwang ng World Teachers' Day o Pandaigdigang Araw ng mga Guro. Hindi ba't ang mga guro ang ikalawang magulang ng mga mag-aaral o estudyante? At sa kaibuturan ng bawat paaralan ay ang guro ang siyang gabay na nagpapalusog sa isip, puso, at diwa ng bawat mag-aaral ng kaalaman at karunungan?

Ang World Teachers' Day, na kilala rin bilang International Teachers Day, ay  pandaigdigang araw na ginaganap taun-taon tuwing Oktubre 5. Itinatag noong 1994, ginugunita nito ang paglagda sa 1966 UNESCO/ILO Recommendation tungkol sa Status of Teachers, na isang standard-setting instrument na tumutugon sa katayuan at sitwasyon ng mga guro sa buong mundo. Binabalangkas ng rekomendasyong ito ang mga pamantayan na may kaugnayan sa patakaran sa mga tauhan ng edukasyon, recruitment, at paunang pagsasanay pati na rin ang patuloy na edukasyon ng mga guro, kanilang trabaho, at mga kondisyon sa pagtatrabaho. Ang World Teachers' Day ay naglalayon na tumuon sa "pagpapahalaga, pagtatasa at pagpapabuti ng mga tagapagturo ng mundo" at upang magbigay ng pagkakataong isaalang-alang ang mga isyu na may kaugnayan sa mga guro at pagtuturo.

Subalit ayon sa Teachers Dignity Coalition, "nanatiling nakikipaglaban ang mga guro sa Pilipinas para sa makatarungang suweldo, karagdagang benepisyo, maayos na kalagayan sa trabaho, mapagkalingang mga polisiya at iba pang mga kaalwanan na malaon nang naisatitik ng UNESCO-ILO at mismong ng Magna Carta. Sa bagong administrasyon ngayon, hindi pa rin nag-iiba ang mga hinaing ng ating mga guro- mababang pasahod, sobrang bigat na trabaho, kawalan ng mga benepisyong pangkalusugan at iba pang non-wage benefits, hindi makatarungang mga polisiya ng GSIS, hindi patas na merit and promotion system, kawalan ng suporta sa pagtuturo at kakulangan sa pondo ng sektor ng edukasyon." 

Para sa amin sa KPML, dapat ibigay ng pamahalaan ang nararapat para sa ating mga guro - maayos na kalagayan sa pagtuturo, mataas na sahod, benepisyo at insentibo. Sabi nga ng TDC, "Ang tunay na diwa ng World Teachers’ Day ay ang pagpapahalaga sa Dignidad." 

Ano nga ba ang dignidad o dignity. Ayon sa diksyunaryo, "the state or quality of being worthy of honor or respect (o ang estado o kalidad ng pagiging karapat-dapat sa karangalan o paggalang);" "a sense of pride in oneself; self-respect (o isang pakiramdam ng pagmamalaki sa sarili; paggalang sa sarili." Tulad din naming mga maralita, hindi kami dapat basta itinataboy sa mga tahanan pag may pwerdahang demolisyon (dapat dumaan sa tamang proseso nang walang nasasaktan), hindi dapat nananatiling nahihirapan (patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa sistemang neoliberalismo na pahirap sa sambayanan). Ang dignidad ng bawat tao ay dapat pahalagahan! Ayon nga kay Gat Emilio Jacinto sa kanyang akdang Liwanag at Dilim, "Iisa ang pagkatao ng lahat!" at sa Kartilya ng Katipunan, "Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigtan sa pagkatao."

Mabuhay ang mga guro! Kaisa ninyo kami sa inyong ipinaglalaban!

Pinaghalawan:
https://en.wikipedia.org/wiki/World_Teachers'_Day
https://www.facebook.com/teachers.dignity/
https://kaoriang.blogspot.com/2008/11/mga-tala-ng-aking-buhay-ni-gregoria-de.html

Walang komento: