Miyerkules, Oktubre 5, 2022

Pahayag ng KPML sa pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid

PAHAYAG NG KPML SA PAGPASLANG SA MAMAMAHAYAG NA SI PERCY LAPID
Oktubre 5, 2022

KATARUNGAN KAY KA PERCY LAPID! 
KATARUNGAN SA LAHAT NG MAMAMAHAYAG 
NA PINASLANG! TIGILAN NA ANG
KULTURA NG IMPUNIDAD! STOP EJK!

Mahigpit na kinokondena ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang pagpaslang sa matapang na kritiko at komentarista sa radyo na si Percival Mabasa, na mas kilala sa Percy Lapid.

Bilang komentarista ng DWBL, kilala si Ka Percy sa pagiging matapang na kritiko laban sa katiwalian sa gobyerno, extrajudicial killings, mga dinastiya at warlords. Tinindigan niya ang laban para sa demokrasya at mabuting pamahalaan. Habang tinutuligsa rin niya ang mga Marcos at Duterte sa mga maling gawain nito. Ayon sa ilang inihayag sa midya, sinabi diumano ni Ka Percy noong nabubuhay pa, "Hindi tayo nang-aaway. Pinupuna natin ang kanilang mali upang maitama."

Matindi siyang kritiko ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos at ng kanyang hinalinhan na si Rodrigo Duterte. Siya ang host ng radio program na Lapid Fire sa DWBL kung saan niya tinutugunan ang mga kaso ng katiwalian. Ibinunyag niya ang mga iregularidad hinggil sa inalis na Sugar Order No. 4 ng Sugar Regulatory Administration sa gitna ng krisis sa asukal. Ang iskandalo na kinaharap ng administrasyong Marcos ay humantong sa pagbibitiw ni executive secretary Vic Rodriguez noong Setyembre 2022.

Ayon sa balita, "Napatay si Percy Lapid noong Oktubre 3, 2022 bandang 8:30 ng gabi nang siya ay nagmamaneho pauwi sa BF Resort Village, isang gated community sa Las Piñas. Nagkatrapik sa gate malapit sa Aria Street sa Barangay Talon 2 dahil ang mga sasakyang dumadaan ay sinisiyasat para sa sticker na kailangan para makapasok sa subdivision. Isang motorsiklo na may dalawang tao ang lumapit sa kanyang sasakyan, pagkatapos ay nagpaputok ng dalawang beses kay Lapid ang pamamaril na humantong sa agarang pagkamatay ng mamamahayag. Ang kanyang sasakyan ay nasa 50 metro (160 piye) mula sa gate nang mangyari ang insidente."

Siya ang pangatlong mamamahayag sa Pilipinas na pinatay nitong 2022 ayon sa datos ng UNESCO at ang pangalawa sa panahon ng pamumuno ni Bongbong Marcos ayon sa National Union of Journalists of the Philippines o NUJP.

Ang karumal-dumal na pagpaslang na ito ay dapat agarang malutas at mabigyan ng katarungan ang pamilya ng napaslang na mamamahayag. Ang ganitong krimen ay dapat walang lugar sa isang demokrasya, at hindi na dapat umiral ang ganitong kawalanghiyaan na mas umiral sa panahon ng administrasyong Duterte na maraming pinaslang dahil sa gera sa droga.

Katarungan kay Ka Percy Lapid! Katarungan sa lahat ng mga mamamahayag na pinaslang! Katarungan sa lahat ng biktima ng extrajudicial killings! Stop EJK!

Pinaghalawan:
https://ptvnews.ph/broadcast-commentator-percy-lapid-shot-dead-in-las-pinas/
https://www.nytimes.com/2022/10/04/world/asia/percy-lapid-philippines-murder.html
https://en.wikipedia.org/wiki/Killing_of_Percy_Lapid

Walang komento: