Sabado, Oktubre 8, 2022

Pahayag ng KPML sa ikasandaang araw ni BBM sa pwesto

PAHAYAG NG KPML SA IKASANDAANG ARAW NI BBM SA PWESTO
Oktubre 8, 2022

MASA, BUTATA! MAYAMAN, TIBA-TIBA!
PATAKARANG NEOLIBERALISMO, WAKASAN!

Ngayong Oktubre 8 ang ikasandaang araw ni BBM sa pwesto bilang pangulo, subalit may nagawa na nga ba upang maibsan ang kahirapan ng mga Pilipino? Naging P20 na ba ang bigas gaya ng ipinangako ng bagong pangulo noong kampanyahan? Sabagay, 100 araw pa lang naman. Isandaang araw pa lang, subalit kinakikitaan na natin ito ng hindi magandang tinatahak para sa sambayanang Pilipino.

Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Presyo ay pataas ng pataas. Ang panawagan namin: Presyo Ibaba! sahod Itaas! upang makasabay naman ang mamamayan sa nagaganap na ito. Marahil, mapapababa lamang ang presyo ng mga bilihin kung ang pakanang neoliberalismo ay mawawakasan. Dahil hangga't neoliberalismo ang niyayakap na patakaran ng pamahalaan, patuloy ang pagyaman ng kakarampot na mayayaman, habang patuloy na paghihirap at karukhaan ng mayorya ng mamamayan sa ating bansa.

Bagamat nakamit ng mga manggagawa sa sama-samang pagkilos ang P570 minimum wage ngayong taon para sa National Capital Region (NCR) mula sa dating P537, patuloy pa ring mababa ang mga sahod ng manggagawa sa mga probinsya. Kaya ang panawagan natin, buwagin ang Regional Wage Board upang maging pantay ang sahod ng manggagawa sa buong bansa. Dahil ang presyo ng mga bilihin sa NCR ay hindi naman nalalayo sa presyo ng bilihin sa Mindanao, Visayas, at sa iba pang probinsya!

Patuloy pa rin ang pamamayagpag ng salot na kontrakrwalisasyon dahil sa pag-iral ng mga manpower agencies na linta o parasite! Wala naman silang ambag sa produksyon subalit kumukubra ng limpak mula sa mga kapitalista, at hindi nareregular ang mga manggagawa sa mismong pinagtatrabahuhan nila. Regular daw sila sa manpower agency nila, na malaking kahunghangan!

Binagyo rin tayo ng matindi kung saan marami ang nasalanta at nasirang ari-arian at pananim ng mga magsasaka. Subalit hindi natin nakita ang magandang plano kung paano ba mabibigyan ng tamang tulong ang mga magsasaka.

Wala ring napabalitang iuulat si BBM sa ikasandaang araw niya sa pwesto, lalo na matapos siyang punahin sa kanyang panonood ng F1 race sa Singapore. Tumindi pa ang pagbaba ng halaga ng piso na umabot na sa P59 kontra US dollar.

Hinggil naman sa isyu ng pabahay, hanggang salita pa lamang at wala pang kongretong plano tayong nakikita. Kung tatanungin ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), dapat ipatupad ang isang komprehensibong Public Housing o pampublikong pabahay para sa mamamayan.

Gayunpaman, naniniwala ang KPML na kung hindi mareresolba ang mga krisis na ito ay baka lalo pa tayong pulutin sa kangkungan. Isang magandang paalala ang nangyaring community pantry noong pandemya, na kung pangungunahan lamang ng pamahalaan ay baka mas makinabang ang maraming maralita. Kung magkakaroon din ng trabaho ang mga maralita, baka mas maiangat pa ang buhay ng maralita mula sa kumunoy ng kahirapan! Mas madadagdagan ang trabaho kung gagawing anim na oras ang paggawa mula sa otso oras na paggawa, upang ang natitirang dalawang oras ay ibigay sa maralita. Kung sa 24 oras ay may tatlong manggagawang tigwawalong oras na trabaho, kung magiging 6 na oras na ang trabaho, magiging apat na manggagawa na sa loob ng 24 oras ang nagtatrabaho, dahil ang isang anim na oras ay naibigay sa maralita.

Ang mga ito ang dapat tugunan ng pamahalaang BBM sa mga susunod na araw, buwan, at taon upang makinabang ang lahat, hindi lang iilan. Subalit sa ngayon, ang nakikita natin sa ikasandaang araw niya sa pwesto: ang masa ay butata, habang ang mayayaman ay tiba-tiba!

Walang komento: