Sabado, Nobyembre 21, 2009

polyeto - Ang Pabahay ay Dignidad

ANG PABAHAY AY DIGNIDAD!

ITIGIL ANG MGA PWERSAHANG DEMOLISYON MULA SA DANGER ZONE PATUNGO SA DEATH ZONE!

PAKIKIPAGKAPWA-TAO, HINDI PANDARAHAS SA MGA MARALITA!

Lagi na lang sinisisi ang mga maralita. Lagi na lang. Lalo na nitong nagdaang bagyong Ondoy. Ang mga maralita ang dahilan kuno kung bakit nagbaha. Ayaw sisihin ng gobyerno ang mga dam na nagpakawala ng tubig. Ang mga maralita ang nakatira sa mga ilog kaya posibleng sila ang nagtatapon ng mga dumi sa ilog. Ayaw sisihin ang mga pabrika at sasakyang pandagat na nagtatapon ng mga basura, lalo na sa Ilog Pasig. Kaya daw nagbaha ng matindi ay dahil sa iskwater. Dahil sa mga dukha. Anong kalokohan ang mga dahilan nilang ito. Mga hunghang!

Nakasilip ng butas ang gobyerno kung paano nga ba mapapaalis ang mga iskwater na sadyang masasakit sa kanilang mga mata. Sunud-sunod ang demolisyon ng iba’t ibang mga lugar ng maralita sa Kamaynilaan sa ngalan umano ng kaunlaran at makataong tirahan. Hindi raw nararapat tumira ang mga maralita sa danger zones kaya dapat itapon sa malalayong lugar na talagang kaylayo naman sa kanilang mga trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay.

Ngunit bago pa naganap ang Ondoy na ito’y kayrami nang mga banta ng demolisyon at karahasan sa mga maralita. Noong Oktubre 9, 2009, sa Petsayan, North Fairview, binaril ng shotgun at napatay ang lider ng Samahang Magkakapitbahay sa Pechayan, North Fairview (SAMASAPE) na si Myrna Porcare at ang kanyang anak na Jimyr ng gwardya ng umano’y may-ari ng lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Nitong Nobyembre 17, 2009 naman, dinemolis at winasak ang kabahayan ng mga kapatid na Muslim sa Baclaran at sila ngayon ay pansamantalang umurong sa kanilang Mosque, kung saan 11 katao ang nasugatan. Pagtatayuan daw ng proyektong terminal ng sasakyan ang kanilang lugar. Bala ang isinagot sa maralita upang ang tirahan ng tao’y maging tirahan ng bus. Nariyan din ang bantang demolisyon sa Santolan, Pasig, at sa marami pang lugar sa Kamaynilaan, na ang balak ay itapon sa malalayong lugar, tulad ng sa masukal na Calauan, Laguna, imbes na sa relokasyong malapit sa ikinabubuhay ng mga maralita. Ganito na ba talaga kainutil ang gobyerno? O ito’y dahil sa kanilang maling pagtingin na ang problema agad ng maralita ay bahay, imbes na ikinabubuhay? Nais ng pamahalaang mawala na ang mga maralita sa danger zone upang ilipat sa death zone! Hindi papayag sa ganito ang mga maralita!

Hindi daga ang mga maralita na basta na lamang tatanggalan ng tahanan. Kami’y tao. Subukan kaya nating tanggalan din ng tahanan ang mga nasa MalacaƱang para maunawaan nila kung bakit ipinaglalaban nating maralita ang ating munting tahanan, kahit ito man ay barung-barong.

Karapatan ng bawat tao, maging siya man ay maralita, ang sapat at maayos na paninirahan. Ang bahay ay di dapat gawing negosyo, bagkus ito’y serbisyo sa tao. Ang pagkakaroon ng sapat na matitirahan na matatawag naming tahanan ay katumbas ng aming dignidad. Tanggalan mo kami ng tahanan ay tinanggalan mo kami ng dignidad na mabuhay bilang tao. Dapat magpakatao at makipagkapwa-tao ang sinuman, lalo na ang mga lingkod-bayan na nasa pamahalaan, at huwag daanin sa dahas ang mga maralita. Kaya kami’y nananawagan:

Itigil ang pandarahas sa mga maralita!

Trabaho, kabuhayan, hindi demolisyon!

Ligtas, abot-kaya, at madaling puntahang pabahay na malapit sa aming trabaho, at kasiguruhan sa pabahay para sa lahat!

Maayos, ligtas na paninirahan, sapat na serbisyo, trabaho at kabuhayan, hindi noodles, hindi bala!

Katarungan sa lahat ng maralita!

KPML - ZOTO
NOBYEMBRE 23, 2009

Walang komento: