Martes, Nobyembre 24, 2009

ps - Peñaflorida at Mababang Edukasyon

I-justify nang BuoPRESS STATEMENT
Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Tagapangulo
Nobyembre 24, 2009

PUSHCART CLASSROOM NI PEÑAFLORIDA
AT ANG MABABANG ANTAS NG EDUKASYON SA BANSA

Isa kami sa mga nagagalak sa pagkakapili kay Efren Peñaflorida bilang CNN Hero of the Year, isang pandaigdigang karangalan para sa mga tulad naming maralita. Ngunit di nakakagalak na kaya siya nanalo ay dahil hindi magawa ng pamahalaan mismo ang kanyang tungkuling pagbibigay ng libre at de-kalidad na edukasyon sa buong bansa. Palatandaan ang ginagawang inisyatiba ni Peñaflorida sa kababaan ng antas ng edukasyon sa bansa. Kaya ang kanyang pagkakapanalo’y nagpapakita lamang, hindi ng kasipagan at kasigasigan ni Peñaflorida, kundi ng mga kakulangan mismo at kamahalan ng presyo ng edukasyon sa bansa..

Pangarap ng mahihirap na magulang na mapag-aral at mapagtapos nila ang kanilang mga anak dahil naniniwala silang nasa edukasyon ang pagkakamit ng tagumpay ng kanilang mga supling. Ngunit kakaunti lang ang mga pampublikong paaralan kaya nagsisiksikan ang mga estudyante rito. Sa kabuuang 309 paaralan sa NCR, 276 ang pribado habang 33 lamang ang pampubliko. Sa Region IVA, kung saan naroon ang pinanggalingang Cavite ni Peñaflorida, sa kabuuang 274 paaralan, 203 ang pribado habang 71 lamang ang pampubliko. Dagdag pa rito, ang mismong badyet ng edukasyon ay bumaba. Ayon sa E-Net Philippines, 11.8% na lang ng badyet ang napunta sa edukasyon mula sa 12.74% (2006), 12.19% (2007) at 11.9% (2008). Idinagdag pa ng E-Net na kinakailangan ng dagdag na P6B para sa mungkahing 2010 badyet ng DepEd. Napakalaki rin ng bilang ng mga out-of-school youth (OSY) sa bansa. Noong 2004, sila’y nasa 5.8 milyon. Maraming mga OSY dulot sa kahirapan.

Maraming gustong mag-aral ngunit edukasyon ay mahal. Maraming mahihirap na gustong maging doktor ngunit pag-aaral ng medisina ay napakagastos. Maraming nais maging inhinyero at abogado ngunit presyong pangmayaman lang ang edukasyon. Nagkakasya na lang ang maralita na makatapos ng elementarya o hayskul dahil sa kahirapan. Imbes na ang edukasyon ay serbisyo, ito’y negosyo na. imbes na ang paaralan ay isang insitusyon para matupad ang mga pangarap ng kabataan, hinahadlangan sila ng mahal na presyo ng edukasyong nais nilang matapos sa kolehiyo. Kailangan pang gumapang sa hirap ng mga magulang ng kabataan para makakuha lang ang mga ito ng sapat na edukasyon. Taun-taon pang tumataas ang matrikula o presyo ng edukasyon.

Kaya imbes na tayo’y magalak lamang sa pagkakapanalo ni Peñaflorida, mas dapat nating tingnan ang suliranin ng ating edukasyon at ang mismong lipunan. Dapat magkaisa ang mga maralita at pag-usapan ang edukasyon ng mga kabataan na siyang pag-asa ng bayan. Maraming naloloko at pinagsasamantalahang maralita dahil di nakapag-aral o di natutong magbasa at sumulat. Sa lipunan natin ngayon, mas inuuna ng mga kapitalistang edukador ang tubo imbes na ang kalidad ng edukasyon. Patunay ang taunang tuition fee increase.

Ayon naman sa ulat sa pahayagang TODAY, Pebrero 17, 2005, ("8 out of 10 Filipinos are functionally literate" ni D. Pepito) ang literacy rate (o kaalaman sa pagbabasa at pagsusulat) ay tumaas mula 72% tungo sa 90% sa nakaraang 90% taon. Ayon sa 2005 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey na inihanda ng National Statistics Office (NSO), 48.4 million o 84% ng tinatayang 57.6 milyong Pilipino na nasa edad 10 hanggang 64 taong gulang ay "functionally" literate. Ngunit sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, Setyembre 23, 2009, ("Reform Educators Complain: DepEd Budget Share Down) 15 milyon ang illiterate sa Pilipinas. Habang sa maliit na bansang Cuba, ang literacy rate ay 97% na.

Nagpapasalamat ang mga maralitang lungsod kay Peñaflorida na sa kanyang pagkakapanalo’y nabuksan ang kahiya-hiyang kapalaran ng edukasyon sa ating bansa. Nawa’y magsilbi itong aral sa lahat sa atin na di tayo dapat nang umasa sa gobyerno dahil ang iniisip lang ng pamunuan ay ang kani-kanilang mga sarili, at mas inuuna pang bayaran ang mga ilehitimong utang at depensang militar ng bansa kaysa ilaan sa edukasyon at totoong serbisyo sa mamamayan ang taunang badyet ng pamahalaan.

Panahon na para mapalitan ang mga trapong nakaupo sa gobyerno. At tiyaking ang mga mamumuno sa susunod ay mga taong may malasakit sa ating mga kababayan, hindi para sa pag-unlad lang ng piling iilan, kundi ng buong mamamayan.

Walang komento: