Huwebes, Hulyo 8, 2010

Maralita: Boss ba ni P-Noy?

MARALITA: BOSS BA NI P-NOY?

Mistulang paglalantad ng mga kasalanan ng naghaharing uri ang esensya ng inaugural speech ni Pangulong Noynoy (P-Noy). Makabagbag-damdamin, parang nabunutan ng tinik ang masang Pilipino. Touching, nakaka-emote!

“Saan ba nakasulat na kailangang puro pagtitiis ang tadhana ng Pilipino?” “Kayo ba ay sawang-sawa na sa pamahalaang sa halip na magsilbi sa taumbayan ay kailangan pa nila itong pagpasensiyahan at tiisin? Ako rin.”

Lalong hirap kaysa kay P-Noy ang maralitang Pilipino. Matagal nang nagpapasensya ang mga maralita sa pang-aaping dinaranas nila. Wala na ngang makain ay idedemolis pa ang tahanan. Mababa na nga ang sahod, gigipitin pa ng mataas na presyo ng mga bilihin.

Tirahan sa loob ng mga ligtas na komunidad”

Laganap ang banta ng demolisyon sa mga komunidad ng maralita. Kadalasan pang natutuloy ang demolisyon nang walang maayos na konsultasyon at walang relokasyong may maayos na serbisyong panlipunan. At kung magkaroon man ng tirahan, ito’y di naman abot-kaya ng maralita. Ngunit hindi lamang tirahan ang problema ng maralita, kundi mas higit ang problema ng kahirapan.

“Emergency employment” sa mga walang trabaho at trading post para sa mga magsasaka. Isa itong pag-amin sa malalim na krisis ng kabuhayan ng mamamayan, sanhi ng bulok at baluktot na sistema ng ekonomya at paggogobyerno sa ating bayan. Emergency employment na tila kontraktwalisasyon ang panawagan, imbes na regularisasyon ng mga manggagawa.

“Kayo ang boss ko, kaya’t hindi maaaring hindi ako makinig sa mga utos ninyo.”

Kung BOSS ni P-Noy ang maralita, nararapat siyang makinig sa mga ninanais ng maralita. Kaya kagyat at ipatupad niya ang mga sumusunod:
1. Itigil ang lahat ng kampanyang demolisyon laban sa maralita.
2. Baguhin ang lahat ng di-makamaralitang patakaran, programa at proyektong pabahay at palupa
3. Moratoryum sa lahat ng bayarin sa lahat ng proyektong pabahay ng gobyerno sa maralita
4. Ibasura ang iskemang “inter-agency” sa usapin ng maralita na apektado sa lahat ng proyektong imprastruktura
5. Ipatupad ang maayos, ligtas at abot-kayang pabahay para sa maralita

“Tayo na sa tuwid na landas.”

Wala nang naghihirap na mamamayan ang tuwid na landas na dapat tahakin ng lahat. Ngunit magaganap nga ba ito o mananatiling pangako sa maralita? Tulad ng mga trapong matatamis magsalita at mangako, huwag tayong maduling sa mga binigkas ni P-Noy. Mas tamang kumilos tayo at hamunin si P-Noy na gawin ang kanyang mga sinabi at hindi lamang ito hanggang salita.


KPML-ZOTO
Hulyo 8, 2010

Walang komento: