PAGBABAGO O PAMBOBOLA?
Boss nga ba ni P-Noy ang maralita?
Boss nga ba ni P-Noy ang maralita?
Matutunghayan ng taumbayan ang unang state-of-the-nation-address ni Pangulong Benigno Aquino III sa bulwagan ng Kongreso sa Hulyo 26, 2010. Ano ang esensya ng kanyang unang SONA sa mga maralitang tulad natin? Pagbabago nga ba o pambobola ang kanyang mga katagang "Kayo ang Boss ko!", "Kayo ang aking lakas", "Lalaktawan natin ang gitna (o mga agencies)”, "Tayo na sa tuwid na landas", at iba pang matatamis na salita?
Sipatin natin sa kanyang SONA kung totoong BOSS nga ba ni P-Noy ang taumbayan, lalo na ang maralita, kung may pangako siya, plano at programang ipatutupad hinggil sa kalagayan ng maralita:
1. Ipagbawal ang pwersahan at marahas na demolisyon, padlocking at ebiksyon sa mga maralita ng lunsod
2. Moratoryum sa demolisyon at bayarin
3. Re-oryentasyon sa mga programa, proyekto at mga patakaran hinggil sa pabahay ng maralita
4. Ipawalang-bisa ang mga batas at patakaran na kontra-maralita
5. Parusahan ang sinumang tauhan ng gobyerno na napatunayang sangkot sa paglabag sa karapatang pantao ng mga maralita
6. Isabatas ang Magna Carta of the Urban Poor
7. Buwagin ang mga ahensyang walang silbi sa kapakanan ng maralita
8. Irebisa ang mga imprastrakturang proyektong nakakaapekto sa maralita
9. Garantiyahan ang social cost, di lang ang project cost, sa lahat ng proyektong apektado ang maralita
10. Integrado, komprehensibo at tuloy-tuloy na programang pangmasa at sosyalisadong pabahay
11. Lagislated at sapat na pondong panustos sa mga programa at proyektong pangmasang pabahay ng maralita at mga batayang serbisyo
12. Maglaan ng "endowment fund" para sa mga programang pangkabuhayan at pagsasanay para sa mga maralita
13. Tiyakin ang distribusyon ng murang bilihin at konsumo sa mga komunidad at relokasyon ng mga pamilyang maralita
14. Kilalanin ang karapatan ng maralita sa paglahok sa lahat ng aspeto ng proyekto, programa at batas na nakakaapekto sa maralita
15. Pagtitiyak ng trabahong regular, at hindi kontraktwal, sa mga maralita
Kung maisasagawa ang mga ito, tumatahak tayong maralita sa tuwid na landas na sinasabi ni P-Noy. Alam nating hindi simple, kundi daraan ito sa maraming proseso. Ngunit ang pagkilala rito ni P-Noy at pagsasagawa ng plano at programa hanggang pagpapatupad ng mga ito ay malaking bagay na para sa ating mga maralita.
Gayunman, mas tamang kumilos tayo at hamunin si P-Noy na gawin ang mga nararapat para sa ating maralita, pagkat sabi nga niya, “Kayo ang boss ko, kaya’t hindi maaaring hindi ako makinig sa mga utos ninyo.” Kung hindi, ang pagbabagong sinasabi niya ay pambobola lang pala.
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG
MGA MARALITA NG LUNSOD (KPML)
ZONE ONE TONDO ORGANIZATION (ZOTO)
MGA MARALITA NG LUNSOD (KPML)
ZONE ONE TONDO ORGANIZATION (ZOTO)
Hulyo 26, 2010
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento