Linggo, Hulyo 25, 2010

Press Statement sa SONA ni P-Noy

PRESS STATEMENT
Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML)
Mula kay: Ka Pedring Fadrigon, Pambansang Tagapangulo
Hulyo 26, 2010

KAHIT LIMA SA 15-PUNTOS NG MARALITA,
INAABANGAN NG MARALITA SA SONA NI P-NOY

“May masasabi kaya si Pangulong Noynoy Aquino upang maibsan ang aming kahirapan at matigil ang mga banta ng demolisyon sa aming lugar?” Ito ang katanungan ng mga maralitang kasapi ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML), Zone One Tondo Organization (ZOTO) at Piglas-Kabataan (PK) nang sila’y magkatipon-tipon kaninang ika-10 ng umaga sa harap ng tanggapan ng National Housing Authority (NHA), at nagmartsa patungong Kongreso upang pakinggan ang unang state of the nation address ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ano ang esensya ng kanyang unang SONA sa mga maralitang tulad natin? Pagbabago nga ba o pambobola ang kanyang mga katagang "Kayo ang Boss ko!", "Kayo ang aking lakas", "Lalaktawan natin ang gitna (o mga agencies)”, "Tayo na sa tuwid na landas", “Tirahan sa loob ng mga ligtas na komunidad”, at iba pang matatamis na salita? Sisipatin ng mga maralita kung totoong BOSS nga ba ni P-Noy ang taumbayan, lalo na ang maralita, kung may pangako siya, plano at programang ipatutupad hinggil sa kanilang abang kalagayan:

1. Ipagbawal ang pwersahan at marahas na demolisyon, padlocking at ebiksyon sa mga maralita ng lunsod
2. Moratoryum sa demolisyon at bayarin
3. Re-oryentasyon sa mga programa, proyekto at mga patakaran hinggil sa pabahay ng maralita
4. Ipawalang-bisa ang mga batas at patakaran na kontra-maralita
5. Parusahan ang sinumang tauhan ng gobyerno na napatunayang sangkot sa paglabag sa karapatang pantao ng mga maralita
6. Isabatas ang Magna Carta of the Urban Poor
7. Buwagin ang mga ahensyang walang silbi sa kapakanan ng maralita
8. Irebisa ang mga imprastrakturang proyektong nakakaapekto sa maralita
9. Garantiyahan ang social cost, di lang ang project cost, sa lahat ng proyektong apektado ang maralita
10. Integrado, komprehensibo at tuloy-tuloy na programang pangmasa at sosyalisadong pabahay
11. Legislated at sapat na pondong panustos sa mga programa at proyektong pangmasang pabahay ng maralita at mga batayang serbisyo
12. Maglaan ng "endowment fund" para sa mga programang pangkabuhayan at pagsasanay para sa mga maralita
13. Tiyakin ang distribusyon ng murang bilihin at konsumo sa mga komunidad at relokasyon ng mga pamilyang maralita
14. Kilalanin ang karapatan ng maralita sa paglahok sa lahat ng aspeto ng proyekto, programa at batas na nakakaapekto sa maralita
15. Pagtitiyak ng trabahong regular, at hindi kontraktwal, sa mga maralita

Umaasa ang mga maralita na lima sa mga ito o higit pa ay maisakatuparan ni Pangulong Aquino sa kanyang panunungkulan, at umaasa ang maralitang makakapulong nila si P-Noy hinggil sa “15-Puntos ng Maralita”.

Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring makipag-ugnayan sa KPML sa telepono blg. 2859957

Walang komento: