Sabado, Agosto 14, 2010

polyeto hinggil sa isyu ng New Manila

Itigil ang pagwasak nila sa ating kinabukasan!
Labanan ang demolisyon!

Dignidad at Pagkatao. Ito ang katumbas ng ating tahanan, ng ating paninirahan ng matagal na panahon sa lugar na ating kinamulatan at kinalakhan. Nang isinilang tayo'y may karapatan na ang bawat isa sa ating magkaroon ng tahanan upang mabuhay tayo't kilalanin bilang taong may dignidad. Kaya pag tinanggalan tayo ng tahanan ay nagagalit tayo dahil tinatanggalan tayo ng dignidad at ng ating pagkatao.

Ganito ang ginagawa sa atin ng mga mangangamkam ng lupang kinatitirikan ng ating tahanan. Tayong mga maralitang hindi dapat iskwater sa sariling bayan. Tayong mga Pilipinong may dangal ngunit pilit niyuyurakan ng mga mangangamkam ng lupa.

Anim na dekada nang naninirahan dito ang ating mga ninuno, lolo, lola, nanay, tatay. Dito na tayo sa Barangay Mariana sa New Manila, Quezon City isinilang, lumaki, natuto, nakapagpamilya, nagkaanak, nagkaapo.

Noong Agosto 11, 2010 nag-umpisa ang demolisyon. Nakikipag-negosasyon pa ang maralita sa pamamagitan nina dating bise-presidente Teofisto Guingona at Sandy Bengala, pangulo ng Bukluran ng Sais at Siete Neighborhood Association (BSSNA) dito sa Brgy. Mariana na may kasapiang humigit-kumulang 150 pamilya, at nakabarikada naman ang mga maralita sa 7th St., corner Broadway St., sa Brgy. Mariana, Quezon City nang biglang pumasok ang mga naka-truncheon na pulis sa hanay ng maralita. Dinepensahan ng mga maralita ang kanilang barikada, habang umabante naman ang mga pulis. Nasa likod ang mga demolition team na pawang naka-t-shirt ng green na may tatak na RTC. Bagamat matindi ang pagdepensa at pagkakapit-bisig ng mga maralita, biglang pumasok sa gitna ang 2 SWAT members na nakatutok ang kanilang mga armalite sa mga tao.

Ganito rin ang naganap noong Agosto 12. Nanguna ang dapat sana'y peacekeeping lamang na mga pulis sa pagdurog sa barikada. Nakatutok ang mga baril sa mga residente habang nagpapaputok ng mga armalite sa ere.

Kailangan pa nilang tutukan tayo ng mga mahahabang baril para itaboy tayong parang hayop sa lansangan. Kasalanan ba nating maging mahirap? Krimen na ba ang maging biktima ng kahirapan? Tayo'y karaniwang mamamayan, hindi mga kriminal!

Agosto 13 ang iskedyul ng hearing sa RTC ngunit di natuloy dahil di dumalo ang abogado ni Felino Neri, ang umano'y nais mangamkam ng lupa ng mga residente. Sinabi pa ng sheriff sa telebisyon nitong Biyernes na patuloy silang magdedemolis kinabukasan gayong nasasaad sa batas, sa Seksyon 28 ng Republic Act 7279 (Urban Development and Housing Act, Lina Law) na bawal magdemolis ng Sabado, Linggo, pista opisyal at kung masama ang panahon.

Mga kapwa maralita, magpatuloy tayong magkaisa at manindigan! Nasa pagkakaisa ang ating lakas! Ipagtanggol natin ang ating mga tahanan, ang ating dignidad at pagkatao! Huwag nating hayaang itaboy nila tayong parang mga hayop na walang tahanan!

Huwag nating payagang patuloy nilang yurakan ang ating dignidad at pagkatao! Ipagtanggol ang ating karapatan!

Itigil ang pagwasak nila sa ating kinabukasan!
Labanan ang demolisyon!

Bukluran ng Sais at Siete Neighborhood Association
SANLAKAS – Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML) – Partido Lakas ng Masa - QC (PLM-QC) – Alyansa ng Maralita sa Quezon City (ALMA-QC)


Agosto 14, 2010


2 komento:

Unknown ayon kay ...

Nais ko ring iparating ang isyu sa Luzon Avenue, Culiat Quezon City.
Kasabay ng demolisyon sa New Manila ang Luzon Avenue. Napilitang umukupa ang mga tao ng bakanteng lote dahil walang relokasyon ang pamahalaang lungsod quezon sa proyekto ng C5. Nasa 100 pamilya ang nangangamba ng demolisyon

Gil Munar

Unknown ayon kay ...

Nais kong ipaabot ang nakaambang demolition sa Luzon Avenue Culiat, Quezon City, Kasabay ng New Manila ay ganon din sa Culiat sa Luzon. Napilitang umukupa ang mga residente ng bakanteng lote dahil walang relocation na ibinibigay ng Lungsod Quezon sa mga apektado ng C5