Demolisyon sa Brgy. Mariana, New Manila. Demolisyon sa Sitio San Roque, North Triangle. Demolisyon sa Santolan, Pasig. Sinunog ang Navotas, at ayaw pabalikin sa erya ang mga maralita dahil daw sa proyektong dike. Pulos maralita ang tinamaan. Pulos maralita ang binira. Inuubos na ang maralita sa kalunsuran. Sino pa ang susunod?
Mga kapwa maralita, tayo man ay dukha, salat sa yaman, at patuloy na nabubuhay sa kahirapan, hindi dapat tayo ituring na parang hayop na basta na lamang pinalalayas sa ating mga tirahan at lupang kinagisnan, para manirahan sa bundok na malayo sa ating mga trabaho. Bakit ba ang laging tingin ng gobyerno sa maralita ay bahay ang problema, at ang lagi nilang solusyon ay bahay na hindi kasama ang trabaho. Ang pangunahing problema nating mga maralita ay ang ilalaman sa tiyan, at hindi bahay. Dahil kung may sapat tayong trabaho na makabubuhay sa pamilya, tulad ng isang maayos na social wage para sa lahat ng nagtatrabaho, tiyak na kaya nating magtayo ng ating bahay na malapit sa ating mga trabaho.
Ang problema sa gobyerno, ang solusyon nilang pabahay ay pawang displacement sa ating kabuhayan. Tinatanggal nga tayo sa "danger zone" para ilipat naman sa "death zone". Death zone na mga relokasyon dahil inilayo tayo sa ating pinagkukunan ng ikinabubuhay. Inilalayo tayo sa pinagkukunan natin ng ating ilalaman sa tiyan ng ating pamilya.
Inilalayo tayo dahil tayo raw ay mga eyesore, mga basura sa kanilang paningin, mga taong walang karapatang mabuhay sa mundong ito, mga hampaslupang pataygutom. Ganito tayo tinatrato ng kapitalistang sistemang ito. Ganito tayo tinatrato ng gobyernong ito na pinamumugaran ng mga ganid na kapitalista't elitista sa ating bayan.
Matagal na tayong lumalaban para sa ating karapatang mabuhay! Matagal na tayong lumalaban ngunit di nagkakaisa ang ating tinig, dahil karamihan sa atin, para sa kakarampot na barya, ay nagpapagamit sa mga pulitikong mayayaman. Gayong sila ang isa sa dahilan ng ating karalitaan.
Mga kapwa maralita, di dapat iskwater sa sariling bayan tayong mga mahihirap. Halina't salubungin natin ang ika-100 araw ni P-Noy ng malawakang rally upang ipamalas sa kanya na hindi tayo bulag, pipi at bingi sa mga problema ng bansa. Hindi tayo hanggang reklamo lang. Hindi tayo busabos na dapat nilang api-apihin at yurakan ng dangal.
Tandaan nating hinimok ni P-Noy ang taumbayan sa kanyang SONA na tutukan ang mga halal na opisyal ng gobyerno at humakbang mula sa pakikialam tungo sa pakikilahok at pakikibahagi sa solusyon. Kaya’t sa Oktubre 8, makilahok tayong lahat. Ihahatid natin sa pintuan ng MalacaƱang ang mga kongretong panukala para sa ating kapwa maralita:
1. Makataong Pabahay bilang Batayang Karapatan. Itigil ang Demolisyon hangga’t Walang Makatao at Ligtas na Relokasyon! (Magpatayo ng Medium at High Rise Condo bilang Permanenteng Relokasyon). Serbisyong Pabahay, Hindi Negosyo!
2. Trabahong Regular, hindi kontraktwal at tanggalan! Isabatas ang kriminalisasyon laban sa Labor-Only Contracting!
3. Subsidyo ng gobyerno sa pagkain, pabahay, kuryente, tubig, pangkalusugan at edukasyon!
4. Maglaan ng pondo para sa pabahay na hindi utang bilang reparation (danyos perwisyos) para sa climate debt ng mayayamang bansa!
5. Isama sa project cost ang social cost!
Maralita, magkaisa! Ipaglaban natin ang hustisya at ang ating dangal! Panahon na upang magkaisa tayong durugin ang mga mapagsamantala!
LABANAN ANG ANTI-MARALITA, MAKAKAPITALISTANG PATAKARAN SA PABAHAY NG PAMAHALAAN!
KPML – ZOTO – PIGLAS-KABATAAN
Oktubre 8, 2010
Oktubre 8, 2010
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento