Kasapi ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) Urban Poor Sector ang KPML. Nagsagawa ng pagkilos ang PMCJ sa Mendiola, Oktubre 12, 2010 ng umaga, kaugnay ng Global Day of Action for Climate Justice, na may 150 kataong dumalo. Ang sumusunod ang ipinamahaging polyeto sa nasabing rali:
HUSTISYA SA KLIMA, NGAYON NA!
KALAMIDAD, HUWAG ISISI SA MARALITA!
PAGBAYARIN ANG MAYAYAMANG BANSA!
Nagbabago na ang panahon. Ang dating tag-araw, nagiging maulan. Habang ang panahon ng tag-ulan ay napakaalinsangan. Global warming daw ito, dahil nag-iinit na ang mundo. Climate Change naman ang isa pang pangalan nito. Naging kapansin-pansin ang pagbabagong ito mula ng Rebolusyong Industriyal sa mga kanluraning bansa.
Dahil sa pagsusunog ng mga fossil fuels ng mayayamang bansa, pagtayo ng maraming gusali at pabrika, na ang dumi ay itinatapon sa hangin, na nakapagdulot ng pagkawasak ng ozone layer ng kalikasan, mas tumindi ang radyason ng araw na nagdulot ng pagkalusaw ng mga iceberg, polar caps at mga ice shelves sa ilang bahagi ng daigdig. Dapat pagbayaran ng mga mayayamang bansa (Annex 1 countries, tulad ng US at mga bansa sa Europa) sa mahihirap na bansa ang kanilang ginawang pagwasak sa kalikasan.
Dito sa ating bansa, mas pinag-usapan ang climate change matapos ang nangyaring kalamidad ng Ondoy noong 2009. Maralita daw ang dahilan ng Ondoy, kaya dapat idemolis ang kanilang mga bahay at tanggalin sila para ilipat sa malalayong lugar na malayo sa kanilang pinagkukunan ng ikabubuhay, gutom ang inaabot sa pinagtapunan sa kanila. Malaki daw ang kontribusyon ng maralita sa pagbabago ng klima, tulad ng nangyari sa Ondoy, kung saan mayor na tinamaan ay ang mga komunidad ng maralita, lalo na sa tabing ilog, tulad ng kaso ng mga maralita sa Santolan, Pasig, sa Lupang Arenda, Taytay, Rizal, sa San Mateo, sa Marikina, at marami pang lugar.
Maraming maralita mula sa Pasig, Marikina at Rizal ang ipinatapon sa relokasyon sa Calauan, Laguna, gayong dito rin ay nagbabaha sa kaunting patak ng ulan. Tinanggal na ang proteksyon ng batas sa Lupang Arenda nang ni-repeal ang PP 704 na nagsasaad na ang Lupang Arenda ay relokasyon ng mga maralita. Sa maraming problema, laging maralita ang nasisisi.
Nakakita ng butas ang gobyerno para matanggal nila ang mga itinuturing nilang eyesore sa mga kalunsuran para itapon sa mga relocation site na gutom naman ang inaabot ng maralita. Dukha na nga, lalo pang kinakawawa dahil sa mga maling desisyon ng pamahalaan.
Dahil ang mga maralita ay karaniwang nakatira sa mga lugar na mapanganib tulad ng tabing ilog at ilalim ng tulay, sila ang sinisisi sa pagdumi ng ilog dahil sa pagtatapon ng basura, atbp. Pero tila di nakikita ang mga pabrikang nagtatapon ng kanilang waste material sa mga ilog, tulad ng pagdumi ng ilog Pasig. Bagamat may kaunting ambag ang maralita sa pagdumi ng kalikasan, hindi dapat isisi sa maralita ang climate change dahil ang sigarilyo ng maralita ay di katumbas ng usok ng pabrika ng kapitalista.
ANG AMING PANAWAGAN:
1. Tiyakin ang ligtas at permanenteng tirahan sa maralitang mamamayan, sa pamamagitan ng:
a. Mga adaptation measures, tulad ng pagpapataas ng bahay, paggawa ng dike sa tagiliran ng ilog, onsite at in-city relocation
b. Ilabas ang datos ukol sa 'hazard' ng komunidad
c. Paggawa ng Disaster Disk Reduction (DRR) program sa komunidad
d. Isaayos ang land use
2. Siguraduhin ang partisipasyon ng mga maralita sa paggawa ng polisiya, desisyon, at implementasyon para sa programang pabahay ng pamahalaan
3. Maglaan ng pondo para sa pabahay na hindi utang bilang reparation (danyos perwisyos) para sa climate debt ng mayayamang bansa
4. Pagbibigay prayoridad at pagpapagaan ng kalagayan ng kababaihan, bata, differently abled, at senior citizen sa panahon ng kalamidad
5. Hilingin kay Pangulong Aquino na ipanawagan sa mga kinatawan ng iba't ibang bansa ang ating panawagang CLIMATE JUSTICE sa darating na pulong ng Conference of Parties (COP) 16
6. Singilin at pagbayarin ang mga mayayamang bansa sa kanilang climate debt sa mahihirap na bansa
PHILIPPINE MOVEMENT FOR CLIMATE JUSTICE (PMCJ)
URBAN POOR SECTOR
Oktubre 12, 2010
URBAN POOR SECTOR
Oktubre 12, 2010
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento