Lunes, Oktubre 4, 2010

polyeto hinggil sa 100 days ni P-Noy

MAY KINABUKASAN BA KAY P-NOY
ANG MANGGAGAWA AT MASANG PILIPINO?

“Puwede na muling mangarap. Tayo nang tumungo sa katuparan ng ating mga pinangarap.” Ito ang pangwakas na pangungusap ni P-Noy sa kanyang kauna-unahang SONA, kung saa’y inilahad niya ang ilang suliraning minana sa nakaraang administrasyon at ang mga hakbang na kaniyang gagawin upang lutasin ang mga ito.

Tinawag niyang kasuklam-suklam at krimen ang maluhong kalakaran at pagwawaldas ng bilyun-bilyong pondo ng gobyerno sa mga proyektong may kulay pulitika at hindi ukol sa kapakanan ng taumbayan. Gaya ng pag-angkat ng sobra-sobrang bigas na hinayaang mabulok sa bodega ng NFA, sa kabila ng apat na milyong Pilipino ang hindi kumakain ng tatlong beses sa isang araw.

Magtatapos sa ika-8 ng Oktubre ang kabanata ng unang 100-araw ni P-Noy sa Malacañang, may nasisilip ba tayong pag-asa patungo sa ating mga pinapangarap na pagbabago?

Ipinaalala pa ni P-Noy na ang una sa kaniyang plataporma ay ang paglikha ng mga trabaho at ang pagtugon sa mga serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon, imprastraktura, pangkalusugan, pabahay, kaayusan at kapayapaan at iba pang usapin.

Ano ang kanyang solusyon o programa para dito? Public-Private Partnerships (PPP)!

Sa pamamagitan diumano ng PPP ay lalago ang ekonomya. Aakitin ang mga mamumuhunan sa “maginhawang” pagnenegosyo sa bansa upang lumago ang mga industriya na magluluwal ng trabaho. Sa gayun, makakalikom ang gobyerno ng pondo upang matustusan ang mga serbisyong panlipunan.

Ipinabatid din niya na ngayon ay panahon ng sakripisyo. Sakripisyong puhunan para sa ating kinabukasan. Subalit bakit ang mga batayang konstitusyunal (karapatan sa seguridad sa trabaho at karapatang mag-unyon) ang isasakripisyo para lamang bigyang daan ang pagkakamal ng limpak-limpak na TUBO ng mga kapitalista?

Ang kasagutan ba dito ay makikita natin sa likod ng mga tampok na isyu’t pangyayari kamakailan at ilang kondisyong umiiral, gaya ng mga sumusunod:

Una, ang pahayag ni P-Noy na babala laban sa mga manggagawa ng PAL na nagbabantang mag-aklas upang tutulan ang plano ng management na magtanggal ng 2,600 na empleyado, magbawas ng benepisyo at diskriminasyon sa mga flight attendants.

Ikalawa, ang demolisyon ng komunidad sa New Manila at North Triangle upang ipagamit ang lupa sa mga negosyante, nang walang pagsasaalang-alang sa dislokasyon ng kabuhayan ng libu-libong naninirahan.

Ikatlo, ang pahayag ni Senador Santiago na ibayong paglaganap ng jueteng sa bansa at pagkakasangkot ng pangalan ni DILG U-Sec. Puno at Tony Boy Cojuangco sa operasyon; kamag-anak na nag-ambag ng P100 milyon sa kampanya ni P-Noy sa eleksyon. Wika nga ni Bishop Cruz, dumarami ang mga “Anak ng Jueteng”!

Ikaapat, ang pagbabawas ng budget sa edukasyon at iba pang serbisyo at sa kabilang banda, ang pagpapalaki ng budget sa military at pork barrel ng Malacañang.

Ikalima, ang napaulat na pagtataas ng toll fees sa NLEX at SLEX at pagtaas nang pasahe sa LRT/MRT na ang higit na tatamaan ay ang mga manggagawa at estudyante.

Ikaanim, ang pananahimik ni P-Noy sa isyu ng laganap na kontraktwalisasyon ng trabaho, reporma sa agrikultura, pribatisasyon ng mga naka-mortgage na pabahay at bayarin sa foreign debt.

Kung nanghihinayang si P-Noy sa bilyong pisong winaldas ng administrasyong Arroyo sa halip na pinakinabangan ng taumbayan; ika nga niya’y pera na naging bato pa, uunahin ba niya ang pagbabayad ng mga maanomalyang utang panlabas keysa tustusan ang serbisyong panlipunan?

Kung kukunsintihin ni P-Noy ang mga nabanggit na isyu, saan patungo ang sinasabi niyang matuwid na landas?

Mga kababayan, salubungin natin ang ika-100 araw ni P-Noy ng malawakang rally upang ipamalas sa kanya na hindi tayo bulag, pipi at bingi sa mga problema ng bansa. Hindi tayo hanggang reklamo lang. Ihahatid natin sa pintuan ng Malacañang ang mga kongretong panukala para sa kaunlaran ng mga maliliit na sektor; manggagawa, magsasaka, maralita, informal sectors, pampublikong transportasyon, vendors, guro, estudyante, maliliit na negosyante at iba pa.

Hinimok niya ang taumbayan sa kanyang SONA na tutukan ang mga halal na opisyal ng gobyerno at humakbang mula sa pakikialam tungo sa pakikilahok at pakikibahagi sa solusyon. Kung kaya’t sa Oktubre 8, makilahok tayong lahat. Ihahapag natin kay P-Noy ang mga sumusuod na kahilingan:

1. Makataong Pabahay bilang Batayang Karapatan. Itigil ang Demolisyon hangga’t Walang Makatao at Ligtas na Relokasyon! (Magpatayo ng Medium at High Rise Condo bilang Permanenteng Relokasyon). Serbisyong Pabahay, Hindi Negosyo!

2. Trabahong Regular, hindi kontraktwal at tanggalan! Isabatas ang kriminalisasyon laban sa Labor-Only Contracting!

3. P91.40 wage recovery! Nationwide, across-the-board Wage Increase at no exemptions!

4. Tax Relief (Exemption) sa lahat ng manggagawang sumasahod ng P800.00 pababa bawat araw!

5. Isabatas ang unemployment insurance at mandatory trust fund sa retirement/gratuity at separation pay benefits!

6. Subsidyo ng gobyerno sa pagkain, pabahay, kuryente, tubig, pangkalusugan at edukasyon!

7. Alisin ang Oil Deregulation Law at EPIRA Law!

8. Isabatas ang Magna Carta for Transport Workers!

9. I-repeal ang Automatic Appropriation Law sa debt service!

10. Ipwesto sa sentro ng programa ng pamahalaan ang Decent Work Agenda ng ILO!

Kung hindi pakikinggan ni P-Noy ang mga kahilingang ito, kung tulad ni GMA na haharangan tayo ng mga anti-riot sa Mendiola, sino kung gayun ang tinutukoy niyang “Boss” sa kaniyang inaugural speech? At kung magkagayun, bistado na ang nasa likod ng kanyang panawagan na magsakripisyo para sa kinabukasan ay ang isuko at ihandog ang mga konstitusyunal na karapatan at kalayaan para sa kaginhawaan ng mga pribadong ka-partner ng gobyerno. Kung gayun, nararapat lamang na singilin si P-Noy sa kanayng mga pangako!

Lumalabas, mga Kapitalista, Asendero’t Elitista ang Boss ni P-Noy! Hindi ang Masang Pilipino!

Dumalo at magpadalo sa ika-100 Araw ni P-Noy sa October 8, 2010, 9:00A.M. Martsa mula FEU, Morayta patungong Mendiola.

BMP-SUPER-MELF-ADFW-KPML-PMT
Ika-3 ng Oktubre, 2010

Walang komento: