Miyerkules, Oktubre 19, 2022

Pahayag ng KPML sa Global Dignity Day

PAHAYAG NG KPML SA GLOBAL DIGNITY DAY
O PANDAIGDIGANG ARAW NG DIGNIDAD
Oktubre 19, 2022

DIGNIDAD NG ATING KAPWA AY PAHALAGAHAN!
DIGNITY OF LIFE AT DIGNITY OF LABOR, PAHALAGAHAN!
SALOT NA KONTRAKTWALISASYON, WAKASAN!
DUE PROCESS AY IGALANG! STOP THE KILLINGS!
HUSTISYA SA MGA INAPI'T PINAGSASAMANTALAHAN!
ITAYO ANG LIPUNANG MAY PAGGALANG SA DIGNIDAD!

Tuwing ikatlong Miyerkules ng Oktubre ay inaalala sa mahigit 80 bansa ang Global Dignity Day mula pa noong 2008. Ngayong 2022, ito'y pumapatak ng Oktubre 19. Ito'y isang pagdiriwang ng pagkakaisa sa paniniwalang ang bawat isa ay karapat-dapat na mamuhay ng marangal. 

Batay sa pananaliksik, "Ang Global Dignity Day ay isang inisyatiba upang turuan at bigyang-inspirasyon ang mga kabataan at tulungan silang maunawaan ang kanilang pagpapahalaga sa sarili at mga layunin. Sa Pandaigdigang Araw ng Dignidad, ang mga tagapagsalita ay pumupunta sa mga paaralan at sinasabi sa mga mag-aaral ang tungkol sa kanilang sariling buhay at mga karanasan nang may dignidad at lahat ng kailangan: paggalang sa sarili, ambisyon, pagsusumikap, isang pakiramdam ng tagumpay. Ang mga nagsasalita ay maaaring maging anumang nasyonalidad at anumang propesyon, mula sa mga tubero hanggang sa CEO hanggang sa mga sundalo hanggang sa mga manggagawa sa pabrika." [malayang salin ng KPML)

Ano nga ba ang dignidad? Tingnan natin ang nakasulat Sa Preambulo ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR): "All human beings are born free and equal in dignity and rights. They are endowed with reason and conscience and should act towards one another in a spirit of brotherhood." [Lahat ng tao ay isinilang na malaya at may pagkakapantay sa dignidad at karapatan. Pinagkalooban sila ng katwiran at budhi at dapat makitungo sa kanilang kapwa sa diwa ng pagkakapatiran. - malayang salin ng KPML]  

Ang dignidad ng tao, samakatuwid, ay likas, positibo, at nagtataguyod ng isang pakiramdam ng kaganapan at kasiyahan, na nagpapatibay sa pagkatao. Halimbawa, noong panahon ng lipunang alipin, ang pagiging alipin ay kabaligtaran ng dignidad dahil ang mga tao ay hindi itinuturing na karapat-dapat, hindi itinuturing na kapwa tao, kundi isang bagay, na pag nais patayin ng panginoong may-alipin ang alipin ay nagagawa at pinapayagan noong panahong iyon.

Sa ating bansa, maraming pagpaslang ang naganap sa panahon ng War on Drugs kung saan ang due process ay hindi na iginalang, kaya maraming ina ang hanggang ngayon ay lumuluha at naghahanap ng hustisya para sa kanilang anak. Ayon sa ulat ng Rappler noong Setyembre 2020, nasa 7,884 drug suspects ang napatay ng pulisya mula nang maupo si Duterte sa pwesto hanggang Agosto 31, 2020. Ayon sa datos ng gobyerno, 6,229 katao ang napatay sa mga operasyon kontra droga ng pulisya mula Hulyo 1, 2016, hanggang Enero 31, 2022. Hindi kasama sa bilang na ito ang mga biktima ng vigilante-style killings, na tinatantya ng mga human rights group na nasa pagitan ng 27,000 at 30,000. Nasaan ang dignidad ng tao kung walang due process? Kung may pagkakasala, hulihin at panagutin, hindi dapat basta paslangin!

Sa usapin ng Dignity of Labor, napakaraming manggagawa sa Pilipinas ang kontraktwal, kung saan marami ang regular sa manpower agencies ngunit hindi sa prinsipal na employer. Pinaikutan ng mga kapitalista ang batas. Ayon kay Atty. Luke Espiritu, pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, ang mga manpower agencies ay mga linta o parasite na wala namang ambag sa produksyon subalit kumukubra ng malaki sa kapitalista. Kawawa ang mga manggagawa! Nasaan ang dignidad ng manggagawa kung patuloy na pinaiiral ang salot na kontraktwalisasyon? Dapat nang buwagin ang mga lintang manpower agencies!

Sa mga maralitang nais tanggalan ng tirahan dahil may nakabili na ng lupang kinatitirikan ng kanilang bahay, dapat magkaroon ng maayos na relokasyon o paglilipatan sa kanila, kung saan ang relokasyon ay may maayos at sapat na serbisyong panlipunan, tulad ng tubig at kuryente, at hindi sila basta itaboy na parang daga.

Para sa KPML, dapat lang umiral ang isang lipunang makatao na wala nang pagsasamantala ng tao sa tao, at iginagalang ang dignidad ng bawat tao!

Pahalagahan natin ang dignidad ng kapwa tao! 
Panagutin ang mga maysala sa mga pagpaslang!
Manpower agencies, buwagin! Kontraktwalisasyon, wakasan!
Paggalang sa karapatang pantao at pag-iral ng hustisyang panlipunan ay katumbas ng ating dignidad!

Pinaghalawan:
https://globaldignity.org/global-dignity-day/
https://www.daysoftheyear.com/days/global-dignity-day/
https://humanrightsmeasurement.org/extrajudicial-killings-in-the-philippines/
https://idpc.net/alerts/2022/04/philippines-lack-of-accountability-paves-way-for-more-killings-in-duterte-drug-war-amnesty-international
https://www.ilo.org/washington/dignity-at-work/lang--en/index.htm
https://en.wikipedia.org/wiki/Dignity_of_labour

Walang komento: